Kabanata 20

1057 Words
Kabanata 20: Napapikit si Johnson nang bumuga ng apoy ang dragon. Kaagad niyang nramdaman ang init nito. Ngunit hindi iyon ang klase ng init na kanyang inasahan. Totoong mainit, ngunit init lamang nang may dumaang apoy sa paligid. Nang imulat niya ang kanyang mga mata, saktong bumagsak ang dragon na mas ikapinag-alala niya. Kaagad siyang tumakbo at dinaluhan ito. “Johnson!” saway ni Brenda. Ngunit hindi niya ito pinanson, mas nakatuon ang atensyon niya sa sugatang dragon na ngayon ay dumadaing nang dahil sa sakit. Nang makita niya nang malapitan ang sugat, naupo siya sa tabi ng dragon saka hinawakan ang kaliwang paa kung saan naroon ang sugat. Mas lalong umalingawngaw ang hiyaw ng dragon. Malaki talaga ang sugat at tumatagas mula roon ang kulay berdeng dugo. “K-kumuha kayo ng halamang gamot,” utos ni Johnson sabay lingon kay Brenda. Katatayo lang din ni Ulysses, nakatingin sa kanya na mukhang hindi makapaniwala. “Anong ibig mong sabihin?” takang tanong ni Brenda. “Hindi ba obvious? Edi gagamutin ko itong dragon!” bulalas niya. “Hindi ba kayo naaawa? Sugatan siya. . .” Hinimas pa ni Johnson ang paa nito na mas lalong ikinadaing ng dragon. Ngayon ay umamo na ito, marahil dahil sa nanghihina na rin at kailangan ng pahinga. “Iwan na lang natin iyang dragon. Baka mamaya kapag ginamot mo pa ‘yan, habulin pa tayo at sundan,” suhestiyon ni Ulysses. “Tama si Ulysses, Johnson. Mapanganib ang mga dragon. Hindi natin alam ang pwede niyang gawin sa oras na masaktan mo siya habang ginagamot mo.” Naiinis na napakamot sa ulo si Johnson. “Kung ayaw ninyo, edi ako ang maghahanap! Mga wala kayong awa,” busangot na aniya. Kaagad na tumayo si Johnson at akmang aalis na sana pero pinigilan siya ni Brenda. “Bakit kailangan nating tulungan ang dragon na iyan? May mapapala ka ba kung tutulungan mo?” Kumuyom ang mga kamao ni Johnson saka muling binalingan ng tingin si Brenda. “Kaya pala ganoon na lang ang lungkot sa mga mata ng mga diwata rito sa Infinita, ganyan pala kayo e.” Kumunot ang noo ni Brenda. “Ano? Anong ibig mong sabihin?” Umiling si Johnson. Nakaramdam siya ng disapointment sa ipinapakita sa kanya ni Brenda. Akala pa naman niya ay mabait ito pero mukhang selfish at sarili lang pala ang iniisip. “Kung patuloy kayong magiging makasarili, hindi aayos ang Infinita. Palagi ninyong iisipin ang iba’t ibang anggulo.” Itinuro ni Johnson ang dragon. “Pwedeng hindi n’yo kasi naiintindihan ang malaking dragon na ito. Tingin n’yo’y banta ang dragon na ito sa buhay ninyo, at pwede ring ganoon din ang tingin ng dragon na ito sa inyo.” Tuluyan nang iniwan ni Johnson ang dalawa saka naglakad sa kakahuyan. Napabusangot siya habang naglalakad. Hindi niya akalain na hindi manlang maaawa iyong dalawang iyon sa dragon. Kawawa kaya! Noon pa man ay talagang maaawain na siya sa mga hayop, bigla niya tuloy’ng na-miss iyong asong galisin na binibigyan niya ng bopis ni Nena. Sa ilang minutong paglalakad, napansin niyang sumunod pa rin naman sila Brenda. Kunwari pang mga walang pakialam pero sinundan din naman siya. “Naku, sinasabi ko sa ‘yo, Johnson! Kapag tayo sinundan niyang dragon!” Naririnig niyang kung ano-ano ang mga sinasabi ni Brenda. Nang medyo napapalayo na sila sa kung saan naroon ang dragon, tinawag siya ni Brenda. Huminto rin naman siya at saka ito nilingon. “Narito na ang halamang gamot! Huwag ka nang dumiretso r’yan! Akala mo hindi ko alam ang balak mo ha.” Kumunot ang noo niya. “Anong balak?” Nagkatinginan si Brenda at Ulysses bago itinuloy ni Brenda ang sasabihin. “Iyong balak mong puntahan.” Napailing na lamang si Johnson. May isang nilalang na nasa bingit ng kapahamakan, hindi niya na iyon dapat pang isipin. Hindi gano’ng klaseng tao si Johnson. Nanahimik na lamang siya saka tumulong sa pamimitas ng kulay ubeng halaman. Hindi niya alam kung anong klaseng halamang gamot iyon pero kung si Brenda ang nagrekomenda, sigurado siyang epektibo. Matapos nilang mamitas, nauna nang bumalik si Johnson papunta sa naghihintay na dragon. Ginamot niya ang dragon, nilinis niya ang sugat gamit ang tubig na dala niya sa tuwing lilibot sila sa palasyo. Saka niya dinikdik ang halaman at inilapat sa sugat. Mahimbing na natutulog na ang dragon nang matapos siya. Tumayo si Johnson saka tiningnan si Brenda at Ulysses. “Halina kayo, bumalik na tayo,” malamig na aniya. Nainis na siya noong ayaw tumulong ni Brenda at Ulysses sa paggamot sa dragon pero ang mas kinainisan niya ay ang inisip ng mga ito na may motibo siya sa kanyang ginagawa. Minsan ang hirap din talagang maging mabait, lahat na lang ng kilos iniisip na may motibo. Kamot sa ulo na lang ang gagawin niya. Tuluyan silang nakalabas ng kakahuyan. Doon napansin nila ang medyo pagliwanag ng paligid. O iyon ay dahil galing sila sa madilim? Iiling-iling na dumiretso na lamang si Johnson, hindi niya na pinansin pa sila Brenda. Hindi sila nag-usap ni Brenda, gaya ng sinabi nitong sisimulan na siyang sanayin. Siguro nakaramdam din ito na naiinis siya, hindi na siya kinulit. Nahiga na lamang si Johnson sa kama at saka tumitig sa kisame. Doon pumasok ang ideya sa kanya. . . Bakit nga kaya ganoon ang ugali ni Lizardo? Bakit nga kaya gusto niyang mahawakan ang buong Infinita at ang buong mundo? Sigurado siyang may dahilan. Hinahatak na siya ng kanyang antok nang may kumatok sa pinto. Kaya imbes na matulog siya ay agad siyang bumangon para pagbuksan ang kumakatok. Bumungad sa kanya ang naka-crossed arms na si Brenda. Nakataas din ang isang kilay nito. “Hindi ka pa ba magsasanay?” taas-kilay na tanong nito. Nag-iwas ng tingin si Johnson. “Hinihintay lang kita.” “Kapag may kalaban na, hihintayin mo pa ako bago ka gumalaw?” Napahinto siya sa sinabing iyon ni Brenda. Kahit kailan talaga, wala siyang lusot ss mga pambabara nito. “H-hindi.” “Edi tara na! Sa susunod huwag no nang hintayin na ako pa ang kumatok para sabihan ka.” Tumango siya saka tuluyang lumabas ng kwarto. “Ano ang unang ituturo mo sa akin?" Tanong niya. “Una kong ituturo sa iyo ang disiplina, at pagtyatiyaga.” Napaisip bigla si Johnson. Paano kaya siya i-te-train ni Brenda?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD