Pilipinas
~ Septyembre 10, 1943~
“Ano sa tingin mo ang kinalaman ng mga pag-aaral na ito upang patuloy na habulin ng William Research Institute ang iyong pamilya?”
Ang katanungang iyon ni Mary ang siyang mas lalong nagpatigil kay Tobias na ngayon ay inisip ang maaring maging dahilan ng lahat-lahat. Kung bakit ba patuloy silang hinahabol ng William Research Institute. At ang napakalaking posibilidad na may kinalaman ang pag-aaral ng kaniyang ama sa totoong pakay ng institusyon.
“Pupuntahan namin ang itinuturo ng mapa,” saad ngayon ni Mary na kinuha mula sa kaniyang bulsa ang mapa. “Nasa iyo ang desisyon kung nais mong sumama ngunit isa lang ang hindi mo magagawa at mapagdidesisyunan Doktor Aegeus. At yaon ay ang pagpunta naming lima sa lugar na iyon.”
Matapos na masabi ni Mary ang lahat-lahat ng kaniyang nais sabihin kay Tobias ay nagpasya na itong tumalikod mula kay Tobias. Ngunit natigilan ito nang hawakan ni Tobias ang kaniyang pulso na siya niya ngang agad na pwersahang inalis nang dahil sa gulat.
“P—patawad,” agarang saad ni Tobias na siyang nanlaki ang mata sa gulat sa madaliang pag-alis ni Mary sa hawak nito. “N—nais ko lamang sanang tanungin kung anong pakay niyo sa mga gamit ng aking ama at ano ang kinalaman niyo sa William Research Institute?”
Ngunit hindi nga sumagot si Mary bagkus ay nagmadali itong umalis sa harapan ni Tobias papunta sa pababang hagdan.
“Pagpasensyahan mo na ang ate Mary,” saad ngayon ni Helda na tila sanay nang masaksihan ang inasal ni Mary kanina. “Ganoon talaga siya minsan, sensitibo siya sa tuwing hinahawakan siya basta-basta.”
At dahilan ang paliwanag ni Helda upang unti-unting mapatango si Tobias sabay kamot ng likurang bahagi ng kaniyang leeg.
“Sa iyong katanungan ay si Kuya Emmanuel na ang siyang magpapaliwanag sa iyo lahat-lahat kaya’t sumabay ka na lamang sa akin sa pagbaba dahil sigurado ako nasa kusina silang lahat ngayon,” saad ni Helda na siyang naglakad na at nilagpasan si Tobias na kalaunan ay nagpasyang sundan din lang ang dalaga.
_______________________
“Nais kong malaman kung sino ba talaga kayo at kung ano ang pakay niyo sa akin?” diretsahang tanong ni Tobias sa lima na siyang nakaupo ngayon sa hapagkainan habang naglalaro ng braha.
“Alam mo bang bumalasa?” sagot ni Emmanuel na agad na nagpakunot sa noo ni Tobias nang dahil sa pag-iiba nito sa usapan. “Huwag kang mag-alala, matapos mong balasahin ay sasabihin na namin sa iyo lahat-lahat ng impormasyong nais mong malaman.”
At sa pagsambit na pagsambit sa kaniya ni Emmanuel non ay sabay nitong iniabot kay Tobias ang mga braha na noong una ay nag-alangan pa siyang tanggapin ito ngunit nang tanguan siya ni Helda ay kinuha na nga niya ito at tuluyang binalasa.
“Kami ay grupo ng mga manggagamot na nabuo sa Estados Unidos,” panimula ni Emmanuel habang nakatuon ang atensyon nito sa brahang binabalasa ni Tobias. “Iisa lamang ang aming mga hangarin kaya’t tinawag namin ang grupo na Telos na sa wikang Griyego ay nangangahulugang end goal. At ang hangaring iyon ay ang mapatumba at mapabagsak ang William Research Institute.”
“At bakit niyo ninanais na mapatumba ang institusyon?” nagtatakang tanong ni Tobias na natapos na sa pagbabalasa ng braha at kasalukuyang binibigyan na ng braha ang lima na siyang maglalaro ng Tonk (a matching card game).
“Iisa man ang aming mga hangarin ay magkakaiba naman kami ng rason kung bakit namin gustong paghigantihan si Doktor Willson,” sagot ni Bernard sa kaniya na kasalukuyang mabusising tinitignan na ngayon isa-isa ang kaniyang mga braha.
“At ang rason na iyon ay amin-amin na lamang,” saad ni Zane na siyang ibinaba na ang apat na KINGS.
“At ang sulat o ang mapa na iniwan ng iyong kuya ang siyang susi upang matupad namin ang hangarin na iyon dahil sa oras na makuha natin ang mga pag-aaral ng iyong ama ay magsisilbing alas natin ito kay Doktor Willson upang mapabagsak siya at ang kaniyang institusyon,” saad ngayon ni Mary na inilapag ang magkakasunod na numero na parehong HEARTS.
“Alam naming gusto mo ring pabagsakin ang institusyon dahil sa ginawa nila sa mga magulang mo at lalong-lalo na sa kuya mo,” saad ngayon ni Emmanuel dahilan upang matigilan si Tobias.
“At alam namin ginoo na hindi lamang kami ang nangangailangan ng tulong dito kundi maging ikaw ay kailangan mo rin ang mga tulong namin upang mabigyan ng sagot ang mga katanungan mo at mabigyan din ng hustisya ang mga nawala sa iyo,” saad ngayon ni Helda na kasalukyang bumubunot ng braha.
“Kaya’t Doktor Aegeus Tobias Kley, magdesisyon ka na kung sasama ka ba sa amin sa pagpunta sa itinuturo ng mapa,” saad ni Bernard na siyang inilapag na ang kaniyang braha sa mesa at diretsong tinignan si Tobias.
“Ano Doktor Kley? Sasama ka ba sa amin?” tanong ni Emmanuel na siyang itinuon ang tingin kay Tobias at pare-pareho nga silang natigilan na lima sa paglalaro at ibinaling ang kanilang mga tingin kay Tobias habang inaantay ang kasagutan nito.
“Ako ang siyang unang makakita sa mga pag-aaral ng aking ama at ako rin ang siyang magtatago ng mga ito at ang siyang magdedesisyon sa gagawin dito,” sagot ni Tobias na siyang dahilan upang magtinginan ngayon ang lima at tinanguan nga sila ni Emmanuel bilang pagsang-ayon sa desisyon ni Tobias.
“Kung gayon ang iyong gusto ay sige hahayaan ka naming magdesisyon sa oras na mahawakan at mabasa mo na ang mga pag-aaral ng iyong ama na siyang kinatatakutan ni Doktor Willson na mabulgar,” sagot ni Emmanuel sa binata na siyang ibinaba na nga ang mga hawak niyang braha at tumayo na mula sa pagkakaupo.
“Bernard, ihanda mo ang dalawang sasakyan at paparoon na tayo sa itinuturo ng mapa.”
_______________________
Ngayon ay parehong nasa labas ng bahay si Manang Selma, Jonas, at Teresita na pare-parehong nag-aalala kay Tobias na maggagabi na hindi pa rin nagagawang makauwi sa San Isidro.
“Manang, paano kung—“
“Jonas, hindi iyong mangyayari, sigurado akong makakauwi ang iyong kuya,” putol ni Manang Selma sa nais na sabihin ni Jonas at halos mawalan nga ito ng balanse nang dahil sa panghihina ng kaniyang tuhod bunga ng pag-aalala niya kay Tobias. Mabuti na lamang at agad siyang naalalayan nila Jonas at Teresita papunta sa malapit na upuan.
“Manang, kung hindi mo darating ang kuya ngayong gabi ay narapat na lamang po na pumunta na tayo sa Muñoz at hanapin siya agad,” suhesyon ngayon ni Jonas na siyang kagat-kagat nga ang kuko ng kaniyang hintuturo nang dahil sa halo-halong takot na nararamdaman niya ngayon.
“T—teka kung totoong nasa kapahamakan ang kuya Tobias ay hindi kayo pwedeng sumunod sa Muñoz ni tiya sapagkat maaaring kayo naman ang isunod ng mga taong dumukot kay Kuya Tobias,” saad ngayon ni Teresita dahila upang walang kurap silang tignan isa-isa ng matanda.
“Susmaryusep, huwag naman sana mangyari ito,” saad ngayon ni Manang Selma na hindi na napigilan ang sariling maluha nang isipin niyang mukhang malaki nga ang posbilidad na nasa kapahamakan ngayon si Tobias at kung gayon ay maging sila ay maaaring nasa kapahamakan din ngayon.