Cedrick's POV
LUMAKI ako na tanging katulong lang ang kasama sa bahay. Kung may pagkakataon mang umuwi ang aking mga magulang, sandali lang nila akong hahagkan at muli nang babalik sa kanilang silid. Tanging mga laruan lang ang aking kausap kaya hindi ako na-expose sa salitang kaibigan.
Kung minsan, sinasama ako ni daddy sa mga gatherings upang ipakilala na ako ang tagapagmana ng CCheng Corporation. Noon ay hindi ko pa alam ang mga bagay na iyon hanggang sa unti-unti ko na ring nauunawaan.
Isang gabi, nababalot ng dilim ang paligid. Ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin na nagmumula sa labas dahil sa malakas na ulan. Nandito pa rin ako sa isang malaki at malawak na silid kung saan ako lang mag-isa. Ngunit kahit gaano pa kalaki ang silid na ito, naririnig ko pa rin ang sigawan na nagmumula sa labas na tila may ilang metro ang layo, sigawan ng aking mga magulang.
Humiga ako sa kama at tinakpan ng unan ang aking tainga upang mawala ang mga bagay na naririnig ko, ngunit kahit anong gawin kong pagtakip, naririnig ko pa rin ang hinagpis at iyak ni mommy habang nagsisigawan sila ni daddy.
Ganito na lang araw-araw...
"Ano? Pupunta ka na naman sa kabit mong prostitute? Ipagpapalit mo kami ng anak mo para sa isang babaeng bayaran?" rinig kong sigaw ni mommy mula sa labas.
Wala akong alam. Ano naman ang muwang ng isang batang siyam na taong gulang palang? Ako ang nag-iisang anak ng mag-asawang Cheng, ngunit... ako lang ba talaga?
Lumipas ang ilang linggo, hindi pa rin nagbago ang ingay na naririnig ko. Hindi ko alam kung dapat ba akong maging masaya dahil madalas na silang nandito sa bahay o dapat akong maging malungkot dahil madalas naman silang nag-aaway. Kung minsan iniisip ko na sana, hindi na lang sila umuwi kung ganito lang ang kanilang gagawin.
Paulit-ulit si mommy sa salitang prostitute. Sa edad kong iyon, hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng prostitute. Pangalan ba 'yon? Lugar? Ewan ko, basta hindi ko alam.
Ngunit isang gabi, umalis si mommy at umuwi si daddy sa aming bahay. Nakapagtataka na masaya siya kasama ang isang babaeng inaakbayan niya. Nakapulupot ang braso nito sa kanya at hindi ko alam kung bakit.
Nakatayo ako at nakatingin sa dalawa, kunot and noo at napapatanong sa sarili kung bakit hindi si mommy ang kasama ng aking ama. Bakit ibang babae ang nandito at kasama niya.
"Cedrick, bumalik ka na sa kwarto mo," inis na wika sa akin ni daddy nang makita niya akong nakatingin sa kanila.
"Dad, who is she?" inosente kong tanong na hindi naman nasagot.
Ningitian lang ako ni daddy saka marahang ginulo ang aking buhok bago ito nagpatuloy sa paglalakad at pumasok sa kwarto kasama ang hindi kilalang babae.
Hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa aking isip ang mukha ng babaeng iyon. Kulay pula ang kanyang labi at makapal ang nakalagay na kolorete sa mukha. Mahaba ang kuko at ang kulay nito ay pula. Madalas kong makita ang babaeng ito sa bahay at maiksi ang kanyang suot. Ngunit noong panahon na iyon, hindi ko alam kung ano siya at sino siya.
Makalipas ang ilang taon, muli kong nakita ang babaeng iyon na may kasamang batang lalaki. Buhat niya ito sa kanyang bisig habang naglalakad papasok sa aming bahay.
"Ha? Hindi ko pananagutan ang batang 'yan!" ani daddy.
"Hayop ka! Pagkatapos mo akong buntisin, 'yan ang sasabihin mo?! Ito si Marvin at anak mo siya!"
"No! Alam mong pamilyado akong tao, hindi ba?"
"Sana inisip mo 'yan nang pumatol ka sa 'kin!"
"That's bullsh*t! Anong malay ko kung sa 'kin talaga 'yan?! Hindi ba, isa kang prostitute?"
Tumalon ang aking balikat nang sampalin ng babaeng iyon ang aking ama. Ngunit sa huli, nagdesisyon pa rin si daddy na ampunin ang bata, ngunit hindi niya sinama ang babaeng iyon.
Nang mga panahong iyon, hindi ko na madalas makita si mommy. Hindi ko alam kung nasaan siya gayong kailangan ko ng kasagutan sa mga bagay na nais kong itanong. Siya lang naman kasi minsan ang nakakausap ko at kung minsan, sinasamahan niya ako sa silid upang hindi ako matakot sa tunog ng kulog.
Ngunit bakit kung kailan kailangan ko siya, ngayon pa sila nawawala...
***
Isang maulang gabi, mariin akong yumakap sa unan nang marinig ko ang isang malakas na kulog at kidlat.
"Mom!" malakas kong sigaw nang maramdaman ang takot sa aking puso, isang bata na kahit kulog ay kinatatakutan.
Mabilis na bumukas ang pinto at napalingon ako rito.
"Cedrick?" saad ni mommy na may pag-aalala.
Tinanggal ko ang unan na nakatakip sa aking tainga, saka mabilis na tumakbo sa bisig ni mommy at doon humagulgol ng iyak sa kanya.
Sa wakas, sa dami ng mga araw na hinintay ko, muli kong nayakap ang aking ina.
"Sshhh... tahan na, Ced. Nandito na si mommy," tugon niya sabay sa paggapang ng mga luha.
Noong panahong iyon, akala ko ay umiiyak siya dahil sa malakas na kulog at kidlat, na tulad ko ay takot din siya roon, ngunit hindi ko akalain na mali pala ako, dahil iyon na ang huling gabi na nakita ko si mommy.
Natulog akong kayakap siya, ngunit nang ako ay nagising, wala na siya sa aking tabi.
Hinanap ko si mommy, ngunit tanging si daddy lang ang aking nakita. Umiinom ito ng isang inumin na may kakaibang amoy. Nang mapansin niya ako, tila nakita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.
"Are you looking for your mom?" aniya, saka muling uminom. "Wala na siya, umalis na. Iniwan na niya tayo," sunod-sunod niyang wika na hindi ko maintindihan.
Marahan siyang tumayo at gegewang gewang ang kanyang paglakad. Lumapit siya sa akin at lumuhod upang kami ay magpantay. Hinawakan niya ako sa balikat at diretsong tumingin sa akin.
"Listen to me, son. Ikaw ang tagapagmana ng ating kompanya. Kailangan kang maging malakas at matikas, tandaan mo 'yan," paalala niya sa akin. "Huwag kang gagaya kay daddy, ha? Huwag kang magpapadala sa alindog ng mga babae. Huwag mong hahayaang pasunorin ka nila."
Kumunot ang aking noo dahil sa mga bagay na kanyang sinasabi, dahil noong panahong iyon, magulo pa ang lahat para sa akin. Ngunit unti-unti na akong nalilinawan sa mga nangyayari.
Pilit ko pa ring hinanap si mommy kahit saan ngunit bigo ako. Hanggang sa tuluyan na lang akong napagod at napapatanong na lang kung bakit niya ako iniwan.
***
Lumipas ang ilang araw, hindi ko na nakita si mommy at nasanay na rin ako na wala na siya sa aking tabi. Wala naman siyang paalam at hindi na rin siya nagparamdam.
Habang lumilipas ang panahon, natututunan ko nang kausapin ang kapatid kong si Marvin at habang kami ay tumatanda, kami na ang madalas na magkasama.
Madalas kong makuha ang mga bagay na nais ko at mga laruang gusto ko. Hanggang sa dumating ang araw na tuluyan na akong tumanda. Nalaman ko na rin kung ano ang ibig sabihin ng salitang prostitute. Ang prostitute na sumira sa pamilya ko.
Kahit na anak si Marvin sa labas, hindi ko makuhang magalit sa kanya dahil alam kong wala naman siyang kasalanan. Ang may kasalanan ay ang kanyang ina na umagaw sa lahat.
Simula noon, tumatak sa aking isip ang babaeng iyon, dahilan upang mawalan ako ng nais sa mga babae. Para sa akin, parepareho lang sila at hindi kailangan seryosohin. Ang sabi nga ng aking ama, huwag akong tumulad sa kanya dahil makasisira lang ito sa aking buhay.
Dahil sa taglay kong kakisigan at kayamanan, ang lahat ng babae ay napapaibig ko. Ngunit kahit kailan ay hindi nila ako napaibig. Hindi naman ako nagpapaiyak ng mga babae, hindi lang talaga ako pumapasok sa isang seryosong commitment.
Kung noon ay nakukuha ko ang mga laruang nais ko, ngayon babae naman ang ginagawa kong laruan. Inaamin ko, simula nang makatikim ako ng s*x, tuluyan akong na-adik dito. Tila hinahanap-hanap siya ng aking laman at katawan, isang bagay na hindi ko na rin maiwasan.
Noong mga panahong iyon, hindi ko akalain na darating ang araw na muli kong makikita ang aking ina. Parehong araw na kinatatakutan ko – ang araw kung saan may kulog at kidlat.
Nakita ko si mommy sa isang rooftop ng gusali. Kahit ilang taon na ang nakalipas, natatandaan ko pa rin ang kanyang tindig kaya kahit nasa malayo, alam kong siya iyon.
Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko siyang muli. Ngunit hindi ko akalain na sa ganitong paraan pa kami magkikita.
Agad akong tumakbo at pumasok sa loob ng isang ospital na hindi ko alam kung ano. Ang tanging nasa isip ko lang ay pigilan si mommy sa kung anong plano niyang gawin.
Hanggang sa maya-maya lang, sa patuloy kong pagtakbo ay nakarating ako sa rooftop ng gusaling iyon.
"Mom, stop! Don't do this!" pagpigil ko kay mommy na ngayon ay nakatayo sa elevated platform ng rooftop deck kung saan inaasahan kong gagawin niya ang bagay na kinatatakutan ko.
Lumingon siya sa akin ngunit tila hindi niya ako kilala. Nakangiti ang kanyang mga labi ngunit may luha sa kanyang mga mata.
Nagsimulang sumikip ang aking dibdib nang makita ang hitsura niyang iyon. Napakasakit ng aking nararamdaman.
Hanggang sa maya-maya lang, nanlaki ang aking mga mata nang ihakbang niya ang kanyng paa.
"W-Wag!" malakas kong sigaw.
Sa pagmulat ng aking mga mata mula sa isang nakakatakot na panaginip, nakita ko si Mia, nababakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit tila natunaw ang aking puso at nagsimulang gumapang ang luha sa aking pisngi. Tila otomatikong gumalaw ang mga kamay ko at mahigpit na niyakap ang babaeng ngayon ay nasa harapan.
"Salamat! Salamat at ginising mo ko," saad ko.
Bakit pakiramdam ko ay ligtas ako sa bisig ng babaeng ito? Bakit tila, may kung ano ang nagbabagob sa loob ko?