Umuwi na sa kanila si Lilith matapos ibigay kay Aling Helen ang mga pinakiusap nitong bilhin. Iniwan niyang muli sa bahay ng Ginang ang kanyang scooter bago naglakad papunta sa inuupahang apartment.
Tulalang umaakyat siya sa hagdan nang bigla siyang harangin ng landlady nila. Iniisip niya kasi ang nakakanerbyos na nangyari sa bahay ng Ginang na tinulungan niya kanina at hindi napansin na naroon pala ang landlady sa hagdanan.
Hindi niya lubos maisip na pagkakamalan siyang magnanakaw ng anak ng Ginang na kanyang tinulungan at ang nakaloloka sa lahat ay magnanakaw pa ng yelo.
Ilang buntong-hininga ang pinakawalan niya sa bawat paghakbang habang iniisip iyon at nahinto sa pag-iisip nang harangin siya sa hagdanan ng landlady.
Nakapamewang ito sa pinakaitaas na baitang, masama ang tingin nito sa kanya at sa dala niyang dalawang supot ng iba't-ibang gulay na nabili niya ng mura sa palengke dahil may kaunting diperensya ngunit pwede pa namang mapakinabangan.
"Ano na Lilith? Nagsahod ka na ba?" Magkasunod nitong tanong matapos suriin ang dala niya.
"Ito nanaman po kami." Bulong ni Lilith sa isip. Mukhang aaraw-arawin nanaman siya ng Ginang sa paniningil at pipigain siya hanggang makabayad.
"Hindi pa po. Sahod ko palang po sa part-time ko ito kahapon." Sagot ng dalaga at napayuko na lang sa hiya sa mga taong nasa paligid nilang nakatingin sa kanilang dalawa at nag-umpisa na sa pagbubulungan.
"Isang linggo na lang Lilith at panibagong buwan nanaman ang darating, kapag hindi ka pa nakabayad mapipilitan akong ikandado ang kuwarto mo, pasensiyahan na lang tayo. Ako ang napeperwisyo sa ginagawa mo. Puro ka na lang pangako." Paalala sa kanya ng Landlady.
Hindi na hinintay nito ang sagot niya, iniwan na siya nito roon at nakataas ang noong bumaba ng hagdan. Sunod nitong pinuntahan ang isa pang kuwarto upang maningil at agad namang inabot sa kanya ang bayad nila para buwan na iyon.
Narinig pa ni Lilith hanggang sa ikalawang palapag ang pagtawa ng landlady at sunod ay nagparinig pa na mabuti nalang daw at nagbayad ito sa kanya dahil marami pa raw ang hindi at puro pagpapasensya na lang ang hinihingi sa kanya na parang Pasensya ang pangalan niya.
Dumiretso na si Lilith sa kanyang inuupahang silid at sira ang pinto pagpasok. Dinala sa maliit na kusina ang mga pinamili niya at naupo sa hinilang upuan. Nawalan siya ng ganang magluto at kumain bigla na para bang pagod na pagod ang katawan niya.
Pinuproblema niya ang kanyang upa, ang trabaho niyang delay madalas ang pasahod na akala mo naman ay napakalaki ng sahod nila para matagalan lagi. Idagdag pa ang nakakarinding pangungulit ng landlady at ang parinig nito sa kanya madalas. Gusto na niyang makabayad upang makalipat na. Labinlimang libo rin ang sasahurin niya na katumbas ng dalawang buwan.
Samantala, biglang nakonsensya si Maverick dahil pinag-isipan niya ng masama ang babaeng tumulong sa kanyang ina at kahit nakabalik na siya sa site kung nasaan ang trabaho niya para sa araw na iyon ay hindi maalis sa isip niya ang mukha ng babaeng naengkwentro sa kanilang bahay kanina.
Nag-order na lang siya ng pananghalian para sa kanila. Umuwi ang Papa niya galing sa trabaho at ang kangang bunsong kapatid galing naman sa eskwelahan at pinagsaluhan nila ang inorder niyang pagkain sa paborito nilang malapit na restaurant.
Pinagalitan ng kanyang Papa ang Mama niya. Galit na may pag-aalala para sa kanyang mahal na asawa. Medyo hindi naman na maga ang paa niyang nasaktan sa pagkakatapilok at napatingin naman na sa doktor at niresetahan siya ng gamot.
Habang kumakain sila ay hindi matigil sa pagkukwento ang kanyang Mama patungkol sa babaeng tumulong sa kanyang ina. Dire-diretso sa pagkwento ang kanyang ina na para bang alam nito ang buong talambuhay ng babae.
Nakikinig lang ang Papa niya habang kumakain sila at dahil sa lakas ng boses ng ina'y narinig na rin niya ang mga sinasabi nito.
Nalaman niyang Lilith pala ang pangalan nito. Bagay na bagay raw sa may-ari dahil maliit ito.
Matapos mananghalian ay umalis na siya at dahil maraming gagawin sa site ay naging abala na sa kanyang trabaho. Si Lilith nama'y late na nang makapagluto ng pananghalian niya at dahil papasok pa sa kanyang part-time para sa gabi ay mas pinili niyang magluto't kumain kahit parang wala siyang gana.
Alas kuwatro ng hapon ng makatanggap siya ng mensahe na may balita na raw sa sahod nila mula sa kanyang katrabaho. Parang nabunutan siya ng tinik sa dibdib. Mababawasan na ang alalahanin niya. Wala pa raw araw ngunit sigurado na raw talaga sa linggong iyon. Sakto lang para makabayad siya ng upa at makalipat na rin sa lalong madaling panahon.
Maaga pa para sa kanyang panggabing trabaho niya ngunit maaga siyang pumunta dahil wala naman siyang ibang gagawin. Nagulat pa ang may-ari ng kainan nang makita siya.
"Ang aga mo yata masyado Lilith?" Tanong sa kanya ng may-ari. Sinabi niya ang rason at biniro siya nitong wala siyang pandagdag sa sahod niya kung ganoon siya kaaga lagi. Natawa na lang si Lilith sa tinuran nito at biniro niya rin ito.
"Ay ate, mahal ang talent fee ko. Masyado akong magaling sa kusina. Pero dahil magkaibigan naman tayo, libre na muna kita ngayon." Aniya at napahalakhak na lamang Ginang na may-ari ng kainan.
"Sige, dahil libre naman. Ikaw taga-timpla ko ulit. Dating gawi." Anito matapos humalakhak sabay abot ng sandok sa dalaga.
Magaling kasi siya sa pagtitimpla at madalas na siya gumagawa ng remedyo sa mga pagkain na kulang sa lasa o napasobra. Isa na yatang talentong maituturing ni Lilith at natutuwa siyang maraming nagkakagusto ng mga timpla't luto niya.
Habang naghahalo ay pinapanood siya ng may-ari ng kainan. Napapangiti na may halong panghihinayang para sa dalaga. Bata pa kasi ito at nahinto na sa pag-aaral. Bukod pa doon ay ulila na siyang lubos ay nag-iisa sa buhay. Alam halos ng mga nakakasalamuha niya ang kwento niya. Sinasabi niya sa kanila hindi para kaawaan siya ng mga ito kundi para ikwento rin nila sa iba at kapulutan nila ng aral. Na kahit mag-isa sa buhay at nahihirapan, sige lang sa paglaban upang maiahon ang sarili at mapabuti.
Mabilis silang natapos sa pagluluto. Si Lilith na ang tumapos ng mga lulutuin habang busy ang may-ari sa paglilista ng mga order sa kanya ng kanyang mga suki. Mas pinadali na ang pagbebenta dahil online na. I-post lang niya sa kanyang page na ginawa at makikita na ng mga tao sa kanila at nagme-message na lamang.
Pasado ala sais nang matapos sila sa pagbabalot at lumarga na si Lilith. Puno ang basket niya sa harap ng manibela at sa likuran sa kanyang inuupuan.
Nang oras na iyon ay nasa construction site si Maverick, di na nila namalayan ang oras at lumagpas na sa sila sa oras na kanilang awasan. Pinauna na niya ang mga trabahador dahil magliligpit pa siya ng kanyang mga gamit.
Ang isa sa nag-order ay malapit sa construction site kung nasaan sa Maverick. Mabilis ang pagpapatakbo niya dahil wala malinis naman ang daan at upang mabilis din siyang matapos.
Nakakabingi ang ingay ng luma niyang scooter ngunit dahil nakasakay siya at mabilis ang kanyang takbo ay hindi niya gaanong naririnig. Akala mo'y babaeng tumitili ng napakatinis at karag-karag ang tunog dahil sa palyado na nitong makina.
Nakapasok na sa kanyang sasakyan si Maverick at naisara na niya ang pinto kaya hindi niya gaanong narinig ang ingay ng dumaan.
Nakasuot na helmet si Lilith at kompleto ang safety gears. Nakajacket siyang malaki na kulay itim at dahil balut na balot ay hindi siya nakilala ng binata.
"Ano ba 'yan, luma na masyado hindi pa paretiruhin." Ani Maverick pagdaan ni Lilith. Hindi alam na ang babaeng nakaengkwentro siya sa kanilang bahay kanina iyon.
Ini-start na niya ang sasakyan at umalis. Tinahak niya ang parehong daan na dinaan ng scooter at nakita niyang nakaparada iyon sa isang bahay at wala ang kaninang nagmamaneho.
"Salamat po ate bukas po ulit!" Sigaw ni Lilith paglabas ng bahay ng kanilang isang suki.
"Sige, maghintay na lang ako bukas kung anong menu niyo. Salamat din sa masarap na ulam." Ganti naman nito sa kanya at sinabihan siyang mag-ingat.
Nakalagpas na si Maverick nang lumabas siya sa gate at agad binalikan ang scooter. Sa kaliwang kalsada lumiko ang sasakyan ni Maverick at si Lilith naman ay sa kanan, naroon kasi ang address ng isa pang order at mula roon ay tinuloy-tuloy na niya sa mga sunod na address hanggang sa maubos ang mga dala niya.
Bumalik siya sa kainan.
"May humabol na order Lilith. Pwede mo bang i-deliver ito? Sayang kasi, andami nilang kinuha." Tanong ng may-ari sa kanya.
Halagang limang daan pa naman din, ang porsyento niya roon ay singkwenta rin kaya hindi na niya tinanggihan.
"Akin na po, saan po ba ito?" Agad niyang tanong at nang makuha ang address ay lumarga na siyang muli.
Habang nasa daan ay hindi niya maiwasan na magkomento. Pamilyar kasi ang dinaraan niya. Huminto siya muna sa tabi at tinignan ang address sa cellphone niya at tama naman, hindi siya naliligaw. Nakita na niya ang numero ng bahay at laking gulat niyang makita na gate iyon ng bahay ng Ginang na tinulungan niya kanina.
Nag-doorbell siya ng isang beses at naghintay. Hawak niya sa kaliwang kamay ang supot ng mga inorder nila. Muli siyang nag-doorbell at sa pagkakataong iyon ay may nagbukas na. Isang batang babae.
Agad siyang napaisip na baka iyon ang anak na bunso ng Ginang sa kwento nito kanina sa kanya. Dala na nito ang bayad at inabot kay Lilith. Inabot na rin niya ang ulam at pagkuha nito ay sabay pa silang nagpasalamat sa isa't-isa.
"Walang anuman. Sige na pasok ka na, isara mo na rin ang gate." Wika ni Lilith sa kanya. Baka kasi mamaya may makakitang nasa labas siya ng gate nila at bigla na lamang dukutin ang bata. Napaka-cute pa naman nito mukhang manika.
Paumasok na ito sa gate at bago sinara iyon ay nginitian muna siya nito. Lihim siyang nagpasalamat dahil hindi ang lalaking pinagkamalan siyang magnanakaw kanina ang nanguha ng order nila.
Umalis na siya at biglang napasilip sa bintana si Maverick matapos marinig ang pag-alis ng maingay na motor.