Chapter One
Chapter One
"Can you give me an example using the word was?" tanong ko sa mga estudyante ko na kanina pa may sariling mundo.
Sa awa naman ng Diyos ay may isang agad nagtaas ng kamay.
"Ma'am! Ma'am! Ako po."
Kitang-kita sa mukha ng bata ang confidence na sagutin ang tanong ko. Napangiti naman akong sumagot dito.
"Sige, Miko. Bigyan mo ng sentence si teacher na may was."
"Was your hand."
Agad napawi ang ngiti ko pagkarinig nito ng sagot. Huminga ako ng malalim.
Saktong tumunog ang bell tanda na tapos na ang klase sa araw na ito. Agad nagmadali ang mga estudyante ko sa pag-ayos ng gamit nila.
Mas mabilis pa silang nakalabas kaysa kapag nagsasabi ako na kumuha sila ng lapis at papel.
Nanlulumong lumakad ako patungo sa table ko. Hinila ko ang upuan ko at pabagsak na naupo.
Ubos na ubos ang lakas ko ngayong araw.
Damn it. I'm tired. Gusto ko na lang matulog.
Nang may mga yabag akong narinig na patungo rito ay umayos ako ng upo.
"Hi, Ma'am Ursula!" bati ni Ma'am Charrie. Fresh na fresh ang itsura kahit pa maghapong nagturo. Tapos ako pakiramdam ko'y hulas na hulas na ako.
"Ma'am Charrie," bati ko rito.
"Kumusta ka? Mukha kang pagod na pagod," napahagikhik pa ang babae sa sinabi nito.
"Pagod na pagod. Drain na drain na ang beauty ko, ma'am. Lunes pa lang. Kailan ba magfr-friday?" humila ito ng upuan at naupo.
"Nakakapagod talaga. Pero kapag natuto ang bata ay fulfilling talaga sa part natin."
"O-oo," sagot ko rito.
"Bakit parang alanganin ka sa pagsang-ayon mo sa akin?" natatawang tanong nito sa akin.
"Hindi naman. Oo naman. Fulfilling talaga bilang guro. Pero paano mo ba iha-handle kung ang bata na ay sinagot ka ng was your hand. Nanghingi ako ng sentence na may was," bigla itong humagalpak ng tawa. Aliw na aliw ang babae. Habang ako ay stress na stress? Wow! Funny iyon?
"Naku! Itama mo na lang sa susunod. Alam ko namang kaya mo iyan. Napanood na kitang magturo. Basic lang sa 'yo iyan."
"Nadra-drain na ang utak ko. Alam mo ba may activity kami. Gumawa ng bugtong. Sabi ba naman, 'Hindi tao, hindi hayop, pero sumisipsip ng dugo."
"Ano raw ang sagot?" aliw na tanong nito.
"Napkin daw, ma'am," parang gusto ko na lang umiyak. Seryoso pa iyong bata.
Tawang-tawa na naman ito. Habang ako'y gusto na lang maglupasay sa sobrang pagod ko.
Hindi naman talaga pagtuturo ang pakay ko rito sa San Guillermo. Pero dahil sa isang misyon ay pinasok ko ang trabahong ito.
Ito lang ang profession na hindi kahina-hinala sa mata ng target ko.
Graduate ako ng Education. May lisensya rin ako. Ito naman talaga ang pangarap ko noong bata ako. Pero nagbago ang lahat no'ng nalaman ko kung ano ba ang dating trabaho ni mommy.
Doon nagbago ang gusto ko. Tumutol pa nga ito ng sabihin kong gusto kong pasukin ang mundong ginagalawan niya. Pero matindi ang kanyang pagtutol.
Pero pumayag din naman kalaunan.
Ngayon bumalik ako sa pagtuturo. Mahirap. Pero hindi ko pababayaan dahil may mga batang umaasa sa kaalaman ko.
Pero mababaliw naman yata ako.
"Kalma... may bukas pa. Tara na. Sabay na tayong umuwi," yaya nito sa akin. Tumango naman ako rito at walang ganang nagligpit ng gamit.
Maglalakad lang kami nito pauwi. Nasa iisang compound lang din kasi ang apartment na tinutuluyan namin.
May mga nakakasabay kaming mga estudyante na maliligalig.
Isa na roon si Miko.
Ilang beses ko itong sinaway dahil ilang tricycle na ang bumusina rito pero humaharang ito sa kalsada.
Hindi talaga natatapos ang pagiging guro sa apat na sulok ng classroom.
"Ma'am! Ma'am!" sumabay pa ang bata sa amin ni Ma'am Charrie.
"Ano na naman iyon, Miko?" hindi pa man ako nakakapagpahinga ay kinukulit na naman ako nito.
"Ma'am, payag ka immortal ka pero bedridden?" parang may pumitik sa sintido ko dahil sa sinabi ng batang ito. Habang si Ma'am Charrie ay tawang-tawa.
"Ikaw, Miko," tatawa-tawa pa ring ani ni Ma'am Charrie, "payag ka bigyan ka ni Ma'am Ursula ng 70... pero sa card?"
"Luh! Siyempre hindi. Hatawin ako ni tatang ng belt kapag 70 lang makuha ko. Very good po ako kay Ma'am Ursula. Kahit itanong mo pa po sa kanya."
Inangatan ko ng kilay si Miko.
Very good?
Tinanong ko noong nakaraan kung alam ba niya ang ibig ng punctuation pero ang sagot sa akin iyon daw iyong matrikula.
Lord! Bigyan mo pa ako ng maraming pasesnya.
"Naku! Umuwi ka na sa inyo. Baka mamaya ay tatambay ka pa sa plaza. Uwi na."
Lumagpas na kasi ito sa daraanan niya. Agad namang tumakbo pabalik ang bata sa daanan talaga niya na nilagpasan niya.
"Kaya mo iyan, Ma'am Ursula. Huwag kang susuko." Palibhasa'y higher grades ito at nakakaintindi na ang mga estudyante. Iyong sa akin... pinagsama-sama sa classroom iyong mga batang makukulit.
Napasapo ako sa batok. Maririndi na naman ang mga girls kapag magra-rant na naman ako sa kanina kung gaano kahirap ang misyon ko ngayon.