Kabanata 5:
Doon na-realize ni Johnson na hindi talaga panaginip lahat ng nangyayari sa kaniya sa tuwing matutulog siya sa gabi. Kung paano siya nakumbinse? Ang patunay lang naman ay ang namumulang marka ng kamay sa kaniyang mukha. Mestiso pa naman siya kaya alam niyang matagal ‘yon mawala. Walanghiyang babae ‘yon, pwede namang itinulak na lang siya o kaya’y sinikmuraan! Bakit sa maputing mukha pa niya? Ayan tuloy at siguradong pagtatawanan siya ng mga katrabaho niya!
Hindi naman talaga issue sa kaniya ang namumulang pisngi niya, wala siyang pake rito sa totoo lang. Ang bumabagabag lang sa kaniyang damdamin ay ang malambot na labi ng dalagang ninakawan niya ng halik. Isa pa, ngayong kunbinsido na siyang totoo nga ang astral world, naisip niya naman ngayon kung paano siya nakakarating doon?
Pumasok siya sa trabaho na nakatakip ang mukha ng itim na mask. Nagkunwari siyang may ubo at sipon.
“Gano’n na ba kalala iyang ubo mo? Kahapon lang okay ka pa, a?” Nag-aalalang tanong ni Jiji.
“Oo malala ‘to. Makita mo pa lang nguso ko, mahahawa ka na,” sagot niya.
“Hala? Trueness?” gulat na tanong muli ni Jiji.
“Okay lang naman na mahawa ako sa ‘yo, basta ba sabay tayong gagaling, ayiiieee!” malanding ungot ng isa pang bakla.
Bigla siyang kinilabutan. Kadiri!
At dahil nga kunwari may ubo siya, ang pagwawalis at paglilinis ng Salon muna ang pinagawa sa kaniya.
“Ahem, ahem!” kunwaring ubo niya pa.
Napapatingin tuloy sa kaniya ang mga bakla at mukhang nagdududa na. Buti na lang at hindi sila nagtangkang alisin ang mask na suot niya.
Kinagabihan, hindi siya dumiretso sa bahay. Kahit wampipti na lang ang perang nasa bulsa niya’y dumiretso pa siya sa pisonet para lang hagilapin sa google kung anong ibig sabihin ng astral world.
Nang makapasok sa pisonet, umupo kaagad siya sa bakanteng pwesto. Wala siyang pake kung sinong katabi niya, kahit nangangamoy kilikili pa ito. Gusto lang talaga niyang malaman kung ano ba talaga ang nangyayari sa kaniya.
Mula sa search bar ng site na google, itinipa niya ang salitang astral world. Napakaraming resulta ang lumabas. Pero iisa lang ang ibig sabihin.
“The Astral Plane/Realm, also called the astral world, is a plane of existence postulated by classical (particularly neo-Platonic), medieval, oriental, and esoteric philosophies and mystery religions... with many astral planets, teeming with astral beings.”
“Astral projection or astral travel is a term used in esotericism to describe an intentional out-of-body experience (OBE) that assumes the existence of a soul or consciousness called an "astral body" that is separate from the physical body and capable of travelling outside it throughout the universe.”
Medyo naintindihan niya naman ang tungkol sa astral projection. Pero kahit na marami na siyang nakitang ebidensya, parang hindi pa rin siya makapaniwala. Sumali pa siya sa isang group sa f*******: kung saan may mga taong nakakaranas ng “out-of-body-experience”. Puro taga ibang bansa ang mga naroon. Gusto niya sanang magtanong pero pakshet, naubos na ang oras! Kinuha niya ang wallet niya at sinilip ang natitirang pera. Napapikit siya nang mariin. Anong gagawin niya sa isang-daang piso? Paano niya pagkakasyahin ito sa dalawang araw? Bwiset na buhay naman ‘to, o!
Masama ang loob na lumabas si Johnson sa pisonet shop. Kailangan na niyang matulog! Kakausapin niya na lang iyong babaeng nakasama niya sa loob ng astral realm.
Nang makarating sa bahay, kaagad siyang humiga sa papag at pumikit. Susubukan niya iyong nabasa niya sa internet. Ang mag-relax at mag-meditate. Pero putsanggala! Sa sobrang pagod yata ay nakatulog siya kaagad. Nagising na lang siya na tumatahol na ang asong galis na araw araw nag-aabang sa kaniya!
Napabalikwas siya ng bangon at lumingon sa bintana. Hindi siya nakapasok sa astral world! Naunahan siya ng antok!
Ilang gabi niyang sinubukang makabalik. Hindi niya alam kung bakit hindi na niya magawa. Ilang beses niya namang sinunod ang mga instructions na nabasa niya sa internet pero walang nangyayari. Kung kailan naman gustong-gusto niyang makarating doon, ‘tsaka naman ganito.
Sa pang isang linggong hindi niya magawa ang astral projection, nawalan na siya ng pag-asa. Humiga siya sa papag na ang tanging hangarin lang ay ang makatulog. Napapagod na kasi siya sa gabi gabing pag-subok na makarating muli sa astral world. Hindi pala madali kapag ipinagpilitan mo ang gusto mo...
Pumikit siya at inisip na kailangan niya nang matulog. Ngunit mayamaya pa, nakaramdam na siya ng panginginig. Gusto niyang ma-excite, pero putsa! Baka mamaya ‘pag na-excite siya, mapurnada pa ang road to astral realm niya!
Mayamaya pa, nakalabas na nga ang astral body niya sa kaniyang pisikal na katawan. Patakbong lumabas siya ng bahay at naabutan ang maningning na gubat. Hindi niya pa rin alam ang pangalan ng gubat na ito kaya iyon na lamang ang itinawag niya.
Nagulat siya nang makita niya kaagad iyong babaeng makulit, nakaupo sa ilalim ng malaking puno. Naka-krus ang mga braso nito sa ibabaw ng kaniyang dibdib at nakabusangot. Tila bagot na bagot.
“Huy!” tawag niya.
Napaangat ito ng tingin sa kaniya. Tila nagliwanag ang mukha nito nang makita siya pero agad ring bumusangot muli. Ano kayang problema ng babaeng ‘to?
“Ang kapal naman ng mukha mong mag-huy sa akin ‘no? Pagkatapos mo akong halikan noong isang linggo,” sumbat nito.
Ngayong binanggit ng dalaga ang tungkol sa halik. Napakagat labi tuloy siya at panakaw na sumulyap sa labi ng dalaga. Ewan, tangena, nakonsensya tuloy siya.
“S-sorry. Gusto ko lang naman makasigurado kung talagang totoo ang mga sinasabi mo,” palusot niya. Nag-iwas siya nang tingin dahil napapatingin talaga siya sa labi nito.
Bakit ba kasi napaka-kissable lips ang labi ng babaeng ‘yan? Putsa, hindi niya tuloy maiwasang mapatingin. Pasimple niyang minura ang malandi niyang utak. Hindi pa nga siya nakaka-move on kay Shanna tapos ito na? Patuloy pa rin kaya siyang umaasa! Hindi pa naman ikinakasal, e!
“Hmp! Kahit na ‘no!” pagmamaktol pa nito.
Hindi siya nakatiis, nilingon niya pa rin ang kaharap na dalaga. Dinadaga talaga siya ng kahihiyan at konsensya.
“Sorry na kasi, hindi ko naman alam na totoo pala ‘to. Hindi ko naman kasi inakala na may ganito palang mundo.”
Sandali siya nitong pinakatitigan. Galit ang mga mata nito at tila anumang oras ay manunuwag. Nanlaki ang mga mata niya nang bigla nitong inilahad ang kamay kaya mabilis siyang napaiwas ng tingin. Mahirap na at baka makatanggap na naman siya ng pangalawang sampal!
Habang nakapikit, narinig niya ang malakas na tawa ng dalaga. Nangunot ang noo niya dahil doon, nagtaka. Putsa, ang cute pa naman ng tawa nito! Hindi niya naiwasang lingunin ang babae. Naabutan niya itong nakalahad ang kamay, mukhang makikipagkamay lang yata. Tawa ito nang tawa. Hiyang hiya na napayuko siya. Para siguro siyang tangang takot na takot na masampal ulit!
“Tumigil ka na nga sa katatawa…” nahihiyang aniya.
“Oo na! Nakakatawa ka kasi! Takot na takot ka talaga ‘no?” anito habang panaka-nakang tumatawa pa rin. Nakakahiya talaga. Takot siya sa maliit na babaeng ito?
“S’yempre! Ang hirap kayang palabasin ‘tong astral body ko sa katawan ko tapos sasampalin mo na naman ako? Edi babalik na naman ako sa katawang lupa ko,” iiling iling na sagot niya.
Sa wakas ay tumigil din ito sa pagtawa at muling naglahad ng kamay. Ngumiti ito sa kaniya. Nakakainis! Talaga namang napapasulyap siya sa labi nito. Ano ba namang utak mayro’n si Johnson? Dahil siguro ‘to sa tagal na mula no’ng huling nakahalik siya ng labi ng babae!
“Ako nga pala si Brenda, ikaw?”
Nangunot ang noo niya sa pagpapakilala nito. Sa wakas ay hindi niya na ito tatawaging “babae” lang sa kaniyang utak. May pangalan pala ang makulit na ‘to.
Kahit nag-aalangan, inabot niya ang kamay nito. “Johnson Boy Paderno,” sagot niya.
Umangat ang isang kilay ni Brenda. “Johnson Boy? Huwag ka ngang mag-joke! Pangalan ba talaga ‘yon?”
Sumeryoso ang mukha ni Johnson. Medyo nainis siya sa pang-iinsulto sa kaniya ni Brenda.
“Johnson na lang, huwag mo na isama ang Boy,” masungit na sagot niya.
“So, ayun talaga ang pangalan mo?” Tumango ito at ngumiti na naman ulit.
Putsanggala! Huwag kang ngingiti nang ganyan baka mamaya iuwi ka ni Johnson!
“Johnson baby powder! Halika at may pupuntahan tayo!” paanyaya nito sabay hawak sa kaniyang kamay.
Dugdug. Puta ano ‘yon? Sa’n galing ‘yong padugdug ng puso niya? Naku naman!
“S-saan?” tanong niya.
“Basta!” masayang sagot nito.