KABANATA 19:
ANG lakas ng kabog ng aking dibdib. Mabilis ang pintig ng aking pulso at tila kinapos ako ng hininga ng pinakawalan niya ako. Kung hindi dahil sa ingay ng kabayo at ang boses ng dalawang trabahador na nag-uusap ay hindi kami matatauhan. Mabilis akong tumalikod at inayos ang sarili.
Ganunpaman, hindi nawala ang pagkataranta ko dahil sa nangyaring halikan namin ni Emil.
"May tao? Ayan o! Kabayo ni Senyo—uy, Emil!"
Nakagat ko ng mariin ang labi ng marinig ang boses ni isa sa trabahador sa aming Hacienda. Sila ang nagpapakain everyday dahil sampu ang natira na kabayo sa sarili naming kwadra. Iyong sampu inilipat sa camping site. Tuwing weekends dito naman si Emil nananatili para pakain at paliguan ang mga kabayo. Buong araw niya iyon ginagawa at madami kaya nagtatagal siya. Every week pinapaliguan ang mga kabayo dahil madalas ang gamit naming magpipinsan sa mga alaga naming kabayo.
Huminga ako ng malalim at kunwari nagpagpag ng pantalon at inaayos ang boots.
"Senyorita! Magandang hapon!"
Lumingon ako at ngumiti. Sinulyapan ako ni Emil pero walang sinabi.
"Magandang hapon din! Kinuha lang namin ang kabayo. Uhh... sige, mauna na kami," sabi ko at naglakad palapit kay Alexandra. Halos tampalin ko ang noo na bakit kailangan ko pang sabihin kung anong sinadya namin sa kwadra eh samantalang hindi naman nila tinatanong.
"Sige po, Senyorita," sagot ng isa.
"Emil, hindi ka nagpakita kagabi! Nag-inuman kami sa bahay nila Randy. Sabi ko sa'yo pumunta ka. Hinahanap ka ni Marissa!"
Napataas ang kilay ko sa narinig. Hinila ko na ang tali ng kabayo. Tumikhim si Emil ng bumaling sa kanila.
"Napagod ako sa trabaho. Pasabi pasensya na kamo..." anito at napakamot ng ulo sabay sulyap sa akin. Inayos ko ang suot kong long sleeves at sumampa na sa kabayo.
Napapailing ang dalawang trabahador habang papasok sa loob ng kwadra.
"Sa sabado pumunta ka birthday ni Randy kaya magpapainom ulit. Minsan ka lang maka-bonding, eh! Sama ka, ha!" Tinapik ng isang trabahador si Emil sa balikat.
"Sige."
"Ingat po, Senyorita!" paalam ng dalawang trabahador na tinanguan ko lang.
Sumampa sa kabayo si Emil. Pinauna niyang maglakad si Alexandra at nakasunod siya sa akin. Ramdam ko pa din ang pag-iinit ng magkabila kong pisngi. Naiiwan ata ang utak ko sa kwadra. Pinatakbo ko ang kabayo ng ma-realize na naga-antay si Philip sa arena.
"Senyorita!" Natatarantang sabi ni Emil.
Napangisi ako. Tila nagugustuhan ko na ang tawag na iyan sa akin ni Emil. Parang endearment na ng sa akin. Hindi ko na nga siya tinatama kanina na maka-ilang beses niya ko kung tawagin na Senyorita.
Hinampas ko ng whip stick ang kabayo. Mas lalong bumilis ang takbo nito. I've been good at riding horses at tila gusto kong ipakita iyon kay Emil. Para bumilib siya sa akin. Nilingon ko siya habang tumatakbo ng mabilis ang kabayo. Malapit niya na akong mahabol.
I am impressed. Magaling siya mangabayo lalo na sumusunod sa kanya si Sebastian. Lumapad ang ngiti ko habang nag-focus na sa pagpapatakbo kay Alexandra.
Mas lalo ata akong nahuhulog kay Emil ngayong nakita ko siya sa ayos nitong iyon. Para akong nanunuod sa Hari na nangangabayo. Para bang maning-mani lang ito sa kanya at heto na nga napantayan niya na ako.
"Geselle!" matigas at malakas na tawag niya sa akin. Punong-puno ng pagkadominante ang boses niya.
"Idahan-dahan mo!" utos nito.
Napahalakhak ako dahil galit na ito. Salubong ang kilay. Unti-unti kong pinabagalan si Alexandra hanggang sa huminto na ako. Nauna si Emil at humarang sa daraanan ng kabayo ko.
"Bakit kailangan mong patakbuhin ang kabayo ng ganoong kabilis! May malalaking mga bato at nagiging madulas na ang daan! Kung matapilok 'yan. Nabagok na ang ulo mo! Naghahanap ka ba ng disgrasya?!" galit nitong sabi. Lumabas ang mga litid nito sa leeg na kulang na lang ay pumutok na sa tindi ng pagka-asar sa akin.
Tinagilid ko ang aking ulo habang naaliw na pinagmamasdan siya. Salubong ang kilay at mariin ang titig sa akin. Kailan pa ako natuwa sa ganoong klase ng tanawin? Ang gwapo talaga niya sa aking paningin.
"Geselle!" tawag niya ulit sa akin ng hindi ako sumagot sa lahat ng sinabi nito.
"You called me Senyorita a while ago. Ngayon pangalan ko na talaga ang binabanggit mo? I love it when you call me, Senyorita." Nakangisi kong sabi. Binasa ko ang ibabang labi.
Umiwas ng tingin si Emil at namumula ang tainga. Napailing ako at pinalakad na si Alexandra. Sumunod naman si Emil. Natanaw na namin ang camping site.
Siguro nayayamot na si Philip sa tagal namin ni Emil. Kung wala lang mga trabahador kanina. Baka mas nagtagal pa kami. Nakagat ko ng mariin ang ibabang labi para hindi umalpas ang ngiti. Hindi na nagsalita pa si Emil at sumunod na lang sa akin.
Naabutan ko si Philip na may kausap ng ibang guest ng dumating kami. He looks relieved upon seeing us. Sabi ko na nga ba natagalan siya sa amin. Mabilis na namula ang pisngi ko ng maisip ulit ang dahilan.
Hindi na nagtanong si Philip kung bakit ngayon lang kami dumating. Mabuti na din iyon dahil hindi ko din naman alam kung anong sasabihin. Nagsimula ko siyang tinuruan. Hanggang sa ang dahan-dahan ay nagiging mabilis. Nakukuha din naman niya pero kailangan ng gabay. Sa sobrang focus namin hindi na namin napansin na tatlong oras na pala ang nilaan namin sa pangangabayo. Papadilim na kaya bumalik na kami at balak na kabayo na lang din ang sakay hanggang sa makarating sa kwadra.
Nagulat ako na maabutan si Emil na nakadekwatro habang naniniragilyo na naman at nakaupo sa batuhang upuan.
"Oh, he's still here? Wala ng mga guest, ah?" wala sa sariling tanong ni Philip.
Nakagat ko ang ibabang labi. Alam ko kung bakit naroon pa rin si Emil. Inaantay niya akong umuwi. Dahil... dahil sabay kami ulit. Nagdulot ng kakaibang kilig iyon sa aking sistema.
Bumaling sa direksyon namin si Emil at tumayo ng makita kaming papalapit. Hindi ko sinagot si Philip. Nakatitig lang ako kay Emil habang inaantay niya kaming makalapit. Tinapon nito sa lupa at tinapakan ang sigarilyo.
Pinasadahan nito ang humahaba ng buhok habang naglakad na palapit kay Sebastian. Nauna kasi si Philip sa akin.
"Hindi ka pa uuwi? Padilim na," ani ni Philip.
Umiling si Emil at napatingin sa akin. Kumalabog ang dibdib ko sa kaba. Sasabihin ba niya? Bakit niya ko tinitignan?
"Ako kasi ang magdadala ng mga kabayo sa kwadra, Mayor," anito ng hindi ako nilulubayan ng tingin.
Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi niyang iyon.
"Oh, okay. Paano iyan, dalawang kabayo lang ito?" Napatingin si Philip sa akin.
Napakurap-kurap ako. Hindi naman pwede na sa iisang kabayo kami ni Emil. Lalo na mas marunong naman mangabayo iyon kaysa kay Philip.
"Dito ka na lang sa akin, Philip. Sasakyan ni Emil si Sebastian," sagot ko.
Tila nagustuhan ni Philip ang suhesyton kong iyon kaya mabilis pa sa alas-kwatro na gusto nitong bumaba sa kabayo. Tinulungan siya ni Emil na makababa maging na rin sa pagsampa sa aking likod.
Nagkatinginan kami ni Emil. Mariin ang tikom ng kanyang bibig at hindi ko mabasa sa mga mata niya kung ano ba ang tumatakbo sa isip niya ngayon.
Mabilis itong tumalikod sa amin para sumampa sa kay Sebastian. Nilingon ko si Philip.
"Yumakap ka na lang sa beywang ko, Philip," sabi ko sabay nakagat ang ibabang labi.
"Oh, okay lang?" anito.
"Oo, kasi mahuhulog ka kung hindi ka naman yayakap." Umiwas ako ng tingin. Pakiramdam ko nagkakasala ako kahit hindi naman. Unti-unting pinulupot ni Philip ang mga braso niya sa maliit kong beywang.
"Hiyah!"
Napatingin kami kay Emil na malakas na hinampas ng whipstick si Sebastian kaya kumaripas ng takbo. Walang lingon-lingon sa amin. Hindi pa nagpaalam sa akin. Napanguso ako.
"Okay ka na?" mahinang tanong ko kay Philip.
"Yeah..." bulong nito habang nakayakap sa akin pero ramdam ko namang pilit nitong nilalayo ang sarili sa akin. Nagbibigay ng kaunting distansya. Tuwid na tuwid kasi ang likod niya.
"Relax ka lang. Naninigas ang katawan mo, Philip," sabi ko na lang sabay pinatakbo ko na din si Alexandra at sumunod na din sa lumayong si Emil.