Kabanata 2

1809 Words
"PASENSIYA KA NA, Zoe. Iyan lang ang kaya kong itulong sa inyo. Walang-wala rin ako, e." "Tiya Aming, ayos lang po. Malaking tulong na po ito sa amin. Hayaan niyo po, kapag nakaluwag kami, magbabayad po kami agad. Talagang kailangan po namin ng pera ngayon para hindi po kami mapalayas sa bahay. Maraming salamat po ulit, Tiya Aming." "Walang anuman, Zoe." Tumango lang siya at umalis. Buti na lang at mabait ang Tiya Aming niya na kapatid ng tatay niya. Kahit papaano ay pinahiram siya. Nalapitan na niya ang iba nilang kamag-anak pero walang-wala rin ang mga ito. Hindi na alam ni Zoe ang gagawin dahil ilang araw na lang ay babalik na si Aling Espe para singilin sila. Wala pa sa one-fourth ang nahihiram niya. Saan na siya kukuha ng pandagdag? Basta't ngayong linggo ay makapagbayad lang sila, ayos na. At dahil talagang nangangailangan, pinatos na ni Zoe na magtinda ng gulay at isda sa palengke. Mahirap ang makakuha ng kustomer dahil sa anyo niya pero ginawa niya ang lahat. Nang sumapit ang gabi, kumita naman siya kahit papaano at malaking tulong na rin iyon sa kanila. "Anong magagawa ko? Wala akong trabaho! Wala akong pera! Anong maibibigay ko sa inyo?!" Nasa labas pa lamang siya nang marinig niya ang galit na boses ng kuya niya. Dali-dali siyang pumasok sa loob at mula sa salas ay nakita niya ang tatlong bulto ng tao. Ang nanay, tatay, at kuya niya. "Maawa ka naman sa amin, Gerald! Anak ka namin kaya dapat inaasahan ka namin. Kahit piso, sana mabigyan mo rin kami. Para na rin sa iyo ito, anak." Ang tatay niya. Gerald ang pangalan ng kuya niya. "Kung mapapalayas man tayo rito, hindi ko hahayaang magpalaboy-laboy sa kalsada dahil bubuhayin ko ang sarili ko! Sarili ko!" sigaw ng kuya niya. "Kuya naman, huwag mo namang sigawan sina nanay at tatay! Para rin naman sa iyo ang pagbibigay mo kahit papaano." Wala siyang nagawa, sumingit na siya sa tatlo dahil inis na inis na siya. Sabay-sabay na lumingon ang mga ito sa kaniya. Nakita niya ang mga mata ng kuya niya, nanlilisik ang mga ito at animo'y handa nang pumatay anumang oras. Diyos ko, sakit na ito ng kuya niya noon pa man. Napakayabang nito at sariling magulang, hindi nirerespeto. Kapag talaga nagkaroon siya ng pagkakataong maghanap ng asawa, hahanapin niya iyong mabait at aalagaan siya, hindi iyong katulad ng kuya niyang suwail. "Anak, n-nandiyan ka na pala," gulat na saad ng nanay niya. "Kanina pa po, nanay," tugon niya saka tinabihan ito. Nilingon niya ang kuya niya. "Kuya, kahit kaunting respeto lang kina nanay at tatay. Magulang mo— natin sila kaya dapat lang na respetuhin mo. Kung wala kang maibigay, puwede bang huwag mo silang sigawan dahil hindi nila deserve iyon, kuya." "Bakit ka ba nangingialam, Zoe? Sino ka ba, ha?" "Sino ako?" Natatawa siyang umiling— lumabas na ang tunay niyang ugali. "Ako ito, si Zoe, ang babaeng nilalait mo na baboy, panget, at uling." "Anak, tumigil na kayo. Gerald, huwag ka nang umimik. Pumasok ka na lang sa kuwarto m—" "Tangina, hindi! Hoy, Zoe." Dinuro siya ng kuya niya. "Gusto ko lang sabihin na hindi mo dapat ako sinasagot ng ganiyan. Umikot man ang mundo, kuya mo pa rin ako. At sino ka bang nagmamayabang? Bakit, may pinag-aralan ka ba, ha? Huwag mo akong masagot-sagot, Zoe dahil hindi mo ako kilala. Baka mapatay ki—" "Gago ka ba, Gerald?! Sarili mong kapatid, pinagsasalitaan mo ng ganiyan?" Ang tatay niya. Halos lumabas na ang ugat sa leeg nito dahil sa tindi ng galit sa kuya niya. "Hindi kapatid ang turing ko sa babaeng iyan! Madumi siya at pabigat!" Naikuyom na lang ni Zoe ang mga palad dahil sa narinig mula rito. Namalayan na lang niyang tumulo ang luha sa magkabila niyang mga mata. Nanginginig siya dahil sa tindi ng galit. "Ako, pabigat?" tanong niya habang umiiyak. "Sige, kuya, sabihin mo iyan. Oo na, pabigat at madumi na ako. Pero ito ang tatandaan mo, kapag naiahon ko sina nanay at tatay sa kahirapan, huwag kang sasama sa amin. Tanging sina nanay at tatay lang ang bubuhayin ko. Kung sa tingin mo'y wala na akong pag-asang maiahon sina nanay at tatay, pwes, nagkakamali ka. Tandaan mo ito, kuya! Hindi ka makakahingi sa akin kahit singkong duling!" nakatiim niyang saad habang matalim ang tingin sa kuya niya. "Ang yabang mo, Zoe. Napakayabang mo!" singhal nito saka walang ano-ano'y sinugod siya. Mabilis ang mga nangyari, hindi pa ito nakarating sa kaniya dahil naging mabilis ang kilos ng tatay niya. Malakas nitong naitulak ang anak dahilan para matumba ito sa sahig. "Umalis ka na sa pamamahay na ito, Gerald!" singhal ng tatay niya sa kuya niya. "Hindi ako natatakot na umalis sa pamamahay na ito." Natatawa itong tumayo na akala mo'y walang nangyari. "Pero kapag nangailangan kayo, huwag na huwag kayong lalapit sa akin!" At padaskol itong umalis— halos sirain na nito ang pinto nang saraduhan nito. "Anak, huwag ka nang umiya—" "Ito po iyong nahiram ko sa mga kamag-anak natin." Kinuha niya ang kamay ng nanay niya at inilagay doon ang pera saka tumakbo patungo sa kaniyang maliit na kuwarto. Pabagsak na humiga si Zoe sa kama at doon mahinang umiyak. Iyong mga sinabi niya, tototohanin niya iyon kaya ngayon pa lang ay gagawin na niya ang lahat maiahon lang sa hirap ang nanay at tatay niya. Bakit niya isasama ang suwail na iyon? Hindi nito deserve ang magkaroon nang maayos na buhay. Ipapalasap niya sa nanay at tatay niya kung paano mabuhay ng masarap at ipapakita niya sa mga ito kung paano mabuhay ng walang iniisip na mga problema. KINABUKASAN, BUMISITA SI Lea sa kanila. "Ito ang tubig, Lea." Marahang ipinatong ni Zoe ang isang basong tubig sa harapan ni Lea at umupo sa tabi nito. "Bakit ka napabisita rito? May problema ba?" "Hindi ba't naikuwento mo sa akin kahapon na gusto mong magtrabaho sa Maynila?" Tumango siya. "Oo, bakit mo natanong?" "Ganito kasi, Zoe. Iyong tito ko kasi ay papunta sa Maynila dahil may idi-deliver siyang buhangin doon. E, nakiusap ako sa kaniya na kung maari ay isabay ka since wala namang siyang kasabay. Um-oo siya, Zoe. Bukas ang alis niya. Ano, payag ka ba?" Nanlaki ang mga mata niya. "T-Talaga ba?" hindi makapaniwala niyang tanong. "Oo. Mabait iyong tito ko kaya pumayag siya. At hindi ka mapapahamak sa kaniya. Sobrang bait niya. Payag ka ba, Zoe? Kung oo, sasabihin ko agad sa kaniya." "Oo naman, Lea. Alam mo naman ako, wala akong alam kung saan ang sakayan papunta sa Maynila. At saka natatakot din ako kasi nag-iisa lang ako. Never pa akong nakapunta sa Maynila kaya medyo kinakabahan ako." "Sige-sige. Sasabihin ko iyan kay tito. Pero desido ka na ba talagang magtrabaho sa Maynila? Sabi mo nga, never ka pang nakapunta roon kaya baka mamaya ma-bully ka. Gusto mo bang samahanan kita, Zoe? May kamag-anak ako sa Maynila." "Naku, hindi na, Lea. Kayo ko ang sarili ko at wala akong pakialam sa mga mambu-bully sa akin. At oo, desidido na akong pumunta sa Maynila. Hindi ko kasi alam kung saan ako kukuhan ng perang ipambabayad sa bahay na ito. Hindi naman ako maarte, kung anong trabaho ang mapasukan ko, tatanggapin ko agad." "Pero may natanungan ka na ba sa Maynila? Like kung saan ka magtatrabaho?" "Sa kanto, kay nakita akong tarpaulin. May isang agency sa Maynila na naghahanap ng mga kasambahay. Baka roon na lang ako pumasok since pasado naman ako sa mga nakalistang requirements. Alam ko namang doon lang ako papatak kaya hindi ko na tinataasan ang expectation ko." "Kasambahay? Ayan ang ipupunta mo sa Maynila?" Tumango si Zoe. "Oo. Malaki kasi ang suweldo sa Maynila kaya mas pinili kong doon na lang magtrabaho." "Hindi bagay sa iyo ang maging kasambahay. Pero wala na akong magagawa, desisyon mo iyan, Zoe. Make sure na legit iyang papasukan mong agency. Huwag kang magpaloko, nabalitaan mo siguro iyong isang pekeng agency na kung saan ay hindi talaga kasambahay ang hanap nila kundi mga babaeng ibebenta nila sa mga banyaga." "Legit iyon, Lea. Si Leslie nga, pumasok doon." Si Leslie ay kapitbahay nila. "Mabuti naman kung ganoon. Ito ang number ko, kapag sumuweldo ka, bumili ka kahit keypad na cellphone." Kinuha ni Zoe ang inabot ni Lea sa kaniya. Number nga iyon. Itinabi niya iyon sa bulsa niya. "Salamat sa suporta, Lea." "Walang anuman, Zoe. Magkaibigan tayo. At huwag kang magpapaapi, ha? Sabihin mo at baka sumugod ako sa Maynila," natatawa nitong sambit. Natawa na lang siya sa tinuran nila. Nag-usap pa silang dalawa hanggang sa napagdesisyunan na ni Lea na umalis. Habang abala sa pag-lilinis si Zoe, nakita niyang pumasok ang nanay niya sa bahay. Mukhang ito na ang oras para sabihin na luluwas na siya sa Maynila. "Saan ka po galing, nanay? Si tatay po pala, nasaan?" "Nangutang ako sa mga kumare ko, anak kaya ayos na ang babayaran natin bukas kay Espe. At ang tatay mo naman ay hiniram ang tricycle ng kumpare niya at ayon ay pinasada para kahit papaano ay may makita siya. Ang problema natin ay kung saan na tayo kukuha ng pera pambayad sa mga parating na linggo." "Nanay, m-may sasabihin po ako," lakas-loob niyang sabi. "Ano naman iyon, Zoe? Pinapakaba mo naman ako." "Alam kong magagalit ka po rito pero sana'y payagan niyo ako. Nanay, napagdesisyunan ko pong lumuwas sa Maynila para maghanap ng trabaho." Nanlaki ang mga mata ng nanay niya at bumakas ang gulat sa mukha nito. "Ano kamo, Zoe? Luluwas ka sa Maynila? Bakit? Para saan?" naguguluhan nitong tanong. "Nanay, gusto ko pong tulungan kayo ni tatay. Ako po ang kakayod ngayon. Gagawin ko ang lahat, mabayaran lang ng buo itong bahay. Kaya sana'y huwag niyo na po akong pigilan, nanay. Para rin po ito sa atin." "Sigurado ka ba riyan sa desisyon mo, anak?" "Opo, nanay. Kahapon ko pa po pinag-isipan ito at hindi na magbabago ang isip ko. Sasabay po ako sa tito ni Lea bukas dahil papunta rin po ito sa Maynila. Payag ka po ba, nanay?" "Anak, payag ako pero natatakot ako kasi baka mapaano ka roon sa Maynila. Malaking siyudad iyon at baka mapaano ka o baka kutyain ka. Pati maraming masasamang tao roon. Hindi ko naman nilalahat pero... hindi ko alam kung paano ko sasabihin, anak. Basta't natatakot ako sa magiging kalagayan mo roon." "Hindi po iyan, nanay. Wala akong pakialam kung kutyain nila ako. Pupunta ako sa Maynila hindi para umiyak, pupunta ako roon para magtrabaho." "Wala na akong magagawa, Zoe. Kung anong gusto mo, gawin mo. Pero mag-ingat ka roon, ha?" Napatalon siya dahil sa tuwa. Tumango siya saka niyakap ang nanay niya nang mahigpit. Kaya lubusan niyang mahal ito dahil palagi itong nakasuporta sa kaniya. At bukas, pupunta na siya sa Maynila. Hihintayin at titingnan na lang niya ang sarili kung saan siya patutungo bukas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD