Chapter 9

3147 Words
Sarah Ang lahat ay maganang kumakain habang masayang nakikipag kwentuhan sa kani-kanilang kausap. Ngunit maliban na lang kay Jane na kanina pang tahimik at tanging ang pagkain lang na ibinigay ni Mico sa kanya ang kanyang kinain. Isa-isa niyang pinagmasdan ang mga taong nando'n sa hapag kainan at tipid pa ako nitong nginitian nang magtama ang aming mga mata. Naging malikot ang kanyang mga mata hanggang sa huminto ang kanyang tingin kay Trina at ilang segundo niya itong tinitigan hanggang sa nagsalubong na ang kanyang mga kilay bago tila ba mabigat na napabuntong hininga. Dahil nasa tapat ko lang siya naka-upo ay kitang-kita ko ang kanyang pagkabalisa habang nakapikit. Ang kanyang kamay na nakapatong sa lamesa ay mariin 'yon nakahawak sa tinidor na nasa kanyang harapan. Muli siyang malalim na napabuntong hininga bago yumuko. Para bang napako na ang tingin ko sa kanya at habang pinagmamasdan siya ay hindi ko mapigilan na hindi makaramdam ng inggit sa mga sandaling' yon. Nasa kanya na ang lahat at masaya na siya sa piling ng kanyang asawa at mga anak. Sana all. Sana ay ako rin. Sana ay magkaroon din ako ng mga anak at pagsasama ng buo hanggang sa pagtanda ko. "Wife, may problema ba?" mahinang tanong ng kanyang asawa na si Jake. Sinusubukan nitong huwag makaagaw ng atensyon sa lahat nang taong nando'n sa harap ng hapagkainan. Ako man ay napatigil na rin sa pagkain at hindi ko rin maiwasan na hindi mag-alala habang nakikita siyang nababalisa. Kanina lang ay para bang bata siya na masiglang kumakain ngunit biglaan na lang itong tumahimik at tila ba nakikiramdam sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Muli siyang nag-angat ng tingin ngunit sa sandaling 'yon ay agad nang dumiretso ang kanyang mga mata sa akin. Sunod-sunod akong napalunok ng sariling laway at binalot na rin ako ng matinding kaba sa paraan ng kanyang tingin. "Sarah," tila ba nahihirapan siyang banggitin ang pangalan ko. Huminga siya ng malalim bago nagpatuloy sa kanyang sasabihin. "Sarah, mag-ingat ka sa mga taong pinagkakatiwalaan mo. Hindi lahat ng taong itinuturing mong kaibigan ay kaibigan din ang tingin sa'yo. Isipin mo na hindi lahat ng ahas ay nasa kagubatan dahil karamihan sa kanila ay nasa paligid mo lang at nagbabalat-kayo. Kadalasan ay nagpapanggap lamang sila na iyong kaibigan upang malaman nila kung kailan sila maaaring gumalaw o sumakalay," seryosong turan ni Jane. Walang mababakas na emosyon sa kanyang mukha nang sambitin ang mga katagang 'yon. Napalunok ako at hindi agad nakapagsalita. Pakiramdam ko ay nanigas ako sa aking kinauupuan dahil sa mga salitang binitawan ni Jane. Ano ang ibig niyang sabihin do'n? Maaari bang...? Hindi. Baka nagkamali lang si Jane. O baka iba ang tinutukoy niya at hindi ang asawa kong si Jonas iyon. Hindi. Malabong magagawa iyon sa akin ni Jonas. May tiwala ako sa kanya. Ang maingay at masayang salo-salo ay bigla na lamang tumahimik pagkatapos magsalita ni Jane. Kahit ang paghinga ng mga taong nandoon ay maririnig sa subrang tahimik ng hapagkainan. Wala ni isa ang naglakas-loob na magsalita o gumalaw man lang. Napatingin ako sa mga taong nando'n, ang pagtataka at pagkalito ay mababasa sa kani-kanilang mga mukha maliban sa mga kaibigan ni Jane na tila ba nag-iisip sa sinasabi ng nag-iisang babae sa kanilang magkakaibigan. Ilang segundo lang ang lumipas bago nagkatingin sina Clark, Jaze, Jake at Mico at sabay-sabay pa na napamura ang mga ito na para bang naintindihan na nila ang ibig sabihin ni Jane. Naging balisa ang apat pagkatapos ng senaryong 'yon maliban kay Dave na muling pinagpatuloy ang kanyang kinakain at para bang walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid dahil sa may sarili itong mundo. "Jane, anak, may problema ba?" naguguluhan na tanong ng kanyang Ina. " Baby girl..." balisang tawag ni Mico sa kanya. Tila ba nagbabanta ang tinig nito. Tumingin sa kanya si Jane at malungkot na ngumiti, hindi rin nakaligtas sa paningin nang lahat ng taong nando'n ang palihim nitong pagpunas sa kanyang pisngi. Tumayo si Mico at niyakap si Jane habang hinahaplos nito ang kanyang likod at pilit na inaalo. "Dude, dalhin ko muna siya sa kwarto niya," paalam ni Mico kay Jake. Wala sa sariling tumango si Jake bilang sagot sa kinakapatid ng kanyang asawa. "Tatay, what happen to Nanay? Is she okay?" naiiyak na tanong ng bunsong anak nila na si Jhon Jacob. Tipid na ngumiti si Jake sa anak at hinalikan ito sa ulo bago dumapo ang kanyang tingin sa akin. Sinubukan kong isipin kung ano ang nangyayari ngunit nalilito lang ako, hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko at mas lalong hindi ko maintindihan kung ano ang gustong ipahiwatig ni Jane. Napatingin ako kay Jaze na nahuli ko na mariin din pa lang nakatingin sa akin. Nagkibit-balikat ito nang mapansin ang nagtatanong kong tingin sa kanya. Minsan nang nabanggit ni Jaze ang ugaling 'yon ni Jane sa amin noon. Kung tama ang alaala ko ay sinabi niyang malakas daw ang pandama ni Jane, na kahit tititigan ka lang nito ay mababasa at malalaman na niya kung ano ang naghihintay sa'yo sa hinaharap. Bihira lang daw 'yon nangyayari kay Jane ngunit totoo ang kanyang sinasabi. Maaari daw na matagal bago matupad o mangyari ang kanyang sinabi ngunit nagiging babala ito sa'yo dahil totoong nangyayari. "Jaze..." kinakabahan na sambit ko sa kanyang pangalan. "Babe, ayos ka lang?" nabaling ang atensyon ko kay Jonas nang bigla itong magsalita. Pinakatitigan ko ang kanyang mukha upang alamin kung may makikita ako na kahit anong magpapatunay sa sinasabi ni Jane ngunit wala akong napala. Siguro ay hindi ko lang talaga alam kung paano basahin ang isang tao sa kanyang inaakto o maaari rin na sadyang magaling lang talagang magtago at magpanggap si Jonas. Hindi ko alam at ayaw ko na rin isipin pa dahil nakakalito at nakakapraning. Mas lalong hindi ako handa sa maaari kong malaman. Natatakot akong harapin ang katutohanan at kung maaari lamang ay magbubulag-bulagan na lang ako kung sakaling totoo man ang sinabi ni Jane. Hindi ko kayang mawala sa akin si Jonas. Alam ko sa sarili ko na mapapatawad ko siya kung sakaling nagkasala man siya sa akin. Handa akong magpakatanga manatili lamang siya sa buhay ko dahil sila na lamang ni Mama ang tanging mayroon ako sa mundong 'to. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung sakaling may mawala ni isa sa kanila sa buhay ko. Ayaw kong dumating ang araw na iwan nila ako. Hindi ako handa at hindi ko kakayanin kung sakali man dumating ang araw na iyon. "Sarah, ihanda mo lang ang sarili mo," napabaling ako kay Jaze, seryosong niyang sinambit ang mga katagang 'yon bago tumayo sa kanyang kinauupuan at sumunod kay Jake na paakyat na nang hagdan. Kinakabahan na napasunod ako ng tingin kay Jaze hanggang sa hindi ko na siya matanaw pa. "Pasensiya na, baka masama lang ang pakiramdam ng anak ko," hinging paumanhin ng Ama ni Jonas kapagkuan. Gusto kong sumunod sa mga kaibigan ni Jane at kausapin sila ngunit tila ba naubusan ako ng lakas at hindi na makaalis pa sa kinauupuan ko. Ramdam ko ang panginginig ng kamay ko, malamig iyon ngunit pinagpapawisan. Jonas... Anong ginawa mo Jonas? Sana nga ay nagkakamali lang ang kapatid mo. Inalalayan ako ni Jonas papunta sa sala at doon sila nagpatuloy sa pag-uusap. Wala sa sarili akong naupo sa kanyang tabi. Tila napako ang tingin ko kay Jonas habang seryosong nakikinig sa mga sinasabi ng kanyang Ama. Maliwanag sa pandinig ko ang pinag-uusapan nila tungkol sa pampublikong hospital na pinapatayo ng kanyang Ama sa pangunguna ng inhinyerong Ama ni Trina. Ang bawat salitang binibitawan nila ay maayos kong naririnig ngunit tila ba deretso itong lumalabas sa kabila kong taenga dahil wala doon ang atensyon ko. Hanggang sa tumayo ang mga magulang ni Trina at nagpaalam ang mga itong aalis na ay nakasunod pa rin ang tingin ko sa kanila. Pakiramdam ko ay namanhid na ang buong katawan ko sa dami ng iniisip ko ngunit wala ni isa sa mga 'yon ang tumatak sa isapan ko. Nagmistula itong hangin na naramdaman kong dumaan lang. Pinanood kong ihatid ng mag-asawang Alcantara kasama ni Jonas sila Trina at ang mga magulang nito hanggang sa pintuan. Mula sa gawi ko ay kitang-kita ko kung paano mag-usap ang anim na tao habang nagpapaalam sa isa't isa at bahagya pang nagtatawanan. Napailing ako. Normal lang ang lahat sa galaw ni Jonas at walang kahina-hinala sa kanyang mga ginagawa. Siguro nga ay napapraning lang ako sa dami ng iniisip ko at pinoproblema ko pa ang bagay na hindi naman dapat na pinoproblema pa. "Babe, kanina ka pang tulala. Ayos ka lang ba?" napa-igtad ako sa subrang gulat at sunod-sunod pa na napakurap nang bigla na lang yumakap mula sa likuran ko si Jonas. Hindi ko namalayan na natulala na naman pala ako. Kumawala ako mula sa kanyang yakap at humarap sa kanya. Ngumiti ako habang hinahaplos ang kaniyang mukha. Walang salitang lumabas sa bibig ko ngunit agad ko siyang sinunggaban ng mapusok na halik. Naramdaman ko pa ang pag-angat ng kanyang labi, napangisi sa ginawa ko iyon ngunit gumanti din sa halik. "I love you, Jonas. Mahal na mahal kita!" emosyonal kong sambit habang nakatitig sa kanyang mukha. Muli ko siyang niyakap ng mahigpit at para bang ayaw ko na siyang bitawan pa. Hindi ko man maamin sa kanya ngunit natatakot ako na kapag pinakawalan ko siya ay tuluyan na rin siyang mawawala sa buhay ko. "I love you too, babe!" malambing niyang sagot. Tahimik kaming naka-upo habang pinagmamasdan ang triplets nila Jane at Jake na abala sa kani-kanilang cellphone. Nagkatinginan pa sila Xander at Jethro nang malakas na tumunog ang cellphone ni Akhira. "Jethro, akin na 'yan. Ano ba? Akin na sabi eh..." naiinis na sambit ni Akhira nang agawin ni Jethro ang hawak nitong cellphone. " Hi miss beautiful, can I get your number?" basa ni Jethro sa mensaheng dumating. "Sino 'to nang mabugbog ko ang pagmumukha niya. At pwede ba Ate, huwag kang gumawa ng f*******: account na 'yan," galit pang dagdag nito at masamang tumingin sa nakakatanda niyang kapatid . Naalarma ang lalaking nakatayo sa likod ni Akhira at agad rin na hinablot ang cellphone sa kamay ni Jethro. Umigting pa ang panga nito habang nakatingin sa hawak na cellphone. " Ako nang bahala sa kanya," igting ang panga nitong sagot at agad na ibinulsa ang cellphone ni Akhira. Napangisi ang dalawang lalaki na kapatid ni Akhira sa narinig at muling itinuon ang pansin sa kani-kanilang cellphone. "Adrian, ibalik mo sa akin 'yan. Grrrr...nakaka-inis ka talagang tanda ka!" naiinis na sambit ni Akhira at napapadyak pa ito. Sinamaan niya ng tingin ang lalaki ngunit sa huli ay napanguso na lang siya nang hindi man lang natinag ang lalaking kausap. " Fine. 'Yong cellphone mo na lang ang ibigay mo sa akin," sumusukong sambit nito habang nakalahad ang palad sa harapan ng lalaki. Napailing ang lalaki sa inasal ni Akhira ngunit agad din na inilabas ang kanyang cellphone mula sa kanyang bulsa at agad na ibinigay dito. "Jonas..." sabay kaming napatingin sa Ama ni Jonas na naglalakad papalapit sa amin. "Jonas, anak, nakalimutan ko ang dokumento sa ibabaw ng lamesa mo. Maaari mo bang kunin? Kailangan ko 'yon bukas ng umaga ngunit hindi ko pa nababasa at napipirmahan," mahabang turan nito pagka-upo sa pang-isahang sofa na katabi ng kinauupuan ng apo nitong si Akhira. Napangiti ang matanda habang pinagmamasdan ang kanyang mga apo. "Sige po, Pa," mabilis na sagot ni Jonas na ikinangiti ng kanyang Ama. "Babe, kunin ko lang. Dito ka lang, sandali lang ako at babalik din kaagad," paalam ni Jonas sa akin at hinalikan muna ako bago naglakad patungo sa pintuan. Pinanood ko siyang lumabas ng pintuan. Napabuntong hininga na lamang ako nang tuluyan na siyang nawala sa paningin ko. Saglit lang siya at babalik din kaagad. May kukunin lang siya na importanting papeles sa kanyang opisina. Wala siyang gagawin na ikakasakit ng damdamin ko. Napatingin ako sa hagdan nang makarinig ako ng magkakasunod na yabag ng mga paa at doon ay nakita ko ang mga kaibigan ni Jane kasama ang bunso nilang anak na pababa na ng hagdan. Mahina akong napatawa nang magtulakan sa hagdan sina Clark at Dave na naging dahilan upang muntik nang mahulog si Dave kung hindi lang ito nakahawak kay Jaze. "Umayos nga kayo. Pag nahulog itong bulilit na 'to, bumalik na kayo sa pinanggalingan niyo kung ayaw niyong ilibing kayo ni baby girl ng buhay," natatawang suway ni Mico sa kanyang mga kaibigan. Napahagikgik ang bata sa kanyang narinig samantalang napakamot na lang ng kanilang ulo ang mga kaibigan at bahagya pang napangiwi. " Kuya Adrian, look, I won over Tito Dave," masayang sambit ni Jhon Jacob at pinakita pa sa tinawag nitong kuya Adrian ang hawak niyang Ipad. Sa unang beses ay nasaksihan ko kung paano ngumiti ang lalaking nagngangalan na Adrian. Yumuko ang lalaki at binuhat ang masayang si Jhon Jacob. Naglakad ito patungo sa kinauupuan kanina ng Ama ni Jonas sa tabi ni Akhira. "Ate, look..." nakangiting sambit ni Jhon Jacob at pinakita rin kay Akhira ang laman ng ipad nito. Nakangiting itinigil ni Akhira ang ginagawa sa hawak nitong cellphone upang tignan ang kapatid ngunit nang umangat ang kanyang tingin at nang nagtama ang kanilang mga mata sa lalaking nagngangalan na Adrian ay inirapan niya ito na ikinangisi lang ng lalaki. Kulang na lang ay popcorn at para na akong nanonood ng pelikula sa mga kaganapan sa harapan ko. Napatingin ako sa bintanang nakabukas nang malakas na humampas doon ang malakas na hangin at may kasama pa itong pagkulog. Muling bumalik ang tingin ko kay Akhira nang napasigaw siya sa subrang gulat dahil sa kulog at napayakap pa ito sa leeg ng lalaki. Pigil ang ngiti ng lalaki sa ginawa ni Akhira at sinenyasan pa nito si Jhon Jacob na tumahimik. Tinakpan ng bata ang kanyang bibig upang pigilan ang kanyang pagtawa. "Baby, ayos na. Nakasarado na ang bintana," natatawang sambit ni Xander at hinaplos pa ang buhok ng kapatid niyang babae. Napangiti ako. Ang sarap nilang panoorin dahil kitang-kita kung paano nila alagaan at ingatan ang nag-iisa nilang babae. "Ate, don't be afraid na. Kuya Adrian is laughing at you," nakangiting pagsusumbong ng bata at tumawa lang ito nang samaan siya ng tingin ng lalaki. " Ilabas mo 'yang tawa mo, baka maka-utot ka pa sa pagpipigil mo. Nakakahiya naman sa' yo," paismid na sambit ni Akhira at inirapan pa ang lalaki na ngayon ay kagat na nito ang kanyang pang ibabang labi. Muli akong napatingin sa bintana at sa labas no'n ay rumaragasa na ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Napakagat labi ako nang maisip si Jonas. May ilang minuto na rin siyang umalis at siguro ay nasa loob na siya ng kumpanya sa mga oras na 'to. Dali-dali kong hinanap ang kanyang numero sa hawak kong cellphone at agad 'yon tinawagan. Mabilis na sumiklab ang kaba sa dibdib ko nang sa unang subok ko ay hindi niya iyon nasagot. Ngunit muli kong sinubukan tawagan ang kanyang numero at napahinga ako ng maluwag nang bago pa man magpatay iyon ay sinagot na niya. "Babe, aahhh putangina..." nangunot ang noo ko sa salitang sinalubong niya sa akin. "Jonas, ayos ka lang ba?" nag-aala kong tanong. "Babe, ahhh... oo ayos lang ako. Ang lakas ng ulan. Hindi pa ako makaka-uwi," mabilis na sagot nito. Tila ba nanggaling siya sa pagtakbo at hinihingal ito. "Babe, huwag ka na muna umuwi kung hindi pa titila ang ulan. Diyan ka muna matulog sa opisina mo," nag-aalala kong turan. Mabuti na lamang at may pribadong silid ang kanyang opisina upang sa mga ganitong pagkakataon ay hindi na niya kailangan pang magpumilit na umuwi dahil pwede siyang matulog doon. "Sige babe, aahhh tangina..." sagot nito at napamura pa. "Ayos ka lang ba talaga?" nag-aalala ko pang tanong. "Ayos lang babe, nilalamig lang ako. Aahh... ang lamig, tangina,"mabilis na sagot nito. "O, sige, magpa-init ka muna ng tubig diyan. Ibaba ko na 'to," sagot ko pa. "Okay babe, diyan ka lang. Huwag ka muna umuwi. Delikado sa daan," muli ay mabilis na sagot nito, ang kanyang tinig ay tila ba hinahabol dahil bahagya siyang hinihingal. "Hindi na kita hihintayin, matutulog na rin ako. Bye na. I love you, mag-iingat ka diyan," malambing kong sambit. "Sila ang mag-ingat sa akin," natatawa nitong sagot kaya mahina rin akong napatawa. "Ibababa ko na 'to, babe. I love you!" mabilis nitong sambit at agad na naputol ang tawag. Ni hindi man lang niya ako hinintay na makasagot pa at agad na niyang pinatay ang tawag ko. Napailing ako habang nakatingin sa hawak kong cellphone. Siguro ay nanginginig na siya sa subrang lamig kaya hindi na niya ako hinayaan pang magsalita. Muli kong pinagmasdan ang mga kaibigan ni Jane na ngayon ay naglalaro na nang pinapaikot nilang bote. Naghiyawan sila nang tumigil iyon kay Mico. "Truth or Dare?" nakangising tanong ni Jaze sa kaibigan. "Dare..." napapailing na sagot ni Mico. "Hmm... hubarin mo 'yang t-shirt mo at sumayaw ka," nakangising utos dito ni Jaze. Walang pag-aalinlangan at mabilis na hinubad ni Mico ang pang-itaas na kasuotan. "Sandali... ano ' yang parang kamot sa dibdib mo?" nag-uusisang tanong ni Clark at naglakad pa ito papalapit sa kaibigan at sak mariin na sinuri ang dibdib ni Mico. "May babae ka...?" tila hindi makapaniwalang tanong ni Jaze at nanlaki pa ang mga mata nito. Napatingin si Mico sa kamot na sinasabi ng kanyang kaibigan sa kanyang dibdib, mabilis siyang napangiti nang makita 'yon at napakagat labi pa nang mag-angat siya ng tingin sa mga nag-uusisa niyang kaibigan. Napailing siya ng maghiyawan ang mga ito. "Binata na si Goodboy. Hindi na siya virgin pa, oh yeah, oh yeah, oh yeah..." pakanta-kantang sambit ni Clark at sinabayan pa ng sayaw. Malakas silang nagtawanan nang kumembot-kembot si Clark hanggang sa sinamaan na rin siya ni Dave at Jaze sa pagsasayaw at gumawa ang mga ito ng pabilog na linya. " Sali ako... "malakas na sigaw ni Akhira at akma nang tatayo sa kanyang kinauupuan ngunit agad din napatigil at napabalik sa pagkakaupo nang pigilan siya ni Adrian. Ang bunsong anak nila Jane at Jake na si Jhon Jacob ay nasa gitna na ng mga lalaking sumasayaw at malakas na tumatawa habang kumekembot na rin. Walang nagawa si Akhira kung hindi ay panoorin ang kanyang mga Tito na masayang sumasayaw habang inaasar si Mico. Napailing ako bago tinahak ang hagdan at umakyat sa ikalawang palapag kung nasaan ang kwarto ng asawa kong si Jonas. Bago ko pa man marating ang aming kwarto ay napadaan pa ako sa kwarto nila Jane at Jake. "Hubby, huwag diyan. May kiliti ako diyan," malakas na sigaw ni Jane at binuntutan pa ng kanyang halakhak. "Wife, ang ingay mo. Baka may makarinig sa atin," natatawang sagot dito ni Jake. Napakagat labi ako. Hindi ko na dapat pang narinig 'yon. Muli akong napailing bago pumasok sa aming silid. Ano bang mayroon sa araw na'to?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD