FIVE

1502 Words
“Good morning, everyone. Maaari ko bang hilingin na umupo muna kayong lahat at manatili r’yan kahit na ilang saglit? Mayroon lang akong importanteng mga sasabihin.” Sa entabladong nasa unahan ay sumulpot ang isang lalaking estudyante. May suot itong salamin sa mata at matikas ang pangangatawan. Mukha siyang palakaibigan dahil sa malaking ngiti sa kaniyang mga labi, ngunit sa likod ng salamin na kaniyang suot ay nagtatago ang isang hindi pangkaraniwang tao.     Umayos ako ng upo at nagpasyang makinig sa kung anuman ang sasabihin ng nasa harapan. Ang lalaking katabi ko naman ay bahagyang tumahimik. Mabuti naman dahil kanina pa ako nabibingi sa kaingayan niya. Ang mga estudyante rin na kanina lang ay hindi magkamayaw sa pag-iingay ay natahimik din. Mukha pang tuwang-tuwa iyong nasa unahan dahil sa pagsunod sa kaniya ng mga ito.     “Welcome to Gokudo University, students. Nawa ay maging masaya at tahimik ang pananatili ninyo sa eskwelahang ito,” saad pa niya at bahagyang napatawa. Kahit ang ilang mga estudyante ay nagtawanan din. Ang tanging mga naguluhan ay iyong katulad kong bago lang siguro rito.     “Masaya? Tahimik? Ay p-nyeta, magpapa-fiesta ako kapag nangyari iyon!” komento naman nitong katabi ko at pagkaraan ay malakas ding tumawa. Akala ko ay hindi na siya iimik pa.     “Bago ko makalimutan, sa mga bago at hindi pa ako kilala, ako nga pala si Alexander Madrigal. Public Information Officer ng Student Council. Hindi ko alam kung bakit ako ang humaharap sa inyo, pero siguro ay alam n’yo naman na medyo may katamaran ang Presidente at Bise Presidente natin.” Halos mabingi ako sa lakas ng halakhak niya. Ikaw ba naman ang tumapat sa mikropono para tumawa lang?     “May sapak ba siya?” Hindi ko na naiwasang itanong sa katabi ko. Narinig ko naman ang malakas na pagtawa ng isang may sapak din na tulad nito. Bakit ang saya nila? Wala namang nakakatawa sa mga sinabi niya. Pansin ko rin na iyong iba ay nakikitawa lang kahit naman hindi talaga sila natatawa.     “Oo. ‘Wag mo na lang ipagsabi,” sagot naman nito na natatawa pa rin.     Ang ibang estudyante ay napapalingon na sa amin. Karamihan ay halos mga babae na katulad noong nangyari kahapon ay halos magningning ang mata habang tinitingnan ito, na akala mo ay gwapong-gwapo sa kaniya. Mga walang taste! Inirapan ko na lang siya at hindi na muling kinausap pa. Bakit nga ba ako nagtatanong dito? Hindi rin pala matino ang isang ‘to!     “’Wag n’yo na lang sasabihin sa kanila na sinabihan ko silang tamad. Sana ay wala ng makakalabas, tutal ay tayo-tayo lang naman ang nandito.” Pagpapatuloy noong nagsasalita sa unahan.     Nagsitanguan naman ang mga uto-u***g estudyante. Ang weird noong lalaking nasa unahan. Ang weird ng katabi ko. Ang weird ng lahat ng mga estudyante rito!     “Akala ko ba ay may sasabihin kang importante? Bakit ang dami mo pang kuda r’yan sa harapan?” malakas na saad ng isang boses na nagmumula sa mismong likuran ko. “Mga walang kwenta naman ang lumalabas sa bibig mo. Bakit ba ‘yan ang pinagsasalita ninyo?”     Sa lakas ng boses niya ay halos makuha niya ang atensyon ng lahat. Natigilan iyong nagsasalita sa unahan, pati na rin ang mga nagtatawanang estudyante.     “He’s digging his own grave.” Napatingin ako sa katabi ko na napapailing. May ngisi rin sa mga labi niya. Agad kong iniiwas ang tingin nang maramdaman kong magagawi na sa akin ang kaniyang atensyon.     “Who the f-ck are you, young man? Sa tingin mo ba ay kaya mo na ako kaya ang lakas ng loob mo?” Nawala na ang kaninang nakangising mukha noong nagngangalang Alexander. Matalim ang tingin na ipinupukol niya rito sa gawi namin, partikular sa likuran ko. Malapit lang kami sa pinto, at apat na hilera lang din ang layo namin mula sa harapan.     “Totoo naman na walang kwenta ang sinasabi mo. Pasalamat ka at pinagtitiisan ka pa ng mga estudyanteng nandito.” Masasabi kong malakas talaga ang loob ng lalaking nasa likuran ko. Naramdaman ko ang pagtayo nito.     “Aalis na ako. Mga walang kwenta!” Pahabol pa nito ngunit agad din iyong natigil nang isang mabilis na bagay ang ngayon ay papunta sa direksyon namin. Naramdaman ko ang paghawak ng katabi ko para ilayo ako roon pero hindi ako gumalaw.     “What the f-ck? Argh!” daing ng estudyante at nang lingunin ko ito ay nakapako na ang sarili sa kaninang inuupuan niya.     Hindi ako umilag kanina dahil alam kong hindi naman ako tatamaan. At tama nga ako ng kalkulasyon, dalawang pulgada ang layo nito sa akin at masasapol ang lalaking nasa likuran ko. Isang shuriken ang tumama sa manggas ng kaniyang kamiseta na siyang dahilan kung bakit napabalik siya sa kinauupuan.     Lalong tumahimik ang mga estudyanteng nandito sa loob. Kitang-kita ko ang pamumutla ng lalaking kanina lang ay malakas ang loob na magsalita. Ang ibang estudyante ay nabalot na rin ng takot at nag-uumapaw iyon sa apat na sulok ng silid na ito. Lahat ay natitigilan.     “No one will leave this room without my permission!” Sa isang iglap lang ay nasa aming gilid na si Alexander. Halos mawalan na ng kulay ang lalaking hanggang ngayon ay nakapako pa rin sa kaniyang upuan.     Habang pinagmamasdan ko ang lalaking ngayon ay masama ang tingin sa kaniyang biktima ay napagtanto kong tama ako. Ang kaninang maamo at palakaibigan niyang mukha ay may tinatagong bangis. Parang ibang tao ito kumpara sa kanina. Nababalutan siya ng madilim na aura na hindi mo pwedeng sabayan dahil pareho lang kayong sasabog.     “Subukan mong gumalaw. Sisiguraduhin kong aagos ang dugo mula r’yan sa leeg mo. Tumahimik ka at hayaan mong tapusin ko ang mga sinasabi ko.”     Nanlilisik ang mata niya habang pinagmamasdan ang lalaki at halos matigilan ako nang biglang napunta sa akin ang kaniyang atensyon. Siguro ay masiyado ng halata ang paninitig ko kanina pa. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ko ngayong sa akin na niya ibinabaling ang masasamang tingin. Alam kong wala akong kasalanan pero bakit kung tumingin siya ay ako ang gumawa ng masama. Siguro’y kung nabuhay ako na mayroong malaking takot sa lahat ng bagay ay nawalan na ako ng ulirat sa mga oras na ito. Tinapatan ko ng parehong intensidad ang tinging ibinibigay niya at halos mapahalakhak ako sa isip nang siya rin ang naglayo ng tingin sa akin.     Sunod-sunod na mura ang narinig ko bago siya tumalikod sa gawi namin. Akala ko ba ay matapang ka? Kanina ay para siyang leon na malapit nang manakmal. Nakakapagtakang naging tupa.     “Bakit ka nakikipagtitigan kay Alexander? Paano kung tinusok noon ang mga mata mo?” Nawala lang ang atensyon ko sa lalaki noong muling magsalita itong katabi ko.     “What? Anong masama kung tumingin ako? Mayroon akong mga mata, gagamitin ko sa tama,” sagot ko at sumimangot sa kaniya. Tama naman ang ginawa ko. Gusto niya ba ay magpasindak ako sa tupang iyon? Bigla ngang nawala ang pangil, paano pa ako matatakot?     “Isa si Alexander sa may mga pinakamaiksing pasensya sa lahat ng Student Council Officers, tapos nagagawa mo pang salubungin ang mata niya? Anong nilaklak mo at ang lakas ng loob mo? Pasalamat ka at hindi niya tinusok iyang mata mo. ‘Wag mo na uulitin iyon! Sa kahit na kaninong officers ay ‘wag kang titingin ng diretso sa kanilang mga mata.” Nagsasalita siya ng sobrang hina dahil bumalik na muli sa pagsasalita iyong Alexander sa unahan. Pinapagalitan niya ako na animo’y siya ang tatay ko na nagpalaki at nagpalamon sa akin.     Sarkastiko akong napatawa at sinamaan siya ng tingin. “’Wag tumingin ng diretso sa kanilang mga mata? Nagpapatawa ka ba? Ano sila, diyos? Wala kang karapatang utusan ako kung ano ang dapat kong gawin. May sarili akong isip at hindi ako magpapasakop kahit na kanino sa eskwelahang ito. Pumasok ako rito para mag-aral, hindi para lumuhod sa kung sinong Poncio Pilato pa iyan!”     Marahas siyang napabuntong-hininga at mas mukhang naging problemado habang tinitingnan ako. “Kailangan mo iyon sa lugar na ito para tumagal ka. At bakit hindi ka man lang umiwas doon sa shuriken na ibinato sa lalaki? Wala ka talagang katakot-takot!” sermon niya.     “Hindi naman ako tinamaan, hindi ba? At kung sakaling nahagip man lang noon kahit na hibla ng buhok ko ay sisiguraduhin kong diretso sa noo nang kung sinuman ang nagtapon nito.” Napangisi ako at bahagya naman siyang natigilan. “Hindi ko kailangan ng sermon o ng payo mo. Tatagal ako sa eskwelahang ito. Hindi ko lang alam sa taong haharang sa daan ko.”     Tumayo na ako at mabilis na nagtungo sa pintuan. Wala naman nang pipigil sa akin dahil kasabay nang pagtayo ko ay ang pagkatapos noong sinasabi ng lalaking nasa unahan. Nilingon ko pa iyon at nakita ko ang nagugulang tingin na ibinibigay nito sa akin. Tama ‘yan. Maguluhan kayong lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD