MABILIS LANG ANG GINAWA KONG PAGHIHILAMOS. Nang matapos na ay agad din naman akong nagpasya na puntahan ulit si Leon sa kuwarto niya para maalalayan siya sa pagbaba. Pero wala na siya roon. Kaya naman tumuloy na ako sa pagbaba, sakto naman ay nakita kong pumasok sa pinto sina Ma’am Salve at Sir Fred, tapos ay nakasunod sa kanila sina Jona at Jag. “Magandang gabi po,” nakangiting bati ko naman sa kanila. “Magandang gabi rin, hija,” sagot naman ni Ma’am Salve. Agad na lumapit sa akin si Jona at nakangiti pa siyang bumeso sa akin. Binati rin naman ako ni Jag at ni Sir Fred. “Kumain na po tayo, alam ko po pagod kayo sa biyahe, para agad din po kayong makapagpahinga,” saad ko naman. “Naku mabuti pa nga, at kanina pa ako nagugutom,” marahan pang humalakhak si Ma’am Salve nang isagot iyon.