DAHAN-DAHAN kong binuksan ang pinto ng kwarto namin ni Audrey. Sumilip ako. Nasa kama at tulog na ito at inaayos ni Orion ang kumot. Nagdalawang-isip pa ako kung papasok, pero nag-angat ng mukha si Orion at nakita ako. Bahagya siyang tumango sa akin. Walang ingay akong pumasok. Pagkatapos, maingat akong umupo sa gilid ng kama para titigan lang ang mukha ni Audrey. Pinalitan ko ito ng pantulog bago mahiga. Iniwan ko sila ni Orion dahil nag-request pa ang bata na kwentuhan ng ama. Willing naman si Orion na gawin kahit anong hilingin ng anak. Unang araw pa lang nilang magkakilala, pero ang dami na nilang nagawa nang magkasama. Natutuwa ako sa isang banda, pero may bahagi ko ang tila naiinggit. Paano kung parati na lang si Orion ang hanapin ni Audrey? Maya-maya ay pumasok na rin si Teresa.

