Victoria's POV
Binigyan ako ng ticket ngunit hindi ko akalain na ibang eroplano pala ang sasakyan ko. Kunyari lang daw iyon dahil sa sasakyan ko ay hindi naman na kailangan ng anumang ticket.
Pagmamay-ari ng Haponesang umampon sa akin at ang eroplano, kasama sa mga pinamana niya. May malaking halaga pa ng pera na kasama na hindi ko naman kailangan, ipinasa niya ang lahat ng mga ari-arian niya sa pangalan ko, pati ang mansyon sa taas ng bundok kung saan ako nagsanay, ang kanyang mga sasakyan at dalawang yate sa Japan.
May mga negosyo pa iyong kasama ngunit mas pinili niyang ipagbili na lamang ang malaking parte niya sa kanyang mga kasosyo at nagtira na lamang ng maliit na porsyento upang kahit papaano raw may papasok pa rin na kita sa aking bangko.
Aanhin ko naman ang mga iyon?
Hindi ko naman kailangan ang lahat ng mga ngunit ngayong magsisimula na ang misyon ko at matapos kong mabasa ang laman ng talaan ay napagtanto kong may maganda pala akong pwedeng paglaanan ng mga bagay na iyon lalo na ang perang ibinigay niya sa'kin.
Binilin niya bago siya pumanaw na gamitin ko raw iyon sa paraang gusto ko at alam niya raw na sa mabuti iyon.
Dalawang piloto lamang ang kasama ko at ako lang talaga ang pasahero. Binigyan kami ng permiso sa isang paliparan sa Pilipinas upang doon lumapag at maayos ang aming naging byahe. Paghinto ng makina ay awtomatikong nag-unlock ang pinto at kusa na itong nagbukas.
Tumayo na ako sa aking kinauupuan at patungo na sa bukas na pinto nang may malakas na hangin ang bigla na lamang pumasok sa loob ng eroplano. Hindi lang basta hangin iyon, ramdam ko ang presensiya ng isang nilalang.
Naghatid ito ng kilabot sa buong katawan ngunit hindi sapat para matakot niya ako.
"May pa-welcome pa." Nakangisi kong usal at hinayaan na lamang ito dahil hindi naman ako kayang saktan ng nilalang na iyon.
Sumunod pa sa akin pababa at naglaho nang may dalawang lalaking sumalubong sa'kin sa hagdan.
"Maligayang pagdating ma'am!" Bati ng dalawa at ginantihan ko rin naman sila. Hindi ko inaasahan na may sasalubong sa'kin dahil ang plano ko'y mag-isang magbiyahe papunta sa mga magulang ko.
Nang makababa na'y agad kong tinawagan ang numero ni Mother at pinaalam na nakarating na ako. Umakyat ang dalawang lalaki sa eroplano upang kunin ang mga gamit ko habang ako nama'y naglakad na papunta sa dalawa pang lalaking naghihintay sa di kalayuan na alam kong kasamahan ng dalawang nauna.
"Opo Mother." Sagot ko matapos niyang itanong kung naroon ang mga inutusan niyang sunduin ako.
"Ako na lang po mag-isa. Alam ko naman po ang gagawin." Sagot kong sunod matapos niyang sabihin na sila ang maghahatid sa'kin.
Mukhang wala na akong magagawa. Pumayag ako ngunit sa isang kondisyon. Mag-isa lang ako sa sasakyan dahil hindi ako komportable sa mga lalaking ngayon ko lang nakilala. Kaya ko naman ipagtanggol ang sarili ko ngunit ayaw kong gamitin ang mga natutunan ko sa mga tao kung kaya namang iwasan.
Pumayag siya at bago i-end ang tawag ay sinabing siya na ang kakausap sa kanila. Maya-maya nga lang ay nakita ko ang isa sa dalawang lalaking naghihintay sa tabi ng makintab na sasakyan ang pagdukot niya sa kanyang bulsa para kunin ang cellphone na nagri-ring at kausapin ang tumatawag.
Panay opo ang mga sinabi nito base sa pagbuka ng mga labi nito. Palapit na ako sa kanila at nang huminto ako sa kanilang harap ay agad silang yumuko upang bumati. Saktong tapos na rin ang pakikipag-usap nito sa cellphone at nang nag-angat na sila ng ulo ay agad kinuhang lalaking kanina ring may kausap ni Mother ang susi ng sasakyan na nasa kanilang likod.
Isang mosaic black na Chevy Silverado 1500. Ang kanilang pinaka bagong modelo. Itsura pa lang alam ng mahal at ang masasabi ko lang ay "Wow!" Napakagwapong sasakyan. Iba ang porma nito kumpara sa mga lumang model. Labas pa lamang maganda na, ano pa kaya sa loob.
"Thank you." Pasalamat ko't saka kinuha ang susi na inaabot nito. Kitang-kita ko ang kung paano nila ako pasadahan ng tingin, mula ulo hanggang paa. Nakakaasiwa sa pakiramdam. Nagkunwari na lamang akong walang nakita at dumiretso na sa sasakyang naroon at pinindot ang button sa susi nito. Umilaw ang front ang back light ng sasakyan sinyales na na-unlock na ito at saka sila tinalikuran.
"Nice truck!" Bulalas ko sa sarili.
Bagong-bago pa. Infairness kay Mother, napakagalante talaga.
Hinintay ko lang ang mga maleta ko bago sumakay. Panay pa rin ang tingin ng dalawa sa akin hindi ko alam kung sino ba talaga ang binabantay. Hindi ko naman kailangan kailangan ng bodyguards may GPS naman at madali lang magtanong kung maligaw man ako.
Dumating na rin ang dalawang lalaking kumuha ng mga gamit ko at pinakiusap ko na lang na ilagay sa backseat ang lahat. Sumakay na ako at nilagay sa phone holder sa may dashboard ang cellphone ko.
Nang maipasok nila at saka maisara ang pinto ng sasakyan ay agad kong pinaandar ang sasakyan at sa inis ko'y nauna na ako't iniwan silang apat doon na tulala.
Ginamit ko ang voice command ng cellphone ko upang tawagan ulit si Mother, ipaalam sa kanya na nauna na ako dahil hindi ako komportable sa mga bodyguard na pinadala ng kakilala niya mula rito. Nadinig ko ang malalim niyang paghinga sabay sabing pasaway raw talaga ako at kahit alam kong may inis sa salita niyang iyon ay natatawa naman ako.
Ganoon lang naman siya pero di marunong magalit. "I love you Mother!" Pambawi ko bago siya ma-highblood.
"Ayan ka magaling bata ka. I love you too. Mag-ingat ka na lang anak. Call me once you reach your parents place and be always ready, okay?" Sagot nnaman niya agad.
Matapos ang tawag ay bigla akong napaisip. Naalalang ngayong araw pala iyon. May mangyayari at kailangan bago pa man maganap iyon ay makarating na ako. Dinagdagan ko ang bilis ng takbo ng sasakyan ay sunod kong inactivate ang GPS ng cellphone ko at binigkas ang address ng mga magulang ko.
Mabilis naman nitong nagawa. Una nitong hinanap ang eksaktong lokasyon ko at sunod naman ang address na ibinigay ko. Matapos iyon ay ang rota naman ang ibinigay nito at ipinakita sa screen ng cellphone habang sinasabi kung saan kalsada na ako at kung saan liliko, at saan hihinto.
Dalawang minuto bago maganap ang dapat maganap ay nakarating na ako sa tahanan ng mga magulang ko ngunit mukhang walang tao. Sarado ang ilaw at tahimik ang paligid. Madilim na at napakadilim. Pinarada ko ang sasakyan di kalayuan sa bahay at habang naghihintay ay isang sasakyan ang dumating.
Huminto sa tapat ng bahay. Lumang sasakyan na iyon at kinakalawang. Panay tapal sa kung saan-saan at basag pa ang windshield.
Bumaba ang dalawang kalalakihan mula roon. Hindi man lang nagawang luminga sa paligid, hindi tuloy nila ako nakita. Lumapit ang isa sa may pinto at kumatok. Walang sumagot mula sa loob. Mistulang natuwa ang dalawa nang malamang walang tao. Bumalik ang isa sa sasakyan at kiniha ang maso. Inihampas niya ang masa
sa kahoy na pinto at nabutas ito.
Nagtatawanan pa ang dalawa sa ginagawa nila. Kinuha ng kasama niya ang maso upang magpakitang gilas, siya naman ang gumawa at lumaki ang butas. Ihahampas pa sana niya ngunit pinigilan na siya ng kasama niya. Nilusot nito ang kamay niya sa butas na nilikha nila at inabot niya mula sa butas ang doorknob upang mabuksan ang pinto at tuluyan na nilang mapasok ang bahay.
Sampung minuto bago dumating ang mga magulang ko galing sa simbahan. Hindi pa aalis agad ang mga ito at kailangang maharang ko sila bago pa man sila makauwi. Nang makapasok ang dalawa ay saka ako umalis. Hindi ko binuksan ang ilaw ng sasakyang gamit ko upang hindi makuha ang atensiyon nila. Malayu-layo naman ako at di nila madidinig ang makina ngunit iyon ang akala ko.
Malakas pala ang pandinig ng isa sa kanila. Hindi ko napansing may sususunod na palang sasakyan sa'kin.