Chapter 09

2023 Words
“PUMASOK KA NA SA LOOB,” seryoso at wala pa ring kangiti-ngiting wika ng mayordoma nang lumabas iyon sa pinto. Kay bilis ng kabog sa dibdib ni Niana nang ipatawag siya ng magiging amo niya sa mansiyon na iyon. Si Dulce naman ay naiwan sa labas ng study room. Siya lang daw ang papasok sa loob. Ang mayordoma naman na si Nida ay umalis na. Huminga muna nang malalim si Niana bago tuluyang pumasok sa loob ng study room. Malamig doon. Isang napaka-eleganteng babae ang nakita niyang naroon. Nakaupo sa pang isahang sofa. Para iyong Diyosa sa ganda at kakinisan. “Magandang hapon po, Madam Tanya,” magalang pa niyang wika nang makalapit siya roon. Nanatili lamang siyang nakatayo. Sabi ni Dulce, ito raw ang amo nilang babae na may anim ng anak. At ang bunso, halos hindi nalalayo sa edad niya. Pero parang ang hirap maniwala na anim na ang anak ng babaeng kaharap dahil sa ganda niyon at batang tingnan. “Maupo ka,” ani Tanya na hindi nagdamot ng ngiti sa kaniya. Tumalima naman siya sa pag-upo sa upuan na iminuwestra niyon sa kaniya. “Ikaw raw ang papalit muna pansamantala kay Ikay?” Tumango siya. “Opo, Madam. Ako po si Niana Pagaran.” Mataman siya niyong pinagmasdan. “Ilang taon ka na, hija?” “Twenty-three na po.” “Really? Isang taon lang ang tanda mo sa bunso ko. Nakatuntong ka ba sa college?” Umiling si Niana. “Hindi po, Madam. Required po ba rito sa inyo na dapat, college level po?” Nagbaba siya ng tingin. “High school graduate lang po kasi ako dahil ‘yong ama ko po, hindi po ako kayang pag-aralin sa college noong nabubuhay pa po siya.” “I’m sorry to hear that, hija. Don’t worry, naitanong ko lang naman. Baka kasi hindi ka sanay sa pagkakatulong.” Napatingin siyang muli kay Madam Tanya. “Sanay na sanay po ako, Madam. Lalo na po sa gawaing bahay.” Matamis ang ngiting sumilay sa mga labi nito. “Wala kasi sa hitsura mo na kaya mo ang hirap ng buhay.” Kung bakit nahiyang lalo ang kaniyang pakiramdam. Marami talaga ang nadadaya ng pagiging tisay niya at ng kaniyang ganda. “‘W-wag po kayong palilinlang sa hitsura ko, Madam. Lahat po ng trabaho, kinakaya ko para po kumita ng marangal. Hindi rin po ako maarte. At ang pagtanggap po sa akin dito, sobrang laking bagay po. Kahit temporary lang po. Kaya makakaasa po kayo na gagawin ko po nang maayos ang aking trabaho.” “That’s good to hear. Ang iba kasi ngayon, masyadong mapili sa trabaho. Hindi mo kailangan kabahan o matakot dahil ipinatawag kita. Naulit kasi ni Ate Nida na may papalit pansamantala kay Ikay. Kaya gusto kitang makaharap para pormal na makilala.” Hindi niya mapigilan ang sarili na humanga kay Madam Tanya. Ang smooth kasi ng pag-uusap nila. Para bang nakikipagkuwentuhan lang ito sa kaniya. Mas mukha pa ngang masungit si Mayordoma Nida. “Mababait ang mga kasamahan mo rito. Kung may kailangan ka, ‘wag kang mahihiyang magtanong o magpatulong sa kanila.” Tumango siya. “Salamat po, Madam.” “Kung tapos ka ng ilibot ni Dulce, magpahinga ka na muna at bukas ka na raw magsisimula.” “Marami pong salamat, Madam.” Nakangiting tumango sa kaniya si Tanya. May ngiti sa labi nang lisanin ni Niana ang study room. Nang makalabas doon ay saka lang siya nakahinga nang mas maluwag. “Okay ka lang?” tanong pa ni Dulce na matiyagang naghintay sa kaniya roon. “Oo. Ganoon ba talaga ‘yong amo natin? Sobrang bait ng vibes niya.” “Oo. Kaya natitiyak ko sa iyo na hindi ka magsasawa sa lugar na ito. Kung alam mo lang, ang daming gustong mamasukang kasambahay rito. Hindi lang talaga kumukuha ng iba ang mag-asawang Montejero.” Kung ganoon, napakasuwerte nga niya dahil wala sa hinagap na sa mismong araw rin na iyon, magkakaroon din siya kaagad ng trabaho. “PARATING ngayon ang triplets,” ani Dulce kay Niana habang sabay silang kumakain nang almusal. Simula nang mamasukan siya sa Montejero’s Mansion, dito na siya naging malapit. Siya raw kasi ang bunso sa mga kasambahay sa mansiyon kaya willing talaga ito na turuan siya sa lahat. Si Ikay na kaniyang pinalitan ay umalis na rin kinabukasan para umuwi sa nanay niyon na may sakit. Ang anak ng amo nila ang tinutukoy ni Dulce na triplets. Hindi pa niya nakikita ang mga iyon. Kahit larawan ay wala. Wala rin naman kasing naka-display. Isa pa, limitado ang pagkukuwento ni Dulce dahil ayaw na ayaw raw na pinag-uusapan ang mga iyon. “Tapos, mamaya rin ang dating ng family portrait nila na karaniwang idini-display sa may malawak na salas.” “Family portrait?” ulit ni Niana. “Hmm. Dahil nadagdagan ng dalawa ang pamilya nina Ma’am Tanya, kaya nagpagawa ng bago.” Tumango-tango si Niana. “Maglilinis tayo ngayon ng silid ng triplets. Magpapalit din ng mga beddings.” “Sige.” “Niana,” ani Dulce sa seryosong tinig kapagkuwan. “Hmm?” “May kailangan lang akong sabihin sa iyo na rules dito sa mansiyon pagdating sa anak ng mga amo natin.” “Hindi ko maintindihan, Ate Dulce.” “Rule number one, bawal ma-in love sa kanila. Narito ka para magtrabaho at hindi para magpa-cute sa triplets. Mas mainam na ‘wag kang makikipag-eye to eye contact sa kanila kapag nasa paligid lang sila. Unless, kinakausap ka nila o may ipinakikisuyo sila sa iyo. Pangalawa, dahil may hitsura ka, ‘wag na ‘wag mong gagawin ‘yong rule number one at baka mapalayas ka rito ng mayordoma. Ipakita mo na mas mahal mo ang trabaho mo kaysa sa pagpapa-cute sa mga amo natin.” Napangiti si Niana sa sinabing iyon ni Dulce. “Ano ka ba, Ate Dulce? Mas mahal ko po ang trabaho ko. Hinding-hindi ko rin gagawing magpa-cute sa amo natin. Alam ko ho kung ano lang ako rito.” “Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo, Niana. Ayaw ko lang na magkaroon ka ng problema.” May ngiti sa labi na tumango si Niana. “Salamat sa paalala, Ate Dulce.” “Bilin nga pala ng mayordoma natin na ‘wag na ‘wag ka raw maglalagay ng kahit na anong kolorete sa mukha. Bawal ‘yon dito.” “Alam mo naman na wala akong ganoon. Ni pulbo nga, wala ako. Nakikipuslit pa ako sa iyo ng pabango.” “Oo nga pala. Sa ganda mo kasi, akala yata ni mayordoma, may nilalagay kang pampaganda. Nakalimutan yata niyang natural mo ‘yan.” Hindi mapigilang mapangiti ni Niana sa hirit na iyon ni Dulce. Likas na maganda ang kaniyang ina at may hitsura din naman ang kaniyang ama. Kaya hindi kataka-taka na maganda ang naging bunga ng mga iyon nang ipanganak siya sa mundo. Matapos kumain ay nag-toothbrush na rin kaagad si Niana at naghanda para sa nakatalagang gawain para sa araw na iyon. Sa tatlong araw niya sa mansiyon, walang mairereklamo si Niana. Maayos talaga roon. On time rin kung kumain sila. Hindi rin tinipid. Mayroon pang paprutas. Kapag nagutom, puwedeng kumain. Sa sobrang tuwa nga niya, bago matulog, habang nagpapasalamat sa Diyos, hindi niya mapigilan ang sarili na hindi maiyak. Sobrang nagpapasalamat lang siya sa mga nangyayari sa kaniya. Pakiramdam niya, lucky charm niya ang lalaking tumulong sa kaniya. Dahil simula nang magkrus ang landas nila, puro suwerte na ang nangyayari sa kaniya. Wala na ang ano mang kamalasan. Malalawak ang silid ng bawat isang triplets. Apat naman silang magkakatuwang sa paglilinis sa bawat silid kaya hindi rin nahirapan si Niana. “Ate Dulce,” ani Chandrea na sumilip pa sa may pintuan ng isang silid na nililinisan nila. Napatingin si Niana sa among babae. Kay ganda rin niyon. Mana ang ganda sa ina nitong si Madam Tanya. Ito ang bunsong anak ng mag-asawang Montejero. “Yes, Ma’am Chandrea?” nakangiti pang wika ni Dulce na kaagad lumapit sa amo. “Aligaga na naman kayo. Sinabi ko naman sa iyo na hayaan ninyong ‘yon pa rin ang madatnang kama nina Kuya.” Napapakamot sa batok nito si Dulce. “I’m just kidding,” nangingiti namang bawi ni Chandrea. Nagbaling pa ito ng tingin sa kaniya. “Ikaw ‘yong bago?” Tumango si Niana. “Opo, Ma’am.” Hindi alam ni Niana kung ano ang nangyari at hindi maalis ni Chandrea ang tingin sa kaniya. Pumasok pa ito sa loob ng silid na iyon para lamang pagmasdan siya sa malapitan. Masyadong busy nitong mga nakaraan ang among babae kaya ngayon lang sila nagpangita talaga. “M-may problema po ba?” alanganing tanong ni Niana. Nagbaba pa siya ng tingin. Ang hawak niyang bedsheet ay binitiwan muna niya. “Wala namang problema,” ani Chandrea. “Para kasing ang hirap maniwala na papasukin mo ang pagkakatulong,” dagdag pa nito. Tikom naman ang bibig ng tatlong katulong na kasama nila sa loob. Lalo na si Dulce. “Tell me, hindi ka ba spy?” “Ho?” gulat niyang bulalas na muling tiningnan si Chandrea. “‘Yong mga spy kasi, magaganda, matangkad, sexy…” “Ma’am Chandrea, naiinaman na naman po yata kayo sa mga action movie,” biro pa ni Dulce na lumapit na sa tabi ni Niana. “Hindi po spy si Niana.” Nahihiyang nagbabang muli ng tingin si Niana. “Hindi po ako spy, Ma’am Chandrea. Simpleng tao lang po ako na gustong magtrabaho nang maayos.” Nakatitig pa rin sa kaniya si Chandrea. Tiningnan pa siya nito mula ulo pababa sa kaniyang paa. Bago bumalik ang tingin sa kaniyang mukha. “So, hindi ka talaga spy mula sa ibang company? Baka kasi mamaya, may lihim kang agenda sa family namin.” Umiling si Niana at lakas-loob na sinalubong ang tingin ni Chandrea. “Ma’am, hindi po talaga. Puwede po ninyo akong ipa-background check kung gusto po ninyo. Malinis po ang intensiyon ko sa pamilyang ‘to. Trabaho lang po talaga ang hangad ko.” Pinigilan ni Niana ang pamuuan ng luha sa mga mata dahil sa takot na baka si Chandrea pa ang maging dahilan ng pagkawala niya ng trabaho roon. Sa huli, hindi napigilan ni Chandrea ang mapangiti. Kapagkuwan ay tinapik ang balikat niya. “Joke lang. Puwede ka ng huminga nang maluwag. Ituloy na ninyo ang ginagawa ninyo.” Hindi rin naman nagtagal at lumabas na rin sa silid na iyon si Chandrea. Para bang nanlambot bigla ang pakiramdam ni Niana dahil sa naging encounter niya kay Chandrea. “Okay ka lang?” tanong pa ni Dulce. Tumango si Niana. “Kinabahan lang ako sa amo natin.” “Pati si Ma’am Chandrea, hindi nakaligtas sa ganda mo. Napagkamalan ka pang spy,” humagikhik pa si Dulce. “Sige na, Niana, ituloy na natin ang ginagawa natin.” “Sige.” “Back to work,” ani Dulce sa mga kasama nila. Nang maging okay na ang pakiramdam ni Niana ay muli niyang itinuloy ang kaniyang ginagawa. Nang matapos sa ginagawang pag-aayos at paglilinis ng mga silid sina Niana. Naiwan siya sa huling silid para siguraduhin na okay na ang lahat. At wala na rin silang naiwan doong gamit panlinis. Suminghot pa si Niana. Kay bango kasi roon. At ang malawak na kama, para bang nag-aanyaya na higaan. Kung makapal lang ang mukha niya, susubukan niyang mag-dive roon. Pero sa takot na baka may makakita, hanggang sa isip na lamang niya iyon ginawa. Isang libot pa ng tingin sa paligid bago ipinasya ni Niana na lumabas na roon. Sabi ni Dulce, magmemeryenda na raw sila. Naging metikuloso kasi ang paglilinis nila kaya inabot sila ng hapon sa tatlong silid. Linis kung linis talaga kahit mukha namang malinis. Akmang hahawakan ni Niana ang doorknob nang makitang gumalaw iyon. Napaatras siya nang sunod niyon ay bumukas ang pinto. Buong akala niya, si Dulce. “Okay na, Ate Dul—” Nabitin sa ere ang ano mang sasabihin ni Niana nang makitang hindi si Dulce ang nasa labas ng pinto. Natigilan pa si Niana nang makita ang mukhang iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD