Alagaan O Uulamin?

1121 Words
By Michael Juha getmybox@hotamil.com  fb: Michael Juha Full ----- "Ikaw ba iyong guest na nagnakaw sa ibon na nabitag ng aking kapatid?" ang galit na tanong ni Victoria, ang kapatid ni Hector na matagal-tagal ring nag-abang kay Abel sa harap ng rest house. Kararating lang ni Abel noon galing ng veterinary clinic. "Correction sa salitang 'nakaw'. 'Iniligtas' ang tama. At para sa inyo na nambitag ng ibon, alam mo bang napinsala at ngayon ay pinutol na ang isang pakpak nito? Habambuhay na itong magiging baldado. Ang ibon na iyon ay dayo. Galing ito sa malayong bansa. Pumupunta lang ang mga ito rito kapag taglamig sa bansa na pinanggalingan nila at wala silang mahanap na pagkain. Paano pa ito makakabalik sa lugar na kanyang pinanggalingan? Tingnan ninyo ang pinaggagawa ninyo! Animal cruelty iyan! At alam mo rin bang bawal ang panghuhuli ng tagak? Isa itong protected species!" ang sagot ni Abel. "Pakialam ko ba kung protected species iyan. Bakit? Kami ba ay hindi protected species?" ang sarkastikong sagot niya. "Kapag hindi ko kakatayin iyang protected species mo ay kami naman ang mamamatay sa gutom!" ang pabalang na sagot ni Victoria. Ang totoo ay alibi lang niya iyon dahil hindi umubra ang rason ng kapatid niya na alagaan niya ang ibon. Kaya paawa effect at takutan ang ginamit niyang taktika. Alam ni Victoria kung gaano kahalaga ang ibon para sa kapatid niya. Alam din niya ang nakatagong lihim na dala-dala ng ibon. "Ang sabi ng kapatid mo... alagaan daw niya. Ngayon naman ay kakatayin niyo pala? Uulamin? So ano ang tama?" "Kakatayin man namin o alagaan, wala ka nang paki roon! Kami ang nakahuli ng ibon eh! Amin iyon! Kung makiusap ka na alagaan namin, e di alagaan! Hindi naman kami mahirap kausapin!" Napangiti nang hilaw si Abel. Inismiran niya si Victoria. "Kung ipapakulong ko kaya muna kayo bago kayo mamatay sa gutom o bago ninyo alagaan ang ibon?" "Eh, kung ikaw kaya ang kakatayin ko?" sabay hawak niya sa hawakan ng itak na nakalabitin sa gilid ng kanyang baywang. "Kaysa naman magnakaw, di ba? Gusto mo bang magnakaw kami? Gusto mo bang nakawan ko itong rest house? Kaninong ibon ba iyan? Dayo lang dito iyon! Kagaya mo, dayo rin. Puwede ko kayong pagsabaying katayin!" Nahinto siya sandali, tinitigan si Abel. "Gutom na nga iyong tao, may nalalaman ka pang protected species? Ibalik mo ang ibon na iyon sa amin! Baldado na pala eh. Pinaghirapan ng kapatid ko ang paghuli noon! Kung ayaw mong ibalik, kahit bayaran mo na lang!" ang sambit ni Victoria. "Abay akala ko ba ay mahalaga sa inyo ang ibon na iyon? So ngayon ay may presyo pala ang kahalagahan ng ibon?" "Oo, may presyo. Para sa aming mahihirap, mas mahalaga rin ang pera upang mabuhay. Ikaw ba ay kaya mong ipagpalit ang buhay mo sa isang ibon?" Binitiwan ni Abel ang ngiting pang-ismid kay Victoria. Napailing habang tinitigan ang babae. "Mahalaga ha... magkano?" "500 Thousand." Nanlaki ang mga mata ni Abel. "Half million! Ano iyan? Ginto?" "Sabi mo protected specie iyan! E, di mahal, tanga!" Saglit na natameme si Abel at napatitig kay Victoria. Hindi niya alam kung matawa o mainis. "Kumain ka na nga lang muna kung nagugutom ka, saka ko na ibigay ang bayad..." ang nasambit na lang niya. Pinagbigyan naman ni Victoria ang paanyaya ni Abel. Nagugutom din kaya siya. At gusto rin niyang matikman kung ano ang pagkain ng mayayaman. Habang kumakain siya, napansin ni Abel na gutom na gutom si Victoria. Nilantakan niya ang fried chicken at adobong baboy. "Itong manok at baboy, hindi ka ba naaawa sa kanila? Ang lakas ng loob mong mag protected specie tapos kumakain ka ng mga hayop? May discrimination ka ah. Ipokrito nito!" Hindi na pinatulan ni Abel si Victoria. Tinitigan lang niya ito. Kinilatis ng anyo. Napansin niyang may hitsura si Victoria. Nasa beintitris ang edad, matangos ang ilong, makinis ang mukha, may mga matang mistulang nakikipag-usap. Matangkad din si Victoria, mahaba ang kanyang buhok, morena at kahit sa bukid nakatira ay may makinis na kutis. Filipinang-filipina ang dating, maliban sa kanyang pagka-rugged at pagka-tomboyish na kilos at pananalita. Muling nanumbalik sa alaala ni Abel ang kanyang kasintahan, si Katrina. Maganda siya, matalino, at anak-mayaman. Ang siste, magkaiba ang kanilang pananaw at ugali. Maarte si Katrina. Mataray. Gustong-gusto ang ingay at kining ng buhay-siyudad. Mahilig sa mga sophisticated at mamahaling bagay. Sosyal at social climber. Kaya hindi sila magkasundo. Nahinto ang pagmumuni-muni ni Abel nang matapos nang kumain si Victoria. "Ang bayad!" ang narining niyang bulyaw. Nang nakita ni Abel ang palad ni Victoria na naghintay ng ibibigay, dumukot si Abel ng bill mula sa kanyang bulsa at inilagay ito sa palad ni Victoria. "Ano 'to?" ang sarkastikong tanong ni Victoria nang nakita niya ang isang libong pisong buo. "500 thousand ang usapan ah!" "Take it or leave it. Dapat nga ay ikaw itong magmulta sa paghuli mo ng protected specie, eh. Dapat nga din ay bayaran mo iyang kinain mo. Nabusog ka na nga, may isang libo ka pa. Magpasalamat ka na lang. Isa pa, gusto niyo bang manatili kayo rito?" "Tinatakot mo ba kami?" "Hindi naman. Sinabi ko lang ang totoo. Wala kayong paalam na dito kayo magtayo ng dampa ninyo. Kung isusumbong ko kayo sa may-ari, at alam mo bang napaka-istrikto noon, siguradong palalayasin niya kayo, magbabayad pa sa paggamit ninyo sa lupa simula nang manirahan kayo rito." "O, e 'di magsumbong ka!" "Okay. Sinabi mo eh. Makakarating." Tinitigan ni Victoria ng matulis si Abel. "Tandaan mo, dayo ka lang dito. Kung ayaw mong isasalvage kita, magbayad ka. Babalikan kita para sa balanse. Kapag hindi ka nagbayad, susunugin ko itong rest house na tinutuluyan mo!" "E 'di lalong mas malaki ang babayaran mo. Mas mahaba-haba rin ang ilalagi ninyo sa kulungan. Sabagay, libre ang pagkain at tirahan doon." Umalis si Victoria. Ngunit bago siya tumalikod ay binatukan niya si Abel sabay takbo. Sa pagkabigla ay wala nang nagawa si Abel kundi ang haplusin ang ulong nabatukan habang tinitingnan ang tumatakbong papalayo na dalaga. "Tangina!" ang galit na bulong niya sa sarili. Agad na tinawag ni Abel si Mang Estong, ang kanyang katiwala. "Ganyan si Victoria, Sir Abel. Parang amazona. Nangongolekta at nanghahakot iyan ng mga panggatong, nanghuhuli ng hito sa palayan, namimingwit ng isda sa ilog, umaakyat ng niyog... Malakas ang loob ng babaeng iyan. Ang kapatid naman niyang si Hector ay sobrang mahiyain at halos hindi lumalabas ng bahay. Patay na ang mga magulang nila at wala silang kamag-anak. Dahil hindi nakabayad sa renta ng inuupahang bahay kaya dito sila tumungo. Iyan ang kuwento nila sa akin," ang paliwanag ni Mang Estong. Tahimik lang si Abel na nakikinig. May nabuong plano sa kanyang isip. Ipatatawag niya si Victoria. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD