Sa sobrang saya na nararamdaman ko hindi na matigil-tigil ang pag-agos ng mga luha sa aking mga mata. Pauwi na kami ngayon ni Ziyad sa kaniyang hotel. Kumuha siya ng tissue at siya na mismo ang nagpunas sa basa kong pisngi. "Tahan na," masuyo niyang sambit habang malamlam ang mga mata na nakatitig sa akin. Tumawa naman ako at muling umiyak. "Ikaw kasi, e. Bakit ba ang suwerte ko sa'yo? Ano bang nagawa ko at sobra mo akong mahalin?" Matamis siyang ngumiti. Kinuha niya ang kamay ko at masuyong hinalik-halikan. "Hindi ko din alam. Basta ang alam ko lang, isang beses lang akong magmamahal. Hindi ako nagbibiro nang sabihin ko sa'yo na tatanda akong binata." Tumawa ako. "Hindi ka tatandang binata. Tatanda ka kasama ako at ng mga magiging anak natin. Gusto ko ng madaming anak, Ziyad."