Kabanata 18

1171 Words
Kabanata 18: Ilang araw na rin ang lumipas magmula noong dumating siya sa mundo ng Infinita. Ang sabi sa kanya ni Brenda, tutulungan siya nitong magsanay para sa paparating na digmaan. Pero ilang araw na ang lumipas, ni wala pa itong nababanggit na gagawin nila. Bagot na bagot na tuloy siya. Wala siyang ibang magawa kundi ang kumain, maglibot-libot sa palasyo at kung ano-ano pa. Halos nakita niya na nga yata ang bawat sulok ng palasyo, maging ang banyo ng mga taga-silbi. Isa pang ikinababagot niya ay nowhere to be found itong si Brenda at tanging kasama niya sa pag-iikot ay. . . nevermind. At ngayong araw, hindi na naman sumipot si Brenda kaya ang balak niya ay mamasyal sa labas ng palasyo kasama na naman ang isang lalaking diwata. Ilang araw na rin silang magkasama ni Ulysses, pero hanggang ngayon ay tila hindi sila magkasundo dahil sa pagiging seryoso nito. Lahat na lang ng gagawin niya ay bawal. Tila takot na takot sumubok ng bago! Naiinis ito sa kanya, wala siyang ideya. Paano kasi’y sa isip ni Ulysses, isang tatanga-tanga ang iniisip ng lahat na magiging sunod na hari.  “Aray!” gulat na napahiyaw sa sakit si Johnson. Ang dalawang kawal na bantay sa harap ng pinto ay parehong nabigla sa biglang pagkatapilok niya. Halata ang nerbyos sa kanilang mukha, parang mga nakainom ng sandamukal na kape dahil sa bilis kabahan. “Dahan-dahan lang ho,” ani Ulysses saka siya tinulungang tumayo. Sa isip-isip nito, tanga na nga, lampa pa. Bakit ba kasi naniniwala sila sa propesiyang sinabi ng pumanaw na manghuhulang diwata?  “Pasensya na, hindi pa rin talaga ako sanay na magsuot ng ganito.” Itinuro ni Johnson ang suot niyang sandals. Yari iyon sa malabot na tela, nakakadulas naman talaga gamitin, mas gusto niya pang magsuot ng bakya kaysa magsuot ng ganitong klaseng sandals. “Hindi ba pwedeng mag-request ng ibang tsinelas? Palagi talaga akong madudulas nito e.” Iiling-iling na aniya. Ilang araw na niya itong nirereklamo pero wala namang tugon ang mga taga-silbing nagdadala sa kanya ng damit. “Pasensya na ho, pero iyan po talaga ang—” Nahinto si Ulysses sa pagsasalita nang bumaba ang tingin ni Johnson sa kanyang mga paa, halatang may binabalak itong hindi maganda. Ang suot ni Ulysses na sandals ay yari sa kahoy ang ilalim at ang ibabaw naman ay balat ng hayop. Nanliit ang mga mata ni Johnson saka ngumiti, nagkaroon ng magandang ideya. “Palit tayo!” suhestiyon ni Johnson. “H-ha? Pero baka magalit ang hari–”  “Basta, palit na tayo!” Kaagad na hinubad ni Johnson ang kanyang malambot na sandals saka naghintay na hubarin din ni Ulysses ang sa kanya. Pero mukhang nag-aalangan ito at natatakot na naman na lumabag sa bawal. “Baka magalit–” “Hindi iyan magagalit! Akong bahala sa ‘yo! Masyado ka namang takot,” paniniguro pa ni Johnson. Walang magawa ang kawawang si Ulysses kundi ang hubarin ang suot niyang sandals upang makapagpalit sila ni Johnson. Ngayon ay namumuo na ang inis ni Ulysses sa kanya, iyon ay dahil sa mga ipinapakita nitong kakaiba. Well, araw-araw naman siyang naiinis kay Johnson dahil nga sa mga kalokohang ginagawa nito. Natural na kakaiba kung kumilos si Johnson, lalo pa’t galing ito sa third dimension at iba ang pamumuhay roon. Pero mas kakaiba talaga si Johnson para kay Ulysses. Nakasalamuha na siya ng tao nang bigyan siya ng misyon ng hari, pero hindi kasing kulit ng nakatakdang hari. Nang tuluyan na nilang maisuot ang pinagpalit na sandals, ipinadyak-padyak pa ni Johnson ang kanyang mga paa habang nakangiti. “Kitams! Mas kumportable pa itong isuot kaysa r’yan sa malambot at madulas na sandals!” nakangiting aniya. “O? Tara na!” Nagmamagaling pang nauna si Johnson sa paglalakad patungo sa labas ng palasyo saka lang sumunod si Ulysses. Matamlay siyang sumusunod habang sinisinghot-singhot pa nito ang hindi naman mabangong hangin. Ilang saglit pa ay nakarating na sila sa kalagitnaan ng sakahan kung saan naroon ang mga magsasaka, isa-isang binati ni Johnson ang lahat ng nadaraanan niyang mga diwatang magsasaka. “Magandang umaga!” bati ni Johnson sa isang matandang magsasaka. Tumango ito saka ngumiti. “Magandang umaga rin ho, Prinsipe Johnson!” Malawak na napangiti si Johnson nang marinig niya ang bati pabalik ng matandang magsasaka. Noong unang beses niya itong batiin, ni hindi manlang siya pinansin. Ngunit sa araw-araw niyang pagbati ay mukhang nasanay na rin ito at ngayon nga ay binati na rin siya. Sa loob ng ilang araw, ang una niyang pinupuntahan ay ang taniman o sakahan sa likod ng palasyo. Nakita niya kasing walang sigla ang mga ito habang nagtatanim at nagsasaka, kaya sinubukan niyang batiin ang mga ito para kahit papaano ay sumigla. Ngayon ay determinado na siyang ibalik sa dati ang mundo ng Infinita. Base kasi sa kwento ni Brenda, sobrang saya ng mundong ito, walang kaguluhan at ang lahat ay masayang nagtatrabaho. Ngunit dahil nga sa ginawa ni Lizardo, nagbago ang lahat.  Nang makalampas na sila sa sakahan, dumiretso pa rin siya sa paglalakad. Hindi niya pa nakikita ang dulo ng tanimang ito kaya naman kuryoso siya. “Teka lang ho, Prinsipe Johnson!”  Huminto siya sa paglalakad nang tawagin siya ni Ulysses, saka niya ito nilingon. “Bakit?” takang tanong niya. “Ang sabi sa akin ni Prinsesa Brenda, huwag ka raw munang dalhin sa lugar na iyan.” Kumunot ang noo niya. “At bakit naman?” Marahang napakamot sa sentido si Ulysses, halatang nag-iisip ng palusot. “Natatakot ka ba kay Brenda? Sus! Huwag kang matakot! Akong bahala,” nakangising aniya. Muli niya nang tinalikuran si Ulysses saka dumiretso pa sa paglalakad, pero ilang hakbang pa lang ay pinigilan na naman siya. Hindi pa nakontento sa pagtawag, hinawakan pa siya nito sa braso! “Prinsipe naman, huwag naman hong matigas ang ulo. . .” pagmamakaawa ni Ulysses. Bumuntonghininga si Johnson. Ngayon ay mas lalo siyang na-curious sa kung ano ang mayroon sa loob ng kakahuyan ng Infinita. “Dito ba naglulungga si Lizardo?” mariing tanong niya. “Hindi ho, basta. . . hintayin mo na lang na si Prinsesa Brenda na ang magdala sa inyo sa loob ng kakahuyan.” Naiinis na humugot siya nang malalim saka nilingon si Ulysses. “Ibig sabihin hindi mapanganib?” tanong niyang muli. Umiling si Ulysses. “Hindi ho pero–” “Okay, hihintayin ko na lang si Brenda.” Tuluyan niya nang binawi ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ni Ulysses. “Salamat naman ho. Tingnan na lang ho natin ang iba pang direksyon.” Tumango-tango si Johnson. “Uhm, mabuti pa nga!” Marahan pang tumalikod si Ulysses para sana ay igiya si Johnson sa kabilang direksyon, ngunit bago pa man siya makapaglakad ay narinig na niya ang mabilis na pagkaripas nito nang takbo. Agad na namilog ang mga mata ni Ulysses! Hindi maaari! Pwedeng mapahamak si Johnson sa oras na makita niya ang naroon nang wala siyang ibang kasama! Nalintikan na! Ang kulit talaga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD