CHAPTER 5: GUSTO KITA.
"Gumising ka na Ayame! Gumising ka na Ayame!"
Paulit ulit na sinasabi ng cellphone na hawak ko. Hindi ko alam kung paano ito papatayin kaya ginising ko pa si Duday para ipapatay sa kanya. Hindi ko kasi mabasa ang nakasulat doon, samantalang siya ay marunong naman magbasa ng english.
"Naku, paano yan kapag tumawag si sir pogi edi hindi mo masasagot kasi 'di ka marunong."
Pupungas pungas pa sya ng tingnan ako at ibalik sa akin ang cellphone.
"Mapag aaralan naman siguro ito."
Inilapag ko ang cellphone sa lamesang nakalagay sa tabi ng kama.
"Ligo na ako. Tulog ka pa, bibigyan kita ng pera para makapag hanap ka ng trabaho mo."
Tumango lamang siya at muling nahiga sa kama. Ako naman ay dumiretso sa banyo para maligo.
Hay sa wakas! Araw araw na akong makakaligo, tulad nung buhay pa si Tatay Isko. Namiss ko tuloy si Tatay, kung nandito lang sana siya at buhay pa sobra sobra ang saya nya sa mga nangyayari sa buhay ko.
Pagkatapos kong maligo ay tiningnan ko ang laman ng kusina. May lutuan doon at mga gamit. Hindi ko ito napansin kahapon. Pero wala namang pagkain sa mga kabinet. Mga gamit lang kaya bibili na lang ako ng tinapay bago pumasok sa trabaho.
Hindi ko alam kung ano ang mga dadalhin pero dinala ko na lang ang bagpack na binili ko kahapon, ang notebook na may dala ng swerte ko at ang cellphone na ibinigay sa akin ni sir Karlo.
Iniwanan ko si Duday ng limang daang piso bago nagpasyang umalis. Pero bago ako umalis ay nadaanan ko ang salamin sa tabi ng pinto.
Nakapantalon ako, naka t-shirt na malinis at maayos at naka doll shoes din. Sinuklay ko ang buhok ko gamit ang suklay na nabili ko rin kahapon. Kakaiba ang itsura ko. Ganito pala ang itsura ko kapag malinis? Nginitian ko ang sarili ko sa salamin.
Bumuntong hininga ako bago tuluyang lumabas. Ito ang simula ng pagbabago ng buhay ko. Ang simula ng lahat ng magagandang mangyayari sa buhay ko.
~*~
"Sir, ako po si Ayame. Ako po yung kasama ni sir Karlo kahapon."
Kanina pa ako dito sa labas ng building ng MNM. Ayaw akong papasukin ng guard dahil wala daw akong I.D.
"Sir, sigurado ako kanina pa ako hinihintay ni sir Karlo."
Pinilit kong makadaan pero hinaharangan niya talaga ako.
"Pasensya na miss pero, no I.D no entry kasi."
Napabuntong hininga ako at lumayo sa guard. Kinuha ko ang cellphone na ibinigay sa akin ni sir kagabi mula sa aking bulsa. Gusto kong tawagan si sir pero kasi hindi ko alam kung paano.
Napaangat ang kilay ko ng may biglang pumasok na ideya sa utak ko. Muli akong lumapit sa guard.
"Sir, ito po."
Inabot ko sa kanya ang cellphone ko at nagtataka nya naman iyong tiningnan.
"Iha, kung sa tingin mo madadaan mo ako sa suhol ay hindi ganoon kadali iyon."
Napakamot ako sa ulo ko.
"Sir, pakihanap dyan ang numero ni sir Karlo. Tapos ay tawagan mo sya, hindi kasi ako marunong gumamit niyan."
Ngumiwi siya ngunit ginawa niya rin ang sinabi ko.
Inilagay nya ang cellphone sa kanyang tenga atsaka naghintay ng ilang sandali.
"Hello."
"Ayy, sir may naghahanap sa inyo sa labas."
"Opo..."
"Di ko po pinapasok walang i.d."
"Ah, ok sir sorry po."
Pinatay nya ang tawag at ibinalik sa akin ang cellphone. Siguro naman naniniwala na siya.
"Pasok ka na daw."
Nakasimangot ang gwardya habang pinapapasok ako. Pumasok ako sa loob ng building at halos malula ako sa laki nito.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon kong makapasok dito dahil dinala ako ni sir Karlo dito kahapon. Pero namamangha pa rin ako.
Sumakay ako sa elevator. Yun ang sabi ni sir sa akin, tinandaan ko rin kung ano ang ginawa nya kahapon para mapaandar ang elevator na ito.
May mga tao sa loob na tumitingin tingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit nila ako pinagtitinginan pero siguro malamang dahil bago lang ako dito.
Malayo pa ang bababaan ko dahil halos nasa tuktok ba yata ng building na ito ang opisina ni sir.
"Ikaw si Ayame?"
Tanong ng isang babaeng kasama ko sa loob ng elevator. Tiningnan ko siya at tinanguan lamang.
"Ilang taon ka na? Ang bata mo naman masyado!"
Natatawang tanong niya sa akin. Alam ko namang mukha akong bata eh. Sa katawan kong payat at sa taas kong parang pang edad katorse lamang ay mapagkakamalan talaga akong bata.
"Twenty na ako."
Nanlaki ang mga mata ng babae at napatakip sa kanyang bibig.
"Oh my gosh! Mas matanda lang ako sa'yo ng isang taon tapos para ka lang, katorse! Gusto ko ng katibayan!"
Sabi niya na ikinataas ng aking kilay.
"Anong katibayan?"
Seryosong tanong ko sa kanya.
"Birthcertificate!"
Tumango ako at tiningnan ang numero sa taas ng pinto ng elevator. Malapit na ako sa tamang palapag.
"Talaga?"
Tanong niyang muli at muli kong ibinaling ang atensyon sa kanya.
"Mamayang uwian, sama ka sa bahay ipapakita ko sa'yo ang birthcertificate ko."
Magsasalita pa sana sya ngunit bumukas na ang elevator kaya nagsilabasan na ang mga taong naroon kasama ako.
Naglakad na ako palabas para makarating na sa opisina ni sir Karlo pero hinawakan ako nung babae sa kamay.
"Alam mo, gusto kita."
Nilingon ko ang kamay niyang nakahawak sa aking kamay. Anong ibig nyang sabihing gusto nya ako?
"Anong ibig mong sabihin? Hindi tayo pwede, pareho tayong babae."
Napahinto sya sa paglalakad kaya napahinto rin ako dahil hawak niya ang aking kamay.
Nilingon ko sya at nakita ang sumilay na ngiti sa kanyang mga labi.
"Para kang si ma'am Pinky!"
Tumawa sya at hinampas ako sa braso.
"Ano ka ba, gusto kitang maginga kaibigan!"
Inilahad niya ang kamay niya sa akin.
"Alodia."
Tiningnan ko lamang ang kamay niya at nagtataka ako kung bakit nakalahad iyon. Nanghihingi ba sya ng pera?
"Wala akong pera."
Ang kamay na inilahad niya ay naipalo niya sa kanyang noo.
"Nakikipagshake hands ako sa'yo. Ganito oh."
Kinuha niya ang kamay ko at inalog alog kasabay ng kanya.
"Shake hands ang tawag dyan."
Nginitian niya ako at hinila na para maglakad kasabay siya.
"Dadalhin kita sa opisina ni sir Karlo."
"Ok."
***