****** AMAN ******
WELCOME ILOCOS SUR, ang sa wakas ay nabasa na ni Aman sa malaking arko pagkatapos niyang malampasan ang medyo mahaba rin na tulay. Ayon sa kanyang reseach, ang tulay na iyon ang boundary ng La Union at Ilocos Sur. At ang unang bayan ng Ilocos Sur ay iyon ang sadya niyang lugar; ang bayan ng Tagudin, Ilocos Sur. Ibig sabihin ay narito na siya sa destinasyon niya, ang kinaroroonan ngayon ng hinahanap niyang si Rucia Manrique.
Binagalan na niya ang pagpapatakbo ng kanyang sasakyan. Naghanap siya ng taong puwede niyang mapagtatanungan.
“Kuya, saan po rito ang Barangay Bio?” tanong niya sa isang matandang lalaking nakita niya na nakatambay sa isang waiting shed. Mukhang galing sa pagsasaka ang matanda dahil maputik ang paanan nito. Nagpapahinga.
“Dito na iyon, iho,” sagot nito.
Napangiti siya. Tinanong niya na rin kung saang sakto ang address ni Rucia na nakasulat sa papel. Kinuha niya iyon sa information ng dalaga na ibinigay sa kanya ng detective na kanyang inupahan two weeks ago. Hindi niya agad naasikaso ang kanyang plano dahil sa pagdating ni Kai sa company. Tinuruan pa niya ang kanyang kaibigan. At mabuti na lang ay madali lang turuan kaya puwede na niyang iwan-iwanan.
Ang usapan nila ni Kai, kapag wala siya ay ang dalaga ang magma-manage sa kanilang kompanya.
“Ay doon pa ‘yan.” Itinuro ng matandang kausap niya ang unahan. “Kita mo iyong sunod na waiting shed na iyon? Sa may malaking akasya? Doon ‘yan. Papasok ka roon, iho.”
“Salamat po,” senserong pasasalamat niya. Yumukod siya konti bilang paggalang sa matanda at tinungo na nga ang tinuro nito. Dahan-dahan pa rin ang pagpapatakbo niya. Hindi niya kabisado ang lugar kaya ingat na ingat siya.
“s**t!” And speaking of ingat na ingat, buti na lang, dahil bigla ay may bata na tumawid sa daanan nang ililiko na sana niya ang sasakyan niya papasok sa kanto na itinuro ng matanda. Mabuti na lamang at naiprino niya agad.
Halos pangapusan siya ng hininga sa takot. Saglit siyang natuliro. Hindi niya akalain na dito pa talaga sa probinsya siya muntik-muntikang makabangga gayong sa Maynila na napakadaming tao ay hindi nangyari ang ganito sa tagal na niyang nagmamaneho.
Tumataas-baba ang dibdib niya habang pinanood niya ang babaeng mabilis na sumaklolo sa bata. Natakot siya na baka nasagi pa rin niya ang batang lalaki. Pero nang nahimasmasan siya ay mabilis siyang bumaba sa kotse.
“Is he okay?” usisa niya sa babae na nang-aalo sa bata. Hindi naman umiiyak ang bata. Mukha ngang hindi aware ang inosente na muntik na itong mabangga.
“Sa susunod, manong, ay mag-ingat ka sa pagmamaneho! Muntik ka nang makadisgrasya at bata pa!” pagalit na sabi ng babae kaysa ang sagutin siya.
“Sorry, hindi ko sinasadya,” agap niyang paghingi ng pasensya. Bata ang pinag-uusapan kaya wala siyang karapatan na magdahilan pa ng kahit ano. Kahit saang anggulo ay kasalanan pa rin niya sana. At tinatanggap niya iyon.
Hindi na nagsalita ang babae pero inirapan pa rin siya nito. Inakay na nito ang bata sa may waiting shed. Saglit lamang ay isang babae pa ang dumating. Binuhat nito ang bata at inilayo na. Ang nanay malamang ng bata.
“Um…” Umangat ang kamay ni Aman para agawin sana ang pansin ng babae, para sana humingi ng despensa or alukin ng kahit ano at baka na-trauma ang bata, pero ang bilis naman nilang nakalayo. Hindi na siya nakahuma lalo na nang sumakay na sa tricycle ang mag-ina.
“Buti na lang okay ang bata,” narinig niyang saad ng babaeng katabi.
Nang tingnan niya ito ay nakasunod din ang tingin nito sa mag-ina. Hanggang sa napansin niya na parang pamilyar pala ang mukha nito. Slipping his hand beneath his jeans pocket, he pulled out his cell phone. He checked his gallery. Nang nakita na niya ang larawang hinanap ay naglipat-lipat ang tingin niya roon at sa mukha ng babae.
“Bakit?” maang na tanong sa kanya ng babae nang napansin iyon.
Napatanga siya sa mukha ng babae. Matangos ang maliit na ilong nito, manipis ang lips nitong pinkish, and though halatang nilapisan ang kilay ay sakto lang sa makapal na pair of lashes nito. Bagay na bagay ang lahat ng features nito sa mala-anghel nitong mukha. At kung sa larawan ay may kulay ang maiksi nitong buhok na lampas tainga, ngayon ay medyo mahaba na, lampas kili-kili na at maitim na maitim na. Wala na rin ang madaming hikaw nito. Sa kasuotan naman ay hindi na daring. Simpleng skinny jeans at T-shirt na lamang ang suot ng dalaga, tapos ay rubber shoes naman sa pang-ibaba.
Rucia Manrique looked like a typical rustic woman right now. Simple na lang.
Tumikhim ang babae. “Manong, okey ka lang?”
Tingnan mo nga naman kung susuwertihan ka, naibulong niya sa isip bago nginitian ito. Paano ay si Rucia Manrique pala ang babae, ang kanyang sadya sa malayong probinsya na ito. Kung kanina ay inakala niyang mahihirapan siyang hanapin ito ay hindi naman pala dahil heto’t nakaharap niya agad ito. Mukhang umaayon sa kanyang balak ang tadhana.
Nagpunas-punas sa mukha si Rucia. Inipit sa tainga ang ilang piraso ng buhok nito na tumikwas. Naasiwa na yata sa pagkatitig niya rito.
“Um… sorry. Akala ko lang ay ikaw iyong kakilala ko kaya… kaya napatitig ako sa’yo,” bago pa man pag-isipan siya ng masama ni Rucia ay pagsisinungaling niya.
“Akala ko pa naman nagandahan ka sa’kin,” paiwas na wika nga lang ni Rucia.
“Huh?” kunwa’y tanong niya kahit na narinig naman niya iyon nang malinaw.
“Ah, wala. Sabi ko next time ay mag-ingat ka na sa pagda-drive, ah? Madami kasing bata rito,” pag-iiba sa unang sinabi ni Rucia. Ang lawak ng pagkakangiti nito nang ibalik ang tingin sa kanya.
Isang banayad na ngiti ang pinakawalan niya. Iyong ngiti na nagpapapogi. Iyong ngiti niya kapag kasama niya noon si Nakee. Sabi nga sa kanya noon ni Nakee ay huwag na huwag siyang ngingiti nang ganoon sa ibang babae dahil nakaka-in-love raw. Naalala niya pa ang sinabi noon ni Nakee na, “With that smile, you can melt any woman’s heart. Do not use it too often.”
Tinawanan niya noon iyon dahil akala niya ay nagbibiro lang si Nakee, pero ngayon ay kumbinsido na siya. Nakita niya kasi na natulala na rin sa kanyang mukha si Rucia.
Tumikhim siya. “Sige, gagawin ko. Mag-iingat pa ako lalo sa pagmamaneho,” at saka sabi niya nang nakita niyang nagbalik na sa sarili si Rucia.
“Good. Sige, ingat na lang.” Lumakad na ang dalaga. Halatang umiiwas na.
Noon lang napansin ni Aman ang dalawang maletang nasa gilid ng bandang kalsada. His face started to frown.
“Um, miss?” Mabilis niyang nilapitan ito. Hindi puwede na hahayaan niyang umalis si Rucia. Ngayong nakita na niya ito ay dapat na niya itong guwardyahan kung hindi ay baka mahihirapan na talaga siyang hanapin nito.
Inosente ang mukhang nilingon naman siya ng dalaga. Naghintay sa sasabihin niya.
“Y-you’re leaving? Saan ka pupunta?” alanganing tanong niya. Pinasadahan niya ng tingin ang dalawang maleta para malaman ni Rucia kung saan galing ang tanong niyang iyon.
Bumakas nga lang pa rin sa mukha ni Rucia ang hesitation na sagutin siya. Siguro ay dahil naisip nito na estranghero siya.
“Hindi ako masamang tao. Ako nga pala si Aman. Aman Buenaventura,” pakilala niya. Inilahad niya ang kamay. Ang kaso ay umingos ang dalaga. Tiningnan siya mula ulo hanggang paa, pabalik.
Pinalapad niya ang ngiti niya para maipakitang nakikipagkaibigan lang siya.
“Gusto mo ba ako?” nga lang ay bulgar na tanong ba naman bigla ni Rucia.
Walang pagkain or tubig sa bunganga niya pero nabilaukan siya.
Nagtatawa si Rucia. “Joke lang. Ako naman si Rucia, Rucia Manrique,” tapos ay pilyang pakilala nito. Maangas na tinapik lang nito ang kamay niyang nakalahad. Parang sa gawain ng mga tambay sa kanto.
Kamot-batok na lang siya. “Nice meeting you, Rucia.”
Kindat ang tinugon sa kanya ng dalaga. “Sige na. Kailangan ko nang umalis at baka dumaan na iyong bus.”
“Bus? Bakit saan ka ba talaga pupunta?” ulit niyang tanong.
“Doon lang,” hindi malinaw na sagot nito. Hinila na ang mga maleta. Mukhang mabibigat iyon.Nakagat ni Aman ang lower lip niya. Mukhang mali yata ang inakala niya na naguwapuhan sa kanya si Rucia.
Napa-“Tsk” siya. Ito ang mahirap sa kanya dahil hindi naman siya marunong na dumiskarte sa babae. Kaya nga hindi siya tumalab noon kay Dhenna. Kay Nakee naman ay bigla na lang na naging sila, walang ligawan na nangyari.
Hinayaan niya muna si Rucia. Nag-isip muna siya ng gagawin para makausap pa ito at makuha ang loob nito. Nakita niya sa waiting shed tumigil ang dalaga. Naghihintay na ng bus na masasakyan. Lumingon naman ito sa kanya at nginitian pero hanggang doon na lang.
Gusto niyang manlumo dahil mukhang masasayang lang na nakita niya ang dalaga. Gusto niyang sapakin ang sarili dahil noon pa siya nakahanda sa plano niya pero ngayong nakita na niya ang target ay natorpe naman siya.
Badtrip ! usal niya.
Isang buntong-hininga ang kanyang pinakawalan. Ganito nga siguro kapag hindi ka naman likas na masama. Mahirap gawin ang paghihiganti kahit na gigil na gilgil ka nang gawin.
Kung hindi mo gagawin? Paano ang pinangako mo kay Nakee? Paalala sa kanya ng kanyang sarili.
Tumigas ulit ang mukha niya. Tama, may pangako siya kay Nakee na dapat niyang tuparin. Hindi dapat na masayang ang pagkakataong ito.
Malalaki ang hakbang na nilapitan niya ulit ang dalaga. Pero nang tingnan siya nito ay napakabilis na binago niya ang ekspresyon ng kanyang mukha. Kung kaya naman ang nakangiting mukha na niya ang nakita ng dalaga at hindi ang galit.
“Gusto mo ihatid na lang kita kung saan ka pupunta? I have a car,” paanyaya niya saka inihayon ng tingin niya ang sasakyan niya na nakaparada sa may gilid ng kalsada.
“Naku saanen. Adayo idiay papanak,” ngunit pagtanggi ng dalaga.
“Huh?” napamaang siya dahil hindi niya naintindihan ang sinabi nito.
“Sabi ko ay ‘huwag na kasi malayo ang pupuntahan ko’,” pag-translate ni Rucia sa sinabi nang ma-gets nitong hindi siya nakakaintindi ng dialect ng mga Ilokano.
“Ah… pero hindi, okey lang. Kahit gaano pa kalayo iyon ay kaya kitang ihatid. Full tank ang gas ng kotse ko,” biro niya.
Natawa nga si Rucia. Tawa na kung wala siguro siyang itinatagong galit dito ay nahumaling na siya. Inaamin niyang cute talaga ito. Hindi nga lang mabubura niyon ang kasalanan nito sa kanya at kay Nakee.
“Salamat talaga pero nandiyan na ang bus,” nga lang ay pagtanggii pa rin ni Rucia.
Hindi pa rin umubra ang moves niya. Nabahala na siya nang paparating na nga ang bus. Mas nakusot ang mukha niya nang nakita niya ang plakard sa harapan. CUBAO kasi ang nabasa niya roon. Ibig sabihin ay sa Maynila ang pupuntahan ni Rucia.
“s**t!” he cursed under his breath. Mas mahirap nang maghanap doon sa Maynila kung sakali.
“Sige ha,” kaway sa kanya ni Rucia nang tumigil ang bus sa tapat nila. Hinila na nito ang mga maleta.
“Wait!” pigil na naman niya rito. Dumipa siya harapan nito.
“Bakit?” Nakusot na ang magandang mukha ng dalaga.
“K-kasi ano… kasi sa Maynila rin ang tungo ko. Actually, pabalik na ako roon. Pwede kang makisabay sa akin kung gusto mo para makatipid ka sa pamasahe. Magiging kumportable ka pa sa byahe,” dire-diretsong paliwanag niya.
“Sasakay ba kayo?” hindi makapaghintay na tanong ng konduktor ng provincial bus.
“Hindi po,” siya na ang sumagot.
Bago pa man makahuma si Rucia ay umandar na ang bus at umalis……..