Chapter One
"Pauwi na ako, Dia. Sabihin mo kina nanay na naghihintay na ako ng tricycle dito sa labas ng eskwelahan," ako ang nakasagot ng tawag ni Ate Sia. Nasa kusina si nanay at nagluluto ng hapunan namin. Dali-daling tinungo ko ang ina.
"Nanay, pauwi na raw si Ate Sia. Naghihintay na raw ng tricycle," ipinasa ko rito ang cellphone na agad naman niyang tinanggap. Siya na ang nakipag-usap dito. Ako naman ay naupo at inabot ang saging na nasa mesa. Tahimik kong kinain iyon habang nakikinig sa sinasabi ni nanay.
"Mag-iingat ka, Sia. I-text mo sa akin ang plate number o kaya iyong body number ng tricycle. Kung kaya mo'y kuhanan mo rin ng larawan ang driver para makasiguro tayo," nanahimik ito saglit bago ibinaba ang tawag.
"Dia, nasaan ang tatay?"
"Naglilinis po ng sasakyan. Patapos na po siya, nanay."
"Malapit na tayong mag-dinner. Hintayin lang natin ang ate. Mabilis lang iyon."
"Nanay, may tanong po ako sa 'yo," nahinto sa paghahalo si nanay sa ulam. Lumingon ito sa akin.
"Ano iyon, Dia?"
"Ano po ang Praeda Game, nanay?" takang tinitigan ako ng aking ina.
"Ha? Ano iyon, anak?" balik ding tanong nito sa akin.
"Iyon pong classmate kong si Jeric, nasabi po niya sa akin na taon-taon ay may nagaganap na Praeda Game rito sa bayan ng Corazon. Pero hindi po malinaw at hindi ko naunawaan ang paliwanag niya, nanay," saktong pasok ng aking ama na nagpupunas pa ng basa niyang kamay sa maruming shirt na suot niya.
"Ang Praeda Game ay isang mapanganib na laro, anak," bagong salta lang kami sa bayan ng Corazon kaya wala akong idea sa larong iyon. "Literal na hunting game iyon, anak. Sa lugar na ito oras na tumapat sa buwan ng kapistahan ng bayan ng Corazon. Namimili ang miyembro na tinatawag na Praedarii ng kanilang prey. Sa Praeda mountain ay dinadala nila ang mga praedae."
"Diyos ko! May gano'n dito?" ani ni nanay na para bang natakot ito.
"Oo, misis."
"Paano nila pinipili ang kanilang praedae?"
"Walang tiyak... kung sino ang matipuhan ng mga miyembro ay iyon ang kawawang gaganap bilang praedae. Taon-taon iyon. Wala pang praedae na nakababa at nakalabas ng Praeda mountain. Sa sampung laruan nila... wala pang nakauwi ng buhay."
"Mapanganib pala rito, mister. Tama bang dito tayo nanirahan?"
"Malabo naman tayong mapili. Masyadong ordinaryo ang pamilya natin. For sure hindi tayo masasali sa laro ng mga mayayaman."
"Mayayaman?" ani ko.
"Oo, anak. Nabuo ang laro na iyon dahil sa mga mayayamang tigarito. May sampung milyon na premyo para sa mga praedae na makalalabas ng buhay ng Praeda Game. Pero sa ilang dekadang laro na iyon... wala pang nanalo."
"Diyos ko. Anong buwan iyon?"
"Itong buwan... buwan ng mayo." Natakot ako sa paliwanag ni tatay. Siyam na taon lang ako. Kasama ba ang bata sa larong iyon? Ayaw ko ng gano'n laro.
"Tatay, kasali ba ang mga batang katulad ko roon?" tanong ko.
"Hindi, anak. Labimpito pataas."
"Hays. Mabuti na lang po pala. Nakahinga po ako nang maluwag."
Pero kung nakahinga ako nang maluwag para sa sarili ko... para kay Ate Sia ay hindi.
"Nanay, tulong! Tulong po!" iyon ang iyak ni Ate Sia nang tumawag ito kay nanay. Mahigit kalahating oras na itong late sa pag-uwi niya. Hindi pa kami kumain. Naghihintay pa sa kanya.
"Anak, bakit? Nasaan ka?" tarantang tanong ni nanay sa ate ko. Si tatay ay nakita kong kinuha na ang susi ng sasakyan niya.
"Nanay, hindi ko alam. Hinahabol ako ng mga lalaking nakamaskara."
"Diyos ko!" ani ni nanay.
"Nanay---" malakas na tili ni Ate Sia. Saka naputol ang tawag. Nagtitili naman si nanay sa labis na nerbiyos.
Hindi ko nauunawaan ang nangyayari. Naiwan ako sa aming bahay dahil nagkumahog ang magulang ko sa pag-alis. Ang dami kong tanong sa kanila na hindi nasagot. Naiwan akong takang-taka at takot na takot.
Bumuhos pa ang malakas na ulan at nawalan ng kuryente. Pero matiyaga akong naghintay. Nakatulog na lang sa sala pero wala pa rin sila. Hagulhol ng aking ina ang nagpabalikwas sa akin.
"Nanay?" ani ko. Nakita ko si nanay sa balcony namin. Yakap ang maputik na bag ni Ate Sia. "Nasaan po si Ate Sia, nanay?" tanong ko sa aking ina. Si tatay ay nasa sasakyan pa. Nakayukyok sa manibela at tumatangis. "Nanay, si ate?" naluluha na rin ako dahil hindi ko naiintindihan ang nangyayari. "Answer me po, nanay."
"Anak, dinukot ng mga nakamaskarang lalaki ang ate mo."
"Po? Nasabi n'yo na po ba sa mga pulis?" iyak ko.
"Hindi raw pwedeng makialam ang mga pulis, anak." Palahaw ni nanay.
"Nasaan na si ate?"
"Sabi ng mga nakausap namin... kung mga nakamaskara raw ng pula ang kumuha sa ate mo ay ibig sabihin kabilang siya sa magiging praedae ngayong taon."
"Po? Nanay, mapanganib po iyon sa kanya. Hindi po kaya ni ate ang laro na iyon, nanay."
"Alam ko... hindi maaasahan ang mga pulis dito sa Corazon. Hindi sila tutulong, anak." Niyakap ko si nanay. Napatangis na rin ako dahil sa labis na pag-aalala.
Si nanay at tatay na tuliro sa sitwasyong ito ay nagpasyang muling umalis. Pupuntahan daw nila ang Praeda Mountain at susubukan hanapin si ate. Desperado na sila. Kahit alam nilang pwede silang mapahamak.
Halos dalawang araw akong mag-isa sa bahay. Si Tiya Clare na biglang sumulpot ang naging kasama ko sa ikatlong araw. Ngunit pagsapit ng gabi, nakatanggap ito ng tawag, at dali-dali kaming umalis. Pupuntahan daw namin ang magulang ko. Pati na si Ate Sia. Masaya pa ako dahil makikita ko na sila. Magkakasama na sila. Pero pagdating namin sa harap ng simbahan sa bayan ay nanlumo ako sa nakita ko. Agad akong niyakap ni Tiya at tinakpan ang bibig ko para hindi makaagaw ng eksena.
Ang pamilya ko... kasamang nakahanay sa mga bangkay na akala mo'y mga paninda sa harap ng simbahan.
"Itong dalawang ito ay hindi opisyal na manlalaro sa taong ito," ani ng lalaking may suot na pulang maskara. Nakikita ko ang espadang tattoo sa braso niya. Pero hindi ang mukha. Tuloy-tuloy ang bagsak ng luha ko. Tahimik akong tumangis. "Ngunit hinanap nila ang isang manlalaro na anak pala nila. Kaya ito sila ngayon... pinasok ang Praeda Mountain habang kasalukuyan ang palaro. Sayang itong dalagang maganda... hindi tumagal sa laro. Hindi kinaya ang mga Praedarii. Pinagpasa-pasahan siya sa bundok." Nagtawanan ang mga tao. Gusto kong magwala sa galit pero dahil pigil-pigil ako ni Tiya Clare ay pinigilan ko rin ang sarili ko.
Wala na ang magulat at ate ko. Pinatay sina nanay at tatay habang sinusubukan hanapin sa Praeda Mountain si ate. Habang si ate ay pinagsamantalahan ng mga miyembro. Pagkatapos ay pinatay nila.
"Dahil nagkaroon ng kaguluhan dahil sa mga ito... gaya ng batas ng hunting game na ito... lahat ng kadugo ng pamilyang ito ay papatayin. Kung kilala ninyo ang pamilya Aventine... bawat ulo nila ay may halagang 50 thousand pesos." Napaatras na kami ni Tiya. Hindi kami ligtas sa lugar na iyon. Halos kaladkarin ako mailayo lang niya ako roon.
"Tiya, sila ate!" iyak ko. Nasa likod na kami ng simbahan.
"Tahimik, Claudia! Papatayin din nila tayo! Tumahimik ka. Kailangan nating lumayo rito. Hindi. Hindi. Tara muna sa bahay ninyo." Dali-dali kaming umuwi sa bahay. Hindi para magtago roon. Kung 'di para sunugin ang munting bahay namin.
"Tiya!" atungal ko nang iyak.
"Tara na, Claudia. Hindi tayo mabubuhay rito kung mananatili lang tayo rito. Dalian mo, Claudia!" hila-hila ako nito pero nagpumiglas ako at tumakbo sa harap ng tarangkahan namin. Naglalagablab ang apoy na tumutupok sa aming bahay.
"Nanay! Tatay! Ate! Pinapangako ko po na babalik ako rito sa Corazon! Babalikan ko ang lahat ng taong may kasalanan sa ating pamilya! Magbabayad po sila!" hinaklit ni Tiya ang braso ko at hinila na ako. Iyak ako nang iyak habang tumatakbo kami. Pagsakay sa tricycle ay tinakpan pa ni Tiya ang mukha ko at agad na nagsabi sa driver na ihatid kami sa terminal.
"Kailangan nating makalabas ng Corazon, Dia. Magiging ligtas lang tayo kapag nakalabas na tayo ng boundary ng Corazon." Nanginginig ang tinig ni Tiya Clare. Tumango ako rito.
Pagdating namin sa terminal ay agad na nagbayad ang tiyahin ko ng ticket sa ticketing booth. Lakad at takbo ulit kami.
"Ayon! Si Clare Aventine!" dinig naming ani ng isa. "Isa iyang Aventine." Agad na binitiwan ni Tiya ang kamay ko.
"Sakay sa bus, Dia. Sakay." May diin pero mahinang ani nito. Kaya naman tumakbo ako at humalo sa mga taong naghihintay ng sasakyan nila. Nakasakay ako sa isang bus na paalis na. Tumakbo ako sa pinakadulong parte ng bus. Ngunit ang tingin ko ay nasa labas. Kay Tiyak Clare na nanatiling nakatayo. Pumapatak ang luha. May isang lumapit sa kanya. Sa ginawa kong pagkurap, nakita ko na lang na nahiwalay na ang ulo ni Tiya Clare sa kanyang katawan. Kisapmata. Wala na.