Chapter 19

1621 Words
Limang taon na ang nagdaan. Limang taon na rin naghihintay ang mga pamilya ng sakay ng barkong umalis noon papunta sa misteryosong isla. Wala na silang balita sa kanila at wala ring katiting na palatandaan kung ano na ang nangyari sa mga sakay at sa barkong sinakyan nila. Araw-araw nilang iniisip ang kanilang mga mahal sa buhay na sakay ng barkong iyon at dinadalangin na sana isang umaga sila ay magigising na nariyan na ang barko at makakasama nilang muli ang mga ito ngunit ito'y imposible nang mangyari pa. Limang taon na rin nag-iisa si Nicholas. Ang asawa niya ay iniwan na siya nang tuluyan. Inilayo ni Carmen ang kaniyang mga anak sa takot niya sa kaniyang asawa na tinawag niyang demonyo. Pinagtalunan pa nila ang mga bata dahil ayaw sanang sumama ng mga ito sa kanilang ina ngunit nang sabihin ni Carmen kung anong klaseng tao ang kanilang ama noon bago sila nagkakilala ay roon natakot ang mga bata at sila'y agarang pumayag. Mula noon ay naiwan na siyang nag-iisa sa kaniyang malaking bahay. Laging hawak ay bote ng alak at naglalasing. Kahit ang mga kasama niyang tagasilbi noon ay nagsialis na rin dahil hindi na niya sila nababayaran. Sinisisi niya si Skull sa lahat ng nangyari at isang hapon ay naisipan niya itong dalawin. Lasing na lasing siya at nagpahatid sa Willow Island upang puntahan ang kaniyang kaibigang kaniya nang kinasusuklaman. Malayo pa sa bahay nito ay dinig na sa daan ang kaniyang pagsigaw. Pasuray-suray at halos matumba na. Nagpatuloy pa rin siya. "S-kull! Lu-mabas ka r'yan! Mag-usap tayo!" malakas nitong sigaw mula sa labas ng malaking bahay ng mga Von Heather nang makarating na siya. Inaawat siya ng dalawang lalaking bantay pintuan at hindi na maintindihan nang malinaw ang kaniyang sinasabi. Pinaalis na dahil lasing at mistulang naghahanap ng away lamang ito dahil galit na galit habang sinisigaw ang ngalan ng kanilang amo. "H-indi ako aa-lis rito hangga't hindi ko naka-kausap ang a-mo ninyo," sagot niya sa dalawang ayaw siyang papasukin na bantay sa labas. Dinuro niya pa ang dalawa na kilala kung sino siya kaya naman di nila inaalis ang paggalang sa dumating na lasing. "Bumalik na lamang po kayo kapag hindi na kayo lasing. Nagpapahinga po ngayon ang mga amo namin," pakiusap ng isa sa mga bantay. "Nagpapa-hinga? Ganito ka-aga? Ni-loloko mo ba 'ko?" Putol-putol na kung magsalita at halos hindi na nila siya maintindihan ngunit panay pa rin ang pagpupumilit nito. "Opo, nagpapahinga po sila ngayon Ginoong Nicholas kaya po umuwi na po kayo nang makapagpahinga na rin po kayo." Sunod na pakiusap ng mga bantay ngunit wala naman epekto sa kaniya ang kanilang pakiusap. "Hi-ndi nga ako aalis! Pala-basin nin-yo s'ya!" utos ulit sa dalawa na napapakamot na lamang sa kanilang mga ulo. Naririnig ni Sage ang malakas na sigaw mula sa labas sa kaniyang silid kaya siya bumaba upang alamin kung ano at sino ang naroon. Nagpapahinga ang mga magulang niya at ayaw niyang istorbohin lalo na ang kaniyang ina na mula nang mawala ang kaniyang nakatatandang kapatid ay nagupo na sa sakit at sa labis na depresyon. Nakilala niya ang boses at akmang lalabas na sana siya upang kausapin ito nang biglang sumulpot ang kaniyang ama. "Bakit narito ka anak?" mahinang tanong ni Skull nang makita ang anak na nakatayo sa likod ng saradong pinto at hawak na ang siradura. Nagitla siya sa pagsulpot ng ginoo. Agad niya itong nilingon at binitawan ang siradura upang harapin muna ito. "Bakit po kayo lumabas? Aalis din po siya," Nag-aalalang tanong niya sa kaniyang ama na sa taong lumipas ay lalong tumanda ang itsura. Humihina na rin ang katawan lalo na ang kaniyang tuhod. Isama pa ang likod at ang matang malabo na. "Ayos lang ako, ikaw ang magpahinga. Matulog ka habang tulog ang iyong ina. Alam kong pagod ka rin sa araw-araw na pag-iintindi sa aming dalawa," sagot ni Skull sa anak. "Pero ama-" "Sige na, kilala ko si Nicholas, hindi 'yan aalis hangga't hindi kami nagkakausap," putol ni Skull sa nais sanang pagtutol ni Sage. Wala ng nagawa pa ang dalaga. Umalis na ito roon at hinayaan sa kaniyang amang harapin ang nag-aamok na lasing. May dalawa namang lalaki na nasa labas na siyang maaring umalalay kaya kampante siyang hindi mapapahamak ang kaniyang ama. Pinag-ingat niya na lamang ito bago siya umalis at habang paakyat sa kanilang malawak na hagdan ay panay ang linga niya sa pinto at para na na dahil nakalabas na ang ginoo. "Sa wa-kas luma-bas ka na Skull!" Sinugod niya si Skull at hinablot ang kuwelyo ng suot nitong damit. Nagulat ang dalawang bantay sa bilis ng kaniyang kilos at hindi nila siya naharang man lang si Nicholas. Napatakbo rin sila at pareho nilang hinawakan ang ang braso nito. Pilit nilang dalawa inilalayo sa kanilang amo ang lasing na si Nicholas na kay higpit ng kapit sa kuwelyo ni Skull. Kitang-kita sa mukha niya ang panggagalaiti. Si Skull naman ay nakatayo lang habang nakatingin sa kaniyang kaibigan na alam niyang gaya niya ay nagdudusa rin sa limang taong nagdaan dahil sa pagkawala ng kanilang parehong panganay. "Kasalan mong lahat ito Skull! Kung hindi mo sana itinabi at itinago ang talaan at mapang iyon ay hindi na sana nahanap ng anak mong sutil! Hindi na sana siya pumunta roon at isinama pa ang anak ko!" Pahigpit nang pahigpit ang kapit ni Nicholas sa kuwelyo ni Skull at ang luha niya ay bumubuhos na rin. Parang nawala ang impluwensya ng alak sa kaniya nang mga oras na iyon at dire-diretso niyang nasabi ang mga iyon. Nagtatagis ang kaniyang panga at may diin ang bawat salita. Nanginginig pa ang katawan sa galit at sa labis na pighating nararamdaman. Nasasakal man ay hinayaan lang si Skull si Nicholas at maya-maya lang ay lumuwang na ang pagkakakapit nito at napaluhod habang tumatangis. "H-hindi sana malalaman ni Carmen ang lahat at hindi sana ako iiwanan ng aking pamilya Skull! I-ikaw ang sumira ng buhay ko! Winasak mo ang pamilya ko!" kaniyang tangis. Nagising si Esmeralda sa ingay sa labas. Nadinig niya ang boses ni Nicholas at ang pag-iyak nito. Maging siya ay umiiyak na rin sa loob ng silid na kinaroroonan niya dahil sa pangungulila sa anak na lalaki. Tumayo siya at tinungo ang tokador sa kanilang silid mag-asawa. Binuksan ang isang drawer at kinuha ang isang larawan na nakataob sa loob. Pinintang larawan iyon ng kaniyang anak noong ito'y sanggol pa lamang. Wala siyang larawan nito nang ito'y malaki na. Hinintay niyang bumalik ang kaniyang asawa upang makausap naman ito at habang wala ay sige lang siya sa pag-iyak at hagulgol kung hagulgol habang yakap ang larawan ng anak. Walang anumang salita ang namutawi sa labi ni Skull habang tinitignan ang kaniyang umiiyak na kaibigan. Pareho na silang halatang may edad na dahil sa mga puting mga buhok sa kanilang mga ulo. Payat si Skull habang si Nicholas naman ay mataba at may kalakihan ang tiyan. Mahaba na ang bigote't balbas dahil sa tagal na hindi natatabasan. Marumi na rin ng suot nitong damit. Ilang minuto muna ang lumipas bago tumahimik ang paligid. Kumalma na si Nicholas at nakasandal lang sa pader habang nakatulala't nag-iisip ng dapat gawin. Ilang sandali pa at lumapit na si Skull sa kaniya at tumalungkod sa tabi nito. "Patawad, alam kong kasalanan ko. Hindi ko na nga sana tinabi ang mga iyon," aniya ngunit walang sagot na galing kay Nicholas. Tulala lang ito at nakatanaw sa malayo at parang hindi siya narinig. "Kami na po ang bahala sa kaniya," anang bantay at nagtawag ng kasama upang maihatid sa kanila ang kaawa-awang Ginoo. Tinanaw na lamang niya ito habang paalis habang akay ng mga tauhan niya. Pumasok na si Skull sa loob ng kanilang bahay at pinuntahan ang kan'yang asawa na hindi niya inaasahang gising na pala at mugto ang mga mata. "Skull! Hanapin mo ang anak mo!" sigaw ni Esmeralda sa kaniyang asawa nang makita siyang pumasok. Paulit-ulit niya iyong sinasabi. Walang araw at oras niyang nakaligtaang sabihin ang mga salitang iyon. Nagmamakaawa sa kaniyang asawa na gawin ang kaniyang nais dahil iyon lang ang paraan para mahinto na siya sa paghahanap sa anak niyang hindi pa umuuwi. Kahit raw ang bangkay nito ay nais niyang makita, gusto niya lang maayos na makapagpaalam at makahingi ng tawad sa kaniyang anak na hindi niya nagbigyan ng sapat na atensyon mula nang isilang ang kanilang pangalawa. Walang imik si Skull, nag-iisip. Alam niyang imposible na iyon dahil napakatagal na at ang islang iyon ay alam niyang may mga nilalang na nakatira at pinuprotektahan nila ang kanilang isla mula sa sinumang magtatangkang pumasok. Pagnanakaw ang pakay nila noon kaya sila inatake sila ng mga ito. Batid niyang ganoon din ang ginawa nila nang makakita muli ng mga tao at ramdam niya na napaslang na ang anak niya ng mga nilalang na naroon kasama na ang iba pa at maging ang anak ni Nicholas. Umiiyak nanaman ang kaniyang asawa habang nagmamakaawa sa kaniyang hanapin ang kanilang anak. Nasasaktan siya sa tuwing nakikita si Esmeralda na ganoon. Maging siya naman ay nalulungkot at nagsisisi dahil siya ang nag-udyok sa anak na lumayas sa kanilang pamamahay. Kung nakontrol niya lang sana ang kaniyang galit ngunit huli na para magsisisi dahil wala na ang kaniyang anak ngunit sa tuwing iiyak ang kaniyang misis at nagmamakaawa nang ganoon sa kan'ya ay parang bumabalik nanaman sila sa umpisa. Limang taon na ngunit wala silang paghilom na nararamdaman sa kani-kanilang mga sarili. Nagkasakit na si Esmeralda dahil sa labis na pag-iisip sa anak nila. Gusto man niyang pagbigyan ito, hindi niya maipapangako na naibabalik niya pa ang kanilang anak nang buhay. Isang beses sa isang dekada lang nagpapakita ang islang iyon ngunit may nais siyang subukan at nais alamin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD