MISTRESS-1

1015 Words
"Maganda ba, Bianca? Nagustuhan mo ba?" excited na tanong ng ama nang ipakita ang condo unit na binili nito para sa kanya. Napanganga siya at napatulala. Wala siyang masabi sa ganda at aliwalas ng buong silid. At sa buong buhay niya, ngayon pa lang siya nakapasok sa ganitong klaseng condominium. Madalas itira siya ng ama sa mga malapit na kamag-anak nito, o di kaya sa mga maliliit na apartment lang. Malayong-malayo ang itsura sa condominium. Sa Tragora Condominium siya ibinili ng ama ng unit. Dalawang linggo na rin mula nang sunduin siya ng ama sa dating tinitirhan. Dinala siya nito sa bayan ng San Miguel at agad na pinasok sa San Miguel University para maipagpatuloy ang pag-aaral niya. May napangasawa kasing mayaman ang ama, si Asena Villanueva, isang negosyante sa bayan ng San Miguel. Apat na buwan na rin mula nang ikasal ang ama kay Asena. Hindi siya agad nakuha ng ama dahil wala pa itong sapat na pera noon. At nang magsimula na itong magpatakbo sa mga negosyo ng asawa nito, unti-unti nang nagkakapera ang ama. Kaya naman agad siyang pinalipat ng ama sa San Miguel. Yun nga lang, hindi siya pwedeng iharap ng ama sa asawa nito. Hindi alam ng asawa ng ama na may anak ito sa pagkabinata. Kaya pinakiusapan siya ng ama na walang pwedeng makaalam sa tunay na relasyon nila. Nangako naman siyang walang pagsasabihan tungkol sa relasyon nila nito. Isa pa, nakikita niya ang kaligayaan sa mga mata ng ama. Kaya hinding-hindi niya sisirain ang bagong magandang buhay na tinatamasa nito ngayon kay Asena Villanueva. Wala na siyang ina. Namatay ang kanyang ina sa panganganak sa kanya, kaya wala siyang kinagisnang ina. Kung sinu-sino ang nag-aalaga sa kanya sa tuwing magtatrabaho ang ama, hanggang sa magka-isip na siya at kaya na niya ang sarili. Kaya sanay na siyang mamuhay mag-isa. Sanay na siyang magpalipat-lipat ng tirahan at tumira mag-isa. "Aalis na muna ako, anak. May lakad kasi kami ng Tita Asena mo, baka magtaka 'yon pag na-late ako," paalam ng ama sa kanya matapos nilang maayos ang lahat ng kagamitang pinamili nito para sa kanya. "Sige po, Dad. Ingat po kayo lagi, at hihintayin ko po ang tawag n’yo," sagot niya sa ama nang ihatid ito sa pintuan ng unit niya. Bilin ng ama sa kanya na bawal niya itong tawagan sa cellphone. Kaya siya na lang ang maghihintay ng tawag rito. Mahirap man ang sitwasyon nilang mag-ama, wala siyang magagawa. Ganoon pa man, masaya siya, dahil kahit anong hirap ay hindi siya pinabayaan ng ama. Pilit siyang tinataguyod nito, lalo na ang pag-aaral niya. Kahit palipat-lipat siya ng tirahan dahil sa paiba-iba ng trabaho ng ama, hindi naman nito hinayaan na mapabayaan ang pag-aaral niya. At kahit ganito ang sitwasyon nilang mag-ama, swerte pa rin siya sa pagkakaroon ng isang amang katulad ng Daddy niya, na gagawin ang lahat para sa kapakanan niya. At alam niyang balang araw, makakabawi din siya sa ama. Napangiti siya habang linilibot ang mga mata sa magandang condo unit. Nang sabihin ng ama na magpapakasal na ito, nakaramdam siya ng takot para sa sarili. Baka kasi tuluyan nang mawala sa kanya ang ama. Hindi naman niya kayang tutulan ang kaligayaan ng sariling ama. Isa pa, nasa edad na ang Daddy niya, at nang dahil sa kanya hindi tuloy ito agad nakapag-asawa at nakabuo ng pamilya. Buti naman ngayon ay natagpuan na ng ama ang babaeng para rito. At hindi niya hahadlangan ang kaligayaan nito. Kung kinakailangan na habang buhay siyang magtago sa asawa ng ama, gagawin niya. Kung kinakailangan na habang buhay na niyang itago ang katotohanan na anak siya sa pagkabinata ng ama, gagawin niya, para hindi masira ang pagsasama ng Daddy niya at ng asawa nito na si Asena Villanueva. Hinawi niya ang makapal na kurtinang tumatakip sa salamin ng condo. Napa-wow siya sa magandang view mula roon. "Ang ganda," bulalas niya habang pinagsasawa ang mga mata sa nagtataasang building at mga sasakyan sa ibaba. Tanaw din niya mula sa unit ang karagatan ng San Miguel. Payapa ang buong kapaligiran at tila ngayon pa lang ay nagugustuhan na niya rito. "Sobrang ganda ng bayan ng San Miguel," bulong pa niya. Kinabukasan, maaga siyang nagising para maghanda sa pagpasok sa eskwelaan. Magda-dalawang linggo na rin siyang pumapasok sa San Miguel University. Accountancy ang kursong kinukuha niya at ga-graduate na siya next year. Kapag nakapag-trabaho na siya, hindi na siya iisipin pa ng ama. Makakapag-focus na ito sa pamilya nito at magiging masaya siya para sa ama. Bago lumabas ng condo, sinilip muna ang cellphone kung may text o missed call ang Daddy niya sa kanya. Ngumiti siya nang may isang text message ang ama na _Good luck_ at galingan niya sa school. Papalabas na siya ng condominium nang biglang siyang bumunggo sa isang matangkad na lalaki na papasok naman ng condominium. Tila kasi nagmamadali ang lalaki kaya tuloy bumunggo ito sa kanya. "Aray," mahinang tili niya kasabay ang pagbagsak ng ilang mga bitbit na gamit. Sinulyapan siya ng lalaking nakabunggo. Kumunot ang noo nito habang nakatitig sa kanya. Titig na titig ito sa kanya. Siya man ay napatitig sa gwapong lalaki. Matangkad ito, at may magandang pangangatawan. Isama pa ang gwapong mukha na pasok na pasok sa modelling, dahil sa maliit nitong mukha na may bigote at balbas tulad ng mga napapanood niyang mga lalaki sa mga Turkish telenovela. Masasabi niyang gwapo at malakas ang appeal ng lalaking kaharap. "I'm sorry," sabi nito, sa tinig na lalaking-lalaki din at bumagay sa aura nito. Hindi naman siya nakakibo. Nanatili siyang nakamata sa lalaki. Yumuko ang lalaki para pulutin ang mga gamit niyang nalaglag, at iniabot sa kanya. "Thank you," nautal pa niyang pasalamat dahil sa sobrang kagwapuhan ng kaharap. Tumango lang ito sa kanya at nagtuloy na sa pagpasok sa loob ng condominium. Sinundan niya ng tingin ang lalaki na may pagmamadali sa kilos nito. "Ang gwapo naman niya. Dito din kaya siya nakatira?" bulong na tanong niya sa sarili, habang nakasunod pa rin ng tingin sa lalaking nasa front desk, tila nagtatanong sa receptionist. "Sino kaya siya?" tanong niya muli sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD