NAALIMPUNGATAN si Ahnia mula sa magkakasunod na kalampag sa kaniyang pinto. Sumunod roon ang malakas na pagkakasipa rito dahilan upang mabuksan ito at marahas na tumama sa pader ng silid niya. Pabalikwas siyang bumangon nang makita ang pagpasok ng isang lalaki.
"Hi, Prinsesa!"
Bumungad sa kaniya ang isang hindi pamilyar na lalaki. Matangkad ito at malaki ang pangangatawan. Ang hitsura nito ay parang hitsura ng mga goon na nakikita niya lamang sa mga palabas. Malapad rin ang ngisi nito sa mga labi na tila isang asong nauulol. Ang ikinadagdag pa ng takot niya ay ang hawak nitong baril sa kanang kamay.
"Samahan mo naman ako sa sala, Prinsesa!" sinundan pa nito ng tawa ang sinabi.
Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Ahnia nang marinig ang pagtawa ng lalaki, lalo pa nang mapansin niyang pinasadahan nito ng tingin ang kaniyang katawan. Nakasuot lang siya ng isang manipis na night dress. Kakaiba ang tingin na iyon ng lalaki—tinging may pagnanasa.
Nilingon niya ang nakabukas na bintana ng kaniyang kuwarto. Sa ilang segundo, naisip niyang tumalon mula sa bintanang iyon. Ngunit nang maalalang nasa pangalawang palapag ang kaniyang kuwarto at paniguradong mababalian siya ng mga buto kapag itinuloy niya ang balak ay hindi na lamang siya kumilos.
Natigilan siya nang makita ang pag-iling ng lalaki. Tila nakuha nito ang binalak niyang gawin. Iginalaw-galaw nito ang hawak na baril na para bang pinaglalaruan nito iyon sa isang kamay.
"Huwag mo na akong pahirapan pa," anito at sinenyasan siyang lumapit gamit ang kamay nitong may hawak ng baril. "Kung ayaw mong mamatay, sumunod ka na lang sa ipag-uutos ko. Naiintindihan mo ba, Prinsesa?"
Umiling si Ahnia nang magsimulang humakbang papalapit sa kaniya ang lalaki. Sinulyapan niya ang kaniyang selpon na nasa ibabaw ng bedside table. Naalala niya agad ang kaniyang papa na kasalukuyang nasa Beijing dahil sa business trip nito. Kailangan niyang matawagan ang ama upang ipaalam dito ang nangyayari.
Mula sa selpon, muling nabaling sa lalaki ang mga mata niya. Nang makitang papalapit na ito nang papalapit ay sinubukan niyang kunin ang selpon niya, ngunit mabilis na nakalapit sa kaniya ang lalaki at agarang nahawakan siya sa braso. Marahas siya nitong pinatayo at agad na niyakap nang mahigpit mula sa likod.
"No! Help! Help! Somebody, help me!" Halos mapatid ang litid sa kaniyang leeg nang magsimula siyang sumigaw. "Yaya!"
Nang-uuyam namang tumawa ang lalaking nagngangalang Kaloy habang yakap nito mula sa likod ang nag-iisang anak ng isa sa pinakamayamang businessman sa Pilipinas. Ginaganahan siya sa pagpupumiglas at pagsisigaw nito. Ganitong-ganito ang tipo niya sa isang babae, ang nanlalaban at nagpapakipot pa sa umpisa.
"Huwag ka nang tumanggi. Sandali lang ito, Prinsesa! Masasarapan ka rin," at sinundan pa nito ng malakas na tawa ang sinabi.
Bigla naman pumasok ang isa pang lalaki sa kuwarto. Agad na nagsalubong ang kilay nito nang makita ang ginagawa ng kasama sa anak ni Abrenico Gatchalian.
"Hoy, Kaloy! Ano'ng ginagawa mo? Nababaliw ka na ba!" Agad nitong nilapitan si Kaloy at marahas na hinawakan sa braso ang dalaga upang ilayo sa lalaki. "Mapapatay tayo ni Boss kapag nalaman niya itong ginawa mo!"
Napailing ng ilang beses si Kaloy. Bakas sa pagmumukha nito ang pinaghalong inis at pagtitimpi dahil sa kasamang si Edgar. Kahit kailan talaga ay panira ito sa mga plano niya. Palibhasa, sipsip sa kanilang boss.
"Pinapakalma ko lang naman, e! Kanina pa nagsisisigaw!" katuwiran niya. "Baka mamaya, marinig pa tayo ng mga kapit-bahay!" dagdag pa niya rito.
"Ulol! Magkalayo ang mga bahay rito! Walang makaririnig dito kahit magsisigaw pa siya!"
Hindi na lang inintindi ni Edgar ang nangyari at umiiling na binaling ang tingin sa dalaga. Marahas niya itong hinila palabas ng kuwarto. Halos kaladkarin pa niya ang dalaga habang nasa gitna na sila ng mahabang pasilyo.
Nang marating ang engrandeng hagdan ng Gatchalian mansiyon, nakita ni Ahnia ang mga nagkalat na dugo sa buong sahig ng sala. Mabilis na namilog ang mga mata niya nang dahil sa matinding hilakbot. Natanaw pa niya ang isang lalaki sa baba, kagaya ng dalawa ay may hawak din itong baril sa kamay at nakasabunot sa buhok ng kaniyang madrasta.
"Huwag n'yo kaming sasaktan! Maawa na kayo sa amin ng anak ko!" pagtangis ng kuwarenta anyos na babaeng si Trina. Nakaluhod ito sa harap ng lalaking nakasabunot sa buhok nito.
Nang tuluyang makababa sa sala, marahas na itinulak ni Edgar si Ahnia sa sahig. Napasigaw naman si Trina dahil sa ginawa ng lalaki.
"My angel! Huwag! Don't hurt my baby!" hiyaw nito at sinubukang kumawala sa lalaking nakasabunot dito.
"T-Tita . . . " maluha-luhang tawag ni Ahnia sa bagong asawa ng papa niya. Sinubukan niyang tumayo ngunit tinutukan siya ng baril sa ulo ng lalaking nagngangalang Edgar.
"Ano pa bang gusto n'yo? Nakuha ninyo na ang lahat ng alahas ko! Ang pera namin mag-asawa, nalimas n'yo na rin! Parang awa ninyo na, huwag n'yo kaming sasaktan ng anak ko!" Nagwala ang babae habang humihiyaw. Halos lumuhod na ito sa mga lalaki, huwag lamang silang saktan. Pero sa halip na maawa, natawa lamang ang lalaking pinakalider ng grupo, si Edmon.
"Kulang pa ito!" Marahas na muling sinabunutan ni Edmon si Trina at pinaharap ang mukha sa kaniya. "Alam kong bilyonaryo ang asawa mo! Kaya kulang na kulang pa ito!"
"Diyos ko, malaking halaga na ang nakuha ninyo! Isa pa, wala rito ang asawa ko!"
Tumawa naman na parang nang-uuyam si Edmon, saka ito umiling. Itinutok nito ang baril sa dalagang si Ahnia at akmang ipuputok iyon. Muling humiyaw si Trina sa lalaki. Agad nitong pinigilan ang braso ni Edmon at pilit inilalayo ang baril sa dalaga.
"Magkano ba ang gusto mo? Ibibigay namin ng asawa ko, huwag mo lang sasaktan ang anak namin!"
Sa puntong iyon, naglandas na ang mga mata ni Ahnia sa paligid. Halos masuka siya nang makita ang katawan ng mga katulong nila. Naliligo sa sariling dugo ang mga ito, ang iba sa kanila ay namatay dahil sa tama ng baril. Habang ang iba naman ay pinatay gamit ang kutsilyo na nakuha ng dalawang lalaki sa kusina.
Muling umagos ang mga luha ni Ahnia sa pisngi. Gusto niyang isipin na panaginip lang ang lahat pero alam niyang hindi.
Mula sa mga dugong nasa sementadong sahig, nabaling ang tingin niya sa malaking pinto ng kanilang mansiyon. Umawang ito nang bahagya at iniluwa ang ulo ng lalaking anak ng kaniyang madrasta, si Conrado. Naglandas ang mata nito sa buong sala ng mansiyon, at nang mapunta sa kaniya, marahan siyang umiling dito.
Ilang beses hiniling ni Ahnia na sana ay umalis na lang ito at humingi ng tulong sa mga pulis, ngunit hindi iyon ang ginawa ng binata.
Walang ingay nitong isinara muli ang pinto at ilang saglit lang ang lumipas, nakarinig na sila ng ingay mula sa labas. Tila ingay iyon ng pagkabasag ng paso. Nakuha lahat ang atensiyon nila. Mariin namang napapikit ang dalaga dahil sa labis na pag-aalala para dito.
"Hoy, Edgar, tingnan mo nga," pabulong na utos ni Edmon.
Nang balingan ng tingin ni Ahnia ang madrasta, bakas ang pinaghalong takot at pangamba sa mukha nito. Tila nahalata ng babae kung sino ang may likha ng ingay sa labas ng pinto. Si Conrado lang naman ang tanging umuuwi ng hatinggabi.
"Huwag!" mabilis na pigil ng babae kay Edgar.
Dahil sa ginawa nito, nagkaroon ng hinala ang tatlo. Inihanda ni Edgar ang baril at saka dahan-dahang binuksan ang pinto. Maingat itong sumilip sa labas at makalipas ang ilang segundo ay muling bumaling sa kanilang lider.
"Walang tao," pagbibigay-alam nito.
Ilang segundo namang natahimik si Edmon. Makalipas ang ilang sandali ay muli nitong sinenyasan si Edgar. Nakuha naman ng huli ang ibig sabihin ng kanilang boss. Nilakihan nito ang awang ng pintuan at nagsimulang humakbang palabas.
"Huwag!" muling narinig ni Ahnia ang boses ni Trina, pero agad na tinakpan ni Edmon ang bibig nito.
Napasinghap naman siya nang makarinig ng kung ano mula sa labas ng bahay. Umalingawngaw ang ingay ng muling pagkabasag ng isang paso. At pagkatapos ay naging tahimik muli sa labas.
Makalipas ang ilang sandali ay inutusan ni Edmon si Kaloy na lumabas at tingnan kung ano ang nangyari. Agad naman sumunod ang lalaki. Nang balingan ni Ahnia ang madrasta ay lumuluha pa rin ito habang pilit na kumakawala sa pagkakahawak ng lider ng mga lalaki rito.
Nang makalapit si Kaloy sa pinto, tuluyan nito iyong binuksan. Napasinghap siya nang makita si Conrado, hawak nito sa leeg si Edgar, mabilis naman nitong binaling ang baril kay Kaloy.
"Ibaba mo ang baril mo," mababa ngunit may diing utos ng lalaki.
Walang nagawa si Kaloy kundi dahan-dahang ilapag ang hawak na baril sa sahig. Narinig nila ang sigaw ni Trina nang tutukan ito sa ulo ng baril ni Edmon. Mahigpit na hinawakan ng lalaki sa braso si Trina.
"Ikaw ang magbaba ng baril, bata! Hindi iyan laruan!" pang-uuyam nito. Ngumisi pa ito habang diretso ang tingin sa lalaki.
"Ahnia, tayo," narinig niyang utos ni Conrado. Agad niya itong sinunod, pero kung kailan nakatayo na siya, saka naman siya binalingan ng tingin ni Edmon.
"Diyan ka lang, kung ayaw mong paputukan ko sa ulo itong asawa ng tatay mo!"
"Ahnia, anak, umalis na kayo! Huwag n'yo na akong intindihin! Iligtas n'yo ni Conrado ang mga sarili ninyo!"
"Tumahimik ka!"
Naramdaman ni Ahnia ang muling pagdaloy ng luha sa pisngi niya habang pinagmamasdan ang lagay ng kaniyang madrasta.
Itinutok ni Conrado ang hawak nitong baril sa ulo ni Edgar. Ngumisi siya sa lalaki matapos kasahin ang baril.
"Ahnia, lumapit ka sa akin—"
"Sige, gawin n'yo iyan at tutuluyan ko ito!" Napasigaw si Trina nang idiin ng lalaki ang baril sa kaniyang ulo.
"Ahnia! Sinabing lumapit ka sa akin!" napaigtad ang dalaga nang marinig ang pasigaw na utos ni Conrado.
Nagdadalawang-isip siya kung susundin ito o mananatili sa kinatatayuan. Palipat-lipat ang kaniyang tingin sa madrasta at sa anak nitong lalaki.
"Kuya, I can't! He might kill Tita Trina," lumuluha niyang tugon. Hindi niya kayang isangkala ang buhay ng sariling madrasta.
"My angel, listen to me. Huwag mo akong intindihin, ang mahalaga, makatakas kayo ni Conrado—"
"Manahimik ka sabi!"
Napapikit na lamang ng mga mata ang dalaga nang muling sumigaw si Edmon. Gustong hilingin ni Ahnia na sana ay naroon ang papa niya upang mailigtas sila nito. Ngunit wala ito, nasa malayong lugar at abala sa kanilang negosiyo.
"Ahnia, lumapit ka sa akin. Magtiwala ka, alam ko ang ginagawa ko!" nang marinig ang sinabi ni Conrado, tila nabawasan ng pag-aalinlangan ang kaniyang puso.
Muli niyang tinapunan ng tingin ang madrasta at pikit-matang tumakbo palapit sa binata.
Naging mabilis ang mga sumunod na nangyari. Sinubukang barilin ni Edmon ang dalaga ngunit mabilis ang naging kilos ni Conrado. Inasinta nito ang armas na hawak ng lalaki dahilan upang mabitiwan nito ang baril. Sinamantala naman ni Kaloy ang nangyayari, agad nitong pinulot ang sariling baril sa sahig at itinutok iyon kay Conrado. Pero malakas na itinulak ng huli si Edgar sa lalaki dahilan upang mawala sa kaniya ang atensiyon nito.
"Ma!" pasigaw na tawag ni Conrado kay Trina bago mabilis na hinawakan sa kamay ang dalagang si Ahnia. Nagmamadali silang lumabas ng bahay at bumaba ng sementadong hagdan. Nilingon pa ni Conrado ang sariling ina, pero agad ring natigilan nang makarinig ng isang putok ng baril.
"Tita!" hiyaw ni Ahnia nang tamaan ng bala ang kaniyang madrasta. Agad itong natumba sa sahig.
"Bumalik kayo rito!" sigaw ni Kaloy, akmang papuputukan sila nito ng baril pero agad na nakapagpaputok si Conrado sa mga ito.
Tumakbo sila at nagkubli sa nag-iisang puno ng niyon doon habang nakikipagpalitan ng putok ng baril si Conrado sa tatlo. Si Ahnia naman ay lumuluhang tumakbo patungo sa gate at agad itong binuksan.
"Kuya!" agaw niya sa atensiyon ng binata. Nang muling magtagpo ang mga mata nila ni Conrado ay agad siya nitong sinenyasan na lumabas na.
Natatarantang lumabas ng kanilang tarangkahan si Ahnia. Mabilis siyang tumakbo palayo hanggang sa matanaw ng kaniyang mga mata ang paparating na kotse. Agad niya itong pinara at nang mapagtanto na isa itong sasakyang pampasahero ay mabilis siyang nagmakaawa sa driver nito.
"Sir, please, help us! May gustong pumatay sa amin! My stepmother has been shot! Please, we need help!" larawan ng labis na pagtataka ang matandang driver dahil sa mga sinabi niya. Natigilan lamang ito nang muling makarinig ng putok.
"Putok ng baril iyon, ah? Ano'ng nangyayari sa loob?" bakas ang gulat sa tinig ng matanda.
Nang muling lingunin ng dalaga ang tarangkahan ng mansiyon ay nakita niyang papalabas dito si Conrado. Patakbo itong lumapit sa kanila habang hawak pa rin ang baril sa isang kamay.
"Pasok!" utos nito. Wala sa sarili siyang tumango at nagmamadaling pumasok sa backseat ng taxi.
"Nako, lumabas kayo! Ayaw kong madamay rito!" sabi ng matanda pagkapasok ni Conrado sa passenger's seat. Walang pakialam na tinutukan ng huli sa ulo ang matanda.
"Magmaneho ka na lang kung ayaw mo talagang madamay!" Tila naputulan ng dila ang matandang driver. Gulat itong tumango habang nakatingin sa baril na nakatutok dito.
"Kuya Conrado, what are you doing? Put that gun down!" natatarantang utos ni Ahnia pero para bang walang narinig ang lalaki.
Nagsimulang tumakbo paatras ang taxi nang makita ng matanda na nakalabas na ng bahay ang tatlong lalaking pawang may mga hawak na baril. Mabilis na pinaharurot nito ang sasakyan hanggang sa maabot nila ang pinakakalsada ng village.
"Kuya Conrado, we should go to the police. We need to tell them what happened—"
"Hindi, Ahnia. Delikado lalo kung sa mga pulis tayo pupunta."
Nagsalubong ang dalawang kilay ng dalaga. Matapos palisin ang luha sa sariling pisngi, agad niyang itinuon ang tingin sa binata.
"But why? They're the only ones that can help us now."
"Namumukhaan ko ang isa sa mga lalaking iyon, Ahnia. May koneksiyon sila sa mga pulis."
Natigilan ang dalaga sa mga narinig. Inakala nitong kapag nakalabas na sila nang buhay sa mansiyon at nakapunta sa police station ay wala nang magiging problema, pero hindi pala iyon ganoon kadali.
"How about papa? We need to tell him what happened! He might be in danger—"
"Ahnia, hindi puwede! Nasa China ang papa mo. Malayo siya sa peligro! Isa pa, maraming makatutulong sa kaniya. Maraming bodyguards ang nakapaligid sa papa mo! Tayo ang nandito. Tayo dapat ang mag-ingat."
"Pero hindi puwedeng hindi natin ito sabihin kay papa!" tila muling maluluhang wika ng babae.
Mariin na napapikit si Conrado. "Alam ko, pero hindi ko puwedeng isangkalan ang kaligtasan natin, Ahnia. Kailangan muna natin makahanap ng mapagtataguan."
Pinahid ng dalaga ang luha sa magkabilang pisngi. "Then where are we going?" puno ng pangambang tanong niya.
Matagal na natahimik si Conrado sa tanong ng babae, pero makalipas ang ilang sandali ay nilingon nito ang dalaga.
"Sa Baryo Crisostomo, sa Antique."