Charlie’s POV
INILIBOT ko ang paningin ko nang makapasok sa loob ng condo ni Ayden. Talagang binili na niya ako. Nakalaya na ako sa club!
Rinig ko ang pagkausap niya sa Uncle ko at kay Madam. Alam kong hindi papayag si Ronald pero si Uncle na ang nag-decide. Ayaw na rin niyang mangyari ulit iyon kaya siguro pumayag siya sa alok ni Ayden.
Sa totoo lang, gusto kong respetuhin ako kahit sa club ako nagtatrabaho. Alam kong mahirap pero mabuting tao pa rin naman ako. Kaya sana, kay Ayden ko iyon makuha.
“Ang ganda,” hindi ko maiwasang sabihin nang pumasok kami sa silid niya.
“Konti lang naman ang damit mo kaya hanapan mo na lang kung saan pwedeng ilagay.” Sabay turo niya sa akin sa isang pintuan.
Sa tingin ko, closet niya iyon.
“T-thank you,” mahina kong sambit.
Akmang kukunin ko ang bitbit niyang bag nang ilayo niya sa akin iyon.
“You should get some rest,” aniya. “You look worn out.” Hinagod pa niya ako mula ulo hanggang paa.
Tumango ako sa kanya. Siya na ang nagpasok sa walk-in closet pero mukhang nilapag niya lang dahil lumabas agad siya. Sa may pintuan din ng silid niya siya nagpunta. Basta nakita ko na lang mayamaya ang paghakbang niya palabas.
Napaupo ako.
Talagang magkasama na kami ni Ayden?
Kinapa ko ang kama. Malambot iyon kaya napangiti ako. Ibang-iba sa kama na hinihigaan ko.
Masuyo kong inihiga ang sarili ko para madama pa iyon. Talagang malambot nga. At ang bango-bango pa, gaya ni Ayden.
Napaayos ako nang upo nang biglang pumasok si Ayden. Nakakunot ang noo niya nang tingnan ako.
“Wala ka bang balak na magbihis?” masungit niyang tanong.
“M-magbibihis,” nauutal kong sagot, saka tinungo ang closet.
Namimili ako ng pantulog nang biglang bumukas ang pintuan. Dumeretso lang siya, dinaanan ako at may kinuha rin. Pero dahil sumagi ang balat niya sa akin, natigilan ako.
Iba talaga ang init ng katawan ni Ayden. Naramdaman ko na ito kanina sa bahay nang yakapin ko siya.
“What?” aniya nang mapansing nakatingin ako.
“W-wala.”
Napailing siya. Bitbit niya ang damit at pajama. Palabas na rin siya noon.
Paglabas ko, wala si Ayden. Pumunta ako sa banyo at naglinis ng katawan.
Sa isiping kami lang ang nandito sa condo niya, napangiti ako. Ito na kaya ang simula ng magandang pagsasama namin ni Ayden?
Ang tanong, aangkinin ba niya ako? Sabi niya ‘di ba, bedwarmer lang niya ako?
Nahiga na ako lahat-lahat pero hindi pa rin pumapasok si Ayden. Kaya naman lumabas ako para yayayain siyang matulog na.
Naabutan ko siyang nakapikit habang nakasandal sa sofa. Naupo ako sa tabi niya at pinagmasdan siya.
Ang gwapo niya talaga sa malapitan. Iniisip ko kung purong Pilipino ba siya o may iba pa siyang lahi. Para kasi siyang anak ni Zeus.
Akmang hahawakan ko ang pisngi niya nang may pumigil sa kamay ko. Napalabi ako nang makitang nagmulat siya.
“Anong gagawin mo?”
“Um, hahawakan ko sana ang pisngi mo. A-ang gwapo mo kasi.”
Tumaas ang kilay niya. “Ngayon ka lang ba nakakita ng gaya ko?”
“S-sa TV at sa mga pelikula lang.”
Napailing siya sa sagot ko. “Ang sabi ko, ‘di ba, magpahinga ka na para hindi masayang ang binayad ko sa ‘yo.”
“H-huh?” hindi ko siya maintindihan kaya kumunot ang noo ko.
Bakit ako magpapahinga?
Singhap ang sunod kong nagawa nang hilahin niya ako at pinaupo sa kandungan niya. Nakaharap ako sa kanya kaya kita ko ang pagtitig niya sa aking labi maging ang paglunok niya.
Inilapit niya mukha niya sa akin kaya napapikit ako.
Hahalikan ba niya ako?
“Binayaran kita para maging bedwarmer ko, hindi ang mangialam ng ginagawa ko. Naiintindihan mo ba ako?”
Natigilan ako sa sinabi niya. Bedwarmer lang talaga?
“At pwede ba, kapag sinabi kong magpahinga ka na, magpahinga ka na,” matigas niya pang dugtong kaya inilayo ko ang sarili ko sa kanya. Binitawan niya rin ako kaya mabilis na tumayo ako at tinungo ang silid ng binata.
Bedwarmer. That’s all.
So, hindi ko siya pwedeng kausapin nang normal. Pangkama lang niya ako.
Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib ko ng mga sandaling iyon.
Bakit parang walang pinagkaiba sa nambastos sa akin? Pangkama lang pala ako.
Hindi ko alam kung anong oras ako nakatulog, basta nagising ako na mataas na ang sikat ng araw. May tumatama na sa aking liwanag dahil sa sliding door na nakabukas.
Tumingin ako sa tabi ko. Parang hindi man lang nahigaan.
Tumabi ba sa akin si Ayden?
Napansin ko ang pag-ilaw ng cellphone ko kaya hinigit ko iyon.
Nag-text si Ayden. Sinabi niyang ako na muna ang bahala sa sarili ko dahil busy siya. Kaya inabala ko na lang ang sarili ko sa pag-aayos ng closet niya para pagkasyahin ang mga gamit namin. At habang nag-aayos ako, napansin ko ang naka-envelope sa pinaka-ilalim ng damitan niya. Dala ng kuryusidad, kinuha ko iyon at tiningnan ang loob.
Napaawang ako ng labi nang mapagtanto ang laman niyon. Mga litrato ni Ayden at ng babaeng iyon.
Paano ko ba makalimutan? Nakulong ang Uncle ko noon dahil sa kanya.
Aminado akong gandang-ganda ako sa mukha niya. Bagay na bagay sila ni Ayden noon. Pero nasaan na ba siya ngayon? Bakit hindi sila magkasama?
Kasi kung sila pa, sana hindi ako kinuha ni Ayden. Sana hindi niya ako tinira rito sa condo niya.
Naiwan sa kamay ko ang isang litrato na magkahalikan ang dalawa kaya nakaramdam ako ng selos. Mabilis kong binalik iyon sa envelope at tumayo na.
Nawala ako bigla sa mood.
Sa susunod, ako na ang hahalikan mo, Ayden!
Akala ko, uuwi si Ayden nang gabing iyon, hindi pala. Lumipas pa ang isang Linggo pero walang Ayden na nagpakita na naman sa akin. Hindi rin siya nagre-reply sa mga text ko kaya lungkot ang naramdaman ko.
Kinuha lang ba niya ako para ikulong dito?
Umiling-iling ako. Hindi ako pwedeng mabulok dito!
Naligo ako at nagpasyang mamasyal sa malapit na mall. Nakita ko na ang mall na iyon dahil kita sa mismong condo ni Ayden. Ilang beses ko ng binalak pero hindi ako natuloy. Kaya ngayon, itutuloy ko.
Inabot ako ng alas diyes ng gabi sa mall. Talagang tinagalan ko para mapagod ako. Para makatulog din agad. Para hindi ko na iniisip si Ayden kung uuwi pa ba o hindi.
Dahil malapit lang naman, nilakad ko na pabalik ng condo. At habang naglalakad ako, nahagip ng mata ko si Ayden kaya natigilan ako sa paglalakad. Lumapit pa ako sa kainang iyon.
Hindi ko alam kung gaano ko siya katagal na tiningnan habang nakikipag-usap sa magangdang babae. Basta napabalik lang ako sa sarili ko nang makitang tumayo si Ayden habang titig na titig sa akin sa salaming dingding na iyon ng kainan.
Kaya naman pala wala siyang balak na umuwi dahil may ka-date siya. Eh, paano ako?
Tinalikuran ko sila at mabilis na naglakad papalayo.
Ang sama ng loob ko ng mga sandaling iyon kay Ayden. Nasasaktan ako sa ginawa niyang pagpapaasa sa akin. Sabi niya gagawin niya akong bedwarmer pero hindi man lang niya ako kayang uwian.
Nang mapagtantong malayo na ang nilakad ko, napalingon ako at hinanap ang tower. Lumagpas na pala ako sa condo ni Ayden.
Babalik na sana ako nang makita ang restobar.
Ano kaya kung pumasok ako sa lugar na iyon? Wala namang pakialam na sa akin si Ayden kung magpakalasing ako. Busy naman siya sa babae niya!
Humakbang ako palapit doon at pumasok. Agad akong umorder ng maiinom saka deretsong nilaklak iyon.
Mapait iyon pero sa una ko lang naramdaman. Dahil sunod-sunod ang order ko, parang wala na ang pait sa aking panlasa.
“Ba-baabaero ka naman pala, Ayden, e! Kaya ka siguro iniwan ng girlfriend mo!” naisatinig ko, at muling tinungga ang alak na kakaorder ko lang.
“Iii-iwan din kita kapag hindi ka pa umuwi!” banta ko, as if nasa harap ko si Ayden.
Natawa tuloy ako sa sarili ko. Parang tanga pala ako sa bahaging iyon dahil panay ang salita ko. Pero paki ba nila sa akin, huh?
Pinilig ko ang ulo ko nang maramdaman ang hilo. Pinukpok ko pa iyon nang mapagtantong hard nga pala ang na-order ko. Kaya paano na ako nito makakauwi? Nahihilo na ako!
Mabuti na lang at bayad na ang mga alak. Bayad kasi muna bago dalhin sa akin. Malayo kasi ang nakuha kong table kaya kinailangan kong bayaran iyon. Hindi naman ako regular na customer kasi rito kaya ganoon talaga.
Pero hindi pera ko ang pinambayad ko, kung hindi pera ni Ayden! I mean, ang card ni Ayden ang gamit ko!
Sabi niya kasi, pwede kong gamitin iyon. Kaya ginamit ko ngayon.
Napahagikhik ako nang makita ang mga resibo ko. Ang laki pala ng bill ko.
Kahit na hirap nang tingnan ang mga numero ng mga resibo, nakwenta ko pa rin kung nakamagkano ako.
Sa paraang ito, makaganti man lang kay Ayden.
May isang kopita pa akong hindi naiinom kaya kinuha ko iyon. Pero nabigla ako nang may humablot doon.
“T-teeeka! Akiinnn ‘yan! Isa—”
Hindi ko na natuloy ang mga sasabihin nang makilala ang lalaking gumawa niyon.
“P-ppapaaano mo nalamang nandito ako?” Malapit na yatang pumikit ang mata ko sa kalasingan.
Natawa nang mapakla si Ayden.
“Wow. Did it slip your mind that you’re using my card?”
Napaingos ako. Oo nga pala. Magte-text ‘yon sa kanya.
Kinapa ko ang card niya sa bulsa ako at binigay ko sa kanya na patampal sa dibdib niya.
“O ayan, sa ‘yo na!” sigaw ko. “Uuu-uwi na ako sa bahay. Iiwan na kita gaya ng girlfriend mo!”
Nagsalubong ang kilay niya kaya napangiti ako. Buti nga sa ‘yo, naiinis ka!
“Yes, i.i.wan na kita!” binigyang diin ko pa iyon, na lalong ikinadilim ng mukha niya.
Hinaklit niya ang baywang ko at mariing pinisil iyon.
Magkahalong init ng katawan at kirot ng pisil niya ang naramdaman ko.
Nakaka-miss pala si Ayden. Kahit sabihng saglit ko lang siyang nayakap noon, pamilyar na ako sa init na hatid niya sa akin.
“Ulitin mo ang sinabi mo, Charlie,” mariing utos niya. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin.
At dahil masunurin ako, sinunod ko siya.
“Sssabi ko, iiwan na kita, Ayden Santillan. B-bbaahala ka na sa buhay mo maghanap ng bedwarmer mo!” malakas na sigaw ko pa na ikinatingin ng mga naroon. Saktong walang tugtog pa naman ng mga oras na iyon kaya kahit sino, makakarinig.
Hindi ko alam na lalong ikagagalit iyon ni Ayden. Basta na lang niya ako pinangko at inilabas sa restobar na iyon. Kaya naman lalong umikot ang paningin ko sa ginawa niya. Ramdam ko rin ang malakas na pagsakay niya sa akin sa sasakyan niya nang pabalya.
“You’ve gone out of line, Charlie. Time for a lesson,” dinig ko bago niya sinara ang pintuan nang pagkalakas, dahilan para mapapitlag ako.