Sabrina
"Mommy, umiiyak ka po?" tanong ng anak ko ng lumapit s'ya sa akin.
Hindi ko namalayang bumaba na pala s'ya galing sa k'warto n'ya. Nandito kasi ako sa living room namin at nagtutupi ng mga nilabhan kong damit kaninang umaga.
"Hindi anak, napuwing lang si Mommy," pagsisinungaling kong sagot habang pasimpleng nagpahid ng luha gamit ang kamay ko.
Hindi sumagot ang anak ko kaya nagulat ako ng bigla nalang niya akong yakapin. Lalo tuloy akong nakaramdam ng awa para sa amin, kaya hindi ko na napigilan pa ang muling pagpatak ng luha ko.
Nasasaktan ako ngayon dahil dalawang linggo ng hindi umuuwi rito sa bahay si Charles, nagsimula 'yun ng iniwan n'ya kami ni Allie sa amusement park.
Sinubukan kong kontakin ang number n'ya pero hindi ko na 'yon makontak pa. Pinuntahan ko na rin s'ya sa bahay ng mga magulang n'ya pero wala daw s'ya doon at 'wag ko na raw hanapin pa dahil hindi na s'ya babalik sa amin, sabi ng ina ni Charles.
Kung noon ay baka hindi ko paniniwalaan ang sinabi ng b'yenan kong hilaw, pero ngayon na ganito na ang sitwasyon namin ni Charles, ay parang gusto ko ng maniwala sa kan'yang ina, dahil iyon din naman ang tingin ko ngayon.
"Tahan ka na po Mommy," sabi ng anak ko habang yakap pa rin ako.
Tumango ako at pinahid ang luha ko, kumalas ako sa yakap niya para iharap ko siya sa akin.
"Okay na ko Baby, thank you," nginitian ko siya bago halikan sa noo.
"Sige na Baby, laro ka na muna roon, mamaya ay magluluto na ko ng dinner natin," sabi ko sa anak ko.
Tumango naman siya at nagpunta na sa sulok at naglaro ng kan'yang mga manika.
Itinuloy ko na ang ginagawa kong pagtutupi ng mga damit, at kaagad na dinala ko iyon sa taas para itabi sa cabinet ng matapos.
Pagkalagay ko lahat ng damit ay muli akong bumaba para magluto na ng kakainin namin mamaya sa hapunan ng anak ko.
"Anak, okay ka lang ba d'yan?" tanong ko sa kan'ya ng lumapit ako. Nandito pa rin s'ya sa sulok at naglalaro pa rin ng kan'yang mga laruan.
"Opo Mommy," sagot niya sa akin. Sinulyapan lang niya ako saglit bago ibinalik ang pansin sa paglalaro.
"Sige Baby, magluluto na ko, d'yan ka lang okay?" sabi ko.
Muli s'yang tumango sa akin, kaya nagpunta na ako sa kusina. Hinanda ko lahat ng mga ingredients na gagamitin ko at nagsimula na akong magluto ng sinigang na baboy, favorite namin ito ng anak ko.
"Anak, tara na at kakain na tayo," tawag ko sa anak ko mula sa pintuan ng kusina, pagkatapos kong pagluluto. Kaagad naman siyang tumayo at lumapit sa akin at yumakap sa bewang ko.
Tinulungan ko siyang maupo sa upuan, bago ko siya ipinaglagay ng pagkain sa plato niya.
"Kain na anak, dahan-dahan lang at mainit pa," paalala ko sa anak ko.
Kaya na naman n'yang kasing kumain mag-isa, kaya hinahayaan ko na, mas okay rin naman kasi 'yong hindi masyadong dependent sa magulang, para mas madaling matuto sa buhay.
Kumain na kami ng tahimik ng anak ko. Habang kumakain ako ay pinagmamasdan ko s'ya, malimit ko s'yang makita na nakatingin sa silya na kung saan naupo ang kan'yang ama noon.
Alam ko at ramdam ko na nalulungkot ang anak ko, dahil sobrang iba na ng sitwasyon namin. Hindi lang s'ya nagtatanong sa akin dahil na rin siguro malimit n'ya akong makitang umiiyak na kahit itanggi ko sa kan'ya ay alam kong alam niya ang totoo.
Kapag nakikita n'yang nakatingin ako sa kan'ya ay ngumingiti lang s'ya sa akin.
"Mommy, tapos na po ako," sabi niya pagkatapos malunok ang pagkain na nasa loob ng kan'yang bibig.
"Okay anak, inom ka na ng tubig tapos hintayin mo na lang ako sa sala, lilinisin lang ni Mommy, ang mga plato," sabi ko sa anak ko.
"Opo Mommy," sagot niya.
Lumabas na siya ng kusina kaya nagsimula na akong maglinis ng lamesa, pinunasan ko 'yon pagkatapos kong mailagay sa refrigerator ang mga tira naming ulam bago ko hinugasan ang mga platong ginamit namin.
"Baby, tara na at magwa-wash na tayo, para fresh ka bago matulog," sabi ko sa anak ko pagkagaling ko sa kusina.
"Wait lang po Mommy, tapusin ko lang po itong pinapanuod ko," sagot niya sa akin. Tumabi ako sa kan'ya ng pag-upo.
"Ano ba 'yang pinapanuod mo anak?" tanong ko, commercial kasi ang naabutan ko ng maupo ako sa tabi niya.
"Doraeyon po Mommy," nakangiting sagot niya sa akin.
"Favorite mo talaga si Doraeyon ano anak?" nakangiti kong tanong, malimit kasi 'yan ang nakikita kong pinapanuod n'ya sa TV at pati na rin sa cellphone kapag hinihiram n'ya ang phone ko.
"Med'yo po, gusto ko po talaga ng pusa Mommy, tapos nakakatawa po talaga si Nobila, kaya gusto ko po itong panuodin," sagot niya sa akin.
Nanuod kami ng anak ko ng Doraeyon,at tama nga ang anak ko, nakakatuwa talaga ang palabas na ito dahil pati ako ay natatawa, parang ang sarap tuloy bumalik sa pagiging bata, 'yung wala kang iisipin na kahit ano kun'di puro laro lang.
"Tara na po Mommy, tapos na po," sabi niya sa akin bago ini-off ang TV.
"Tapos na ba?" hindi ko kasi napansin na natapos na pala, "Okay, tara na sa taas anak."
Sabay kaming tumayo para pumunta na sa taas, sa aming k'warto.
Nilinisan ko siya ng katawan, nilagyan ko ng lotion at polbos ang buo n'yang katawan bago bihisan ng pantulog.
"Good night anak ko," sabi ko. Humiga na s'ya sa kama, inayos ko ang kumot niya bago ko siya hinalikan sa noo.
"Good night po Mommy," sagot niya sa akin.
Lumabas na ako ng k'warto n'ya at nagpunta sa k'warto namin ni Charles. Dumeretso ako sa banyo para maligo ng mabilis. Pagkatapos maligo ay naglagay ako ng lotion sa buo kong katawan bago nagbihis ng damit pantulog. Kinuha ko ang hair dryer para magpatuyo ng aking buhok para makatulog na ako agad.
Nahiga ako sa kama at napatitig muli ako sa kisame gaya ng malimit kong gawin nitong mga nakaraang araw simula ng hindi na umuwi si Charles dito sa bahay.
Lagi akong napapaisip kung nasaan na ba ang asawa ko, kung ano na ba talaga ang nangyayari sa pamilya ko?
Nakakatulog ako na 'yun palagi ang nasa isipan ko. Kagaya ngayon nakatulugan ko na pala 'uli ang pag-iisip tungkol doon, naalimpungatan lang ako dahil may nadinig akong parang naghahalungkat sa cabinet.
Naupo ako sa kama para tingnan kung sino o ano iyon.
"Charles?!" sabi ko ng makita kung sino ang nandito sa k'warto ko ngayon. Nagmamadali akong bumangon sa kama.
Hindi niya ako pinansin at patuloy pa rin sa pagkuha ng mga damit sa cabinet.
"Charles, bakit mo kinukuha lahat ng mga damit mo? Saan ka ba pupunta? Bakit hindi ka umuwi ng matagal, saan ka ba nanggaling?" sunod-sunod na tanong ko sa kan'ya.
Daig ko pa ang nakikipag-usap sa hangin dahil hindi pa rin niya ako pinapansin, hindi rin nagsasalita, patuloy lang siya sa ginagawang pagkuha ng mga damit.
Hindi ko masyadong makita ang kan'yang mukha kung ano ba ang emosyon na nanduon, dahil liwanag lang mula sa lamp shade na nasa bedside table ang nagsisilbing liwanag namin.
Lumapit ako sa switch ng ilaw at pinindot 'yun para buhayin.
"Charles ano ba? Pansinin mo naman ako, ano bang nangyayari?" med'yo pasigaw na sabi ko.
Pinipilit ko naman magpakahinahon pero dahil wala yata s'yang balak magsalita para magpaliwanag ay hindi ko na tuloy napigilan ang galit ko.
Tumingin s'ya sa akin bago napasuklay sa kan'yang buhok, na parang s'ya pa ang nahihirapan ngayon.
"Maghiwalay na tayo Sabrina," 'yun lang ang sinabi niya bago muling ipinagpatuloy ang paglalagay ng mga damit sa kan'yang maleta.
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko sa kan'ya. Maghiwalay? Ganoon lang? Wala man lang explanation kung bakit bigla na lamang s'yang nagdesisyon ng ganun.
Lumapit ako sa maleta n'ya at inalis ko ang mga damit n'ya na inilagay doon at ibinalik ko muli sa cabinet. Isinaksak ko lamang basta sa loob ng cabinet lahat at ang iba ay inihagis ko na lang basta sa loob sa sobrang galit ko.
"Ano ba Sabrina, tigilan mo nga 'yan!" sigaw niya sa akin sabay agaw ng mga damit n'ya.
"Hindi! Hindi ako titigil hanggang hindi mo ipinapaliwanag sa akin ang nangyayari Charles!" sigaw ko kasabay ng pag-iyak ko. Nakikipag-agawan ako sa damit na pilit n'yang kinukuha sa akin.
Ang sakit eh, hindi s'ya umuwi ng ilang araw tapos magpapakita s'ya sa akin ngayon para sabihing maghiwalay na kami ng walang kahit anong paliwanag.
Ano ba ako basahan, na itatapon na lang basta kapag wala ng pakinabang at napagsawaan na?
"Sabrina, 'wag mo na akong pahirapan pa! Kaya nga gabi ako nagpunta rito ay para hindi mo na malaman pa ang balak ko, dahil ayokong masaktan ka pa," sabi niya sa akin.
Gusto ko tuloy matawa sa sinabi n'ya, ayaw n'ya akong masaktan kaya s'ya gabi nagpunta?
T*ngina n'ya! At anong plano niya? Umalis ng wala man lang iiwanang paliwanag sa akin, sa amin ng anak n'ya?!
"Ayaw mo akong masaktan ha, Charles? Ano sa tingin mo ang ginagawa mo ngayon? Hindi mo pa ba ako sinasaktan ng lagay na ito? Sinasaktan mo na ako, at hindi lang p*******t ang ginagawa mo dahil dinudurog mo rin ako, alam mo ba 'yun?" umiiyak kong sumbat sa kan'ya.
Frustrated na naupo si Charles sa kama, nakahawak sa batok ang dalawang palad na magkasalikop habang nakatukod ang dalawang siko sa hita at nakatungo ang ulo.
"I-I'm sorry, I'm really sorry, pero kailangan ko itong gawin para sa sarili ko," sagot niya na ganoon pa rin ang puwesto ng pagkakaupo, hindi man lamang n'ya ako tiningnan habang sinasabi ang bagay na 'yon.
"Para sa sarili mo? Paano naman kami ng anak mo? Bakit inuuna mo ang sarili mo kesa sa amin? Ang selfish mo naman!" galit na galit bigkas ko habang umiiyak.
"Sabrina, intindihin mo naman! Hindi ako uunlad kung kayo ang pipiliin ko, 'wag kang mag-alala hindi ko naman kayo pababayaan ng anak ko," sagot n'ya sa akin, this time ay tiningnan niya na ako.
Tumayo siya at kinuha muli sa cabinet ang mga damit n'ya na inilagay ko roon kanina.
"Hadlang ba ang tingin mo sa amin ng anak mo, Charles? O baka naman may iba kang babae?" sigaw ko habang pigil s'ya sa braso.
Iwinaksi n'ya ang braso niya na hawak ko para alisin ang kamay ko, pero hindi ako bumitaw kaya itinulak n'ya ako dahilan para pabagsak akong mapaupo sa sahig.
"Oo hadlang kayo sa pangarap ko! At tama ka rin, meron na nga akong iba kaya pabayaan mo na ako!" sigaw niya.
Hindi na ako nakasagot dahil sa narinig, napahagulhol na lang ako ng iyak habang patuloy siya sa paglalagay ng mga damit n'ya sa maleta.
"Mommy!" si Allie na bigla na lamang pumasok sa k'warto namin, agad s'yang lumapit sa akin at niyakap ako habang umiiyak na rin. Natigilan naman si Charles sa ginagawa ng makita ang anak namin.
"Anak, anong ginagawa mo rito? Balik ka na sa k'warto mo at matulog 'uli, mag-uusap lang kami ni Daddy mo," sabi ko.
Pinahid ko ang luha sa pisngi n'ya, hindi s'ya sumagot sa sinabi ko at basta na lang muling yumakap sa akin.
Lumapit sa amin si Charles, umupo rin s'ya sa sahig para mapantayan kami.
"Anak," hahawakan sana niya sa kamay ang anak namin pero umiwas ang anak ko.
"No Daddy! 'wag mo po akong hawakan, ayoko sa'yo, bad ka! Sinaktan mo ang Mommy ko," umiiyak na sabi niya sa kan'ya ama.
"Hindi naman 'yon sinasadya ni Daddy, Baby, I'm sorry, please! 'wag ka ng magalit kay Daddy," naiiyak na sabi ni Charles, at sinubukan 'uling hawakan ang anak namin.
"No Daddy, hindi po ako naniniwala sa'yo dahil nadinig po kita kanina, iiwan mo na kami dahil may iba ka ng mahal!" sabi ng anak ko kay Charles.
Hindi na sumagot si Charles. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya ngayon. Sumandal siya sa kama habang nakaupo pa rin sa sahig.
Patuloy pa rin ako sa pag-iyak dahil sobra talaga akong nasasaktan ngayon lalo na't narinig pa ng anak ko lahat. Mas nasasaktan akong makita s'yang nasasaktan din dahil sa nangyayari.
Hindi na nga s'ya tanggap ng mga Lola at Lolo n'ya tapos iiwanan pa s'ya ng Daddy n'ya para sa ibang babae, dahil ang tingin n'ya sa amin ay isang malaking hadlang sa pag-angat n'ya sa buhay. Ang laki kong tanga para isipin na iba si Charles sa pamilya n'ya, nakalimutan kong kung ano ang puno ay s'ya rin bunga.
Makalipas lang ang ilang sandali ay tumayo na si Charles at kinuha muli ang mga gamit n'ya sa cabinet at inilagay sa maleta bago 'yun saraduhan.
Hinila na niya ang maleta para lumabas, nilampasan n'ya kami pero pinigilan ko s'ya sa braso.
"Charles, please 'wag mo naman kaming iwan, parang awa mo na!" umiiyak na pakiusap ko. Handa akong magmakaawa para sa amin, kung kapalit naman noon ay magiging buo 'uli ang pamilya namin.
Inalis niya ang kamay kong nakakapit sa braso n'ya. "I'm sorry," sabi niya bago tuluyan lumabas ng k'warto namin.
Napahagulhol na lamang ako habang yakap ko ang aking anak. Ang sakit, saan ba ako nagkulang para iwanan na lamang n'ya kami basta? Ginawa ko naman lahat ng kaya ko para sa pamilya ko pero iniwanan pa rin kami ng gano'n na lang.
"Mommy, tahan ka na po please!" sabi ng anak ko at pinahid ang mga luhang patuloy na pumapatak sa aking pisngi.
"Anak, wala na ang Daddy mo, iniwan n'ya na tayo," umiiyak na sabi ko na para bang hindi pa alam 'yon ng anak ko kahit na nandito naman s'ya sa halos buong pangyayari kanina.
Paano na kami ngayon ng anak ko? Kakayanin ba namin mabuhay ng wala si Charles sa buhay namin? ito ang tanong ko sa sarili ko.