"Hmm. . ." marahang nagmulat ng mga mata si Khrystelle.
"Hi, good morning!" nakangiting bati ni Nathaniel.
"Nathaniel!" bahagyang nailang ang dalaga at nahila ang kumot hanggang sa dibdib niya. "Ah, t-tanghali na ba?" tanong niya na naka mailap ang mga mata saka bumangon.
"Actually, alas-nueve na."
"Ha? Naku, ano ba iyan? Gusto ko pa namang maagang magising para hahabol ako sa biyahe ng bus na alas-siyete."
"Its okay, marami namang biyahe. Anyway, nag-order na ako ng breakfast natin. Mag-shower ka na para makakain na tayo."
"Naku, nakakahiya naman sa iyo, mukhang hinintay mo talaga akong magising. Baka nagugutom ka na, hindi ka pa naunang kumain."
"No, it's okay, hindi naman ako nagugutom. Isa pa, nalibang naman ako."
"Saan?" nagtataka niyang tanong ng dalaga.
"Sa pagtitig sa iyo habang natutulog ka," nakangiti nitong wika.
"Ha?"
"Pero huwag kang mag-alala, sa mukha lang ako nakatitig, hindi sa katawan mo. Hindi kita binabastos, nagagandahan lang kasi ako sa iyo." Pagkuwa'y tumayo na ang binata at humakbang patungo sa terrace. "Mag-shower ka na, kakain na tayo."
"S—sige." Pero hindi na maiaalis ni Khrystelle ang pagkailang dahil sa sinabi nito. Pagkatapos niyon ay tinungo na niya ang banyo at naligo. Matapos makabihis ay agad na ring lumabas ng banyo ang dalaga. Nadatnan niyang nasa terrace si Nathaniel kaya lumapit siya rito.
"Talaga bang gusto mo nang umuwi?" kaswal na tanong ni Nathaniel habang nagkakape sila sa terrace.
"O–oo. Pero kung may aasikasuhin ka pa rito, huwag mo nang pilitin na umuwi agad para lang maisabay ako sa kotse mo. Kaya ko namang mag-bus at—“
"Wala na naman akong gagawin dito, tapos na ang meeting ko sa Japanese investor ng kumpanya namin. Pero ayoko pa talaga umuwi… dahil gusto ko pa sanang mamasyal. I mean, gusto ko pa sanang mamasyal tayo."
"H—ha?" gulat na napalingon dito si Khrystelle.
"Ah, huwag ka munang umuwi. Kahit isa o dalawang araw lang. I mean. . .wala ka namang gagawin sa inyo dahil naka-leave ka sa trabaho, hindi ba? So, please stay. . .samahan mo na ako."
"P-pero-“
"Sige na. Don't worry, mas lalo akong magiging behave kahit magkasama pa rin tayo dito sa suite. Gusto ko lang talagang makapamasyal pa rito kasama ka."
Napaisip si Khrystelle, ang pagpayag niya na makitulog sa suite nito kahit na lalaki ito at babae siya ay malaki nang isyu para sa kanya, ngayon ay papayag pa ba siyang manatili sa Baguio at pagbigyan ang kahilingan ng isang bagong kakilala lang?
Pero kung uuwi naman ako, baka kulitin ako ng mga kaibigan at kakilala ko kung ano na score sa amin ni Warren. At ang sira-ulong iyon, baka mangulit. Knowing him, mahusay gumawa ng kalokohan, pero sa huli ay mahusay ding hihingi ng tawad. Ayoko talagang pakasal sa kanya.
"Khrystelle. . ." untag nito sa ilang sandaling pananahimik ng dalaga.
“S-sige," sa wakas ay nagawang sabihin ni Khrystelle.
"Talaga?" sukat doon umaliwalas ang mukha ni Nathaniel. "Hindi ka pa uuwi?"
"O–oo nga!" natatawa na lang na wika niya.
"K—kahit ilang araw pa, o kahit ilang linggo pa. B-basta ayoko pang umuwi, io-off ko ang cell phone ko. Wala akong sasaguting tawag."
"Talaga?"
"Oo, dahil siguradong kukulitin ako nina mama na umuwi. Kakalimutan ko muna silang lahat, dito muna ako… kasama ka."
"Oh! Khrystelle, thank you, pinasaya mo ako! Oo, hindi na muna tayo bababa ng manila?"
"Ano ka ba ang kulit mo!" irap niya rito.
"O, sige, hindi na! Baka magbago pa ang isip mo. Halika na, pasyal na tayo!" ani Nathan saka hinawakan ang kamay niya at inakay siya palabas ng suite nito.
Ang pagpayag ni Khrystelle na manatili pa sila sa Baguio ng ilang araw ay hinding-hindi niya pinagsisihan. Dahil ang lumipas na araw ay naging napakasaya nila ni Nathaniel. Halos lahat ng magagandang lugar sa Baguio ay napasyalan nila, at bawat lugar na kanilang puntahan ay may mga larawan silang magkasama. Kahit sa mga restaurant na kanilang kinakainan, kahit sa mga ilalim ng puno. Sa mga parke na kanilang pinagpapahanginan o sa mga gilid ng kalsada na kanilang hinihintuan, lahat ng lugar na iyon ay hindi nila hinahayaang wala silang makuhang magandang background para gamitin sa pagpapakuha ng picture.
Kahit pa nga sinong dumadaan ay nakikisuyo sila na kung maaari ay kuhanan sila ng picture gamit ang mga baon nilang camera.
At sa bawat larawang magkasama sila, walang hindi mag-iisip na may relasyon ng namumuo sa pagitan nila.
Dahil lahat ng mga kuha nila ay halos magkayakap na sila, kung hindi man ay nakaakbay sa kanya si Nathaniel, habang siya ay halos nakasandal na rito.
At sa pagsapit ng gabi kung saan doon pa rin nakapirme si Khrystelle sa suite ng binata, dahil ayaw nitong pumayag na kumuha pa siya ng matitirhan, saka lang siya dinadalaw ng pagkabalisa. . .kung saan nakahiga siya sa malambot na kama habang si Nathaniel ay nakahiga sa extra foam bed na nirequest nito sa hotel.
Dahil kahit alam niya na kahit paano ay komportable na si Nathaniel sa higaan nito, hindi pa rin niya magawang ignorahin ang pag-aalala kapag nararamdaman niya na biling-baliktad sa higaan ang binata.
Hindi pa siya tulog? Ano kayang iniisip niya? Bulong sa sarili ni Khrystelle. Mag-iisang linggo na kaming magkasama sa suite na ito, pero nanatili siyang maginoo. He's too good to be true. Baka kung si Warren ang kasama ko rito, magiging mapusok na ang lokong iyon. Ah, iba talaga si Nathaniel. Iba siya sa mga lalaking nakilala ko. Pero hanggang kailan niya kayang gawin ito?
Pabuntong-hiningang bumaling siya sa parteng hinihigaan ng binata kung saan nakalatag ang kutson nito.
Napangiti siya nang makitang nakapikit na si Nathaniel, tila tulog na, pero sigurado siya na hindi pa, dahil kakarinig lang niya sa sunod-sunod nitong buntong-hininga.
"Nathan, tulog ka na ba?" mayamaya ay anas niya.
Hindi ito kumibo.
"Sige kung tulog kana okay lang, o, kung ayaw mo akong kausap, okay lang din." Bumaling na siya sa kabilang panig ng kama.
"Bakit?" pero nagsalita na ito. "Hindi ka ba makatulog? Gusto mong mag-usap tayo?" malambing na wika nito.
Lumingon siya sa binata, nakaupo na ito sa higaan at nakatingin sa kanya.
"Hindi kasi ako makatulog." Naupo na rin siya sa gilid ng kama.
"Nagugutom ka ba? May gusto ka bang kainin?"
"Hindi ako gutom, hindi lang ako dalawin ng antok."
"So, kuwentuhan tayo?" Umalis na ito sa kutson at naupo sa tabi niya.
"Ah, may itatanong kasi ako sa ‘yo." Pero hindi siya makatingin dito.
"Ano iyon?"
"Marami ka ng alam tungkol sa akin, lalo na sa lovelife ko dahil ikaw mismo ang nakasaksi kung paano ako pinaiyak ni Warren na iyon. Pero ikaw, parang wala ka pang nababanggit sa akin t–tungkol sa. . . lovelife mo."
Napangiti si Nathaniel.
"Ay, wala pa ba?" maang-maangan nitong wika.
"Wala pa, ano?" napairap siya rito.
"Ganoon ba? Well, hindi naman kasi makulay ang lovelife ko. Actually, kaya ako ang nagpresinta sa office namin na umakyat dito sa Baguio, may babae akong gustong iwasan."
"Ha? Talaga?"
"Yeah, isang makulit na socialite na akala ko ay gusto talaga ako, na mahal talaga ako, pero ang totoo, gusto lang pala akong paibigin dahil may mga kapustahan siyang kaibigan."
"Kapustahan?"
"Yeah! Pustahan na mapapaibig niya ako at magiging tropeo para ipagmalaki sa mga kaibigan niya na may lalaki sa namang mahuhumaling sa mala-Diyosa niyang kagandahan."
"Talaga? Grabe naman ang babaeng iyon. Edi nasaktan ka ng malaman mo?"
"Hindi, ah! Nabwisit lang. Paano naman ako masasaktan hindi ko naman siya mahal."
"Ows? Hindi nga?" pero lihim na natuwa si Khrystelle.
"Oo nga! Actually, iyong salbahe ko lang na pinsan ang nagma-match sa amin kaya nagpapatianod lang ako. Kaya nang malaman ko na ganoon pala ang plano niya, I drop her like a hot potatoe. Hayun, tawag nang tawag sa office, gustong magpaliwanag. Pero hindi ako interesado."
"Talaga? Hindi ka ba na-inlove sa babaeng iyon?"
"Hindi nga!"
"Ah, okay."
"Siguro, kung ikaw pa iyon, baka mataranta pa ako sa paghingi at pakikinig sa paliwanag mo."
"H–ha?" gulat siyang napalingon dito.
"Ah. . . " Tila batang nahuling nangungupit ang reaksyon ni Nathaniel na hindi na magawang bawiin ang nasabi na. "Kasi. . . ano? Ah. . .ang ibig kong sabihin. . . aw, s**t!" Napatayo mula sa gilid ng kama si Nathaniel at napasuklay sa sariling buhok ang mga daliri.