CHAPTER 01: Zach Delavega's Daughter
Amie Saludez
"Daddy!"
Natigilan ako nang marinig ko na ang malakas na palahaw ng batang babaeng target ngayon ng grupong kinabibilangan ko.
Sa 'di kalayuan nitong park ay nakita kong hawak na nila ito—nakasampay sa balikat ni Kiko at nanlalaban pa. Lahat sila ay nakasuot ng itim na facemask katulad ko.
Ako naman ay nakaabang dito sa pinto ng itim na van. Tumatambol ng malakas ang dibdib ko sa matinding takot at kaba.
"Let me go! Daddy—mmph!" sigaw nitong muli, pero isa sa mga kasama namin ay tinakpan na ang bibig nito.
Agad na rin silang tumakbo palapit sa amin.
"Amie, ang pinto!" sigaw ni Dodo sa akin. "Buksan mo na ang pinto!"
Nataranta ako nang makita kong may mga lalaking naka-black suit na ang tumatakbo na rin palabas ng park.
"Ms. Zahara!" sigaw ng isa sa kanila. Mukhang mga bodyguard sila ng batang dinukot namin.
"Amie, ano pa bang ginagawa mo?! Tangina!" sigaw naman sa akin ni Kiko. Tuluyan na rin silang nakalapit sa akin.
Mabilis ko naman nang binuksan ang pinto ng van.
Nauna na silang pumasok sa loob, bitbit ang bata, bago ako sumunod. Hindi ko pa man naisasara ang pinto ay agad na rin itong pinaandar ng mabilis ng driver namin.
"Let me go! Let me go!" paulit-ulit na sigaw ng bata habang nanlalaban sa mga kasama namin. "Take me back! Isusumbong ko kayo sa Daddy ko! Daddy!!!"
"Tumahimik ka!" sigaw sa kanya ni Junie, at nagulat ako nang ambahan niya ito ng suntok.
"Huwag mo siyang sasaktan!" sigaw ko sa kanya. Agad kong hinila ang bata palayo sa kanila at niyakap ng mahigpit. "Kabilin-bilinan ni boss na huwag siyang sasaktan. Kundi, mayayari tayo sa kanya!"
Tuluyan nang umiyak ang bata. Ramdam ko ang takot sa kanya habang nakayakap na rin sa akin ng mahigpit. Nanginginig ang buong katawan niya.
"Tangina. Ang lakas ng loob mo!" sigaw naman sa akin ni Dodo habang lumilingon sa likod. "Muntik na tayong mahuli nang dahil sa'yo!" Tanging nanlilisik na mga mata niya ang nakikita ko sa nakatakip niyang mukha.
Hindi ako nakasagot.
Kung pwede nga lang magpahuli na lang talaga, para makawala na ako sa lintik na grupo ng sindikatong ito. Pero alam kong kapag ginawa ko 'yon, katapusan na rin ng buhay ko at ng buhay ng nanay ko sa hospital.
Kung hindi man ako mapatay sa bugbog ng mga pulis, siguradong ha-hunting-in ako ni Magnus, ang leader ng grupo.
Hindi basta-basta ang taong 'yon. Walang nakakawala sa grupo niya ng buhay.
"Saan niyo po ako dadalhin?" tanong ng batang babae habang nakatingala sa akin.
Napatitig naman ako sa kanya. Basang-basa na ng luha ang kanyang mga mata at mukha. Namumula na rin ang kanyang pisngi at tungki ng ilong.
Hindi ko alam kung bakit may naramdaman akong kakaiba sa puso ko—may kirot na hindi ko maipaliwanag habang nakatitig sa kanya.
Sumaging bigla sa isip ko ang baby ko na wala nang buhay noong ipanganak ko, na ni hindi ko man lang nakita ang mukha. Siguro kung nabuhay siya noon, malamang magkasing-edad sila ngayon at napakaganda ring bata na tulad niya.
Pero siguro, hindi siya nakalaan para sa akin. Dahil sa hirap ng buhay kong ito, parurusahan ko lang siya kahit hindi ko gustuhin.
Marahan kong pinunasan ang basa niyang pisngi, habang ako naman ay nagtatago pa rin sa suot kong facemask.
"Huwag kang mag-alala, susunduin ka rin ng daddy mo," malambing kong sabi. "May mga ... bagay lang na dapat pag-usapan sa pagitan ng daddy mo at ng ... boss namin."
Pero ang totoo, dinukot siya kapalit ng malaking halaga.
Ganito ang mundong kinabibilangan ko. Lahat nang masasamang gawain ay naririto na.
"I want to go home." Muli na naman siyang humikbi. Puno ng pagmamakaawa ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. "I want my daddy."
"Soon, baby," sagot ko. "Makakauwi ka rin." Muli ko siyang niyakap ng mahigpit.
Samantala, ang mga kasama ko ay masama pa rin ang tingin sa akin.
Kahit kailan ay hindi ako masasanay sa mga ganitong gawain. Ilang bata na ang dinukot nila para sa ransom money. Ngayon lang ako sumama dahil utos ni Magnus. Kailangan ko na rin daw pag-aralan ang gawaing ito simula ngayon, bukod sa pagnanakaw na ginagawa ko at paghahatid ng mga droga sa mga kliyente nila.
Paano ako napasok dito?
Dahil sa aking ama na may malaking pagkakautang sa kanya noong nabubuhay pa ito.
Namatay si Tatay nang matiyempuhan siya ng mga pulis sa isang lugar sa Pasay na magde-deliver din ng mga kargamento sa mga banyaga. Mga droga ang dala niya no'n. Tinangay ng mga pulis ang droga na nagkakahalaga lang naman ng daan-daang milyong piso.
Hindi na iyon nabawi. At dahil doon, kami ni Nanay ang siningil niya.
Si Nanay ay may cancer sa baga at ilang taon na ring pabalik-balik sa hospital.
Tinutustusan ni Magnus ang mga gamutan niya—chemotherapy, mga maintenance na gamot, at paulit-ulit na confinement sa ospital kapag lumalala ang kondisyon niya.
Kada buwan, parang bagong hatol na naman ang buhay namin. Kapag may kulang sa bayad o hindi nakasunod sa utos, parang kaya niyang ipahinto lahat—pati ang gamutan ni Nanay.
Kaya kahit gustuhin kong tumakbo, kahit gusto kong putulin ang lahat ng ugnayan ko sa kanya, hindi ko magawa. Dahil si Nanay ang nakatali sa bawat desisyon ko.
At sa bawat paghinga niyang hirap, mas lalo akong napipilitang manatili sa impiyernong buhay na ito.
Ipinagpapasalamat ko na rin na hindi nabuhay ang anak ko no'n.
Dahil hindi ito ang mundong nararapat para sa kanya.
Napayuko ako sa batang yakap ko ngayon, na mukhang nakatulog na.
Ayon sa narinig ko kay Magnus habang nag-uusap sila ng mga kasosyo niya sa gawaing ito, Zach Delavega raw ang pangalan ng ama ng batang ito.
Isang bilyonaryong kalaban raw sa negosyo ng kaibigan niya. Kailangan daw nila itong pagbayarin at mabawian ng malaking halaga.
Pamilyar sa akin ang pangalan niya... Zach Delavega...
Pero hindi ko matandaan kung kailan o saan ko narinig.