Kabanata 1
Xamara’s PoV
“Ako ang asawa mo, Trex! Ako ang dapat mong paniwalaan!” umiiyak at nay hinanakit na sambit ko sa aking asawa habang kaharap ko siya. Nandito kami sa loob ng aming kuwarto at nagtatalo dahil sa aking pakialamerang beyanan.
“Hindi magsusumbong at iiyak sa harapan ko si Mama kung hindi totoo ang mga sinasabi niya, Xam! Bakit mo siya sinagot-sagot ‘gayong sinasabihan ka lang naman niya. Gusto lang ni Mama na maging katulad mo siya dahil marami siyang alam at mga pinagdaanan!” malakas na sambit sa akin ni Trex.
Nanginginig ang aking kalamnan sa galit. Hindi ako makapaniwala na kakampihan ng aking asawa ang matapobre nitong ina.
“Hindi ako kailanman magiging katulad ng Mama mo, Trex. At hindi na talaga kami magkakasundo ng Mama mo. Noong magkasintahan pa lamang tayo  ganyan na siya sa akin. Alam mo naman iyon ‘di ba? Hindi ako tanggap ng Mama mo kaya lahat ng mga ginagawa mo binibigyan niya ng masamang kahulugan. Wala na akong ginawang tama dito sa bahay ninyo, lahat ng ginagawa ko mali! Ni hindi na nga kita mapagsilbihan bilang asawa ko dahil lahat na lang pinapakialaman niya. Trex, napapagod na akong unawain siya. Hindi mo kasi nakikita na kapag kaharap niya ako na kasama kita para siyang maamong tupa pero kapag nakatalikod ka at kaming dalawa na lang palagi niya akong sinasabihan ng kung ano-anong masasakit na salita.” Umaagos ang luha sa aking mga mata habang nakaharap ako kay Trex. “Sinabi mo sa akin noon na bubuo tayo ng pamilya kahit mahirap nang hindi ka umaasa sa Mama mo dahil mahal mo ako… pero bakit ngayon ganyan ka na? Nakalimutan mo ba lahat ng ipinangako mo sa akin, ha?” humihikbing tanong ko sa aking asawa.
“Honey…”
Unti-unti akong nanghina at napaupo na lamang sa gilid ng aming kama. Narinig ko ang pagbuga nang malalim ni Trex na nasa aking harapan. Mayamaya ay lumuhod ito sa harapan ko at hinawakan ang aking magkabilang pisngi.
“Unawain mo na lang muna si Mama, hon. Please, ako na ang nakikiusap sa iyo at ako na rin ang humihingi ng tawad sa mga sinasabi at ginagawa ni Mama sa iyo. Pangako, kapag natapos ang problema sa kompanya aalis na tayo rito. Please, honey.” Hinagkan ni Trex ang ang aking mga kamay.
“Palagi na lang ako ang umuunawa sa ugali ng Mama mo.”
“Matanda na si Mama, hon. Ako lang ang nag-iisang anak niya kaya siguro ganito siya sa akin… sa atin. Alam mo naman na marami siyang iniindang mga sakit, at hindi ko naman siya p’wedeng ipagkatiwala na lang sa mga katulong dito sa bahay. Please, honey. Pagbigyan mo na ako kahit ngayon lang, ha? Pangako kapag okay na ang takbo ng negosyo namin, aalis na tayo rito. Huwag ka nang umiyak baka mamaya maging iyakin din ang magiging baby natin.” Hinaplos nito ang aking tatlong buwan na tiyan.
Pinahid nito ang luha sa aking mga mata at saka ito tumabi sa akin. Niyakap niya ako nang mahigpit.
“Mahal na mahal kita, honey. At pinaniniwalaan kita pero unawain mo na lang sana si Mama.”
Hindi pa rin ako kumibo kahit na nilalambing ako ni Trex. Alam nito na kapag galit na galit ako hindi na ako nagsasalita.
“Okay, ganito na lang. Hahanap ako bukas ng bahay na matitirihan natin sa isang subdivision sa San Agustin, isang barangay lang ang layo dito sa bahay. Okay na ba sa iyo iyon honey?”
Iniyakap ko ang aking kamay sa bewang ng aking asawa ‘tsaka ako tumango. Mas mabuti ng malayo ako sa aking biyenan kaysa naman araw-araw kaming palaging ganito. Nahihiya na rin ako sa mga katulong na palaging nakakarinig ng mga masasakit na salita na sinasabi sa akin ni Donya Monica.