Kabanata 30:
Sa sumunod na mga araw ay unti-unti nang sinasanay ni Brenda at Archer si Johnson. Si Johnson na may angking lakas ng katawan at malakas na kapangyarihan ngunit medyo tatanga-tanga. Halos pitong araw na silang nagsasanay ngunit kahit kaunti, parang wala pa rin siyang natututunan.
“Ano ba, Johnson! Mali pa rin talaga ang ginagawa mo!” reklamo ni Brenda. Hinawakan nito ang kanang kamay niya saka inangat. “Isipin mong pagagalingin mo ang tuyong dahon na ito.”
Sinubukan naman ni Johnson na isipin iyon saka itinutok ang nanginginig niyang kamay sa tuyong dahon na nasa paanan niya. Hindi siya makapag-isip nang matino, kung saan-saan kasi lumilipad ang utak!
“Sige na, isipin mong maigi, mag-concentrate ka kasi—”
“Ano ba! Teka lang kasi!” bulalas niya. “Hindi ako makapag-concentrare e.”
Napapailing na lumapit sa kanila si Archer saka hinawakan ang kamay ni Brenda at inilayo siya kay Johnson.
“Lalo siyang hindi kakalma kung ganyan ka,” ani Archer.
Kasalukuyan silang nasa gubat. Malayo sa mga diwata. Matapos kasi ng nangyari noong unang araw na ibinalik sa kanya ang kapangyarihan niya, hindi na muna siya pinayagang mag-ensayo sa battle arena. Delikado lalo na’t baka masira niya ang buong arena.
Nasa may pinakaliblib silang parte ng gubat—kung saan ang daan papunta sa lupa, doon sa may punong nilabasan nila noong manuod sila ng telebisyon.
“Ang hirap naman kasing turuan e! Nakakainis na!” bulalas pa ni Brenda.
Napanguso na lamang si Johnson. Talagang hindi siya makapag-focus kapag nand’yan si Brenda. Paano kasi’y, bukod sa lalo itong gumaganda sa paningin niya, napakabungangera. Kung ano-anong sinasabi kapag nagkamali siya.
“Ako na muna ang magtuturo sa kanya. Magpahinga ka na muna roon,” kalmadong ani Archer. Sa katagalan ay nawala na rin ang pagiging masungit ni Archer kay Johnson. Takot lang niya na baka sapakin na naman siya ay ma-comatose ng dalawang araw!
Umikot ang mga mata ni Brenda saka sila tinalikuran. Dire-diretso itong lumakas palayo sa kanila, mas malayo pa sa distansyang itinuro ni Archer.
“Ganyan ba talaga kasungit ang babaeng ‘yan?” nakangiwing tanong ni Johnson. “Hindi ako maka-focus dahil sa kasungitan niya.” Nilingon pa si Brenda na naglalakad palayo.
Bahagyang natawa si Archer. “Pero kahit masungit, maganda pa rin, ano?”
“Oo nga e—” Napahinto siya sa pagsasalita. “H-hindi, a-ano ano kasi ah. . .”
Iiling-iling na ngumisi si Archer. “Hindi dahil sa kasungitan niya, kundi dahil may gusto ka sa kanya.”
Namilog ang mga mata ni Johnson. “H-hindi ah!”
“Magsinungaling ka pa, halatang-halata naman.”
“Hindi nga! Masyado kang mapaghinala!”
Tumango-tango si Archer ngunit halatang hindi pa rin naman naniniwala sa kanya. “Oo na, oo na kahit alam ko namang hindi.”
“Pero—” Magdadahilan pa sana siya pero itinuro na ni Archer ang tuyong dahon na nasa ibaba.
“Gawin mo na para tumigil na sa kangangakngak iyong si Brenda. Sumasakit na ang tenga ko sa mga reklamo niya,” iritang anito.
Hindi siya sigurado kung magagawa niya ba. Pero ngayong wala na si Brenda, pakiramdam niya’y kumalama siya kahit na paano.
Bahagyang umatras si Archer nang pumorma na si Johnson. Itinapat niya ang kanyang kamay sa tuyong dahon na nasa ibaba. Ilang saglit pa ay pilit nag-isip si Johnson gaya ng turo sa kanya ni Brenda.
Ang sabi kasi nito, ang lahat ay posible gamit ang ating isip. Kaya isip ang nagpapagana sa kanyang kapangyarihan. Ilang saglit siyang nag-focus sa dahon na iyon, medyo makirot sa kanyang sentido ngunit kinakaya niya naman ang sakit. . . hanggang sa tuluyan niyang pinakawalan ang nasa kanyang isip. Isang kulay asul na liwanag ang lumabas mula sa kanyang palad. Kasunod ng tila kidlat na pagtama nito sa tuyong dahon.
Ilang segundo lang ay unti-unti nang nawawala ang liwanag, at nang mawala iyon, hindi na tuyo ang dahong nasa kanyang paanan, kulay berde na ulit iyon at tila kapipitas lang galing sa puno.
“A-ang galing!” hindi makapaniwalang bulalas ni Johnson. Nilingon niya si Archer na ngayon ay nakangising nakatingin sa kanya. “A-ano? Hindi ba parang ang bilis ko naman yatang nagawa?”
Napailing na lamang si Archer saka yumuko at pinulot ang dahon. Pinakatitigan niya iyon saka marahang inamoy. “Madali lang naman talaga, sinasamahan mo lang kasi ng nararamdaman kaya nahihirapan ka.”
Napayuko na lamang siya at hindi na nagdahilan pa. Kahit ano namang dahilan niya, hindi siya mananalo sa mga banat ni Archer. Na-obserbahan niya na ito, magaling itong manghuli sa pamamagitan lamang ng pagsasalita.
Tinuruan pa siya ni Archer ng ibang mga strategy. Tulad ng pagpapaliyab ng apoy, pagpapalutang ng mga bagay at kung ano-ano pa. Hindi na rin kasi bumalik si Brenda, mukhang nagtampo na yata.
Napapunas si Johnson sa kanyang noo dahil sa tagaktak na pawis nito. “Napagod ako roon ah!”
“Bukas naman ulit,” ani Archer. “Brenda, tama na ang pagtatago, tapos na.”
Bumilog ang mga mata ni Johnson, kaagad siyang napalinga sa paligid upang hanapin si Brenda. Sa pagsuyod ng mga mata niya’y lumabas nga ito sa ‘di kalayuan. Napaiwas siya ng tingin, bigla siyang nahiya. Paano kung narinig nito ang usapan nila kanina ni Archer?
“Mabuti pa sa ‘yo, ang bilis matuto. Sa akin, isang Linggo na ni hindi manlang makalabas ‘yan!” reklamo na naman ni Brenda.
Tinawanan lamang ito ni Archer habang si Johnson ay hindi na maipinta ang mukha, mukhang natatae na ewan.
“Tara na at may pupuntahan pa tayo.” Nauna nang maglakad si Brenda. Mukhang nagtatampo pa rin yata.
Nang medyo nakalayo na ito sa kanila, kaagad namang lumapit si Archer saka bumulong. “Huwag kang mag-alala, hindi niya narinig.” Na para bang naintindihan nito ang nararamdaman niya.
Tuluyan na silang sumunod kay Brenda. Hindi alam ni Johnson kung saan sila papunta ngunit ang direksyon nila’y pabalik sa may palasyo. Pare-pareho silang hindi nagsasalita habang naglalakad. Sinusubukan naman ni Johnson na magbukas ng usapan ngunit dahil yata likas na hindi madaldal ang mga kasama niya’y oo at hindi lang ang naisasagot ng mga ito sa kanya. Ilang minuto pa ang lumipas ay napansin niyang lumiko sila imbes na dumiretso sa daan papuntang palasyo.
“Saan tayo pupunta?” kuryosong tanong niya.
“Kailangan nating bisitahin ang mga diwata sa labas ng palasyo, ilang Linggo na rin silang hindi nabibisita,” sagot ni Brenda.
Marahang tumango si Johnson. Ngayon niya lang din napagtanto na oo nga, hindi pa siya nakakarating sa parte kung saan nakatira ang mga diwatang nasasakupan ng Infinita.