I never been in this kind of situation before but I guess there's always a first time for everything.
Namayani ang katahimikan sa loob ng silid. Ang tanging tunog lang na maririnig ay ang mga machine na kumokonekta sa katawan ni Aling Ivy.
Si Kairo ay napako sa kaniyang kinatatayuan na para bang nanigas at hindi na makagalaw.
I wanted to say anything to broke the silence ngunit nang buksan ko ang aking bunganga ay walang salitang lumalabas.
Pareho kaming nakatitig kay kuya, tinitingnan kung ano ang kaniyang reaksiyon.
"Sino siya Jasper?" walang emosyong tanong niya sa akin. Ang kaniyang mga titig ay nakapako kay Kairo.
"Uhmm.. kaibigan ko po," nag-aalangang sagot ko.
Kahit kailan ay hindi pa ako nagsinungaling kay kuya, ngayon pa lang.
"Bago na pala ang tawagan ng magkaibigan ngayon. Babe? Hmmm," sabi niya habang hinihimas ang kaniyang baba. "Sigurado ka?"
Ngayon ay sa akin na siya nakatingin. Tumingin ako sa gawi ni Kairo at nakitang tumitingin din siya sa akin. Napansin ko ang paglunok niya nang makita kong tumaas-baba ang kaniyang lalamunan.
Hindi ko inalis ang aking tingin kay Kairo. I'm trying to talk to him with my eyes. Gusto kong tulungan niya akong magpalusot.
Lumuwag ang aking kalooban nang sa wakas ay magsalita siya ngunit bigla ring nagulat dahil sa kaniyang sinabi.
"Boyfriend ko po siya," sabi niya. Kahit na seryoso ang kaniyang pagkakasabi ay nahihimigan ko parin ang kaba sa kaniyang boses.
"Boyfriend ko po siya," ulit niya ngunit ngayon ay matibay na ang kaniyang pagkakasabi na para bang nawala ang mabigat niyang pasanin nang sa wakas ay nasabi na niya ito sa iba.
"Oh, talaga?" tumatangong banggit ni Kuya. "Bakit hindi mo sinabi sa akin ito?"
Hindi ko pa nakitang ganito ka seryoso si Kuya. Palabiro kasi siyang klaseng tao kaya nakakapanibago na makita siyang ganito.
Nakatitig lamang ako sa mukha ni Kuya, sinusubukang hanapin ang aking boses.
Alam ko namang tanggap ako ni Kuya noon pa. Grade 7 pa ako noong inamin ko sa kanila ang aking kasarian kaya hindi ko alam kung bakit ako kinakabahan na may ipapakilalang boyfriend sa kaniya.
Sa lalim ng aking iniisip ay hindi ko namalayang nakangisi na pala ang kaniyang mukha. Hindi ko alam kung gagaan ba ang loob ko sa ngisi niya o maiinis dahil alam na alam ko ang ganitong klaseng pag-uugali ni Kuya.
Paniguradong hindi niya ako lulubayan sa panunukso dahil sa nakitang kaba sa aking mukha kani-kanina lang.
Bigla siyang humalakhak habang nakahawak sa kaniyang tiyan na para bang ikinatuwa niya ang makita akong ganoon. Alam na alam niya rin kasing hindi ako sanay at komportable kapag ako ay nasasalang sa hot seat.
Palihim akong lumingon kay Kairo at ang kaninang kaba sa kaniyang mukha ay napalitan na ng pagka-aliw.
Gusto ko sanang burahin iyon at sabihing hindi na siya astig dahil sa kabang ipinakita kanina.
Nang minsang nag-uusap kasi kami tuwing gabi bago matulog ay nabanggit niya sa akin na kailan man ay hindi siya magpapakita ng kahinaan sa mata ng ibang tao lalo na ang kaba dahil nababawasan daw ang pagiging astig niya.
Tumahimik na lamang ako habang ngumingiti. Sa ngayon. Ayaw kong mapahiya siya sa harap ni Kuya.
"Nako, bunso ha. May tinatago ka palang boyfriend hindi mo man lang ipinakilala sa'min. Kailan lang naging kayo?"
How can I say that we just call it official days ago?
"Bago lang po," sagot ni Kairo.
Namangha ako sa aking narinig. Po? Kailan man ay hindi niya ginagamit ang salitang yan. Kahit nga sa mga guro namin ay hindi niya ginagamit yun. Lalo na ang mapagkumbaba at maamong boses niya.
Siguro ay nakita niya at nabasa ang laman ng aking isip dahil tinapunan niya ako ng masamang tingin na nagpatawa sa akin.
"Anong pangalan mo?" tanong ni Kuya sa kaniya.
"Kairo po," sagot niya habang inaalok ang kanang kamay.
"Ezekiel," sagot ni Kuya habang tinanggap ang kamay na inalay ni Kairo at nakipagkamayan.
"Halika, mag-usap tayo," sabi ni Kuya.
Sa tunog ng kaniyang boses ay alam kong hindi naman seryoso ang maging pag-uusap nila. Sigurado akong mapupuno ang tenga ni Kairo ng mga bagay tungkol sa basketball buti na lang at hilig din ni Kairo ang maglaro ng ganoon.
Nag-aalinlangang tumingin si Kairo sa akin kaya ay tumango ako sa kaniya para ipahiwatig na ayos lang kaya lumapit siya sa kinaroroonan kung saan nakaupo si Kuya ngunit sa kasalungat na upuan ang kaniyang kinuha.
Nagpaalam ako sa kanilang lalabas lang saglit.
Kailangan kong tawagan si Janice at ipaalam sa kaniya ang nangyari kay Aling Ivy.
Ikalawang ring pa lang ay sinagot na niya agad ang tawag.
"Hey, I need to tell you something," bungad ko sa kaniya.
"Teka, okay ka lang ba? Ba't ganyan ang boses mo?" nagtatakang tanong niya.
"Saan ka ngayon?"
"Sa bahay lang. Anong nangyari? Bakit napatawag ka? Teka, pupunta ako diyan sa inyo."
"Huwag," agad kong sambit. "Sa ospital ka na lang dumeretso."
"Bakit? May masama bang nangyari sa'yo? Saang ospital? Sandali, magpapalit lang ako ng damit? Okay ka lang ba? Sinong kasama mo ngayon diyan? Si Kairo nasaan? Kasama mo ba siya? Anong nangyari, Jasper?" sunod-sunod na tanong niya sa akin na hindi ko na nasundan dahil sa sobrang dami kaya sinabi ko na agad sa kaniya ang nangyari para hindi na siya mag-alala pa sa akin.
Ngunit alam kong mag-aalala rin naman siya kapag nalaman niya ang totoo.
"Inatake ng sakit niya si Aling Ivy kanina. Nasa Dr. Philip Hospital kami ngayon. Nasa 032 room."
"Sige papunta na ako."
Narinig ko ang tunog ng kaniyang susi bago ko ibinaba ang tawag.
Nag-aalala ako na baka mapano siya dahil alam kong nagmamadali siyang pumunta rito.
Malapit din kasi ang loob niya kay Aling Ivy. Nung namatay kasi ang lola niya ay parang si Aling Ivy na ang tumatayong pangalawang lola niya.
Noong una ay nahihiya pa siyang lumapit rito nang ipakilala ko siya noon. Ngunit hindi nagtagal ay naging maayos na ang kanilang relasyon. Araw-araw ka ba naman bibigyan ng kendi ay paniguradong mapapaamo ka. Lalo na at kendi ang paborito ni Janice noong kainin. Kahit baon noong elementary ay hindi mawawala ang kendi sa kaniyang bulsa.
Kaya kapag dumadalaw ako kay Aling Ivy noon dahil lagi kong sinasama si Janice palaging may nakahandang isang bowl ng kendi para sa kaniya. Kumukuha naman ako ngunit hindi tulad ni Janice na napupuno lagi ang bulsa, ako ay limang piraso lamang ang kinukuha.
Hindi muna ako pumasok sa loob dahil hihintayin ko na lang si Janice na dumating.
Sumandal ako sa pader habang hawak-hawak ang aking cellphone.
Mapapansing busy ang ospital ngayon dahil labas masok ang mga nurses sa bawat room. May ibang nagtatakbuhan at may ibang may tulak na tray. May ilang doktor din akong nakikita. Ang linis nila tingnan sa puti.
Naalala ko noong bata ako pinangarap ko ring maging doktor o nurse ngunit nang sabihin sa akin ni Janice na dapat hindi ako matakot sa dugo dahil iyon lagi ang nakikita nila.
Dahil takot ako sa dugo ay iniba ko na lamang ang gusto ko maging paglaki.
Sa batang pag-iisip ay napagkasunduan namin ni Janice na maging guro sa agham.
Hindi nagtagal ay may narinig akong mabibilis na yabag ng mga paa. Hindi ko pa man nakikita kung sino ito ay alam ko na agad na si Janice ang paparating.
"Kumusta siya?" nag-aalalang tanong niya.
"Hindi parin nagigising hanggang ngayon," sagot ko.
Sabay kaming pumasok ni Janice sa loob. Ang una kong napansin nang makapasok kami ay sina Kuya at Kairo. Nakita ko silang dalawa na tahimik na nanonood ng basketball sa isang sports channel. Napangiti ako.
Lumingon ako kay Janice at nakitang mas makurba pa ang kaniyang kilay sa london bridge.
Nagkibit-balikat lamang ako, umaasang papalampasin niya ang kaniyang nakita ngunit para bang nawala sa kaniyang isipan kong bakit siya naparito dahil bigla niya akong iniharap sa kaniya at tiningnan ako na nagsasabing magpaliwanag habang tumitingin sa gawi ni Kuya at Kairo.
Sasabihin ko rin naman sa kaniya ang lahat ng nagyari ngunit bago yan ay ipaalala ko muna kung bakit siya naparito. Tinuro ko sa kaniya ang kama kung saan nakahiga si Aling Ivy.
Nabaling agad ang kaniyang atensyon at napansin kong naluluha ang kaniyang mga mata.
Lumapit siya sa kama at umupo sa upuan na nasa gilid nito. Ako naman ay nanatiling nakatayo sa paanan.
Gaya ng ginawa ko ay hinawakan din ni Janice ang kamay ni Aling Ivy. Dumadaloy rin ang luha sa kaniyang mga mata.
Alam kong ayaw na ayaw ni Janice ang umiyak dahil ayon sa kaniya kahinaan ang umiyak ngunit ngayon ay parang nadurog ang aking puso sa nakikita.
Kapag talaga mga taong malapit sa'yo ang napahamak, hindi mo kailan man matatago ang totoong nararamdaman mo. Kahit pilitin mo mang itulak ito sa kailaliman ng iyong puso lalabas at lalabas din ito.
Nanatili pa ng ilang oras si Janice sa ospital. Lalo na si Kairo dahil ayon sa kaniya sabay na lang daw kaming uuwi. Dala niya kasi ang sasakyan ng kaniyang magulang.
Si Kuya naman ay nagpaalam na at umuwi. May gagawin pa raw kasi siya. Hindi ko alam kung ano iyon.
Uuwi rin naman kami mamaya kapag dumating na si Mama.