Helena’s Point of View
Habang nagaganap ang pangyayari kagabi ay ramdam ko ang mga emosyon ng lahat ng nasa isla kahit na ako ay nahihimbing. Ang takot at pangamba sa puso ng mga nilalang dito sa isla at ang mga taong nais nanamang kunin ang mga kayamanan dito.
Nasagot ang tanong ko nang marinig kong sabihin ng isa sa kanila na ama niya ang pinuno ng mga pirata noon na si Skull. Ang piratang bukambibig ng marami hindi lamang ng mga tao, pati na ng mga nilalang sa dagat dahil sa mga bagay pinaggagawa niya na walang pagdadalawang isip.
May mga mata at tainga ako sa lupa at sa tubig kaya ko alam. Nariyan din ang mga sirena upang dalhan ako ng mga balitang nasasagap nila kung saan-saan. Pinag-iingat ko lamang sila dahil lapag nasa malayo sila ay hindi ko sila matutulungan. Lalo na ngayon na napapansin kong ang taglay kong kakayahan ay nababawasan. Wala lamang akong mapagsabihan dahil wala sa mga nilalang na narito ang nakakaalam ng mga ganitong bagay. Nasa malayo ang mga kapatid kong diwata upang mahingan ng opinyon.
Hindi ko alam kung epekto nang labis na paggamit ng kapangyarihan dahil na pabalot ko ng baluti sa isla na nangangailangan ng maraming kapangyarihan upang magawa. Isa pa ay malaki rin ang isla na kailangan kong itago. Hindi lang ang taas na parte ng isla ang aking ikinukubli. maging hanggang kailaliman nito at kahit nakapagpahinga na ako sa buong magdamag ay ramdam kong kulang ang nabawi kong lakas.
Hindi ko sigurado kung kakayanin ko magamit ang nabawi kong lakas para sa panibagong isang dekada. Kapag nagkataong hindi, ang isla ay malalantad na at malalagay sa kapahamakan ang lahat ng mga nilalang na nakasilong dito.
Hindi pa panahon upang problemahin ang bagay na ito. Hanggang buhay ako ay maaari ko pang hanapan ng paraan. Susubukan ko ring makipag-ugnayan sa mga kapatid ko upang mahingan sila ng tulong sakali mang malagay ang isla sa alanganin.
Pinilit kong ngumiti bago lumabas sa brilyanteng puno. Ayaw kong makita si Merrick ang pangambang nararamdaman ko. Masaya ako dapat dahil nagawa niyang protektahan ang isla habang ako ay namamahinga.
Paglabas ko sa puno ay wala naman siya. Mabuti naman. Nakita ko ang mga prutas sa mga sisidlan at di mabilang na mga naggagandahang mga bulalak na nasa lapag. Galing sa mga bulalak ang sumalubong sa aking mga amoy na nakatulong upang mabawasan ang pangambang nararamdaman ko. Nagpasalamat sa epektong hatid niyon.
Nagmadali na akong lumabas upang hanapin ang lahat. Dumiretso na sa sentro upang batiin ang si Merrick dahil kaarawan na niya ngayon at ang paggapi niya sa mga taong sumalakay kagabi.
"Magandang umaga mahal na diwata!" bati ng duwendeng unang nakakita sa akin at sunod-sunod na nila akong binati.
Masaya akong makita silang lahat na buhay kahit may kaunting pinsala sa isla. ang mahalaga ay narito silang lahat at walang ring labis na nasugatan. Hindi ko nakitang naroon si Merrick, at kung naroon din ito ay tiyak na tumakbo na papunta sa akin para yakapin ako.
"Nasaan si Merrick?" tanong ko sa kanila.
"Naglalakad-lakad po siya sa dalampasigan kanina," sagot ni Elliot na kalalapit lamang noon at saktong narinig ang tanong ko.
“Naroon pa kaya siya ngayon?”
“Opo, kagagaling ko lang po roon at natanaw siya sa may pampang,” kaniya namang sagot.
“Sige, pupuntahan ko na lang. Salamat Elliot!”
“Wala pong anuma,” aniya at saka ako nginitian.
Salamat din at kinausapa niya si Merrick tungkol sa nangyari. Nakikinig ako sa kanila at kahit hindi ko nakikita nang mga oras na iyon ay maging ako ay awang-awa kay Merrick. HIndi ko hangarin na ilagay siya sa ganoong sitwasyon ngunit sadyang may mga bagay na hindi natin mahuhulaan at mapipigilan lalo na kung nariyan na sa ating harapan.
Alam kong darating at darating ang araw na mababahiran ng dugo ang kamay ni Merrick ngunit hindi ko inakalang mapapaaga nang ganito.
Madali ko namang nakita si Merrick. Nakaupo ito sa isang bato habang nakatingin sa buhangin na may kulay pula. Batid ko kung ano iyon at saan galing. Nakatitig lang si Merrick sa naiwang bakas na naiwan nang nagdaang gabi. Ang pulang kulay na patak na lamang halos ay bakas ng kasalanan na kaniyang nagawa at buhay na kaniyang kinuha gamit ang kamay niya mismo.
"Anak?" tawag ko sa kaniya nang makalapit na ako ngunit parang hindi niya narinig.
Ipinatong ko na lamang ang kamay ko sa kaniyang balikat at nang maramdaman ang paglapat ng palad ko sa kaniyang balat ay nagitla siya at mabilis na napaangat ng tingin. Halatang hindi niya naramdaman ang pagdating ko.
"I-na!" nautal niya pang sambit.
Sinalubong ko siya ng isang ngiti ngunit medyo nabura nang makita ko ang noo niyang may sugat. Hindi naman kalakihan at naghilom na rin naman iyon at doon ko lang sin napansin ang braso niyang binalutan ng tela.
Nahalata niya yata na roon ako nakatingin at magtatanong na ako kung napaano ang mga iyon kaya inunahan na niya ako.
“Wala po ang mga ito. Malayo po sa bituka,” kaniyang sabi.
“Alam kong malayo ngunit sugat pa rin ang mga iyan. Mukhang hindi pa nalinisan,” nag-aalala kong turan at akmang hahablutin na sana ang braso niyang may sugat nang bigla naman niyang ilayo sa akin.
“Ayos lang po ito. Nalinisan ko na rin po at nilagyan ng gamot upang magsara nang mabilis,” aniya habang nakakunot ang noo.
“Sigurado ka?” paniniguro ko.
“Opo,” mabilis niyang sagot at binigyan ako ng pilit na ngiti. Kahit na alam kong pilit lang iyon ay ibang kasiyahan ang hatid niyon dahil masaya akong makitang buhay na buhay ang anak kong ito. Kahit na hindi tunay. Si Merrick ay inangkin ko nang aking anak mula sa pagkapisa pa lamang at kahit ngayon na malaki na at kaya na niya ang kaniyang sarili.
Humakbang ako palapit at niyakap siya. Nagpumiglas kaunti ngunit sandali lang at maya-maya ay nakayakap na rin siya sa akin. Mabuti na lang at nakaupo siya sa bato dahil kung nakatayo ay hindi ko siya mayayakap nang ganito dahil sa mas mataas siya nang di hamak sa akin.
Hinalikan ko pa ang tutok ng ulo niya.
“Ina naman,” kaniyang mahinang angal.
“Manahimik, masaya lang akong makita kang ligtas Merrick," suway ko sa kaniya habang naglalambing.
Hindi ko alam kung hanggang kailan kita pwedeng mayakap nang ganito anak ko. Natatakot akong baka dumating ang araw ay magkakahiwalay na tayo.
Naramdaman kong sumiksik siya sa bisig ko na parang bata.
“Salamat nga pala sa regalo mo Merrick,” usal ko habang yakap pa rin siya.
Naramdaman kong humiwalay siya bigla mula sa pagkakayakap sa akin at tumingala.
"Ano pong regalo iyon ina? Wala naman akong naibigay," nagtataka niyang tanong.
Nakatutuwa siyang tignan, mukha siyang bata na walang kaalam-alam. Sana bata ka na nga lang at hindi ka na lumaki nang ganito Merrick.
"Nakalimutan mo na ba? Hindi ba may hiniling ako sa'yo noong tinanong mo 'ko sa kung anong nais kong regalo?"
Humiwalay na 'ko sa pagkakayakap at humakbang. Inapakan ko ang patak ng dugo na naiwan sa naganap kagabi at pasimpleng tinabunan ng buhangin saka naupo sa kaniyang tabi.
Mukhang nag-iisip siya. Inaalala kung anong regalo ang sinabi kong ibigay niya.
"H'wag mo na ngang isipin kung hindi mo maisip," sinabi ko na lamang dahil mukhang nalimutan niya kung anong hiling ang tinutukoy ko.
"Wala po akong maalala na regalo na sinabi mo, pero parang mayroon," aniya na pilit pa rin iniisip.
Kaawa-awa, mukhang nalimutan niya ngang talaga kaya bago sumakit ang ulo niya ay sinabi ko na.
"Iyon po ba talaga?" tanong nito pagkatapos.
"Oo nga, bakit ayaw mo pa rin maniwala?"
"Ano po kasi-" usal niya at hindi tinapos.
"Ano?" mahina kong tanong.
"Wala po ina,” pagbawi niya sa nais sanang sabihin at nag-iwas ng tingin.
Hinayaan ko na lamang. Kapag handa naman na siyang ibahagi kung ano iyon ay sasabihin at sasabihin niya rin naman sa akin. Siguro ay magulo pa ang isip niyang ngayon. Tumanaw na lamang ako sa dagat at ginaya siya. Tahimik lang, walang nagsalita hanggang sa magyaya akong pumunta sa sentro ngunit hindi siya sumama. Nais niya muna raw manatili roon at mag-isip-isip muna. Hindi ko na tinanong kung ano. Makatutulong din naman iyon upang mapakalma niya ang isip niya.
Ganoon si Merrick matapos matapos niya makaharap ang isang tao. Buong akala ko ay babalik din siya sa dating makulit at maloko ngunit hindi.
Dumaan ang mga araw at napakalaki ng pinagbago niya. Nais niyang mapag-isa kesa makisalamuha sa amin. Hindi ko na siya muling nakitang ngumiti at hindi ko na ulit narinig na tumawa. Nawala ang Merrick na kilala ko, ang anak ko. Maging ang awra niya ay nagbago. Nabahiran ng itim ang puso niyang malinis.
Kasalanan ko ba? Dapat ba ay ako na lamang ang tumapos sa taong iyon at hindi na siya? Pakiramdam ko tuloy kasalanan ko kung bakit siya nagkaganoon. Maraming gumugulo sa isip niya ngunit ayaw naman niya akong lapitan upang tanungin. Naghihintay lang ako na siya mismo ang magkusa upang maipaliwanag ko sa kaniya ang mga bagay na hindi niya maintindihan.
Tumagal na lamang nang tumagal. Tumatakbo ang mga araw at buwan ngunit walang Merrick na lumapit sa akin. Kaya nagpasya akong lapitan na siya at personal siyang kausapin. Ikinuwento ang buong pangyayari at sinabi kung anong pangalan ng piratang kumitil sa buhay nina Kino at Kira.
Nang magkausap kaming muli nang araw na iyon ay narinig kong sinambit niya nang paulit-ulit ang ngalan na Skull na para pang nais itatak sa kaniyang isipan upang hindi niya makalimutan. Wala akong ibang narinig na salita mula sa kaniyang mga labi kundi ngalan lamang ni Skull Von Heather.
Ilang mga dekada na ang nagdaan at tiyak na matanda na ang piratang iyon. Kung may anak siya, ibig sabihin lamang ay nagkapamilya ang walang pusong taong iyon. Hindi ako makapaniwalang may magmamahal pa pala sa isang tulad niya na napakasama. Marahil nasilaw sa kaniyang yaman na kaniya rin namang ninakaw.