Chapter 1
"Apo, kailangan ko ba makikita ang mga apo ko sa tuhod? Bago sana ako mawala sa mundo, gusto ko munang makitang ikasal ka at magka-anak."
Kumunot ang noo ni Marcus sa sinabi ng kanyang lola. Tumigil siya sa pagkain at diretsong tumingin sa matanda.
"La, alam nyo namang imposible 'yang hinihiling nyo," pagtanggi ng binata.
"Bakit, apo. Baog ka ba?" kunot-noong tanong ng matanda.
Bumuntonghininga si Marcus at tila napagtantong hindi siya mananalo sa kanyang lola.
"It's not like that, la. It's just, I haven't find the right woman," malungkot na wika ni Marcus.
Natahimik naman ang matanda sa bagay na narinig, alam kasi niya ang tungkol sa pinagdaanan ng apo sa dati nitong nobya.
"Si Irene ba? Si Irene pa rin ba, apo?" ani ng matanda.
Hindi makatingin nang diretso si Marcus sa kanyang lola. Sa tuwing naririnig kasi niya ang pangalan ng babaeng iyon, tila dinudurog ang puso niya.
Si Irene ang unang babaeng nagpatibok sa kanyang puso. Si Irene din ang unang babaeng dumurog nito, at dahil sa dalaga, nagbago ang pananaw niya sa mga babae, kaya nagdesisyon siyang hindi na magmahal muli.
"I don't want to talk about it," saad ng binata.
"Ilang taon na rin ang nakalipas, Marcus. Hindi ba panahon na para humanap ka na ng mapapangasawa? Besides, kailangan ng pamilya Montemayor ang tagapagmana. Ikaw ang panganay kong apo," sunod-sunod na paliwanag ng matanda.
"I will do that, la. Kapag dumating na ang tamang babae para sa 'kin," pagtatapos ni Marcus sa usapan.
Alam ni Marcus na hindi na bumabata ang kanyang lola, ganoon din naman ang mommy at daddy niya. Pakiramdam ng binata, napakabigat ng kanyang balikat dahil sa inaatang na responsibilidad ng mga ito. Siya ang panganay na anak ng mga Montemayor. Siya ang presidente ng MRM Group of Companies. Nag-iingat lamang siya dahil baka nga naman, pera lang ang habol sa kanya ng mga babae, tulad na lang ng ex-girlfriend niyang si Irene.
"Tapos na po akong kumain," pagpapaalam ni Marcus, saka marahang tumayo mula sa hapag-kainan. Sinundan naman siya ng tingin ng kaniyang lola.
"Prepare my car. Papasok na ko sa trabaho," utos ni Marcus sa mayordomo habang naglalakad palabas ng mansion.
"Yes, Sir. Marcus," tugon naman nito.
Sa paglabas ni Marcus, nakahilera ang mga lalaking nakasuot ng itim na suit. Huminto sa kanyang harapan ang isang itim na kotse at sa likod nito ay mga police patrol na mag-co-convoy sa kanya.
"Let's go," utos ni Marcus sa driver nang tuluyan siyang makasakay sa kotse.
SA pagdating ni Marcus sa building ng MRM Group of Companies, ang mga tao ay lumalayo at umiiwas sa kanya. Kilala kasi si Marcus sa magaspang at arogante nitong ugali. Laging nakasimangot ang labi at madalas na seryoso ang mukha.
Dirediretsong lumakad si Marcus patungo sa elevator kasama ang mga bodyguard niya. Ngunit nang akmang sasara ang elevator, isang kamay ang pumigil dito.
"Sandali lang po! Pasabay! Mala-late na ako," ani ng isang lalaki, saka pumasok sa loob ng elevator kung saan naroon si Marcus.
Tumingin ang mga bodyguard ni Marcus sa lalaking pumasok sa loob, animoy sinasabi ng mga ito na lumabas na siya habang may oras pa.
"B-Bakit po?" nagtatakang tanong ng lalaki habang nakatayo at nakatingin sa mga bodyguard.
"Anong department ka?" tanong ni Marcus.
"M-Marketing po."
"And your name?"
"Albert Lopez po," nagtatakang tugon ng empleyado.
Tiningnan siya ni Marcus mula ulo hanggang paa. Sa hitsura palang ng lalaki, alam na niyang bagong empleyado palang ito.
Kinuha ni Marcus ang cellphone at nag-dial ng numero.
"Jarbi, take note of this," utos ni Marcus sa marketing head na nasa kabilang linya.
"P-Po, Sir?" nauutal na sagot naman ng babae sa telepono.
"Prepare a termination letter for your employee named Albert Lopez," sunod-sunod na wika ni Marcus saka binaba ang telepono. "Palabasin nyo na 'yan," utos ni Marcus sa kasama niyang bodyguard. Hinawakan ng mga bodyguard ang magkabilang braso ng lalaki.
"S-Sir, s-sandali! Ano po bang ginawa ko?" nauutal at halos maiyak na wika ni Albert.
Bumulong ang bodyguard sa kanyang tainga.
"Si Sir Marcus ang may-ari ng building na to. Number one niyang pinagbabawal ang pagsabay sa kanya sa elevator ng kahit sinong empleyado," mahinang bulong ng bodyguard sa binata. "Pasensya ka na, boy," muli nitong sabi sabay tapik sa balikat ng lalaki.
Naiwan namang nakatulala si Albert at sa mga oras na iyon, doon niya lang napagtantong wala na pala siyang trabaho.
Tulad ng dati, abala si Marcus sa mga paperworks at doon lang umiikot ang buhay niya. Bahay, dinner meetings, at opisina. Ngunit hindi niya akalain na sa araw na ito, magsisimulang magbago ang kanyang mundo.
Kumunot ang noo ni Marcus nang makita ang numero ng daddy niya na naka-flash sa screen ng cellphone. Agad niya itong sinagot dahil kakaiba ang nararamdaman niya rito.
"D-Dad, napatawag kayo.? Is there a problem?" kinakabahang wika ni Marcus.
"Anak, sinugod namin ang lola mo sa ospital. Inatake siya sa puso."