“Alam mo, okay lang talaga, eh. Pero maraming salamat parin sa paghahatid, at naabala pa tuloy kita,” pabebeng wika ko kay Carl.
Hindi na ako masisisi ni Shin kung bakit nagpapabebe ako rito sa "old close friend" niya. Iwanan ba naman ako, at kalimutan na para bang isang taon na akong namayapa sa mundo. Nakakagigil lang.
Ngumiti lang ang matangkad na mapayat na si Carl bago magpaalam na.
Binati ko si Mama nang makita ko siya sa kusinang nagluluto ng adobo. Ang amoy niyon ay nagpapakulo ng sikmura ko. Parang ngayon pa lang ay gusto ko nang lantakan ang niluluto niya. Adobo ang specialty niya. Kaya hindi na ako mag-e-expect ng kapalpakan sa timpla kung adobo na ang usapan.
“Kamusta ang klase? Nag-break na ba kayo ni Shin? Ibang lalake yata ang naghatid sa iyo ngayon,” ani Mama na hindi iniwan ang tingin sa ginagawa.
“Busy si Shin, 'ma. Saka ngayon ko lang iyon nakilala, 'no? Nabangga niya kasi ako, at bilang apology, hinatid ako,” sagot ko naman.
“Required bang ihatid? Baka type ka niyon. O, baka naman spy iyon.”
Napailing na lamang ako. “Kanonood niyo po iyan ng Kdrama, 'ma.”
Simula ng magkaroon si Mama ng high blood pressure at successive ang p*******t ng ulo, pinapasok ko si Mama sa mundo ng Kdramas, at iba pang mga pauso ng mga kabataan ngayon. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit medyo bagets na ang astahan ni Mama ngayon. Pero siyempre, ang ina ay ina parin. Kapag galit, suma-side line parin iyan bilang rapper.
Kaya natawa na lamang ako sa mga sermon niya dahil ungol daw ako nang ungol sa bawat pagsubo ko ng kanin at ulam dahil sa sarap—dahil disturbing daw ako pakinggan—kaunti na lamang ay dagdagan ko na ng beatbox ang pag-ra-rap niya.
TWO SUCCESSIVE weeks na tila wala kaming pansinan ni Shin. Pero ngayon, mukhang bumabawi ang loko dahil nag-ayang kumain ng street foods after class, at inalok akong ihatid niya.
So far, wala namang nagbago sa pakikitungo niya. Pero hindi parin nakaligtas sa akin ang mga tinginan niyang may halong pagka-pressure.
“Cath,” pagtawag niya sa akin sa kalagitnaan ng pagnguya niya sa tempurang kinakain.
“Bakit? Sandali lang . . . Okay ka lang ba?”
Napailing siya at malimit na ngumiti. “Nag-aalala lang ako na baka one of these days, bigla ka na lang na magsawa sa akin kasi palagi na lang akong busy sa training. At baka may pomoporma na sa iyo. Hindi kita masisisi kung magkagusto ka sa iba—”
“Nahihibang ka na ba, Shin? Bola ang pinapatalbog, Shin, hindi ang skull mo. Okay? At saka una sa lahat, walang pomoporma sa akin—”
“Eh, nakita ko kayo ni Carl, last-last week! Hindi ko alam kung anong intensyon niya. I just want you to be careful. Matinik ang isang iyon sa mga babae. Saka . . . I may not have the right to tell you this, but . . . He had a huge crush on you since his highschool days. First year college na siya ngayon. Ex classmate niya si Drae. Noong naging tayo, he broke our friendship,” mahabang latinya niya na humihingal pa at namumula ang mga taenga—halatang naiirita. May halong lungkot rin sa mga mata.
Hindi ko alam kung paano i-explain ang reactions ng kalamnan ko. Nakita niya pala kami ni Carl, eh ’di sana pinuntahan niya kami! And what the hell is about the crush thingy?
“Ano ka ba? Noong araw ko lang din nakilala si Carl. Saka maniwala ka, kahit i-claim niya pa ako as his wife, hindi ako malilinlang doon,” paliwanag ko.
Nanlaki naman ang mga mata niya at may ngiting pang nang-aasar. “Ang deep, ah?”
Napairap na lamang ako. “Alam mo? Ang dami mong utang sa akin. If ibang babae ang naging girlfriend mo, tiyak na nagrereklamo na sa pagiging busy mo. Kaya naman may karapatan akong mag-demand ng another kwek-kwek—libre mo parin,” masungit na sabi ko, pero kalaunan ay natawa na rin.
Pasado alas ciyete na nang makauwi ako. Hinatid ako ni Shin. Siya na rin ang nagpaliwanag kay mama para hindi na raw ako pagalitan.
Si mama naman na botong boto kay Shin—na mukhang mas tinuturing pa itong anak kaysa sa akin—chill na chill lang. Hindi nga ako pinagalitan, pero pang isang baranggay naman ang mga pinggang pinapahugasan sa akin.
Dumalaw daw rito kanina, ang mga kapuwa niya marites. Siyempre, bukod sa chismis, may kainan ding naganap. Kaya ang mga mamahaling plato na tila panahon pa ni Rizal na nakatago sa baul, nagsisilabasan. At ang ending, ako raw ang maghuhugas. At kapag mabasag, isang buwan daw akong walang baon.
Patay na.
HALOS BUMIBIGAY na ang mga tuhod ko sa kakatayo. Kasalanan ko rin naman dahil ang tagal kong matapos maghugas. Magrereklamo na sana ako nang biglang magsalita si Mama. Seryoso ang boses. At nang mapatingin ako sa kaniya, doon ko na lamang napansin ang namumugto niyang mga mata.
“Ang tatay mo, may malubhang sakit. Nais niya raw na hiramin ka. O hindi naman ay bibisita siya rito.”