NAKASANDAL si Daimon sa nakasarang pintuan ng comfort room kung saan naroon sa loob si Khara. Mula sa labas ay naririnig niya ang malakas na paghagulgol nito. Nasasaktan siya habang pinapakinggan niya ito na umiiyak. Kung p'wede lamang niya iyong yakapin nang mahigpit ay ginawa na niya. Hindi niya naiintindihan kung bakit ganito ngayon si Khara. Ngunit isa lamang ang kutob niya may kinalaman ito sa kanyang kapatid na si Lander. Mula sa hilera kanina ng mga tao sa may waiting area ng hospital na nag-uusap ay narinig niya na may isinugod na babaeng pasyente dahil nakunan daw ito. Bukod doon ay may usap-usapan din na dumating ang asawa ng isinugod na pasyente ngunit umalis din kaagad na parang wala sa sarili. Nakasalubong niya kanina sa may kalsada sa labas ng hospital ang kanyang kapatid.

