Kabanata 32:

1075 Words
Kabanata 32: Napadilat si Johnson ng mga mata. Tagaktak ang pawis sa kanyang noo habang hinihingal. Sinubukan niyang igalaw ang kanyang mga kamay at naginhawaan siya nang tuluyan niya iyong naigalaw. Mabilis siyang bumangon mula sa pagkakahiga sa kama saka nilingon ang bintana, umaga na.  Bakit parang totoong-totoo iyong nangyari? Sino iyong nasa panaginip niya? O panaginip lang ba talaga ‘yon? Kung hindi iyon panaginip, sino iyon? Hanggang sa muling pagsasanay nila ni Brenda, hindi nawala sa kanya ang iniisip niyang iyon. Tulala lamang siya habang sinusubukang gawin ang iniutos sa kanya. “Johnson!”  Napatalon siya sa gulat nang may bigla na lamang sumigaw sa kaliwang tenga niya. “A-ano? Kung makatawag ka naman!” reklamo niya. Magkadikit ang mga kilay ni Brenda habang nakatingin sa kanya. “Ano naman bang iniisip mo’t mukha kang tangang nakatulala r’yan! Nagsasanay tayo, magseryoso ka naman!” Napakamot siya sa kanyang ulo. Kanina niya pa gustong sabihin kay Brenda ang nangyari sa kanya noong gabi pero natatakot kasi siyang hindi siya paniwalaan. . . “Ano kasi. . . ano e. . .” putol-putol na sabi niya. “Sabihin mo na para hindi ka na nakatulala r’yan!” Napakagat-labi na lamang siya habang nakatingin kay Brenda. Ilang saglit pa’y naisip niyang walang mangyayari kung hindi niya sasabihin ang nangyari dahil patuloy niya lamang iyong aalalahanin nang wala manlang nakakaalam. “Ano kasi, kagabi noong natulog ako. Binangungot ako. Hindi ako makagalaw habang nakahiga ako, nakikita ko pa rin ang nasa paligid ko, mga mata ko lang ang gumagalaw. Natural naman na sa akin ‘yon, pero kagabi, may narinig akong boses e. Ang sabi niya mahina raw ako, na lampa ako at kaya niya akong patayin kaagad–” “E mahina ka naman talaga!” sabat ni Brenda. “Baka konsensya mo lang ‘yon, sinasabing magpalakas ka pa kasi lampa ka!” Humaba ang nguso ni Johnson sa naging sagot sa kanya ni Brenda, dapat pala hindi niya na lang sinabi. “Pssh, ewan ko sa ‘yo!” Nakakasama naman ng loob itong si Brenda. Hindi manlang nag-alala na baka totoo na pala ang naging panaginip niya. Paano kung may nagtatangka nga talaga sa buhay niya? Edi wala na? Finish na? Imbes na makipagtalo pa siya kay Brenda, pinag-igihan na lamang niya ang pagsasanay. Tinuruan siya nito ng iba pang technique patungkol sa paggamit ng kapangyarihan. Kung paano ito mas palalakasin o kung paanong mahina lang ang palalabasin. Mayroon ding technique kung ano ang iba’t ibang klaseng kapangyarihang ilalabas niya. Ang dami pa lang mga chenes churvalu kapag may ganitong powers powers. Akala niya dati kapag nanunuod siya ng mga palabas na may superpowers, isang pitik lang ay mailalabas na ang kapangyarihan, ngunit iba ang nararanasan niya ngayon. Nang matapos siyang sanayin ni Brenda, si Archer naman ang nagturo sa kanya na i-apply ang mga natutunan sa paggamit ng kapangyarihan sa kanyang pisikal na lakas. Kung papipiliin siya kung sino kay Archer at Brenda ang mas gusto niyang magturo, pipiliin na lang niya si Archer! Mahilig lang naman kasing mangbara itong si Archer pero si Brenda, ang hilig, magsungit at bulyawan siya! Nang araw na iyon, marami ang naituro nilang dalawa kay Johnson na aanga-anga. Dahil pagkatapos ng kanilang ensayo, nagpaalam siyang iihi lang dahil hindi na raw niya kaya. Balak pa talagang diligan ang puno na nasa loob ng Infinita. Pumayag naman si Brenda kahit nakakadiri ang kanyang gagawin. Naglakad palayo si Johnson habang halos tatalon-talon dahil malapit na talaga siyang maihi. Nang makakita ng right spot para pwedeng ihian, doon na niya inilabas ang pilit kumakawala. . .  Abala siya roon hanggang sa matapos siya. Patapos na sana siya at inaangat na lang ang suot na pantalon nang may bigla na lamang tumakip sa kanyang bibig. Hindi niya makita kung sino ang nagtakip sa kanyang bibig. Lalaban sana siya at gagamitan ng kapangyarihan ngunit bago niya pa magawa ay huli na ang lahat. Nawalan siya ng malay. – Nagising siya nang makaamoy siya ng mabantot. Akala niya amoy ng paanniya lang dahil ilang oras na sila sa kagabutan at pawisan siya ngunit nang maalala niyang may tumakip sa bibig niya matapos niyang umihi ay kaagad siyang napadilat. Unang nahagip ng mga mata niya ang isang dagang kasing laki ng pusa, patakbo-takbo sa kwartong mas malala pa ang itsura sa bahay niya sa mundo ng mga tao. Nanggigitata ang sahig dahil sa dumi, ang mga dingding ay yari sa kahoy na nilulumot na ng panahon, ang amoy ay masangsang na, mas masahol pa sa amoy ng paa niya kapag nagmedyas siya’t binabad sa sapatos ng dalawang Linggo. Gusto niyang masuka sa sobrang baho! Hindi niya alam kung nasaan siya. Hindi naman siya nakagapos, nakahiga pa nga siya sa kutson na halos tirhan na ng anay nang dahil sa sobrang luma. Kaagad siyang bumangon para maghanap ng pinto. Maliit lang naman ang kwarto kaya sigurado siyang makakahanap siya. Ngunit nakailang paikot-ikot na siya sa loob, wala siyang nakita kundi puro dingding. Imbes na manahimik lang doon ay sinubukan niyang gamitin ang nalalaman niya tungkol sa kanyang kapangyarihan. Inangat niya ang kanyang kamay saka nag-kamehame wave–well, hindi iyon ang nangyari. Dahil kahit na anong gawin ni Johnson ay walang lumalabas na kapangyarihan mula sa kanyang kamay.  Marahas na napakamot siya sa kanyang ulo. Hindi niya alam kung iyong kwarto ba ang may problema o siya dahil tila naupos ang kapangyarihan niya. Hindi kaya nasobrahan sa gamit noong nag-e-ensayo pa lamang sila kanina?  Bumuntonghininga siya at muling sinubukan. Inangat niyang muli ang kanyang kamay ngunit kahit katiting na ilaw ay walang lumalabas. Kaya naman ang natatanging paraan na pwede niyang gawin ay gamitin ang kanyang lakas. Ready na sana siyang sipain ang dingding ngunit nakaramdam siya na para bang may presensya sa kanyang likuran. Walang pag-aalinlangang nilingon niya iyon. Isang malaki ang katawan na lalaki ang nakita niya. May mahaba itong balbas at bigote, may hawak din itong palakol. Ang suot niya’y tila kay Panday, iyong kay Bong Revilla. Ganoon ang itsura niya. “S-sino ka?” kabadong tanong niya, napapatingin pa sa hawak nitong palakol. Tumikhim ito saka naglakad palapit sa kanya. Kaagad naman siyang kinabahan at umatras palayo sa malaking lalaki. Sa pagkakataong ito ay nagsimula na siyang kabahan. Sino bang hindi kakabahan kung may isang lalaking may dalang palakol? “Totoo nga ang sinabi sa akin ni Lizardo. . .” marahang sabi nito. “Lampa ka nga.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD