By Michael Juha
fb: Michael Juha Full
email: getmybox@hotmail.com
------------------------------------------
"Kayo ba ang nakatira sa dampa na ito?" ang tanong ni Abel. Nabalitaan kasi niya mula sa kanyang katiwala na may nakabitag ng ibong tagak sa kanyang palayan.
"O-opo..." ang sagot ni Hector.
"Hmmm..."
"B-bakit po?"
"Ilegal itong ginagawa ninyo. Hindi ninyo pag-aari ang lupang kinatitirikan nito."
Biglang kinabahan si Hector. Hindi nila kasi alam kung sino ang may-ari ng lupa na iyon at kung kanino magpapaalam. Kaya nagtirik na lang sila ng barongbarong. "Eh..." ang naisagot na lang ni Hector. Aminado naman kasi siyang mali ang kanyang ginagawa. "K-kayo po ba ang may-ari ng lupa na ito?"
"Hindi, pero matalik ko siyang kaibigan. At malaki ang tiwala niya sa akin. Nagbakasyon lang ako at ino-occupy ko ang isa sa mga guest rooms ng kanyang rest house," ang pag-aalibi ni Abel.
Sa porma kasi ni Abel na simple lang manamit at walang kaarte-arte sa katawan dagdagan pa sa baby-face na mukha sa edad na beintisingko, wala talagang mag-aakalang siya ang nagmamay-ari sa dalawampu't-limang high-end na rest houses na ang isa ay kanyang inukupa sa bakasyon niyang iyon. Abugasya ang natapos ni Abel at top 8 siya nang pumasa ng board. Ang problema, namatay ang kanyang mga magulang sa aksidente kaya hindi niya ito napractice dahil ang pinagtuunan na niya ng prioridad ay ang pamamahala sa mga negosyong naiwan ng kanyang mga magulang. Bilang Presidente at CEO ng kanilang conglomerate, napakalaking hamon ito para sa kanyang kakahayahan. Bagamat bagito sa larangan ng negosyo ngunit dahil matalino, masipag, creative, at mataas ang Adversity Quotient, nagampanan niya nang maayos ang kanyang responsibilidad.
"K-ung p-papaalisin akong may-ari ay aalis po ako," ang malungkot na sagot ni Hector.
"Papaalisin ka talaga kapag nalaman niya!"
"S-sana po ay huwag niyo na lang sabihin..."
"Hindi ko maipangako," ang sagot ni Abel. "Ikaw ba ang nakabitag ng ibong tagak?" ang paglihis niya sa usapan.
"O-opo."
"Nasaan ang ibon?"
"N-nasa akin po."
"Gusto kong kumpiskahin iyan upang maipasuri ito at mapakawalan..."
"P-pero Sir..." ang pag-aalangan ni Hector. Ang ibong tagak na iyon kasi ay ang kanyang nawalang alaga. At bahagi ang ibon na iyon sa isang malalim at malagim ng kuwento ng kanyang buhay. Nang muling mahuli niya ito, naniwala siya na sadyang itinadhanang muling mag-krus ang kanilang landas.
"Kung ayaw mong isuko sa akin ang ibon, irereport kita sa awtoridad. Siguradong magkaroon ka ng penalty at baka makulong ka pa," ang sagot ni Abel nang napansin ang pag-aalangan ni Hector. "At isusumbon gpa kita sa may-ari ng lupang ito upang mapalayas kayo rito. Ano, ayaw mo pa ring ibigay?"
Dahil my mas malaki pang kinatatakutan si Hector, ang mga taong tumutugis sa kanya na siya ring pumatay sa kanyang mga magulang kaya wala na siyang nagawa pa. Takot siyang lumaki ang issue at malaman ng mga taong tumutugis sa kanya na naroon siya.
Malungkot at walang imik na hinugot niya ang ibon mula sa kulungan nito. Hawak-hawak ng dalawa niyang kamay ay inabot niya ito kay Abel. "Sir... sana po ay ibigay niyo na lang po siya sa akin... Ako na lang po ang mag-alaga sa kanya. Aalagaan ko po siya nang mabuti. Napakahalaga po ng ibon na iyan sa akin," ang muling pagmamakaawa ni Hector, nagbakasakaling magbago pa ang isip ni Abel.
Tinanggap ni Abel ang ibon at hinawakan sa dalawa niyang kamay. "Mahalaga? Paanong mahalaga?" ang tanong niya kay Hector.
"Eh... d-dating ibon ko po kasi iyan, S-sir. N-nakawala lang. Hindi nga ako makapaniwala nang muli ko siyang nahuli..."
Tumango-tango si Abel. Nag-isip habang tinitigan si Hector. "Ang batas kasi, walang pakialam kung naging alaga mo ito o hindi. Basta protected species, dapat ay isusuko sa awtoridad." Inusisa ni Abel ang ibon. Napansin niyang nakalaylay ang kanang pakpak nito. May nakita rin siyang mga natutuyong dugo. "Kung mahalaga ang ibon na ito sa iyo, mas kailangan nitong masuri ng beterinaryo. Mamamatay ito kapag hindi maaagapan. Mukhang malubha ang pinsala ng kanyang pakpak."
Hindi na nakaimik pa si Hector. Nang tumalikod at umalis si Abel, matindi ang nadarama niyang lungkot at panghihinayang. Nanatili lang siyang nakatayo habang pinagmasdan si Abel na bitbit ang ibon at naglalakad palayo.
Unti-unting nanumbalik ang mga alaala n Hector noong panahon kung saan ay nakaligtas siya mula sa tangkang pagpatay sa kanya ng taong tumutugis sa kanya.
At ang ibon na iyon ay ang siyang nagligtas ng kanyang buhay...
(Itutuloy)