Chapter 7

1839 Words
Sinunod ni Nicholas ang lahat ng nais ni Rekker. Natatakot siyang baka isiwalat ng binata ang kaniyang inililihim na nakaraan sa kaniyang minamahal na pamilya. Tiyak siyang iiwan siya ng asawa at mga anak dahil likas na relihiyosa ang kaniyang asawa at ganoon din nila pinalaki ang mga bata. Ang misis niya nga ang dahilan kung bakit ang laki na ng pinagbago niya at paano na lamang kapag nalaman na isa siyang magnanakaw at maraming napatay na mga tao noon? Hindi naman siya pinagbantaan ng anak ni Skull ngunit dahil kilala niya ang ugali nitong tulisan ay inunahan na niya ito. Isa pang dahilan, malapit ang panganay niya sa binata at tiyak siyang maari nitong maikwento sa kaniyang anak ang bagay na nalaman. Pinangakuan niyang bibigyan niya ito ng barko at ilang mga tauhan sa napili nitong araw ng paglalayag. Kasama na roon ang maliit na bilang ng mga sundalo, ilang mga armas gaya ng baril at mga pampasabog. Sasagutin niya na rin ang kanilang babaunin at nangako rin na hindi ipararating sa kaniyang mga magulang ang kaniyang plano maging ang kasalukuyang kinaroroonan gaya nang kaniyang hiling. Kasalukuyan niyang pinatuloy ang binata sa isa sa kaniyang pagmamay-aring bahay sa isla. Doon araw at gabi niyang pinag-aaralan ang lahat ng nakasulat sa talaan upang kahit papaano ay makapaghanda sa anumang madadatnan nila sa isla. Nabasa niya roon sa talaan na hindi basta-basta nagpapakita ang isla at kung lilitaw man, halos walang bente kwatro oras ang itinatagal. Dahil wala siyang nabasa na eksaktong araw, buwan at taon ng pagpapakita ng isla, ginamit niya ang angking galing sa matematika. Kahit na sutil at basagulero ay may angking galing din naman ang tulad niya sadyang wala lang talagang bilib sa kaniya ang kaniyang ama. Kinalkula niya ang mga taon at buwan base sa nakasaad sa talaan at walang minuto na hindi siya nakatingin sa dingding kung saan nakadikit ang mga piraso ng papel kung saan nakasulat ang mga konklusyon niya't mga kalkulasyon. Pinag-aralan umaga hanggang gabi at walang sinayang na araw. Hanggang sa isang umaga may nakita siyang impormasyon sa talaan na nakatulong upang makuha niya na isang beses lamang sa loob ng isang dekada kung magpakita ang isla at sa isang lugar lamang ito at hindi paiba-iba. Mula sa mismong araw na iyon, may apat na buwan pa bago ang muling pagpapakita nito dahil mula sa araw na natagpuan ng kaniyang ama ang isla at sa maikling impormasyon at balitang narinig ng kaniyang ama mula sa mga mangingisda na may nasumpungan silang isla sa gitna ng laot na wala naman noon ay sampung taon ang agwat niyon. Base sa impormasyon ng matandang nawala sa katinuan na nakilala ng kaniyang ama noon, na isang dekada rin nang bilangin niya iyon. Parang mahihibang siya nang mga oras na iyon sa labis na kasiyahan. Daig niya pa ang nanalo sa sugal matapos ang huling pagtaya ng kaniyang natitirang salapi. Ganoon ang pakiramdam. Nagdesisyon siyang maglayag isang buwan bago ang eksaktong buwan ng pagpapakita ng isla upang mabantayan nila ang karagatan. Mahirap na kasing masalisihan lalo pa at isang dekada nanaman ang kailangang nilang hintayin bago makita itong muli. May ilang buwan pa siya para maghanda. Samantala, sa kanilang malaking bahay ay nag-aalala na ang kaniyang ina sa tagal na hindi nagpapakita ang kaniyang anak. Iniisip niyang baka naglayas na nga itong talaga at sinunod ang nais ng kaniyang asawa. Si Skull naman ay kampante na babalik pa ang barumbado niyang anak dahil gawain naman nito iyoon kapag naubusan na siya ng pera ngunit ilang linggo na ang nakalipas wala pa rin ito. Medyo nag-aalala na rin siya sa kalagayan nito. Si Sage ay panay ang tanong sa kaniyang mga magulang at naisip na nga nitong hanapin ang nakatatandang kapatid ngunit siya ay pinagbawalan namang lumabas ng kanilang bahay. Bago ang araw ng paglalayag ni Rekker, ginamit niya ang natitirang mga araw upang makapaghanda. Nagsanay sa paggamit ng baril at mga pampapasabog na kanilang dadalhin at ipinagpatuloy niya rin ang pagbabasa ng talaan mula sa simula. Habang binabasa niya ang mga nakasulat ay lihim siya namamangha sa katapangan ng kaniyang ama noong pirata pa ito. Napag-alaman niya rin mula roon na napatay ng grupo ng kaniyang ama ang dalawang dragon sa isla at mukhang iyon na ang huling pares na nabubuhay sa kanilang uri dahil wala na kahit isa ang nabubuhay sa kasalukuyan. Naisip ng binata na mainam dahil wala ng haharang sa kanila na malaking nilalang sa kanilang pagpunta. Mga sirena na lamang at mga duwendeng mukha namang mga mahihina at walang laban sa mga armas na kanilang dadalhin. Nakatala rin ang mga napatay at mga lugar na napagnakawan noon ng kaniyang ama. Sa paraan ng pagkakasulat ay mababakas ang kasiyahang kaniyang nadarama nang mga panahong iyon at detalyado pa kung paano nito ginawa. Walang pagdadalawang-isip kung kumitil ito ng buhay. Natatawa na lang siya nang mapagtantong sa talaan na namana niya pala ang kagaspangan ng ugali at pagkabarumbado sa kaniyang ama. Ugaling taliwas sa nakalakhan nilang magkapatid na kalmado at mabait lalo na sa kapatid niyang bunso na si Sage. Walang nakakaalam na lihim niyang kinaiinisan ang nag-iisang kapatid. Mula kasi nang isilang ito ay natuon na ang atensyon ng lahat sa kaniya. Kaytagal niyang kasing panganay at bunso sa kanilang pamilya, nakukuha niya noon anuman ang naisin at nagagawa anuman ang gustuhin ngunit biglang nagbago sa isang iglap. Malayo ang agwat ng edad nila kaya ganoon na lamang ang pagkainis niya nang ipanganak ito. Siya na lamang kasi ang nakikita ng kaniyang mga magulang at kinakatuwaan, na si Sage ang pinaka sa lahat ng mga bagay. Lalo na sa mga katangiang magaganda gaya ng kabaitan, magalang, mapagbigay, matulungin, mapagmahal habang siya naman ang pinaka sa mga masama, ang sutil, napakatigas ng ulo, barumbado, bastos ang bunganga, takaw-gulo at kung ano-ano pa. Hindi niya lang masabi ngunit nasasaktan siya nang husto kapag nakikita niya mismo harap-harapan kung paano itrato si Sage ng kaniyang ama na ibang-iba sa kaniya. Naririnig niya na madalas niya itong purihin dahil masipag mag-aral at magaling sa maraming mga bagay. Dinadaan na lamang sa pagbubulakbol ang inis at inggit na kaniyang nararamdaman para sa nakababatang kapatid. Nakikita niyang ang isla ang magiging sagot upang mapatunayan sa kaniyang mga magulang na magaling siya at kaya niyang higitan ang yaman na hindi pala ibibigay ng matanda sa kaniyang mana. Galing na mismo sa bibig nito noong nagkasagutan sila at hindi niya kailanman iyon makakalimutan. Itatatak niya sa isip bilang motibasyon. Dumaan ang isang buwan, nabasa na niya ang kabuuan ng talaan. Halos araw-araw baril ang kaniyang hawak at nagsasanay sa pag-asinta. Nasa gubat siya nagsasanay at kung minsan ay kasama niya ang panganay ng mga Demore na si Lucas. Maging ito ay nagsasanay rin gaya niya nang palihim sa kaniyang ama. Ayaw kasi ng dating pirata na pahawakan ng baril ang anak ngunit kapag nasa labas na ay hindi naman na nito alam ang kaniyang ginagawa at kapag nasa labas ay roon lamang niya nararamdamang siya ay malaya. Pareho sila ni Rekker na may kinaiinisan sa kani-kanilang mga pamilya. Ang kay Lucas naman ay napakahigpit ng kaniyang mga magulang sa lahat ng mga bagay. Naaawa nga si Lucas sa mga kapatid niyang mga babae, kulang na lang kasi ay ikulong sila at lagyan ng kadena ang mga paa. “Saan ka ba pupuntang talaga at grabe na lamang ang pagsasanay mo sa paggamit ng baril?” usisa ni Lucas kay Rekker nang magpahinga na ito mula sa pagsasanay. “Maglalayag ako,” matipid niyang sagot sa kaibigan. “Saan naman papunta? May eksaktong destinasyon ba?” sunod nitong katanungan. Napaisip bigla si Rekker. Nangako kasi siya sa ama ng kaniyang kaibigan na hindi niya ipapaalam dito ang kaniyang plano. Iyon ang hiling ng kaibigan ng kaniyang ama na um-oo naman siya at nangako. “Basta malayo, pagbalik ko ay mayaman na ‘ko panigurado,” aniya rito. Kitang-kita sa mga mata ang taas ng kaniyang mga pangarap. Habang si Lucas naman ay hindi kumbinsido sa sagot nito sa kaniya. “Isama mo naman ako!” “Hindi pwede. Magagalit ang mga magulang mo sa akin,” “Bakit ikaw pwede? Hindi ba alam ng mga magulang mo ang plano mong ito?” malungkot na tanong ni Lucas sa kaibigan. “Hindi… Hindi na nila dapat malaman,” usal ni Rekker at sumandal sa inuupuan. Tumingala siya sa kalangitan at huminga nang malalim. Ginaya siya ni Lucas sa kaniyang ginawa ngunit napabuntong-hininga siya dahil sa ibang dahilan. Sumandal din siya sa sandalan ng kaniyang upuan at tinanaw ang langit. “Mabuti pa ang mga ibong iyon malayang nakakalipad,” matalinghaga nitong sabi. Nakita ni Rekker ang mga ibon. Lihim siyang sumang-ayon at naawa sa kaibigan dahil alam niya ang pinagdadaanan nito. Magkalapit lang sila ng edad. Matanda lang siya ng dalawang tao. Parehong may pinuproblema’t mga bagay na kanila na lamang kinikimkim sa kani-kanilang mga sarili. Minsan napagkukwentuhan nila ngunit mas madalas na mas nais nilang h’wag na. Sumagi sa isip ni Rekker ang isang plano na baka makatulong sa kaniyang matalik na kaibigan. Nilingon niya ito at tinanong, “Gusto mo ba sumama?” Mabilis na napalingon si Lucas sa kaniya. Biglang umaliwalas ang kaniyang mukha. “Seryoso?” di makapaniwala niyang tanong. “Oo, seryoso. Iyon ay kung gusto mo lang at kung kaya mong maglayag ng matagal,” sagot ni Rekker. “OO! Sige sasama ako!” galak na galak na sigaw nito na agad din namang nawala ang masayang ekspresyon sa kaniyang mukha nang may biglang may maisip. “Ngunit paano? Baka malaman ng mga magulang ko at baka pati ikaw ay mapaano kapag nakarating sa kanila,” kaniyang dugtong. “Alangan naman sabihin mo sa kung sino? Sa atin lang dalawa ito at ‘wag mong ipagsasabi kahit na kanino,” wika ni Rekker at mabilis na bumalik ang kinang sa mata ni Lucas. Hindi na makapaghintay sa kaniyang kauna-unahang paglalayag. **** Rekker’s Point of View Tama bang niyaya ko siya? Baka mamaya ay malagay lang siya sa kapahamakan nang dahil sa akin? Hindi ko naman iyon hahayaang mangyari. Ngayon ko lang nakitang ganito siya kasaya. Lagi na lamang kasing malamlam ang mga mata nito kapag nagkikita kami at kahit malayo ang isla sa aming isla ay pinupuntahan ko siya dahil sa lahat nga mga kaibingan ko sa kaniy ako pinakamalapit. Para magkapatid ang turingan naming dalawa. Iniisip ko nga minsan kung lalaki kaya ang naging kapatid ko ganito rin kaya ako kalapit kay Lucas? Siguro ay oo, pwede ring hindi. Kasi kung tulisan kang anak tulisan ka talaga, himala na lang magpapabago sa iyo. Ewan lang ang tatay ko kung ano nagpabago. Tinatago niya lang naman kapag saktan niya ko kapag nagagalit siya ay kita pa rin sa mga mata niya ang dating siya. May mga bagay talagang kahit anong tago ay makikita at makikita pa rin at mabuti na lang at nadiskubre ko ang nakatagong silid. Saka ko na kukumprontahin ang ama ko kapag dala ko na ang mga kayamanang higit pa sa mayroon siya ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD