Sinunod ko ang payo ni Aling Lourdes na manatili sa kwarto ko. Sa kalagayan ko na mugto ang mga mata at walang humpay na umiiyak, mas pinili ko na manatili na lang sa kwarto ko. Bahala na kung puntahan man ako ni Papa para i-check ang kalagayan ko. Basta ayokong humarap sa kanya na ganito ang itsura ko. Hindi ko alam ang idadahilan ko kapag nagtanong siya. "Nayeli," tawag mula sa labas ng kwarto ko pagkatapos ng tatlong katok. "Dinalhan kita ng pagkain mo. Buksan mo ang pinto, hija at baka mabitiwan ko ang tray." Mabilis kong binuksan ang pintuan at kaagad na tumambad sa harapan ko si Aling Lourdes na maraming dalang pagkain. Ngunit imbes na matuwa ako sa nakita kong mga pagkain na dala niya. Kabaliktaran ang nangyari dahil hindi ako natuwa, napahawak na lang ako sa bibig ko at naduwal