PINAGMAMASDAN ni Jack ang mga elgreto na pagala-gala sa labas ng akademiya. Makulimlim pa rin ang paligid. Matagal na naman silang maghihintay ng sinag ng araw. Nakasilip siya buhat sa bintana ng martial arts room.
“Bakit hindi ka pa nagsisimula, bata?”
Lumingon siya sa kanyang likuran. Naroon na pala si Haru, ang nagtuturo ng self-defense at body building. Naiinis siya sa tuwing tatawagin siya ng mga ito na bata. Palibhasa siya ang pinakabata roon. Kumpara sa edad ng mga ito, para lang siyang bagong silang na sanggol.
“Mayroon bang mga patakaran dito?” tanong niya.
“Hanggat nandito ka sa akademiya, kailangan mong sumunod sa patakaran bilang desiplina sa sarili. May oras ang paggamit ng mga pasilidad dito,” anito.
“Basic lang ang alam ko sa self-defense. Mga simpleng suntok, sipa, pagbubuhat ng mabigat.”
“Kailangan mo munang unatin ang iyong kasukasuan.”
Nagsimula sila sa karaniwang pag-uunat ng mga kasukasuan. Simula mga braso, binti, at mga paa. Mukhang kulang nga siya sa ehersisyo dahil masakit ang mga kalamnan niya sa tuwing nababanat. Sinusundan lang niya ang galaw ni Haru na nasa kanyang harapan. Napaka-flexible ng katawan nito.
“Bago ka sumabak sa mas mabigat na pisikal na aktibidad, kailangan munang mabanat nang bahagya ang iyong mga kalamnan upang hindi mo maranasan ang pamumulikat ng mga ugat at masel. Huwag ka ring basta-basta magbuhat ng mabigat na hindi handa ang iyong kalamnan,” turo nito.
Habang tumatagal ay pabigat nang pabigat ang pinapagawa sa kanya ni Haru. Tinulungan siya nitong banatin nang paunti-unti ang kalamnan niya sa mga hita. Pakiramdam niya’y mapipigtas ang kaniyang mga ugat nang paghiwalayin nito ang mga paa niya.
“s**t! Ang sakit!” reklamo niya nang halos lumapat na sa sahig ang kanyang pang-upo at p*********i.
“Huwag mong pilitin kung hindi mo pa kaya,” anito. Inalalayan siya nitong makatayo.
Ang sunod nilang ginawa ay nagbuhat ng katamtamang bigat na mga bato. Dalawang oras pa lamang silang nagsasanay ay humilab na ang sikmura niya. Ang bilis nalusaw ang kinain niya. Naiinggit siya kay Haru na kayang mag-push-up gamit na isang daliri lamang ang nakatukod sa sahig.
Dalawang kamay na nga ang gamit niya hindi pa niya maabot ang trentang bilang. Ang bilis niyang hiningal. Naiingit din siya sa ganda ng katawan ni Haru. Halos perpekto ang hubog ng mga kalamnan nito sa dibdib at puson. Gusto niyang lumaki rin ang kanyang katawan na ganoon kay Haru. Hindi sobrang laki ang mga kalamnan pero solido at matatag.
Pagkalipas ng anim na oras ay pinagpahinga muna siya ni Haru. Habilin din nito na kumain siya ng pagkain na mas maraming protina kaysa carbohydrate. Mas mainam din na marami siyang naiinom na tubig.
Mukhang kailangan niya ng mahigpit na disiplina sa kanyang sarili. Ang balis niyang magutom at natutukso siyang kumain nang marami. Bumagal ang pagsubo niya nang dumating si Souljen at umupo sa katapat niyang silya.
“Natutuwa ako at nagpasya kang maging miyembro ng organisasyong ito,” nakangiting sabi nito.
“Kailangan kong matutong lumaban para ipagtanggol ang sarili ko at mga mahal ko sa buhay,” aniya.
“Alam ko’ng hindi ka magtatagal dito pero nais ko sanang makatrabaho ka nang mahaba-habang panahon.”
Ngumiti siya. “Gusto ko rin na tumagal pero may kailangan akong tapusin na misyon.”
“Tungkol pa rin ba ito sa mga tao na hinahanap mo?’ usisa nito.
“Oo,” sagot niya at muling sumubo ng karne. “Kailangan ko silang mailigtas. Ang sabi ni Peter, maaring nasa kamay ng mga bampira ang hinahanap ko.”
“Mga kamag-anak mo ba sila?”
“Dalawang kapatid ko at ang aking kasintahan,” tugon niya.
Biglang tumahimik ang panig ni Souljen. Hindi niya napigil ang sarili na maparami ang kain. Natigilan siya nang mapansing seryosong nakatitig sa kanya si Souljen-tila sinusundan ng tingin ang bawat pagsubo niya at pagnguya.
“Kumain ka na rin,” pilit ang ngiting sabi niya.
“Salamat pero hindi ako nagugutom,” anito saka tumayo. “Natuwa lang ako nang malaman na nagsasanay ka sa akademiya kaya naisip kong iparating sa iyo ang aking kagalakan.”
“Hm, ang totoo ay utang ko sa ‘yo ang lahat ng ito. Kung hindi mo ako iniligtas ay baka hindi na ako nakarating dito.”
“Huwag mo nang isipin iyon. Tumutulong ako sa mga nilalang na nasa panganib na walang anumang kapalit.”
“Salamat.”
“Inaasahan ko rin na kapag marunong ka nang gumamit ng sandata ay magduwelo tayong dalawa.”
Tumawa siya nang pagak. “Kahit maging mahusay ako, hindi kita lalabanan,” sabi niya.
“At sa anong dahilan?” Tumikwas ang manipis nitong kilay.
Kumibit-balikat siya. “Ayaw ko lang talagang pumatol sa babae.”
Ngumisi si Souljen. “Hindi maaring malambot ang puso mo sa mga babae, Jack. Hindi mo maiiwasang makaengkuwentro ang mga babae. Kung iyan ang kahinaan mo, hindi ka maaring maging mandirigma.”
“Alam ko. Depende naman sa sitwasyon ‘yon. Kung alam ko namang mabuti ang babae, hindi ko ito kailangang labanan,” depensa niya.
“Ang hirap sa mga mortal, masyadong mapupusok. Kung gusto mong maging mandirigma, alam mo dapat kung kailan mo gagamitin ang iyong puso. Pagdating sa digmaan, kailangan matigas ang iyong paninindigan.”
“Salamat sa payo, makatutulong ito,” aniya.
“Aasahan ko pa rin na mapagbibigyan mo ako sa isang duwelo,” sabi nito saka tuluyang umalis.
Bumuga siya ng hangin.
INABOT ng sampung sesyon ang pagsasanay ni Jack kasama si Haru. Natutuwa siya dahil ramdam niya sa kanyang katawan ang pagbabago. Unti-unti na ring lumulubo at naninigas ang mga kalamnan niya sa katawan. Nasasabik din siya sa muling pagkikita nila ni Alona.
Naalala niya, madalas siyang tuksuhin noon ni Alona na lampa kasi ang lamya niya minsan kumilos. Ilang beses siyang niyaya ng dalaga na mag-work-out pero palagi niyang idinadahilan ang kanyang mga akda. Madalas siyang puyat at tanghali na kung magising lalo kung walang pasok.
Nakakaya niyang huwag lumabas ng bahay sa loob ng isang linggo at nakatutok lang sa haparan ng laptop. Si Alona na lamang ay dumadalaw sa kanya at ipinagluluto siya. Marami nga siyang pagkukulang sa dalaga.
Kasama ni Jack si Haru at Peter na tumakbo sa mataas na lupaing nasasakupan ng Golereo. Limang beses na nilang ginawa iyon bilang parte ng pagsasanay. Huminto sila sa burol upang magpahinga. Napaluklok siya sa lupa nang hindi na niya kinaya ang pangangatog ng kanyang tuhod.
Hinampas ni Peter ang kanang balikat niya. Hanga na talaga siya sa mga ito. Ang lakas ng mga sikmura. Hindi pa hiningal sa layo ng tinakbo nila.
“Ang bata mo pa pero ang hina ng katawan mo,” kantiyaw sa kanya ni Peter.
Tiningala niya si Haru na nakatayo sa harapan niya at nakapamaywang. Si Peter naman ay nasa kanyang likuran.
“Kailangan mo munang palakasin ang iyong katawan bago ka gumamit ng mabibigat na sandata katulad ng espada. Patatagin mo ang iyong mga binti at braso upang masuportahan ang iyong balanse sakaling hawak mo na ang sandata,” turo ni Haru.
“At importante sa lahat, ang iyong konsentrasyon,” sabad naman ni Peter.
Tumalikod si Haru at tinanaw ang bayan ng Embareo. “Ang mga kalaban natin ay hindi lahat gumagamit ng armas ngunit ang taglay nilang lakas ay doble kumpara sa atin. Makapangyarihan din sila at makamandag,” anito.
Tumayo siya at tinanaw rin ang malawak na bayan ng mga bampira. Gustong-gusto na niyang makarating sa bayan ng Embareo at hanapin si Alona at mga kapatid niya. Sa tuwing matutulog siya ay laman ng isip niya ang mga ito.
“Kapag nilusob ba natin ang mga bampira, may tyansa na magwagi tayo?” tanong niya.
“Sa ngayon ay malabo pang mangyari ang iniisip mo. Hindi sapat ang ating hukbo,” tugon ni Haru.
“Kung gan’on, kailan tayo magiging handa?”
“Kapag nakiisa na sa atin ang mga lycan.”
Matamang tumitig siya kay Haru. Gustong-gusto na niya iyong mangyari ngunit hindi niya malaman kung paano. Mapapasok lamang ng mga elgreto ang Embareo sakaling magsanib-puwersa ang mga ito at grupo ng mga lycan.
Kailangang may gawin siya upang mangyari ang naisip niya. Hindi niya kayang maghintay kung kailan ito mangyayari lalo pa’t hindi na niya hawak ang isinulat niyang akda. Nakalimutan na rin niya ang ibang senaryo kaya kailangan niyang mag-isip ng panibago.
Pababa na sila ng burol nang matanaw nila ang nagliliparang embareons. “s**t!” napamura siya.
“Naloko na!” bulalas naman ni Peter. Hinugot nito ang palaso sa likuran nito at ang pana.
Si Haru naman ay inihanda ang star blades nito. Wala siyang dalang sandata kaya namulot siya ng matutulis na tipak ng bato. Nang may mga sumugod sa kanila ay binato niya ang isa na mas mababa ang lipad. May isa ring tinamaan si Haru at bumagsak sa lupa. Nakatama rin ng isa si Peter.
“Mas marami na sila ngayon!” ani ni Peter habang patuloy sa pagpakawala ng palaso.
Wala nang mapulot na bato si Jack kaya hindi niya napigil ang isang embareon na sumugod sa kanya. Nahagip nito ang mga braso niya at tinangay siya sa ere.
“Jack!” sigaw ng kanyang mga kasama.
Kinapitan niya ang mga kamay ng lumilipad na embareon ngunit ayaw pa rin siya nitong pakawalan. Nakasunod sa kanila sina Peter at Haru. Hindi matamaan ng palaso ni Peter ang halimaw hanggang sa hindi na niya matanaw ang kanyang mga kasama.
Pagdating sa itaas ng kagubatan ay hinigpitan pa niya ang kapit sa mga kamay ng embareon at pilit pinipiga ang payat nitong mga braso. Tumili ito nang siguro’y masaktan. Nahilo siya sa pagiwang-giwang na lipad nito habang pabulusok.
Nang bumagsak sila sa kakahuyan ay pareho silang napalaban nang may nakaabang na dalawang lycan. Natigilan siya nang iwan siya ng isang lycan at tinulungan nito ang kasama na gutay-gutaying ang katawan ng embareon gamit ang mga kuko.
Pagkakataon na niya iyon upang makatakas ngunit hinarang siya ng isa pang lycan. Sobrang laki nito. Hanggang baywang lang siya nito. Natulos siya sa kanyang kinatatayuan nang dumukwang ito sa kanya at kaagad siyang inamoy-amoy.
“Isa kang mortal,” sabi nito sa malaking tinig.
“O-oo pero wala akong masamang pakay. Tinangay lang ako ng halimaw na iyon,” aniya sa nangangatal na tinig.
“Saan ka nanggaling?” tanong nito. Mapupula ang mga mata nito.
“N-nagmula ako sa Golereo. Ako si Jack,” kaagad niyang sagot.
Dinampot siya nito at ikinulong sa malaki nitong kamay. Inilapit nito ang kaniyang mukha sa ulo nito.
“Sa susunod, huwag kang lumabas na mag-isa, mortal,” sabi nito.
Napawi ang kaba niya nang mahinuha na mabait ito. “M-may mga kasama ako. Ang kaso ay hindi namin kinaya ang dami ng mga embareon.”
“Kung gan’on, hindi ka magiging ligtas.” Naglakad ito palabas ng gubat. May mga nagliliparan pa ring embareon. May ilang sumugod sa kanila ngunit walang kahirap-hirap na hinuli ito ng lycan at nilaslas ang katawan gamit ang isang kamay nito. Hawak pa rin siya nito.
“Jack!” boses ni Peter.
“Nariyan na ang mga kasama ko!” aniya.
“Tumakas na kayo!” Ibinaba siya nito sa lupa.
Tumingala siya. “Maraming salamat, kaibigan. Maari ko bang malaman ang iyong pangalan?” aniya.
“Ako si Vulther, ang pinuno ng mga lycan,” pakilala nito.
Nagalak siya nang sa wakas ay nakilala na niya si Vulther, ang isa sa paborito niyang character sa kanyang nobela.
“Magkikita tayong muli,” sabi niya.
Tumango lang si Vulther saka hinarap muli ang paparating na mga embareon. Sinalubong na niya ang kanyang mga kasama.
“Jack!” tawag ni Haru habang patakbo na sumasalubong sa kanya kasunod si Peter. Pagal na rin ang mga ito.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Peter.
“Oo, ayos lang ako,” hinihingal na sagot niya. “Tinulungan ako ng lycan.”
“Kailangan na nating makabalik sa Golereo,” sabi naman ni Haru.
Upang hindi sila makita ng mga embareon ay dumaan sila sa ilalim ng lupa. May lagusan doon patungo sa Golereo. Madilim ang daan pero nakikita ng mga kasama niya. Nakabuntot lang siya sa mga ito.
Nang matanaw na nila ang munting liwanag ay hindi kaagad sila nakalabas dahil may mga embareon na nagliliparaan sa labas. Naroon na sila sa lupain ng Golereo.
“Paano sila mauubos?” naiinip na tanong niya sa mga kasama. Parang matutusta na kasi siya sa init ng klima roon.
“Hindi sila nauubos. Parang mga lamok sila na mabilis dumami,” sagot naman ni Peter.
“Aalis lamang sila kapag tinawag na sila ng kanilang hari,” sabi naman ni Haru.
“Pambihira. Paano kung hindi na sila aalis?” aniya.
“Hindi sila magtatagal sa labas lalo na kung maglabasan ang mga lycan para tugisin sila,” ani ni Haru.
Nang sumilip siya sa labas ay wala nang embareon na lumilipad malapit sa kanila. Lumabas na rin si Haru, sumunod si Peter. Sumunod na rin siya. Tumingala sila. Palayo na ang mga embareon.
“Pauwi na sila,” si Haru.
“Maaring tinatawag na sila ni Haring Damon,” sabi naman ni Peter.
Napaluklok si Jack sa malaking bato. Noon lang niya naramdaman ang matinding pagod.