HINDI na napakinabangan ni Jack ang aklat ng kanyang tiyo. Iba na ang kaganapan kumpara sa nakasulat doon. Umaayon na ang propisiya sa kanyang bersyon ng akda ngunit wala itong katapusan. Nababahala siya dahil ang huling isinulat niya sa kuwento ay ang panahon na nakaaangat ang mga hadeos at bampira.
Dahil binura ng mga hadeos ang kanyang akda, hindi na niya mababago ang nakasulat doon. Ang kailangan lamang niyang gawin ay ituloy ang kuwento kung saan siya tumigil. Ang problema, hindi siya sigurado kung epektibo pa rin kung isusulat niya sa notebook ang karugtong ng kuwento. Gayunpaman, sinimulan niyang sumulat gamit ang dala niyang ballpen.
Hindi naman niya matuloy-tuloy ang pagsusulat dahil napapadalas ang pagsama niya sa operasyon sa labas. Siya at si Souljen ang naatasang magbantay sa kagubatan ng Altereo upang harangin ang mga kaluluwang ligaw na pumapasok. Dala niya ang kanyang notebook at ballpen.
Nakaupo siya sa lilim ng malaking punong kahoy habang nagsusulat. Naramdaman niya ang paglapit sa kanya ni Souljen. Simula noong nagpahiwatig ito ng interes sa kanya ay naiilang na siya rito. Lumuklok ito sa gawing kaliwa niya.
“Ang tagal din nating hindi nakapag-usap,” basag nito sa katahimikan.
“Naging abala ko at ganoon ka rin,” wika niya habang patuloy sa pagsusulat.
“Humihingi ako ng paumanhin sa kapangahasan ko noon,” anito.
Tumigil siya sa pagsusulat at sinipat ito. “Kalimutan mo na iyon.”
Bahagyang napayuko ang babae. “Alam ko’ng mali na buhayin ko si Hazer sa katauhan mo ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili. May mga pagkakatulad kayo sa pag-uugali.”
Nawindang siya. “Si Hazer na yumaong anak ni Gastor?” gagad niya.
Tumango ito at matamang tumitig sa kanya. “Matagal na panahon na siyang wala ngunit naririto pa rin siya sa aking puso.” Lumamlam ang mga mata nito.
“Iyan ang pagmamahal,” aniya.
“Tama ka. Ang payak na pagmamahal ay hindi basta naaagaw ng sinuman. Maraming lalaki ang dumaan sa akin ngunit si Hazer lamang ang minahal ko nang lubos.”
“Pero napansin ko na malapit ka rin kay Kilian.” Naalala na naman niya ang mainit na senaryong nakita niya sa pagitan nina Souljen at Kilian.
Bumaling ang tingin ni Souljen sa malayo. “Si Kilian ang unang lalaking inibig ko ngunit mabilis iyong naglaho noong natuklasan ko na hindi lamang ako ang sinisipingan niya. Bagaman karaniwan kamang sa mga elgreto na sumiping sa kahit sinong babae o lalaki, para sa akin, masakit iyon. Lumaki ako sa konserbatibong pamilya ng mga sumilians,” kuwento nito.
Nabasa niya ang tungkol sa lahi ng sumilians ngunit sa akda ng kanyang tiyo sa unang yugto. Naubos ang angkan ng mga sumilian dahil sa mga hadeos.
“Hindi ka tunay na elgreto, tama?”
“Tama ka. Ang aking ina ay isang elgreto na umibig sa sumilins. Pinatay siya ng aking ama noong natuklasan na sumasama pa rin siya sa elgreto na dating karelasyon. Labag sa batas ng sumilian na nakikiapid kahit ito’y nakatali sa iba.”
“Ganoon din sa mga mortal. Hindi kami maaring magmahal ng iba at makisama hanggat kasal kami sa iba. Ang kasal ang nagtatali sa nagmamahalan at iyon ay may basbas ng Diyos.”
“Kaya ba ayaw mong mabaling sa iba ang iyong pag-ibig?”
“Hindi pa ako nakatali sa babaeng mahal ko ngunit hindi ko siya kayang pagtaksilan. Ang pagmamahal ko sa kanya ay walang kapantay at hindi matutumbasan o mahigitan ng iba.”
Hindi na umimik si Souljen. Tumayo ito at naglakad patungo sa burol. Malamig ang simoy ng hangin. Ang mga tuyong dahon ay nahuhulog sa kanyang harapan. Ang ganoong tahimik na paligid ay nagbibigay sa kanya ng payapang kaisipan.
Malungkot si Souljen. Ngunit ang lungkot nito ay nakatago sa matapang nitong mga salita. Subalit hindi maitatago ng mga mata ang tunay na nararamdaman ng isang nilalang. Masakit mawalan ng minamahal, lalo na sa parte ng babae na ang sandigan ay lalaki.
Gusto niyang mabigyan ng masayang tagumpay ang mga elgreto at wala nang buhay ang mawala. Subalit hindi na niya hawak ang propisiya sa una at pangalawang yugto. Hindi pa niya naisusulat ang kapalaran ng bawat nilalang na nakilala niya sa lugar na iyon. Naputol ang kuwento sa masalimoot na kabanata.
DAHIL sa pagbubukas muli ng lagusan patungong lupain ng mga mortal ay napapadalas ang engkuwentro ng mga bampira at lycan sa lupain ng mga namatay. May mga taong pinaslang ang mga bampira sa lupaing iyon.
Sumiklab pa ang digmaan sa pagitan ng dalawang lahi at ang mga elgreto ay tahimik na nagsasagawa ng malawakang pagsasanay. Dahil hindi na makapaghintay si Sanji kung kailan lulubayan ng mga bampira ang lagusan, nagpakalat na rin ito ng kawal sa lupain ng mga namatay.
Habang abala ang lahat sa pakikidigma, abala rin si Jack sa pagsusulat habang siya’y naiwang magbantay sa entrada ng akademya. Kasama niya roon ang ibang grupo ng elgreto at mangangaso. Nakaluklok siya sa malaking bato sa may gilid ng tarangkahan.
“Mukhang abala ka riyan, bata,” sabi ng pamilyar na boses ng lalaki.
Tiniklop niya ang kanyang notebook at nilingon ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Si Kilian, sukbit ang pana sa likod at espada naman sa kaliwang tagiliran nito. Magiting na mandirigma si Kilian, ngunit pansin niya na mailap ito sa kanya.
“Uh… mayroon lamang akong isinusulat,” turan niya.
“Kakaiba ang iyong gamit na panulat at papel. Saan mo iyan nakuha?” usisa nito.
“Nagmula ito sa mundo ng mga tao. Ganito ang ginagamit naming panulat.”
“Nakatutuwang tingnan. Maari ko bang mabasa ang iyon isinulat?”
“Paumanhin, hindi kita mapagbibigyan. May mga detalye akong isinulat na hindi ko maaring maibahagi sa iba.”
Ngumisi si Kilian. “Napakamisteryoso mo naman. Kaya hindi ako magtataka bakit kaagad kang nagustuhan ni Souljen.”
“Kaming dalawa ni Souljen ay magkaibigan lamang.”
“Iyan ang sa tingin mo ngunit para kay Souljen ay espesyal ka. Hindi imposibleng mamahalin ka niya dahil marami kayong pagkakatulad ni Hazer.”
“Malaya siyang gustuhin ako ngunit hindi magbabago ang pagtingin ko sa kanya. Isa pa, mayroon na akong kasintahan.”
“Mabuti kung ganoon. Iwasan mo na lang siya nang hindi siya umasa. Huwag mong sasaktan ang kanyang damdamin,” sabi nito saka siya tinalikuran.
“Mahal mo siya hindi ba?” tanong niya na pumigil dito sa paghakbang.
Nilingon siya nito. “Oo, ngunit malabong mamahalin ulit niya ako. Naisama na ni Hazer ang puso niya sa hukay,” sabi nito.
“Ang babae, madaling umibig sa lalaking pinapahalagahan sila at iniintindi.”
“Ginawa ko na ang lahat ngunit hindi naging sapat.” Tuluyan itong lumisan.
Bumuntong-hininga siya. Nang wala nang umaaligid sa kanya na elgreto ay itinuloy niya ang pagsusulat.
Pagsapit ng tanghali ay pinalitan siya ni Hugo sa kanyang puwesto. Niyaya siya ni Souljen na kumain. Nagulat siya nang ito ang nag-asikaso sa pagkain niya. Ayaw sana niya itong konsintihin ngunit mapilit ito. Naiilang siya at nag-aalangan lalo nang maabutan sila ni Kilian sa ganoong ayos.
“Kumain ka nang marami upang lumakas ang iyong katawan, Jack. Kailangan mo ng enerhiya dahil sa mahabang oras na pagmanman sa paligid,” sabi ni Souljen habang sinasalinan ng karne at gulay ang kanyang plato. Nakaupo ito sa katapat niyang silya.
Lumapit si Kilian at umupo sa may dulo ng lamesa, sa gawing kaliwa. “Marunong siyang kumain mag-isa, hindi mo siya kailangang pagsilbihan,” apela ni Kilian.
Hindi pinansin ni Souljen si Kilian. Itinuloy nito ang paglalagay ng pagkain sa plato niya. Siya na lamang ang pumigil dito.
“Ako na, kumain ka na rin,” awat niya.
Sumunod naman ang babae. Tahimik na itong kumakain. Tila may dumaang anghel sa pagitan nilang tatlo. Ayaw niya ng gulo kaya minabuti niya’ng iwasan si Souljen.
Nauna siyang natapos kumain. Bumalik siya sa tarangkahan at itinuloy ang kanyang trabaho. Maya-maya ay bumalik na rin sa puwesto nito si Kilian. Nasa kabilang tarangkahan ito nakapuwesto. Napapadalas ang pagtapon ng mahayap nitong tingin sa kanya.
Makalipas ang halos isang oras ay nagkagulo sa entrada ng akademya nang may kaaway na lalaki ang ilang kawal. Naunahan siya ni Kilian sa paglapit sa mga ito. Hindi elgreto ang lalaki na nakasuot ng itim na salawal. Hubad-baro ito, kayumanggi ang balat, mabalbon, matutulis ang tainga at mayroong pangil at buntot.
“Pakawalan siya!” atas ni Kilian sa dalawang kawal na gumagapos sa lalaki.
Pinakawalan naman ng mga kawal ang lalaki. Nang makalapit siya sa mga ito ay awtomatikong nabaling sa kanya ang tingin ng dayong lalaki. Napansin niya na inakbayan ni Kilian ang lalaki.
“Siya si Casper, kaibigan ko siya. Kabilang siya sa angkan ng mga ulibon na naninirahan sa palibot ng impyerno. Inosente siya,” pakilala ni Kilian sa kaibigan.
Pamilyar sa kanya ang ulibon, pero ang pangalan ng lalaki ay hindi niya maalala na nakasulat sa libro ng kanyang tiyo. Wala rin siyang karakter na ganoon. Ang kataka-taka ay bakit tila malalim ang pagtitig sa kanya ni Casper. Nakipagdaupang-palad ito sa kanya.
“Kakaiba ang hitsura ng isang ito,” sabi ni Casper kay Kilian matapos maghiwalay ang mga kamay nila.
“Siya si Jack, ang mortal na dumayo rito at gustong maging bahagi ng Golereo pansamantala,” ani ni Kilian.
“Nakatutuwang nakilala kita, Jack. Maari mo akong maging kaibigan,” wika ni Casper.
“Ako man ay ikinagagalak na makilala ka, Casper,” turan niya at kaswal na ngumiti.
“Pumasok tayo sa loob ng gusali, kaibigan,” yaya ni Kilian kay Casper.
Nagpaalam na ito sa kanya. Siya naman ay bumalik sa kanyang puwesto.
Pagsapit ng gabi ay hindi na muling lumabas ng kuwarto si Jack matapos ang hapunan. Nagsulat siya. Tahimik na ang paligid. May tatlong kabanata na siyang nasulat nang may itim na ibong dumapo sa kanyang bintana. Pumasok ito at ikinagulat niya nang mag-anyong tao ito, isang babae na pulos itim ang kasuotan. Sumasayad ang laylayan ng mahabang damit nito sa sahig, ganoon din ang mahahabang abuhin nitong buhok.
Napakaganda nito, maputi at makinis ang kutis. Napaatras siya at dumikit ang kanyang likod sa dingding habang nakaluklok sa papag. Walang kurap na nakipagsukatan siya ng tingin sa babae.
“Huwag kang matakot, Jack,” sabi nito sa malamyos na tinig.
“S-sino ka? Bakit kilala mo ako?” nawiwindang niyang tanong.
“Ako si Ramona, ang dyosa ng ibabang bahagi ng mundo. Narito ako upang alamin kung totoong narito ka sa lupaing ito ayon sa aking ispiyang kaluluwa. Lahat ng nilalang na naliligaw sa ibabang bahagi ng mundo ay nakatala sa aking aklat ang pagkakilanlan nito.”
“A-ano’ng kailangan mo sa akin?”
“Batid ko’ng narito ka upang hanapin ang iyong mahal sa buhay na dinakip ng mga hadeos.”
“Oo, pero may iba pa akong misyon.”
“Narito ka upang ayusin ang propisiya na iyong ginulo, hindi ba?”
Namangha siya. “Tama ka pero hindi ako sigurado kung magtatagumpay ako sa aking paraan.”
“Hindi mo maaayos ang propisiya gamit ang simpleng panulat at papel, Jack. Ang naitala sa huling yugto na iyong isinulat ay hindi na mababago ngunit maaring tapusin.”
Napatayo siya. Nababahala siya. “Sa huling yugto na aking isinulat, nangingibabaw ang mga hadeos at bampira.”
“Tama. Ang tanging magagawa mo ay gapiin sila. Ngunit hindi mo sila masusupil gamit lamang ang iyong espada. Hindi rin sapat ang puwersa ng mga elgreto at lycan. Ang iyong ideya sa huling kabanata na iyong isinulat ay maaring dugtungan ayon sa iyong kagustuhan.”
“Iyon ang isinusulat ko ngayon. Pero kailangang mangyari muna ang naisulat ko sa yugto kung saan ako tumigil.”
“Mabuti’t alam mo iyan. Dadanak muna ang dugo at kailangan mo itong harapin at bigyan ng sulosyon sa pamamagitan ng iyong imahenasyon.”
“Wala akong kapangyarihan. Paano ko matutulungan ang mga elgreto?”
Hinihintay niya ang sagot ni Ramona ngunit bigla itong naglaho nang may dumating.
“Naabala ba kita?” tanong ni Sanji na biglang pumasok.
“Ah, hindi naman. Nagpapahinga na ako,” tugon niya. Umupo siyang muli sa papag. Hindi na niya makita si Ramona.
“Napadaan lang ako upang ibigay-alam sa iyo na nais kang makausap ng pinuno ng mga lycan. Nakarating ang mensahe niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang alagad,” ani ni Sanji.
“Sige, makararating ako sa teritoryo nila bukas anumang oras.”
“Pinapahintulutan kitang makipagkita kay Vulther basta mag-iingat ka.”
Tumango siya. Pagkuwan ay nagpaalam na si Sanji.
Nang makaalis ito ay iniligpit niya ang kanyang mga gamit. Umaasa siya na babalik si Ramona ngunit hindi na ito nagpakita hanggang sa gupuin siya ng antok.