Chapter 17

1670 Words
Napatay na ng mga duwende ang apoy sa maliit na parte ng isla na tinamaan ng bala ng kanyon. May isang puno ng niyog na natumba at ilang mga halaman ang nasunog. Maliit na pinsala kumpara sa naganap noon tatlumpong taon na ang nakararaan. Wala na rin ni anino ng isang tao ang natitira sa paligid. Tinabunan nila ang bakas ng dugo mula sa taong pinakain na nila sa pating. Pati ang barko o isa mang bangka na na kanilang ginamit ay wala na sa paligid. Bumalik sila sa kani-kanilang mga ginagawa bago dumating ang mga hindi inaasahang mga bisita ngunit si Merrick mula nang dalhin nila sa sentro ng kanilang isla ay tahimik lang at hindi umiimik. Nakatingin lang siya sa kaniyang kamay na nabahiran ng dugo ng taong kaniyang napaslang. Wala ng kahit katiting na patak sa kaniyang balat o naiwan na mantsa ngunit sa kaniyang paningin ay parang naroon pa at nakatatak na. “Kausapin mo nga muna si Merrick,” bulong ng isang duwende sa matalik na kaibigan ng binata na si Elliot. Kaniyang kaibigan na aminadong natakot nang mapanood ang pagsakal at pagsaksak ng kaniyang kaibigan sa isang tao. Sa mga duwendeng nakatira kasi roon, si Elliot ang pinakamalapit sa edad ni Merrick. Pinanganak ito ilang araw pagkatapos mapisa sa itlog ang dragon at ang ina ni Elliot ang isa sa mga ina na napadede sa batang dragon. Kaya naman para na silang magkapatid na makadugtong ang mga pusod. Ngunit nang mga oras na iyon ay hindi siya makapagdesisyon kung lalapitan ba ito o hindi matapos makita si Merrick na nag-iba nang labis itong nagalit. Naroon siya at nanonood. Narinig ang lahat ng pang-iinsulto ng tao sa mga pumanaw nang mga magulang ni Merrick at sino rin ang makakapagtimpi kung ang kaharap mo ay ang anak pa ng pinuno ng mga pirata na pumaslang sa kanila? Isama pa ang panglalait na wala namang katotohan. Nang mga oras na nakitang bumagsak sa buhangin ang katawan ng taong duguan at ang reaksyon ni Merrick nang mapagtanto ang kaniyang ginawa ay hindi na siya nagdalawang isip pa at lumabas na siya upang ito ay lapitan. Lahat sila ay napapalingon kay Merrick maya't maya. Naaawa sila sa binata. Gusto nilang lapitan siya upang kausapin ngunit hindi nila alam kung paano. Hanggang napagdesisyunan nilang hintayin na lang ang diwata na magising upang ito na lamang ang kakausap sa kaniya ngunit hindi makatiis si Elliot na naroon lang si Merrick sa isang tabi gayong kaarawan na niya. Oo, halos magkasunod lang sila ng diwata hindi ba? Hindi nila ginawang sa araw nang siya'y napisa dahil para sa kanila ang siya ring umaga na nakita nila ang itlog matapos ang napakasaklap ng kanilang sinapit ay nakadama sila ng pag-asang muli dahil sa kaniya. Kaya naman ang kaarawan niya ay kasunod ng sa diwata. "Merrick," tawag ni Elliot sa kaibigan nang makalapit na siya rito. Hindi ito umimik kaya kaniyang inulit. Sinamahan na rin niya ng dalawang tapik sa balikat at doon lang siya lumingon. Bahagyang nagitla si Elliot nang makita ang mata nito na walang kahit anong emosyon. Para bang blanko pa rin ang isip at wala pa sa realidad. Napahakbang siya paatras ngunit nagbago rin agad ang pasya. "Bakit ako matatakot? Parang kapatid ko na siya at kailangan niya ng kausap ngayon," usal ni Elliot sa sarili at nanatili sa kaniyang kinatatayuan bago humakbang ulit palapit. Nagpasya siyang maupo sa tabi nito at sinubukang magbukas ng usapan. Mukhang nakakalimutan kasi ni Merrick kung sino siya ngayon. Paglapat pa lamang nag kaniyang puwetan sa batong nasa tabi ni Merrick ay nag-umpisa na siyang magsalita. Wala siyang eksaktong paksa nang lapitan ito ngunit naisip niyang baka makatulong sa kaniyang malapit na kaibigan kung ipapaalala niya ang mga bagay-bagay. "Alam kong naikwento na ni Inang Diwata ang mga ito noon sa'yo pero gusto kong ibahagi naman ang alam ko at naririnig kong kwento mula sa mga magulang ko." Umpisa niya. "Noon ang mga kauri mo ang kinikilalang pinakamalalakas sa lahat. Hindi kayo mahihina. Ang taglay na lakas at kakayahan ng dragon na magbuga ng apoy ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang pilit hinuli at pinaamo para gamiting armas ngunit ang lakas na taglay mo ngayon ay hindi mapapantayan ng kahit sinumang dragon na nabuhay noon Merrick. Walang-wala!" "Malalakas kayo Merrick, walang dragon ang mahina. Nagkataon lang na may edad na ang mga magulang mo noon at nasa sinapupunan ka pala ni Kira. Kung paano raw protektahan ni Kino ang ina mo noon ay makikita kung gaano nila mahal ang isa't-isa. Ayon sa matatandang duwende ay halos hindi nga raw sila mapaghiwalay noon. Laging magkatabi at magkasama sa panghuhuli ng mga isda at sa pagtulong sa mga gawain sa isla," "Alam kong nagtataka ka bakit hindi mo kayang bumuga ng apoy noong kaharap mo sila ngunit magagawa mo rin iyon dahil natural mong kakayahan iyon na nakakabit na sa'yo noong napisa ka mula sa itlog. Kung iniisip mo naman ang lalaking nagapi mo, wala kang kasalanan sa nangyari. Sila ang pumasok sa teritoryo natin at may balak gawing masama. Kung hindi mo sila napigilan, isipin mo na lang kung ano na ang kinahinatnan ng isla natin. Baka ako wala na rin at hindi na makakapagdaldal ng ganito sa tabi mo," Pinakikinggan ni Merrick ang sinasabi ni Elliot kahit papaano ay nabuhay siya ng loob ngunit may isa pa siyang inaalala. Ang ama ng napaslang niya. Hindi niya alam kung sino ito at iyon ang dapat magbayad sa ginawa nito sa isla at sa mga magulang niya. "Hindi mo alam kung gaano kami nagpapasalamat ngayon sa'yo Merrick. Naprotektahan mo kaming lahat at walang nasaktan ni isa sa amin. Kaya maraming salamat Merrick," kaniya pang dugtong. Naghintay siya ng reaksyon mula rito ngunit mukhang wala itong balak magsalita man lang kahit na ano. "Wala ka bang sasabihin?" kaniyang tanong. Wala namang kahit ano sa isip ni Merrick na nais niyang ibahagi kay Elliot. Nais niyang maghiganti sa taong pumaslang sa mga magulang niya at mga iba pang nilalang na kinuha nila ang buhay. Tama si Elliot, masasama ang mga tao dahil ginamit nila ang mga dragon noon bilang armas sa kanilang pananakop at mga personal na interes. "Salamat Elliot," mahina niyang sambit. "Para saan?" may bahid na pagtatakang tanong ni Elliot sa kaniyang kaibigan. "Sa mga sinabi mo," kaniyang tugon at sinundan ng isang malalim na buntong-hininga. Sumilay ang ngiti sa labi ni Elliot. Hindi nila alam na may mga nasa kanilang paligid na nakikinig sa kanilang pag-uusap. Nang magsalita si Merrick ay nakahinga na rin sila nang maluwag. Hindi kasi sila sanay na ganoon lang itong walang imik dahil ito ang maingay at likas na magulo sa kanilang tahanan. Nagsalita man si Merrick, marami pa rin siyang mga tanong sa kaniyang isip na nangangailangan ng mga kasagutan. Hindi pa sapat ang mga nalaman niya at mga narinig dahil parang tagpi-tagpi lamang ang mga kwento at mayroon pang mahabang dire-diretso. Naiisip niya ang barkong pinalubog niya. Baka may makuha siyang mga bagay roon na maaring makasagot sa tanong niya kung sino ang ama ng lalaki at kung saan niya ito makikita. Samantala sa Willow Island ay naghihintay ang balisang mga magulang ni Rekker sa balita tungkol sa kanilang anak. Batid nilang malawak ang karagatan at hindi ganoon kabilis ang komunikasyon kaya maaring matagalan. Ang paghihintay ay umaabot ng mga linggo o di kaya ay mga buwan. Maging si Carmen na nasa poder pa rin ng kaniyang mga magulang sa kasalukuyan ay halos hindi nakakatulog at nang gabing iyon ay mas naging balisa pa siya. Labis ang kabog ng kaniyang dibdib. Kinukutuban sa di mawaring dahilan. May kasamang takot na hindi niya masukat at naluluha na lamang dahil baka napaano na ang kaniyang mahal na anak. Si Carmen at Esmeralda ay parehong hindi dinalaw ng antok. Mulat ang mga mata buong magdamag at walang ginawa kundi magdasal sa harapan ng kanilang altar na maroon lamang krus at sinindihang kandila sa ibabaw ng maliit na lamesa. Hinihiling na sana ay makabalik pa ang kanilang mga binata at sana ay ligtas sila sa kapahamakan saan man sila naroroon ngunit nang mga oras na iyon ay wala na silang pareho at kahit kanilang mga bangkay ay imposible na ring makabalik. Si Carmela ay napaginipan ang kaniyang nakatatandang kapatid. Nakangiti ito ngunit may pait. Nagpapaalam na may luha sa mga mata at para bang hirap na hirap umalis. Malayo noong gabing nagpaalam ito. May lungkot ito sa mga mata noon ngunit may galak na kasama. Nagmakaawa pa siya na huwag itong umalis. Hinawakan niya ang kamay nito ngunit kaniya namang mabilis na inalis. Sinabi niyang gusto niyang sumama ngunit sabi nito ay hindi pwede at bago naglaho si Lucas ay binilinan siya nito na alagaan ang mga nakababata nilang mga kapatid at sikaping maging masaya kahit wala na siya. Nagising si Carmela na may luha sa mga mata. Pumihit parte kung saan natutulog ang ang isa sa mga nakababatang kapatid nila. "P-pangako, iingatan ko sila," bulong niya at impit na umiiyak upang hindi magising ang dalawang kapatid niyang nahihimbing pa. MULA NANG GABING iyon ay ilang linggo muna ang nagdaan bago nakabalik ang isa sa mga barko pinadala ni Skull upang hanapin ang kaniyang anak. Wala silang dalang magandang balita. Umuwi na sila dahil wala na silang makain at salapi at magugutom na sila sa laot kapag hindi pa umuwi. Sunod-sunod nang dumating ang iba pang barko sa sunod na mga araw. Mga pinahiram ng kaniyang nga kaibigan na sa ibang ruta ang dumaan. Ganoon din ang dalang balita sa kanila, wala silang namataan na barko sa mga rutang dinaanan nila. Sa isip ni Skull ay maaring natagpuan ng kaniyang anak ang isla ngunit nangyari ang di dapat mangyari. Ang islang iyon ay napakamisteryoso at batid niyang marami pa itong nakatagong misteryo, ngunit ang anak niya. Paano niya ito maibabalik sa kaniyang asawa? Iyon pa man din ang ipinangako niya at sinabi pang gagawin ang lahat mahanap lang ang anak na kahit duda na siyang magagawa pa ay susubukan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD