Sakay na sina Rekker at Lucas sa isang barko na kung tawagin nila ay Carrack. Isang uri ng barko na hawig ng mga tipikal na barko ng mga pirata ngunit ang Carrack ay mas mukhang disente at talagang ginawa para sa mga matagalang paglalayag sa karagatan. Ganoon uri rin ng malaking barko ang madalas ginamit sa pagdadala ng mga kalakal sa malalayong lugar noong panahon nila at maaari rin itong pansabak sa mga labanan o gera sa tubig.
Malaki ang sukat kumpara sa normal na Carrack ang sinasakyan nina Rekker ay Lucas dahil pinasadya talagang ipagawa iyon ni Nicholas para sana gamitin nilang buong pamilya sa pamamasyal. Kompleto iyon sa mga kagamitan at marami rin ang maari nilang magawa habang naglalakbay at hindi sila maiinip dahil may isang silid na may mga mapaglilibangan ang mga pasahero.
Iyon lang ang barkong ang kaniyang pagmamay-ari. Hindi alam ng kaniyang misis na pinagamit niya iyon sa anak ng kaniyang kaibigang si Skull. Nagsinungaling siya at sinabing pinagamit sa kaniyang mga tauhan upang magsundo ng mga kalalakihan na nais sumapi sa kaniyang hukbo na nasa isang malayong isla na pagmamay-ari ng isa niya pang kaibigan.
Wala na siyang ibang naisip na dahilan kundi iyon kahit labag sa loob niya ang magsinungaling sa kaniyang maybahay at mukha namang siya’y pinaniwalaan nito. Kaya lang nang araw na umalis ang barko at malaman ni Carmen na sakay na nang mga oras na iyon ang kaniyang panganay na anak ay binato niya ng tanong si Nicholas tungkol sa barkong kaaalis lang noon sa daungan. Inungkat ang kaniyang pagsisinungaling at sinisi sa kaniyang ginawa kaya sila nagawang layasan ng kanilang anak na panganay.
Nakasagutan sila nang kay tagal at galit na galit si Carmen sa kaniyang asawa. Nang araw rin na iyon ay nagpasya itong umalis. Isasama niya sana ang kaniyang mga anak ngunit mas nais ng mga anak nila na maiwan sa poder ng kanilang ama.
Si Carmen na lamang ang umalis. Tumatangis at dinala ang ilan niyang mga gamit. Umuwi muna siya sa kaniyang mga magulang pansamantala at nagbabalak na pumunta sa isang isla upang ibalita ang nalalaman niya sa isang kakilala.
Nang gabing iyon ay nabalot ng katahimikan ang kanilang malaking bahay na bato. Punong-puno ng masasarap na mga pagkain ang kanilang hapag-kainan ngunit wala ni isa ang may ganang kumain. Ang isip ni Nicholas ay nasa kaniyang asawa at panganay na anak, anak niyang hindi niya batid kung mabuti ang kalagayan.
“Magsikain na kayo mga anak,” malumanay niyang yaya sa mga dalagita. Nakangiti ang mga labi ngunit ang isip ay punong-puno ng pag-aalala.
Parang mga de susi naman ang mga anak niya na sumunod at kahit hindi nila ramdam ay gutom ay pinilit nilang kumain hindi dahil natatakot sila sa kanilang ama. Iyon ay dahil kailangan nila ng lakas.
Sa tahanan ng mga Von Heather halos pareho ang atmospera. Kasalukuyan din silang nasa kumedor at halos hindi ginagalaw ng mag-ina ni Skull ang kanilang pagkain. Hindi pa nagpapakita ang kanilang panganay. Hindi man lamang dumalaw ni minsan. Pinapahanap na nila at nagpadala na rin ng sulat sa kani-kanilang mga kaibigan na sila'y balitaan kung sakaling magawi sa kanilang isla ang binata.
Ilang buwan na ang nagdaan ngunit hindi pa nadidiskubre ni Skull ang nawawala niyang talaan at mapa. Kampante siyang walang nakapasok sa kaniyang taguan at wala pang nakadiskubre ng kaniyang lihim na silid.
“May balita ka na ba sa anak mo?”
Hindi na mabilang ng dating piratang si Skull kung pang-ilang ulit na bang natanong ng kaniyang asawa iyon. Maraming beses na at halos araw-araw.
Matamang na nakatingin lang sa kaniya ang kaniyang mag-ina. Naghihintay ng kasagutan.
“Wala pa,” mahina niyang sagot at hindi man lang niya sinulyapan dalawa.
Nag-aalala na rin siya at may kabang nararamdaman. Umaga pa lamang ay dama na niya. Hindi niya lamang masabi sa kaniyang asawa at nang gabing iyon ay halos hindi siya dalawin ng antol.
Kinukutuban at hindi mapalagay kaya bumangon na lamang at naisipang pumunta sa sekretong silid upang doon magpalipas ng oras. Tulog naman na ang kan'yang misis na napagod sa naghapong pag-aasikaso sa kanila.
Ang bahay ng mga Von Heather ay may limang palapag at mayroon pang palapag na nasa kailaliman na ng lupa. Anim sumatotal at ang tagong silid ay nasa pinakababa.
May dala siyang kandila bilang kan'yang liwanag. Naglakad siya pababa ng hagdan papunta sa pinakaibabang palapag mula ka ikatlo kung nasaan ang silid nilang mag-asawa. Tinungo ang silid na kaniyang ipinagbabawal na puntahan.
Nang nasa harapan na ng isang pintuan ay nilapag niya muna ang hawak na kandilang may lalagyan sa isang maliit na lamesang naroon sa tabi. Hinanap niya ang susi na para roon at nang nakita ay agad niyang hinawakan ang kandado.
Nabigla siya nang may mahulog sa sahig. Dahil marmol ay naglikha ito ng ingay at umalingawngaw sa paligid. Naging dalawa ang kandado. Nakahiwalay. Sira na iyon. Sa itsura pa lamang ay alam na niyang may nagpumilit na buksan ang kandado Hindi naisara nang mabuti kaya ganoon nang kaniyang datnan.
Doon na siya labis na kinabahan. Dali-dali siyang pumasok sa loob at nakita ang magulong paligid. Awtomatikong nagawi sa orasan ang kaniyang tingin at nilapitan niya ito upang tignan kung bukas na rin.
Bukas na nga ito. Mukhang hindi alam ng nagbukas na kailangan ng susi para muling isara ang sekretong pintong iyon.Basta-basta na lamang itong iniwan.
Dahan-dahan niyang binuksan ang sekretong pinto. Hawak ang kandila bilang liwanag. Bumaba siya upang alamin ang nawala mula sa loob. Una niyang tinignan ang mga sako ng mga kayamanan na halos wala namang bawas. Kunot-noong tumindig ito at nilapitan ang maliit na lamesa upang ipatong ang kandilang kaniyang hawak at nang mailapag ay nakita niyang wala na roo ang kaniyang talaan. Maging ang watawat ng kaniyang barko at simbolo ng kanilang grupo.
Imbes galit ang maramdaman dahil pinagnakawan siya nito, mas naunang sumibol ang pag-aalala sa kan'ya. Naisip niyang baka kaya hindi pa ito bumabalik sa kanila ay dahil hinahanap nito ang isla. Nilingon niya ang mga sako ng kayamanan na nasa tabi.
Akala niya noong pirata pa siya ang tunay na makapagpapaligaya sa isang tulad niya ay walang hanggang yaman at kapangyarihang mamuno sa isa lugar ngunit nang mapadpad siya sa isla iyon at makilala ang kaniyang naging kabiyak ay marami siyang napagtantong mga bagay. Kung ano ang mas mahalaga sa lahat na walang katumbas na yaman.
SA BARKO kung nasaan Rekker, nakahiga ito ngunit gising. Gising na gising ang kaniyang diwa habang pinakikiramdaman ang paligid. Idinuduyan ng alon ang kanilang barko. Naririnig niya ang ingay ng mga tauhang ibinigay ni Nicholas sa kaniya na nasa labas at nakakasiyahan.
Wala pa rin silang alam kung saan sila pupunta at kung pagkatapos ba niyon ay sila'y makababalik pa.
Si Lucas na nakahiga sa bukod na papag at komportableng-komportable roon. Gising pa rin ito at nakatihaya lang habang nakikinig sa kwentuhan ng mga nasa labas.
Pakiramdam ni Lucas nang mga oras na iyon ay malaya na siyang lubos mula sa kaniyang mga magulang. Na walang ibang ginawa kundi manipulahin ang buhay niya at bigyan ng limitasyon sa lahat ng mga bagay. Daig na niya pa ang isang taong walang sariling isip na hindi hinahayaang magdesisyon at hindi nabibigyang halaga ang mga nais.
Umpisa pa lamang iyon ng kaniyang pagiging masaya at marami pang mga araw na darating at nagpapasalamat siya sa kaibigang si Rekker dahil naisip nitong isama siya sa paglalayag nito. Masyado pa rin namang maaga para magsaya siya. Marami ang pwedeng maganap sa kanilang paglalayag. Marami pa ring mga bagay na hindi niya alam at nararanasan sa gitna ng dagat.
Napalingon siya kay Rekker upang tignan kung gising pa ito. Nakatihaya rin ang kaniyang kaibigan at nakadilat pa. Nakatingin lamang sa kisame at may iniisip na malalim.
May ipinagtataka kasi siya kaya naisip niyang iyob na ang pagkakataon upang itanong.
"Rekker?" tawag niya muna rito upang kunin ang atensyon ng binata.
"O, bakit?" sagot at tanong naman nito sa kaniya nang hindi siya nililingon.
"Nagtataka lang ako, paano mo napapayag ang ama ko rito sa barko niyang ito?" pag-uumpisa niya.
"Mahabang kwento, kaya matulog ka na lang," sagot nito.
"Hindi pa ako inaantok," ani Lucas at mabilis na naupo sa kaniyang hinihigaan upang patunayan.
Napabuntong-hininga naman si Rekker. Hindi niya pa kasi nasasabi kay Lucas ang iba pang nalalaman niya tungkol sa pagkatao ni Nicholas.
Bumangon na rin siya, naupo paharap sa binata. Nag-isip muna alin ang kaniyang ibabahagi pa at alin ang hindi. Nangako kasi siya kay Nicholas na hindi ipapaalam na isang dating pirata ito at mamamatay tao.
"N-natuwa kasi ang ama mo nang sabihin kong nais kong maglayag. Ang islang nabanggit ko na sa iyo na ating pupuntahan ay pinaniniwalaang maraming mga yaman. Sinabi ko sa kaniya na bibigyan ko siya ng parte kapag natagpuan ko ang isla at natuwa naman siya roon kaya heto, pinahir niya ang kaniyang barko. Gusto niya nga sanang sumama kaya lang matanda na raw siya para maglayag nang malayo. Alam mo na, madaling mapagpod ang nagkakaedad," kaniyang pagsisinungaling kay Lucas.
Nag-iba ang timpla ng mukha ni Lucas sa paliwanag ni Rekker. Parang hindi pa siya kumbinsido sa narinig. Kilala niya kasi ang kaniyang ama na hindi basta-basta ipinagagamit sa iba ang mahal na mahal niyang barko.
Ito'y parang pangalawang bahay na kasi para sa kaniyang ama at siya mismo ang nagdisensyo ng loob kaya naman laking duda na lamang niya nang malamang ipinagamit kay Rekker.
Nagkunwari na lamanb nakumbinsi sa sagot nito. Pilit ang ngiti na sumilay sa kaniyang mga labi, nag-iwas ng tingin sa binatang kausap at maya-maya pa'y nagpasalamat sa kan'yang sagot.
Matutulog na siya aniya. Nahiga na at tumagilid sa parteng hindi nito kita ang kaibigan at sa kaniyang pagtalikod ay malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Rekker.
Pansin niya ang pag-iba ng timpla ng mukha ni Lucas. Lihim na lamang siyang humingi ng tawad sa kaniyang matalik na kaibigan at gaya nito ay bumalik na rin siya sa pagkakahiga at sinubukang matulog kahit na medyo maingay at nahihilo siya sa kada pag-uga ng barko sa tuwing may malalaking alon na dumaraan.