Excited si Leia na pumunta sa bahay nina Pressy kinabukasan. Halos hindi siya natulog dahil sinabihan talaga siya ni Pressy na maaga raw sila. Gusto na raw siya na makilala ng magiging boss niya kaya sasamahan daw siya nito.
Sakay sa kotse ni Pressy ay nagtungo sila agad sa bagong bahay nito nang magkita sila.
Sa bayan lang naman daw ang bahay ng pinsan ng kaibigan na nabili nito. Mabuti na lang at malapit lang. Maaari nga siyang maging uwian oras na mag-umpisa na siya ng trabaho.
“Ayos ka lang, Leia? Bakit parang hindi ka mapakali?” puna sa kaniya ni Pressy nang tumigil sila sa stoplight.
Mapaklang ngumiti siya rito. “Naiisip ko lang iyong nangyari kanina. Iyong pagsugod ni Mrs. Sarmiento sa bahay dahil naniningil na naman.”
“Umutang ka sa mukhang pera na matandang iyon? Alam mo kung gaano iyon kalupit sa pagpapatong ng interest?”
Napakagat-labi siya. “Kinailangan kasi namin noon dahil kay tatay. Wala akong naging choice kundi sa kaniya umutang para matulungan si Tatay. Alam mong hindi ko rin sila matitiis na tulungan.”
Napalatak si Pressy. “Napakabait mo, kayong mag-asawa, kaya hindi ko talaga gets kung bakit nahihirapan kayo ng ganito. Kung sino pa ang masasama ang budhi, sila pa ang maalwan ang buhay. Ang unfair talaga ng mundo.”
Nagkibit-balikat lang siya. Nagmaneho ulit naman si Pressy nang magkulay berde ang traffic light.
“Eh, ano’ng nangyari sa pag-i-iskandalo ni Mrs. Sarmiento? Buti napakiusapan nito?” balik ni Pressy sa usapan.
“Ayon, sinabi ba naman ni Bryle na kukunin ang bahay namin kapag hindi kami nakabayad sa katapusan.”
“Ay, bakit niya sinabi ‘yon? Paano kung hindi kayo makakabayad? Baka kunin talaga ng tusong matandang iyon ang bahay niyo?”
Nahilot ni Leia ang gitna ng mga kilay niya nang maalala niya ang ginawa ni Bryle. “Iyon nga ang ikinais ko kay Bryle kanina. Pero naunawaan ko naman ang asawa ko kung bakit niya sinabi iyon. Nakakahiya na kasi kanina ang pagbubunganga ni Mrs. Sarmiento. Nakakabulabog na naman kami. Nakakahiya na sa mga kapitbahay namin.”
Napailing-iling si Pressy. “Diyos ko, panibagong problema niyo na naman.”
“Kaya nga parang puputok na ang ulo ko, Pressy. Hindi ko na alam ang gagawin ko,” naiiyak na niyang saad. Nag-iinit na naman ang mga mata niya. Gusto na naman niyang umiyak. Pigil na pigil lang niya ang sarili dahil ayaw naman niyang makaharap ang bagong amo niya mamaya na mugto ang mga mata niya.
“Huwag kang mag-alala, sasabihan ko si Kenneth kung puwede kang bumali,”
Nagulat siya sa sinabi nito. “Naku, iyan ang hindi mo gagawin, Pressy. Nakakahiya sa pinsan mo.”
“Pero kailangan mo ng pera. Sayang ang bahay niyo kung mapupunta lang sa matandang iyon. Alalahanin mo, pinaghirapan iyon ng asawa mo.”
Madaming iling ang ginawa niya. “Last option na siguro iyon, Pressy. Susubukan ko munang gumawa ng ibang paraan. Baka ma-disappoint sa akin ang pinsan mo dahil babale agad ako. Baka hindi na ako kuning katulong. Mas mahirap iyon sa akin. Alam mong kailangan ko ang trabahong iyon.”
Isang napakalalim na buntong-hininga naman ang ginawa ni Pressy. “Sige. Basta kapag wala ka ng choice ay sabihin mo agad sa akin. Huwag kang mag-alala, madaming pera si Kenneth. Kayang-kaya niyang pabalein ka ng sahod anytime.”
Kahit paano ay gumaan ang dibdib ni Leia sa kaisipang may last option siya oras na hindi siya makautang ng kinse mil. Hindi niya kasi talaga kakayanin kung pati bahay nila ay mawala sa kanila.
Dahil walang traffic ay mabilis silang nakarating sa bahay ng magiging amo niya na Kenneth pala ang pangalan. At ang totoo, parang pamilyar sa kaniya ang pangalang Kenneth. Parang may kilala siyang Kenneth o nakilalang Kenneth ang pangalan, hindi nga lang niya matandaan kung saan.
“Tara sa loob. Baka tulog pa. Tulog-mantika kasi ang lalaking iyon,” anyaya sa kaniya ni Pressy. May susi raw ito sa bahay ng pinsan nito kaya maaari silang pumasok.
“Ikaw na muna ang pumasok, Pressy. Tawagin mo na lang ako kapag okay na,” aniyang nailang.
“Okay, sige. Wait lang.” Naunawaan naman siya ng kaibigan.
Pagkatapos isuksok ang susi at mabuksan ang pinto ay pumasok na nga si Pressy sa malaking bahay. Naghintay naman siya sa labas.
“Kenneth, gumising ka!” Mayamaya nga ay narinig niyang malakas na boses ni Pressy sa loob. “Kayo rin! At lumayas kayo rito kung ayaw niyong pagkakalbuhin ko kayo!”
Napakunot-noo si Leia. Ayaw man niya ay napasilip tuloy siya sa loob. Laking gulat niya nga lang nang biglang labas ang dalawang babaeng maganda at sexy na halos hubo’t hubad pa. Bitbit nila ang mga damit nila at mga stiletto. Sa may gate na sila nagbihis.
“Anong kagaguhan ito?! Ginamit mo agad ang bahay na ito sa pambabae mo?! My God, Kenneth!” sermon pa ni Pressy sa loob.
“Relax, Insan. Binata ako kaya wala akong ginagawang masama,” pilyong sagot naman ng lalaki.
Lalaki na nang sumilip ulit siya sa loob ay nakahubad pa ng pang-itaas. Mabuti na lamang at nakatalikod sa may bandang main door kung nasaan siya.
“Paano ako magre-relax, eh, kasama ko ang kaibigan ko na sinabi kong magiging kasama mo dito sa bahay? Ano na lang ang sasabihin niya kung nakita ka niya sa ganoong eksena?! Nakakahiya!”
Biglang alis sa pagkakasilip nang lilingunin siya dapat ng lalaki. Namumula ang magkabilang pisngi niya na napakagat-labi.
“Magbihis ka doon! Ayusin mo ang sarili mo!” utos ni Pressy sa pinsan nito. Saglit lamang ay nilabas na siya nito.
“Pasensya ka na, Leia, kung ganito ang eksenang naratnan mo dito. Pero huwag kang mag-aalala dahil pagsasabihan ko ang lalaking iyon na hindi puwedeng mag-uuwi siya rito ng babae kapag nandito ka,” eksplenasyon agad nito sa kaniyang hindi naman kailangan. Animo’y sobrang masakit ang ulo nitong himas-himas iyon.
“Ayos lang, Pressy. Ganoon naman talaga ang lalaki lalo na at binata,” aniya upang payapain ito.
“Hindi ayos dahil sinabihan ako ng daddy at mommy niya na bantayan ko siya sa mga kalokohan niya. Hindi pa rin nagbabago talaga ang loko. Ay, naku!”
Napakamot na lang si Leia sa likod ng kaniyang tainga dahil naha-highblood na talaga ang kaniyang kaibigan. Hinagud-hagod din niya ito sa likod.
Mayamaya ay pumasok na sila parehas sa malaking bahay. Subalit anong pagtataka niya nang makita niya pababa sa may hagdanan ang lalaking nakikilala niya. Pati man ang lalaki ay halatang nagulat.
"Nice to see you again, Leia," saglit ay ngiting-ngiti na bati sa kaniya ng binata. Ito lang naman kasi ang nakabanggan niya noong isang araw at natapon ang drinks sa T-shirt nito.
Oo nga. Naalala na niya. Ito ang kaninang iniisip niya na nakilala niyang Kenneth ang pangalan.
Mapakla ang naging ngiti niya rito. Ang dami namang puwedeng maging amo niya? Bakit ito pa?
“H-hello po, Sir,” alanganing balik-bati niya. Hindi niya tuloy maiwasang hindi mailang.
"Magkakilala na pala kayo?" Nagtaka si Pressy sa kanila.
"Uhm, yeah, Insan. Nakabangaan ko siya noong isang araw habang naglilibot-libot ako," abot hanggang ngiti ni Kenneth na sabi. “Siya ang nakamantsa sa iniregalo sa akin ni Mommy na damit.”
Lalong umasim ang pagkakangiti ni Leia sa itinurang iyon ni Kenneth. Para kasing sinasabi nito ngayon na may utang na loob siya rito. Hindi tulad noong isang araw na parang wala lang ang nagawa niya ritong kasalanan.
"Really? Kung ganoon ay hindi ko na kayo ipapakilala sa isa’t isa." Ngumiti na rin si Pressy. Naglipat-lipat ang tingin nito sa kanila.
Napakagat-labi na naman si Leia. Parang hindi na niya kayang tanggapin ngayon ang trabaho na inio-offer sa kaniya ni Pressy. Nagbago na ang isip niya.
Mukhang mabait naman ang binata ang kaso lang kasi ay naiilang siya. Iba kasi ang mga tingin nito sa kaniya at hindi siya ipinanganak kahapon upang hindi malaman kung para saan ang mga kakaibang tingin na mga iyon. Idagdag pa na may dalawang babae kanina na hubo’t hubad itong kasama.
"Uhm, Pressy, puwede bang mag-usap muna tayo?" Hinila niya sa isang sulok ang kaibigan.
"Bakit?”
"Pressy, huwag na lang kaya?”
“Ang alin?”
“Huwag na lang ako ang kunin mong kasambahay ng pinsan mo.”
"Huh?! Pero bakit naman?”
"Parang nakakailang naman na siya ang aasikasuhin ko? Binata pa siya, ‘di ba?"
"Ano namang problema doon?”
"Wala naman kaso naiilang ako,” pag-amin niya.
"Bakit ka naman maiilang?” Hinawakan ni Pressy ang kaniyang dalawang kamay. “Kung ano man ang dahilan kung bakit naiilang ka sa pinsan ko ay huwag mong papansinin. O kung dahil ito kanina sa mga babae ay huwag kang mag-aalala ako ang makakalaban ng pinsan kong iyan kapag babastusin ka niya. Leia, ang mahalaga sa ngayon ay ang magkatrabaho ka nang maayos. Ito na ang pagkakataon mo para makahaon kahit kaunti lang. Utang na loob, i-grab mo na ito. Huwag nang mag-inarte, okay?”
Napabuntong-hininga si Leia. Napasulyap siya sa binata na nakatingin pala sa kanila. Pilyong kumaway ito sa kaniya dahilan para agad din niyang inalis ang tingin dito.
"Huwag kang mag-alala mabait naman ang pinsan ko na iyan. Isa pa ay hindi ka gagawan ng masama niyan dahil alam niyang kaibigan kita. Malilintikan siya sa akin kung sakali,” ingganyo pa sa kaniya ni Pressy.
Nakagat niya ulit ang lower lip niya.
"Isipin mo si Lacey, lalo na si Bryle, Leia. Kailangang gumaling ng asawa mo. Kailangan niya ng gamot. Isa pa’y may babayaran ka pang mga utang. Iyong kotse, sige, paano mo mababayaran iyon kung aasa ka lang sa paglalabada? Tapos ang bahay niyo pa pala?”
Pilit na siyang ngumiti. Napaisip saglit hanggang sa sumige na siya ulit. Bahala na.
Tama si Pressy. Para sa asawa niya ang lahat ng ito. Hindi bale at kapag nabayaran niya ang kotse at si Mrs. Sarmiento ay puwede na siyang umalis din sa paninilbihan kay Kenneth. Konting tiis lang naman.
Niyakap siya ni Pressy. Masaya ang kaibigan para sa kaniya. "Tama ang desisyon mo, Leia.”
Totoong napangiti na siya. Sana nga ay tama na pinasok niya ang trabahong ito. Sana ay makatulong nga sa kanila si Kenneth at hindi lalong makagulo.