NANG makarating sa bungad ng Pagbilao ay doon na rin sila bumaba ni Tiya Trudis. Maski ang kaniyang sarili ay kailangan sanayin na ganoon ang tawag niya sa matanda para hindi magkaroon ng problema.
Nagtaka pa si Niana nang pumara naman ng taxi ang matanda.
“Mag-ta-taxi po tayo?” hindi niya napigilang itanong.
“Oo, ‘Neng.”
“Wala po bang tricycle?”
Napangiti ito sa sinabi niya. “Sa parteng ito ng Pagbilao, hindi uso ‘yon. Sa middle town, doon ka makakasakay ng tricycle. Pero sa pupuntahan natin, bawal ang tricycle. Sige na, sumakay ka na.”
Ang mga dala naman ni Tiya Trudis ay inilagay na sa compartment. Wala namang nagawa si Niana kung ‘di ang sumakay na rin sa taxi.
Tahimik lang siya. Pero ang kaniyang mga mata, busog na busog sa magandang lugar na pinasukan ng taxi na kinasasakyan nila.
Napapa-wow pa siya nang makita ang isang malaking mall at sa mga nadadaanan pa nila.
Ngayon lang siya nakakita ng ganito kagandang lugar. Alam niyang pangmayamang lugar iyon. Lalo na at nagtataasan din ang mga gusali. Ang mga landscape, wala siyang masabi sa gaganda.
Napatingin siya sa unahan ng taxi nang hindi magtagal ay lumiko sila sa isang village.
Valle Encantado Village, iyon ang nakita niyang pangalan ng naturang village.
May pinakitang pass si Tiya Trudis sa guard na lumapit sa taxi nang tumigil iyon sa may guard house na nasa gitnang bahagi ng malapad na kalye.
Sinilip lang siya ng guard bago ibinalik kay Tiya Trudis ang pass nito.
Ang taxi driver naman ay nagbigay ng isang valid ID na iiwan doon at kukunin kapag lumabas na ito sa village.
Nakahinga pa nang maluwag si Tiya Trudis nang makapasok na sila sa village. Mukhang kinabahan ito.
“Okay lang po kayo?” hindi pa niya napigilang itanong.
Nakangiti naman nang tumango ito. “Oo. Baka kasi tanungin ka pa. Buti hindi na nag-usisa pa.”
Kimi siyang ngumiti sa matanda. Kapagkuwan ay hindi na naman niya napigilang ilibot ang tingin sa paligid dahil sa nakikitang naglalakitang mga bahay. Literal na mga mansiyon.
Nalulula siya.
Sa ganitong lugar pala nagtatrabaho ang matandang kasama niya, hindi siya na-inform.
“Ang yayaman po pala ng mga tao rito sa lugar na pinagtatrabahuhan ninyo, Tiya Trudis,” hindi niya napigilang sabihin.
“Naku, sinabi mo pa. Napakasuwerte mo kapag dito ka nagtrabaho. Hindi basta-basta ang mga tao rito.”
Kita nga niya. Dahil ang mga bahay pa lamang doon ay hindi na basta-basta.
Hindi nagtagal at huminto rin ang taxi sa isang malaking bahay. Mukhang doon na ang hantong nila ni Tiya Trudis.
Nang makababa sila sa taxi at makuha ang mga gamit nila, agad namang bumukas ang maliit na gate.
“Ako na ho riyan,” anang guwardiya na mabilis kumuha ng mga dala ng matanda.
“Salamat, Pepito. Tara na,” baling naman sa kaniya ni Tiya Trudis. “Magpahinga ka muna sandali sa loob. Wala naman diyan ang mga amo namin. At habang namamahinga ka sa loob, pupunta muna ako sa kabilang bahay para magtanong kung may bakante pa.”
“Sige po. Marami pong salamat.”
Napatingin pa siya sa bahay na nasa may bandang kanan. Doon ang bahay na tinutukoy ni Tiya Trudis.
Mas malaki nga lang ang mansiyon na iyon kaysa sa bahay na pinagtatrabahuhan ni Tiya Trudis. Mukhang mayaman nga talaga ang nakatira.
Sa kusina sila dumiretso.
Punong-puno ng kagalakan ang kaniyang puso dahil sa ganda ng paligid. Para bang nakakatulong ang magandang lugar na iyon para sa kaniyang mental health.
Palibhasa, malayong malayo ang lugar na iyon sa maingay at magulong lugar na kaniyang kinamulatan.
Ang maingay na ka-Maynilaan.
Punong-puno ng polusyon.
Pero ang lugar na iyon, para bang ang sarap doong huminga.
Napakalinis at sa kabila ng kaunlaran, marami pa ring puno na mas nagpapaganda sa lugar na iyon.
“Sino’ng kasama mo, Manang?”
Napatingin din si Niana sa babaeng nagsalita. Sa ayos niyon, natitiyak niya na kasambahay rin iyon.
Nginitian iyon ni Niana. Pero hindi iyon gumanti ng ngiti sa kaniya.
“Malayong pamangkin ko. Si Niana. Magbabakasakali na makakapag-apply sa kabila. ‘Di ba at kailangan nila ng temporary na kasambahay? Ipapakiusap ko na si Niana na lang ang kunin,” ani Tiya Trudis. “Mimi, ikaw na muna ang bahala rito kay Niana. Sasaglit lang ako sa kabila.”
“Manang,” anang isa pang kawaksi na lumapit din sa kanila. “Ang mabuti pa ay isama mo na ang pamangkin mo para isang puntahan na lang.”
“Magandang suhistiyon ‘yan,” tumatango-tango namang wika ni Tiya Trudis. “Niana, tara sa kabila. Magbabakasakali.”
“Sige ho.”
“Sasaglit lang ako sa silid ko para iwan itong dala kong bag.”
Nang maiwan siya sa may kusina, pinagmamasdan naman siya ni Mimi.
“Taga saan ka?” tanong pa ni Mimi.
“Ahm, sa Maynila.”
“Talaga? At napadpad ka pa rito? Marami rin namang trabaho sa Maynila.”
“Ano ka ba, Mimi?” kontra naman dito ng isang kasambahay. “Para sa akin lang, ha? Mas maganda pa rin dito sa Pagbilao City kaysa sa Maynila. Kahit ako, mas gugustuhin ko rito. At saka, alam mo naman dito, heaven. Suwerte mo, ha?” nakangiti pa niyong baling sa kaniya.
“Anong suwerte?” taka niyang tanong.
“Kung matatanggap ka sa kabila, napakasuwerte mo.”
Dahil ba mas mansiyon ang bahay sa kabila? Iyon nga kaya ang dahilan? Gusto pa sana niyang mag-usisa, ngunit dumating naman si Tiya Trudis. Nag-aya na kaagad ito na pumunta sila sa kabilang bahay para malaman na kaagad kung matatanggap ba siya o hindi?
“Ano ho ‘yon, Manang Trudis?” nakangiti pang wika ng guwardiya sa kabilang mansiyon nang makarating sila roon.
“Nariyan ba ang amo mo?”
“Si Ma’am Tanya nasa loob. Bakit ho?”
Hinawakan siya ni Tiya Trudis sa kaniyang braso. “Irereto ko sana,” nakangiti pang wika ng matanda.
Pinagmasdan naman siya ng guwardiya. “Naku, Manang. Hindi papasa ‘yan. Maganda nga, pero napakasimple naman ng datingan. Kulang sa bihis at ayos.”
Napalo naman ni Tiya Trudis sa braso ang guwardiya.
“Ano ba’ng pinagsasabi mo? ‘Di ba nga at kailangang umuwi sa probinsiya nang isa sa kasambahay diyan sa inyo? I-a-apply ko ang pamangkin ko. Baka sakaling puwede siyang pansamantalang kasambahay riyan. Malaking bagay rin ‘yon sa kaniya.”
“Ah,” napapatawa pang wika ng guwardiya. “Sige ho at pumasok kayo. Sasamahan ko kayo sa kusina.”
Ngumiti pa sa kaniya ang guwardiya. Tipid lang iyong ginantihan ni Niana ng ngiti.
Nang makita ang malaking mansiyon nang mas buo, nang makapasok siya sa loob ng gate, halos mapigil ni Niana ang kaniyang paghinga.
Pakiramdam niya, alikabok lang siya roon.
Sa gilid ng mansiyon sila dumaan papunta sa may kusina. Doon ay kaagad silang sinalubong ng mga kawaksi na naroon.
“Naligaw ka, Manang?” nakangiti pang wika ng isang kasambahay rito.
“Dulce, may nahanap na bang papalit kay Ikay? ‘Di ba at paalis muna siya?”
“Wala pa ho, Manang Trudis,” mabilis naman wika ng isang kasambahay. “Alam mo naman, mahirap kumuha ng kasambahay ng ganoon na lang.”
“Tamang-tama, baka naman puwede itong pamangkin ko? Kailangan kasi niya ng trabaho.”
“Wow, pamangkin mo siya, Manang?”
“Oo. Bakit? Duda ka ba?”
“Ang layo ho kasi sa inyo,” biro pa ng isa na tumawa pa.
Napatawa rin si Tiya Trudis. “Maganda lang talaga ang lahi ni Niana.”
“Kaya mo ba ang mga gawain dito?”
Napatingin sila sa may edad ng babae. Deretso ang tingin niyon kay Niana. Ang istrikta ng datingan niyon. Para bang mahirap biruin.
“Baka wala pang isang araw, gusto mo ng umuwi sa inyo?” patuloy pa niyon.
“Nida—”
“Siya ang kausap ko, Trudis.”
Itinikom na lamang ni Tiya Trudis ang bibig niyon. Ang mga kasambahay naman ay tikom din ang bibig kaya sobrang tahimik.
Lihim na napalunok si Niana. Para bang hindi basta-basta ang matandang bagong dating. May kaba mang bumalot sa kaniyang dibdib ay ininda muna niya.
“Opo, Ma’am. Kaya ko po ang mga gawain dito dahil sanay po ako sa gawaing bahay. Sanay rin po ako sa mahirap na trabaho. Hindi rin po ako pihikan o maarte. Lalo na po pagdating sa pagkain. Lahat po ng klase ng pagkain, kaya ko pong kainin. Kahit toyo at langis na pinagprituhan po ang ulam, kaya ko pa rin pong kumain. Sanay po ako sa hirap.”
Hindi naiwasan ni Nida na tingnan siya mula ulo hanggang paa. Kapagkuwan ay ibinalik sa mukha niya ang tingin nito.
“Wala kang boyfriend sa labas? Asawa?”
Umiling siya. “Wala po. Kung sakali pong matatanggap ako sa trabaho, ilalaan ko po ang buong oras ko sa trabaho at nasisigurado ko po na wala pong magiging abala. Isa pa po, wala naman po akong touch screen na cellphone na maaaring maging abala sa trabaho ko,” aniya na ipinakita pa ang cellphone niyang di-keypad.
Napaawang pa ang labi ng isang kasambahay. “Wow, saang planeta ka galing at wala kang cellphone na touch screen?”
“Hindi po kasi kayang bumili,” aniya na kimi pang ngumiti.
“Weh?” angal naman ng isa. “Alam mo, simple ka lang manamit pero maganda ka.”
“Oo nga.”
Mas higit na nahihiya siya sa papuring iyon.
Tumikhim si Nida kaya muling natahimik ang lahat.
“Kung hindi ka naman maselan at kaya mo ang trabaho rito. Sige, puwede ka ng magsimula bukas.”
Literal ang pag-awang ng mga labi ni Niana sa kaniyang narinig. “T-tanggap na po ako?”
“Gusto mo bang bawiin ko?” seryoso niyong tanong. Para bang hindi iyon palangiti talaga.
“Naku, ‘wag mong babawiin,” agad na wika ni Tiya Trudis. “Maraming salamat, Nida. Asahan mong hindi ka mapapahiya sa pamangkin ko. Kailangan din talaga niya ng trabaho.”
Tumango lang si Nida. “Dulce, samahan mo si Niana sa tutulugan niya.”
Hindi pa rin siya makapaniwala na tanggap na kaagad siya.
“Kailangan pa po ba ng resume?” habol niyang tanong.
“Hindi na. Temporary ka lang naman dito.” Iyon lang at umalis na sa kusina ang matanda.
Bakit parang nakikiayon sa kaniya ang pagkakataon? Sobrang saya ng kaniyang pakiramdam.
“Paano, Niana? Babalik na ako sa kabila,” nakangiti pang paalam sa kaniya ni Tiya Trudis.
Pigil ang maluha na mahigpit niyang niyakap si Tiya Trudis. “Maraming-maraming salamat po sa inyo, Tiya.”
“Walang anuman. Galingan mo rito para tumagal ka.”
“Opo. Hindi ko po kayo ipapahiya.”
Nagpaalam muna siya kay Dulce na ihahatid lang niya si Manang Trudis kahit hanggang sa may gate lamang.
Hinding-hindi niya makakalimutan ang matanda na naging anghel sa kaniya sa araw na iyon. Dahil dito, nagkaroon siya kaagad ng trabaho.
Sa panahong parang nawawala ka, may darating at darating talaga na tao para tulungan ka.
Dalawang tao na ang pinagkakautangan niya ngayon at hinding-hindi makakalimutan.