Hindi nangyari ang inaasahan ni Mel at mas naging sigurado siya sa sariling nararamdaman. At marahil ay ganoon din sa nararamdaman ni Klyde sa kanya. Inaasahan niyang magiging malayo ito sa kaniya pagkatapos niyang manganak, ngunit hindi. Inaasahan niyang mas pagtutuunan nito ng pansin ang kanilang anak, ngunit mas marami pa rin ang ginugugol nitong oras kasama siya. Karaniwan nitong nakakasama si Klay kapag nasa nursery siya. She’s beginning to doubt kung pinupuntahan ba nito ang kanilang anak kapag wala siya roon. Madalas bumisita si Pops sa mga sumunod na linggo pagkapanganak niya. Doon lang siya uupo sa nursery at pinapanood ang batang lalaki kapag natutulog ito. Kapag gising ang sanggol, kakausapin siya ng matanda kahit hindi pa marunong ang sanggol. Simpleng kasiyahan na niya iyon.

