"Madel, nasa'n ka?! Hindi kita makita!!".....
"Hmmmpp!" ungol ni Jo-anne habang natutulog. Binabangungot na naman siya. Ilang beses na siyang binabangungot.
"Jo-anne, anak?! Gumising ka!" Natarantang yugyog ni Aling Juana sa magkabilang balikat ng anak.
Nagmulat ng mata si Jo-anne at siya'y hapung-hapo. Grabe ang pawis sa kanyang noo. "Binangungot na naman ba ako, Nay?" tanong niya sa ina.
Tumango si Aling Juana. "Oo at binanggit mo na naman 'yung pangalang Madel!"
Napakunot-noo siya. Napatingin siya kay Madel. Mababakas din sa mukha ng bata ang pag-aalala sa kanya at ang pagtataka. "Ate?!"
Hindi niya muna kinausap si Madel. Ayaw niyang matakot ang Nanay niya. Mamaya na.
"Sino ba 'yung Madel na iyon, Anak? Bakit binabanggit mo siya sa panaginip mo?" Inabutan siya ng Nanay niya ng isang basong tubig.
"Hindi ko alam, Nay," sagot niya saka sumimsim ng tubig, dahil hindi rin niya alam kung bakit. Kahit si Madel nang ikwenro niya rito ang napapanginipan niya ay wala ring idea ang bata.
Napabuntong-hininga si Aling Juana. "Baka panaginip lang 'yon talaga na walang ibang pagkahulugan. May mga panaginip talaga na pabalik-balik." Pinunas nito ang butlig-butlig na pawis ng anak.
Tumango si Jo-anne sa ina saka pasimpleng napatingin ulit kay Madel. Kunot ang noo rin ng bata tulad niya. Marahil ay napapaisip din ito kung ano meaning ng lagi niyang napapanaginipan na iyon.
Mayamaya pa'y... "Maiwan muna kita, Anak. Aasikasuhin ko lang ang pag-labas mo mamaya rito sa ospital."
"Sige po, Nay."
Wala na si Aling Juana pero walang gustong unang magsalita sa kanila ni Madel.
Nalulungkot ang bata.
Naguguluhan.
"Ano pang napapanaginipan mo tungkol sa'kin, Ate?" Pero hindi nagtagal ay tanong na nito.
"Wala na, 'yon lang. 'Yung hinahanap ka ng isang babae na hindi ko alam kung bakit."
"Gano'n pa rin? Tulad pa rin no'ng isang araw at no'ng kahapon?"
Tumango siya. "Oo, paulit-ulit lang."
Malamlam ang mga mata ni Madel na tumingin sa kanya. "Bakit kaya? At sino kaya ang babaeng iyon, Ate?"
Nakagat niya ang pang-ibabang labi niya. "Hindi ko rin alam. Malabo, eh!"
"Siguro hinahanap na ako ng mga magulang ko, Ate Jo-anne! Baka si mommy ko 'yon!" Tuluyan nang napaiyak ang bata.
"Ssshhhh!" Niyakap niya ito sa ulo at hinagud-hagod ang likod nito. "Huwag kang umiyak. 'Di bale at lalabas na ako ngayon. Magagawa na nating puntahan ang bahay niyo."
Hindi na umimik si Madel pero patuloy pa rin ito sa paghikbi.
Gusto ring maiyak ni Jo-anne para sa bata pero pinigilan niya ang sarili niya. Kung sana kaya niyang masagot kung bakit niya napapanaginipan iyon pero hindi niya talaga alam kung bakit, eh. Malabo kasi talaga ang mukha ng babae. Pati siya man ay naguguluhan na rin talaga. Gayunman, naisip niya na baka tama si Madel, siguro nga ay Mommy nito ang babae.
"Jo-anne?!" Bigla siyang napaayos nang biglang pasok si Jaycion sa silid niya.
Ngumiti siya sa binata na bagong dating. Kahit paano ay nasiyahan na siya dahil tinupad ng kaibigan niya ang pangako nitong pupuntahan siya 'pag lalabas na siya rito sa hospital. Hindi na ito nakadalaw kasi sa kanya simula umuwi noon. Nagtatampo na nga siya pero ngayon ay dumating na nga ito kaya hindi na.
"Bakit ngayon ka lang?"
"Sorry naging busy ako. Binawi sa'kin 'yong absent ko. Laging ako ang OT. Saka si Tatay lagi na namang naglalasing."
"Ay gano'n ba." Naunawaan niya agad ang kaibigan.
"Lalabas ka na?"
"Oo. Inaasikaso na lang ni Nanay 'yung mga papeles ko."
Ngumiti si Jaycion at umupo sa gilid ng kanyang kama. Tapos ay may kinalkal ito sa bagpack nitong dala. "Para sa'yo nga pala!" Saka may inilabas doong isang box ng chocolate.
Kiming inabot niya 'yon. "Wow! Salamat nag-abala ka pa!"
Komot-ulo ang binata. Nahiya. Ang cute lang.
Mayamaya pa'y bumalik na si Aling Juana sa silid. "Oh, andito ka na pala, iho."
"Opo!"
"Tamang-tama pwede na tayong lumabas."
Tuwang-tuwa na nagkatinginan sila Jaycion. Lalo na siya na kanina pa excited lumabas. Natulog nga siya kanina para kaniya ay may lakas siyang tingnan ang lahat ng bagay sa paligid na makikita niya paglabas niya rito sa ospital. Pero gano'n nga ang nangyari, ang bangungutin naman siya ulit. Pero saglit niya iyong nakalimutan ngayong binalita na ng Nanay niya na pwede na siyang lumabas, bumalik ang excitment niya.
"Ready ka na bang makita ang polusyon? Mga basura sa kalsada at mga nagkalat na tao sa labas?" biro ni Jaycion sa kanya.
"Grabe ka naman!"
Tumawa ang binata. "Joke lang! Mas marami pa rin magagandang makikita sa labas!"
"Tama na 'yan. Tulungan niyo na ako sa mga gamit," nakatawang sabi sa kanila ni Aling Juana.
Nang tumulong si Jaycion sa Nanay niya at nakatalikod ito ay kinindatan niya si Madel. Nag-thumbs up naman sa kanya ito ang nanahimik munang multong bata.
Saglit lang ay nasa labas na sila ng hospital. Lihim na nakabuntot lang sa kanila ang batang multo na siya lang ang nakakakita. Nakikisama.
"Ang ganda!" Palibhasa ay matagal na nabulag ay parang lahat ng makita niya ay maganda. Para siyang nakawala sa hawla na matagal na pinagkulungan sa kanya o ng isang priso na ngayon lang nakalaya. Kulang na nga lang ay tanggalin niya pa protective eyeglass niya para mas malinaw pa niyang makita ang lahat. Ngunit nang akmang aalisin niya iyon ay sinaway siya ng Nanay niya.
May suot siyang eyeglass para maprotektahan ang mata niyang bagong opera. Masilan pa raw kasi ang bagong mga mata niya.
Napangiti sina Jaycion at Aling Juana sa isa't isa. Masayang-masaya sila para kay Jo-anne.
Bago sila sumakay ng taxi ay hinayaan muna nila si Jo-anne na ilibot ang tingin sa paligid. Pinagbibigyan nila ito dahil kahit naman sino ay ganito rin ang magiging reaksyon kapag muling nakakita. 'Di nila alam ay may nauna nang sumakay sa taxi, at 'yon ay si Madel na hindi nila nakikita.
Kumaway si Madel kay Jo-anne. Pinapasakay na siya. Excited na ring umalis sa ospital ang bata. Maluwang na ngiti siya kay Madel. Subalit ang masayang mukha niya ay napalitan ng pagtataka nang mapansin niya ang isang babae na nakatayo sa 'di kalayuan. Babae na walang mata! OMG!!
Nagsitaasan ang mga balahibo niya sa katawan. Lumaki ang kanyang mga mata at napahawak sa bisig ng katabing si Jaycion.
"Jo-anne, bakit?" pansin sa kanya ni Jaycion.
"W-wala" kaila niya. "Tayo na! Uwi na tayo!" sabi lang niya.
Siya na ang nagbukas ng pinto ng taxi at sumakay ng kusa. Hitsura niya'y nababahala at natataranta. Gosh! Ano 'yong babaeng iyon?! Bakit nakakakita na siya ng ibang multo ngayon maliban kay Madel?!
Hindi niya 'to gusto! Waaahhhh!
Takang-taka man sa biglaang pag-iiba ng mood ni Jo-anne ay sumakay na rin sina Aling Juana at Jaycion sa taxi........