Prologue
JAMILLA
Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatulog dahil nagising ako na masakit ang aking ulo at nahihilo.
Nangunot ang aking noo nang napagtanto ko na hindi pamilyar sa akin ang silid na kinaroroonan ko, kaya agad akong napabalikwas ng bangon sa kama, pero napapikit ako at nasapo ko ang aking noo dahil nakaramdam ako ng labis na pagkahilo.
“Dammit! What's going on?” nakapikit kong tanong sa aking sarili.
Ipiniling ko ang aking ulo at ilang ulit pumikit at kumurap habang hinihintay na bumuti ang aking pakiramdam.
Makalipas ang ilang minuto, unti-unting naging malinaw sa paningin ko ang lahat, kaya naging alerto ako dahil alam kong wala ako sa bahay ko at hindi ko alam kung nasaan ako ngayon.
Hindi ako nakagapos, maayos ang damit-pantulog na suot ko, at wala rin akong nararamdaman na kakaiba sa aking katawan, pero dahil wala akong maalala kung ano ang nangyari sa akin at bakit ako nakarating sa silid na kinaroroonan ko, ay hindi ako dapat makampante.
Bumangon ako sa kama at mabilis na bumaba. Kahit nakapaa, agad akong lumapit sa pintuan at binuksan ito.
Nakahinga ako ng maluwag nang bumukas ang pintuan; katunayan ito na hindi ako nakakulong, pero lalo lamang akong naguluhan sa nakita ko habang pababa ng hagdan dahil sigurado ako na ngayon pa lang ako nakarating dito.
Habang pababa sa hagdan, may naririnig akong ingay. Sa tingin ko'y galing ito sa kusina dahil nakakarinig ako ng kalansing mula doon, kasabay ng mabangong amoy ng pagkain.
Bigla tuloy akong nakaramdam ng gutom nang kumalam ang aking sikmura, kaya walang pagdadalawang-isip na naglakad ako at binagtas ang daan na sa tingin ko ay papunta sa kusina.
Nangunot ang aking noo nang madatnan ko ang lalaking nakatalikod at nagluluto dito sa kusina. Katawan pa lang niya, pamilyar na sa akin, kaya kahit naka-boxer lang siya at walang damit pang-itaas ay agad akong lumapit sa kaniya.
“What's the meaning of this, Drake?” matigas ang ekspresyon at galit na tanong ko sa kaniya.
I'm sure he did something, kaya nakaramdam na naman ako ng inis sa kinakapatid ko.
Bumaling sa akin si Drake at agad ngumiti nang makita niya ako.
“Hi, love!”
Napangiwi ako at inikutan ko siya ng mga mata. “Nasaan ako?”
“Home, our home,” mabilis at nakangiti niyang sagot.
Nalukot tuloy ang aking mukha. “Huwag mo akong pinaglololoko, ha!”
Galit na ako, pero ang walang-hiya at baliw na kinakapatid ko, tila tuwang-tuwa pa siya na nakidnap niya ako at nadala dito sa bahay niya ng wala akong pagtutol dahil wala akong malay.
“Jam, you know na kahit kailan, hinding-hindi kita lolokohin,” malambing na sagot ni Drake, pero lalo lamang akong nainis.
“Tell me, paano ako nadala dito?” galit na tanong ko sa kaniya dahil ang alam ko, natulog ako sa condo unit ko, pero dito na ako nagising sa bahay na ito kasama siya.
Umangat ang kanang kamay ni Drake para sana hawakan ang mukha ko, pero humakbang ako paatras at tiningnan ko siya ng masama.
“Sagutin mo ang tanong ko, Drake!”
“Kinidnap kita para magkasama na tayo,” kaswal at nakangiting na sagot ni Drake.
Dammit!
Baliw na talaga siya!