NAKATATLONG subo pa lamang si Olivia nang may umupo sa katapat niyang silya. Natigilan siya at tumitig sa kanyang kaharap.
“Can I sit here?” tanong ni Valtazar.
Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Hindi niya naawat ang agarang pagtulin ng t***k ng kanyang puso.
“Uh, n-nakaupo ka na,” matabang ang ngiting sagot niya.
“Para mahiya kang tumanggi,” kaswal na sabi nito habang matipid ang ngiti.
Pakiramdam niya’y uminit ang mukha niya. Hindi siya makatingin nang deretso sa mukha nito. Naisip niya, kahit may kumalat na tsismis tungkol sa kanya ay nilalapitan pa rin siya ni Valtazar.
“Bakit parang ang dilim ng aura mo ngayon? May nangyari na naman ba sa ‘yo?” usisa nito.
“Hindi ka ba aware sa kumakalat na tsismis tungkol sa akin?” aniya.
“Alin, ‘yong tungkol sa pagiging witch mo at background ng nanay mo?”
Napilitan siyang tumitig sa binata. “Alam mo rin pala,” sabi niya sa malamig na tinig.
“Of course, halos ‘yan ang naririnig ko kahit saan ako magpunta rito sa school.”
“E bakit lumalapit ka pa sa akin? Lahat sila umiiwas sa akin.”
“Hindi naman kasi ako naniniwala. Bakit naman kita iiwasan? Puwera na lang kung totoo, ‘di ba?” anito.
Hindi siya kumibo. Ibinaba niya ang tingin sa kanyang pagkain. Naglabas din ng lunch box nito si Valtazar. Hindi niya inaasahan na makita ito’ng doon kakain. Ang akala niya’y hindi ito kumakain sa ganoong lugar at mga mamahaling restaurant ang pinupuntahan nito. May sarili itong kotse. Puwede itong lumabas para kumain sa restaurant.
“Nagbabaon ka rin pala ng lunch,” aniya.
“Oo, minsan lang kapag wala ang Mommy ko sa bahay,” tugon nito.
“Wala ba kayong katulong na nagluluto para sa pamilya mo?” usisa niya.
“Wala. Since bata ako, hindi kumukuha ng kasambahay si Mommy.”
“Ang galing naman niyang ina. Masuwerte ka dahil may nanay ka,” malungkot na sabi niya. Naalala niya bigla ang yumao niyang ina.
“Huwag kang mainggit. Bilib nga ako sa katulad mo. Nakaya mong mabuhay mag-isa na walang mga magulang. Napaka-independent mo.”
Napangiti siya. “Salamat sa atensiyon mo. Ang totoo, hindi ako sanay sa atensiyon mula sa ibang tao.”
“Ako rin naman. Ayaw ko rin ng atensiyon kaya mas gusto kong mapag-isa kapag narito ako.”
Naibalik niya ang tingin sa binata. “Kung gano’n, bakit mo ako kinakausap nang ganito?” usig niya.
Ngumiti si Valtazar. “Honestly, I don’t know. Simula noong nakita kita rito sa canteen na inasar ng grupo ni Denmark, may pagkakataon na bigla na lang kitang naiisip. Siguro dahil sa lahat ng babaeng nakita ko rito sa university ay ikaw lang ang kakaiba.”
Sumikdo ang puso niya na labis nagpataranta sa kanya. Hindi na normal ang nararamdaman niya, may espesyal na rito. “Uh… baka dahil sa kakalapit mo sa akin ay magkakaroon ka ng kaaway rito sa school. Maraming may ayaw sa akin dito. Baka madamay ka,” nababahalang wika niya.
“I didn’t mind them. I’m just concern with your situation and I think you need someone to protect you against your haters,” seryosong wika nito.
“Protect? Naku, sino naman ang sira-ulong poprotekta sa akin?” natatawang sabi niya.
“Hindi ako sira-ulo pero kaya kitang protektahans” seryosong wika nito.
Napatda siya. Naging uneasy siya bigla dahil sa huling sinabi nito. Hindi niya makuhang makipagtitigan kay Valtazar. Pakiramdam niya’y inaapuyan ang katawan niya at nag-init nang husto ang mukha niya.
“You’re blushing,” puna sa kanya ni Valtazar.
Nataranta siya. Nilagok niya ang kanyang tubig na nakalagay sa tumbler. Pinapaypayan niya ang kanyang mukha.
“Naku, ang anghang naman ng ulam ko,” alibi niya.
“May maanghang palang penakbet?” anito na lalong nagpa-init sa mukha niya.
Nabikig na ang lalamunan niya. Sumubo na lamang siya ng mabilis.
“Dahan-dahan lang baka mabulunan ka,” sita nito sa kanya.
Kung maari ay huwag na niyang ubusin ang pagkain niya at iiwan niya si Valtazar, pero parang may pumipigil sa kanya.
“Mukhang hindi ka nga sanay sa atensiyon. Kaya siguro hindi ka masyadong napapansin dahil sobrang mahiyain ka. Ngayon ko lang din na-appreciate ang malapolselanang beauty mo. Maniwala ka, Olive, maganda kang babae, inside and out,” kaswal na pahayag ni Valtazar.
Binubola lang ba siya nito? Hindi na siya nakatiis. Tinakpan niya ang lunch box niya saka siya tumayo. “Ah, sorry, ah, kailangan ko nang umalis. Kailangan ko pa kasing mag-review,” nagmamadaling sabi niya saka siya nag-aapurang umalis.
HINDI maalis ang ngiti sa mga labi ni Valtazar habang tinatanaw ang papalayong pegura ni Olivia. Hindi rin niya maintindihan ang kanyang sarili bakit masaya siya habang kausap ang dalaga. Pakiramdam niya’y nakatagpo siya ng bagong mundo at bagong damdamin. Nagpatuloy na lamang siya sa pagsubo. Naiwan pa ni Olivia ang tumbler nito ng tubig sa kakamadali.
“Nakakatuwa naman siya,” nakangiting wika niya habang nakatitig siya sa pulang tumbler.
Pagkatapos ng klase ni Valtazar ay dumeretso siya sa opisina ng Daddy niya para tulungan ito sa paperwork. Nasa Maynila ang Mommy niya para sa mahalagang meeting kaugnay sa business nila. Nakatulog sa sofa ang Daddy niya habang siya ang gumagawa ng paperwork nito sa laptop at tambak na papeles.
Habang abala siya sa pagtipa sa laptop ay bigla namang dumapo sa isip niya ang tungkol kay Olivia. Halos naiisip niya ito sa buong araw. Nadi-distract siya sa kanyang ginagawa. Bumuntong-hininga siya.
“Ang babaeng ‘yon. Hindi siya mawala sa isip ko,” nakangising wika niya.
Humihilab na ang sikmura niya. Wala man lang stock na makakain ang Daddy niya sa opisina. Pasado alas-siyete na ng gabi. Hindi puwede sa kanya ang gutom na nagtatrabaho. Tinapos lang niya ang unang set ng company proposal bago tuluyang tumigil sa trabaho. Tumayo na siya.
Hindi na niya ginising ang Daddy niya. Bibili na lang siya ng pagkain sa restaurant.
TAPOS na ang duty ni Olivia sa restaurant pero pinabalik siya ng tito niya sa kitchen para lutuin ang order ng costumer for take out. Baguhang chef ang naiwang naka-duty kaya hindi pa nito kabisado ang isa sa signature dish nila na isa sa order ng costumer.
“Ang weird. Ngayon lang may nag-order ng cassava rice at creamy seafood with coconut milk sa gabi. Kadalasan umaga at tanghali,” wika niya habang niluluto ang nasabing pagkain.
Ang cassava rice ang best seller nila. Isa iyong ginadgad na cassava at tinimplahan ng kaunteng asukal saka in-steam. Katunayan ay gustong-gusto rin niya iyon. Nakapagbihis na siya ng itim na pajama at puting blouse kaya pagkatapos niyang magluto ay nag-empake na siya para hindi na siya mahila pabalik sa kusina. Siya na rin ang nagboluntaryong maghatid ng order ng costumer. Baka ika niya’y dumating na si Natalie.
Pagdating niya sa table four ay walang tao. Iyon ang table ng nag-order ng dinner for take out. Nakasilid na sa paper bag ang mga pagkaing naka-box. Inilapag niya sa mesa ang pagkain.
“Olivia?” untag nang pamilyar na boses ng lalaki mula sa kanyang likuran.
Marahas siyang pumihit sa kanyang likuran. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya roon si Valtazar.
“Ikaw? Ano’ng ginagawa mo rito?” wala sa loob na tanong niya.
Biglang bumungisngis ang binata. “Obvious ba? Nandito ako para bumili ng pagkain. At ikaw, ano’ng ginagawa mo rito?” anito saka siya sinuyod ng tingin.
Naging uneasy siya. “Uh, ikaw ba ang nakaupo sa table na ito?” tanong niya.
“Oo. Nag-order ako ng pagkain.”
“Ikaw pala ang nag-order. Heto na ang order mong pagkain,” sabi niya saka iniabot dito ang naka-paper bag na pagkain.
“Wait, don’t say nagtatrabaho ka rito,” anito.
“Oo. Nagtatrabaho ako rito bilang chef. Tuwing gabi ang duty ko rito pagkatapos ng klase ko sa university,” tugon niya.
Napaawang ang bibig ng binata pero matagal bago ito nakapagsalita. “W-wow! Impressive!” manghang sabi nito. “Meaning, ikaw ang nagluto ng order ko?” anito pagkuwan.
Tumango siya. “Oo. Katunayan off-duty ko na. Hindi pa kasi alam lutuin ng chef on-duty ang recipe na in-order mo kaya kinailangan kong bumalik at magluto. At saka, ang recipe na in-order mo ay sa umaga lang talaga ino-offer.”
“Ah, kaya pala sabi ng crew hindi na available sa ganitong oras ang cassava rice pero namilit ako dahil talagang gusto kong matikman. Bago kasi sa akin ang recipe,” sabi nito.
“Oo at ako ang unang naka-discover ng ganoong recipe rito,” aniya.
Ang lapad ng ngiti ni Val, namamangha. “Nakakagulat naman. Bilib na talaga ako sa ‘yo. Ang galing mo,” puri nito. Naiilang siyang ngumiti. “Hindi ka ba nahihirapang mag-aral habang nagtatrabaho?” pagkuwan ay tanong nito.
“Hindi naman. Nasanay na rin ako,” wika niya. Medyo confident na siyang makipag-usap sa binata. “Siya nga pala, bakit dito ka pa nag-order ng pagkain? Marami namang mas sikat at eleganteng restaurant,” aniya.
Ngumisi si Valtazar. “Ikaw, masyado namang high class ang tingin mo sa akin. Naghahanap ako ng something new taste of food kaya napadpad ako rito. May empleyado kami sa kumpanya na nagturo sa akin dito. Kakaiba at masasarap daw ang mga pagkain dito. And it’s worth it. I found you here. May dahilan na ako para kumain madalas dito.”
Nagsisimula na naman itong tarantahin ang isip niya lalo na ang kanyang puso. Baka kung hahayaan niya itong pumasok nang tuluyan sa buhay niya ay tuluyan na siyang mabaliw. Nakahanap siya ng dahilan para iwasan ito nang makita niya si Natalie na kararating.
“Ah, maiwan na kita. May bisita kasi ako. Salamat sa order mo. Sana magustuhan mo,” balisang sabi niya saka niya iniwan si Valtazar.
Sinalubong niya si Natalie at iginiya sa napili niyang mesa. Kahit iniwasan niya si Valtazar ay hindi niya napigil ang sarili na lingunin ang binata nang papaalis na ito. Inalipin siya ng guilt, dahil sa pag-ignora niya sa guwapo at deseteng lalaki na katulad ni Valtazar. Naninibago kasi siya. Iyon ang unang pagkakataon na may lalaking katulad ni Valtazar na lumalapit sa kanya.
“Hindi ba si Val ‘yon?” sabi ni Natalie at itinuro si Valtazar na papalabas ng pinto.
“Uh, oo. Bumili siya ng pagkain,” sagot niya.
“Aba, mabuti komportable siyang pumasok sa ganitong simpleng restaurant. Madalas ko siyang nakikitang kumakain sa California Kitchen. Mga international food ang sini-serve roon,” ani Natalie.
“Gano’n ba? Diba mahal ang mga pagkain doon?” aniya.
“Oo pero hindi naman lahat masarap. Siguro hindi lang ako pamilyar sa dishes nila. Mas gusto kasi ng parents kong kumain doon. Pero maganda rin naman dito sa inyo. Hindi masyadong malamig ang air-con pero refreshing ang ambiance dahil sa light green na pintura ng dingding at wala masyadong palamuti. For sure masarap din ang food ninyo rito,” sabi ni Natalie.
“I’m proud to say, yes. Apat na dekada na kasi itong restaurant. Binata pa ang Tito ko noong naitayo niya ito. Dating chef sa barko ang tito ko at magaling siyang magluto. Pero mas napili niyang mag-serve ng local dishes para sa mga kababayan na gustong tangkilikin ang sariling atin.”
“Okay, ah. Ano, mag-order na tayo.”
Tinawag na niya ang waiter. Nag-order din siya ng wine.
HINDI makapaniwala si Valtazar na si Olivia ang nagluto ng masarap na pagkaing pinagsasaluhan nila ng Daddy niya. Nakapuwesto sila sa mini dining room na karugtong lamang ng opisina ng Daddy niya.
“Masarap naman itong pagkain. Saan mo ito nabili, anak?” tanong ng Daddy niya.
“Doon sa Rexy restaurant, Dad. Mura lang ang mga menu nila at kakaiba. Sa susunod doon ulit ako bibili,” aniya.
“Mabuti nagustuhan mo ang pagkain nila. Pero anong oras na ito? Sana ginising mo ako kanina pa para hindi na tayo inabot ng gabi. May pasok ka pa bukas. Huwag ka nang mag-overtime sa paperwork. Ako na ang gagawa niyon mamayang madaling araw,” sabi nito.
“It’s okay, Dad. Tatapusin ko ang paperwork. Alas-nuwebe ng umaga naman ang pasok ko bukas.”
“Sigurado ka?”
“Opo,” nakangiting sagot niya.
Hindi maka-move on si Valtazar sa cassava rice. Curious siya kaya ito ang in-order niya. Gustung-gusto niyang kainin ang naturang pagkain. At habang sumusubo siya ay walang ibang laman ang isip niya kundi si Olivia.
“Kumusta na pala ang pakiramdam mo, anak? May natutuklasan ka na naman bang pagbabago sa iyong sarili?” pagkuwan ay usisa ng kanyang ama.
Bumagal ang pagsubo niya. Naalala niya ang sumbong ni Olivia na nakita nitong naging ahas ang rosas na nasa locker nito.
“Dad, posible ba na ang mga diablo ay kayang linlangin ang isang ordinaryong tao?” tanong niya.
“Oo naman. Iyon ang karaniwang ginagawa nila. Kaya nilang kontrolin lahat ng bagay sa mundo,” sagot ni Zardum. “Bakit mo naman natanong ang bagay na ‘yan?” sapagkuwan ay tanong nito.
“Kasi, may kaganapan sa university na hindi normal. Noon, akala ko ako lang ang may kakayahang kontrolin ang mga bagay-bagay. Pero biglang may nangyayaring hindi maganda. May mga mag-aaral na pinaglalaruan at ginagamit ng diablo. Noong unang mga nakaraang taon ay hindi naman ganoon kalubha ang mga ginagawa ng ibang estudiyante sa kapwa nila estudiyante. May nagsumbong sa akin na may nakita siyang ahas sa locker niya. Nagkunwri akong walang nalalaman para hindi siya matakot. Ang rosas na nakita niya ay naging ahas. Sa paningin niya ay nagiging ahas ang rosas pero ilusyon lamang iyon. Nang sunugin ko ang bulaklak ay hindi iyon natunaw katulad ng ginagawa ko sa mga ahas na sugo ng dilim. Naging abo iyon,” kuwento niya.
Bakas sa mukha ng kanyang ama ang pagkabahala. “Hindi ito magandang pangitain, anak. Maaring mayroong taong nakapasok sa university na may kakayahang mapansin ang mga diablo. Kapag alam ng mga diablo na mayroong nakakapansin sa kanila ay lalo silang nagpapapansin. Hindi sila titigil hanggat hindi naihahamak ang taong iyon dahil alam nila na ang taong may espesyal na kakayahan ay maaring makapagtaboy sa mga diablo. Kailangan mong mag-ingat, anak. Nangyayari na ang kinakatakutan ko. Nagsisimula na ang mga diablo sa paghahanap sa akin lalo na sa aking nasasakupan. Kapag nasagap nila ang tunay mong katangian, hindi ka nila tatantanan hanggat hindi ka nila napapatay,” anito.
“At bakit naman nila ako papatayin?” curious na tanong niya.
“Dahil ikaw ang alam nilang hahalinhin sa akin bilang hari ng inferum. Hanggat nabubuhay ako, hindi sila titigil dahil alam nila’ng may anak ako. Alam nila na kahit mamatay ako, hindi makukuha ng iba ang kaharian dahil may nakatakda nang papalit sa akin at ikaw ‘yon.”
Mariing kumunot ang noo niya. “Kalokohan ‘yan. Bakit naman ako maghahari sa isang impiyerno?” reklamo niya.
“Ang paghahari, hindi iyon katulad ng ibang kaharian na kailagan mong umupo sa trono at gampanan ang iyong trabaho. Ang mga diablo ay kayang pamunuan ang kanyang nasasakupan kahit wala siya sa mismong lugar. Katulad ko, kahit wala ako sa kaharian, ang respeto ng mga nilalang na nabubuhay roon ay nakadikit na sa akin. Walang sinumang makakagalaw sa trono dahil ang kapangyarihang taglay niyon ay karugtong ng aking kaluluwa. Magagawa lamang nilang agawin ang trono sakaling matugis nila ang aking kaluluwa. Awtomatikong mapuputol lahat ng koneksiyon ko sa kaharian. Subalit hindi sila magtatagumpay hanggat hindi nila nalalaman kung sino ang aking anak. Hindi nila ako basta masasagap dahil nagtatago ako sa katawang ito na matagal nang iniwan ng kaluluwa,” paliwanag nito.
Naguguluhan pa rin siya. “Kailangan ko pa ng mahabang panahon para lubos na maunawaan ang nangyayari, Dad. Pero paano malalaman ng mga diablo na ako ang anak mo?” usisa niya.
“Nakikiusap ako, huwag na huwag kang gagamit ng kapangyarihan ng dilim kahit sa anong paraan o kadahilanan. Kapag nasagap ng mga kaaway ang kapangyarihan mo, hindi ka nila lulubayan hanggat hindi ka napapatay. Lahat ng taong nag-uugnay sa ‘yo ay mapapahamak.”
“Paano ko naman mapipigilan ‘yon? Kapag nagagalit ako o naiinis, hindi ko napipigilang gumamit ng kapangyarihan ng dilim,” wika niya.
“Kailangan mong pigilan, anak. Umiwas ka sa mga tao. Huwag kang makikialam sa problema nila para hindi ka mapansin. Huwag mong kakalimutan ang itinuro ko sa ‘yo na huwag basta makikipagkaibigan sa mga tao. Ang mga tao kasi ay sinsitibo at ang ilan ay bayolente. Itago mo ang tunay mong katauhan at magpanggap kang walang pakialam sa paligid. Kapag nakialam ka sa problema ng ibang tao o nakikipag-ugnayan ka nang mas malalim sa kanila, magiging konektado ka na sa buhay nila at mahihirapan ka nang makaiwas. Hanggat may pagkakataon, umiwas ka sa gulo,” payo ng Daddy niya.
Bumuntong-hininga siya. Naalala na naman niya si Olivia. Hindi man niya sinasadya, tila pagkakataon ang tumutulak sa kanya para mapasok niya ang buhay ng dalaga. Noong una pa lamang niya itong nakita ay ramdam na niyang masyadong maluwag at magaan ang katauhan nito at hindi siya magtataka kung madali itong malapitan ng masasamang elemento. Kaya naisip niyang makipaglapit sa dalaga nang sa gayun ay mabigyan niya ito ng proteksiyon. Hindi naman niya alam na mali pala ang naisip niya.
“Sisikapin kong sundin ang mga payo n’yo, Dad, pero hindi ako nangangakong magtatagumpay ako ng isang daang porsiyento,” aniya pagkuwan.
“Kailangan mong ipilit, anak. Para rin ito sa kaligtasan ng pamilya natin, lalong-lalo na ikaw. Hindi na ako kasing lakas noon dahil kalahati na lamang ang kapangyarihang tanglay ko. Kaya mas mabuting manahimik na lamang tayo.”
Tumango siya. Ang totoo, hindi niya malaman kung paano niya gagawin nang tama lahat ng sinabi ng Daddy niya.