"Kamahalang Helios, nandito na ho siya," ani Tolentino dahilan upang tanguan siya nito.
Isang binata ngayon ang naglakad papasok ng opisina ni Helios kasunod ng marahan nitong pagluhod sa amatista ng Aeras.
"Nawa'y may maganda ka na namang balita na ihahatid sa akin," ani Helios na siyang marahang nginisian at tinanguan ng binata.
"Maraming magagandang balita ang aking ihahayag sa iyo kamahalan," ani ng binata dahilan upang unti-unting mapangiti ang amatista.
"Tulad na lamang ng inaasahan ninyo ay gumawa ng mga patibong at panlito ang amatista ng Geo na si Mahalia upang hindi niyo matagpuan ang kinaroroonan namin. Ngayon ay gumawa ako ng bagong mapa bilang gabay niyo sa pagsalakay sa kastilyo," patuloy ng binata. "Inyo ring isaalang-alang na hindi kayo makakapasok ng basta-basta sa teritoryo nila sapagkat protektado ito ng kapangyariahan ng tatlong amatista."
"Kung gayon ay magaling, magpapahanda na ako ng hukbong susugod sa kastilyo upang agad-agad na mapuntahan ito sa sandaling maibigay mo na ang mapa--"
"Ngunit," pakli ng binata dahilan upang matigilan si Helios at kunutan ito ng noo. "Sa oras na ibigay ko ang mapa ay nais kong nasa harapan ko na ang aking kasintahan upang makasiguro akong tutupad ka sa ating kasunduan."
Unti-unting nangisi si Helios at marahang tinanguan ito. "Hindi nga ako nagkakamaling ikaw ang piliin ko sa misyon na ito sapagkat hindi tulad ng mga nagamit ko na ay iba ka sa kanila."
"Dahil hindi ka kailanman nagpapagamit sa sino man Amadeo."
_________________________
"Amadeo," sambitla ni Shakir na siyang nakaupo sa malaking bato malapit sa pinasukan ni Amadeo.
"Saan ka nanggaling?"
Agad na natigilan ang binata at buntong-hiningang diretsong tinignan si Shakir.
"Pati ba naman iyon kailangang sabihin sa inyo? Akala ko ba ay hindi pagsakop ang nagawang kasunduan sa pagitan natin? Huwag mong sabihing katulad niyo rin ang mga ravena na pagbabawalan kaming gawin ang gusto namin at gagawin niyo rin kaming sunod-sunuran niyo?" sunod-sunod na sarkastikong tanong ni Amadeo.
"Nais lang namin na mag-ingat Amadeo. Kung maaari ay nais naming maiwasan na may makarating na namang impormasyon sa mga ravena ng hindi namin nalalaman," sagot ni Shakir dahilan upang sarkastikong matawa at ngumisi ngayon si Amadeo.
"Huwag mong sabihin na ako naman ang pinaghihinalaan niyong taksil pagkatapos ni Ondayo--"
"Ikaw ang aking pinaghihinalaan," pagbibigay riin ni Shakir. "Naniniwala man ang mga kasama kong si Ondayo ang taksil ay ibahin mo naman ako Amadeo."
"Huwag mo akong tinatakot babaylan," ani manananggal na ngayon ay hindi nga inialis ang tingin sa mga mata ni Shakir. "Sabihin na nating apo ka ng pinakamakapangyarihang babaylan at anak ka ni Mapolan ngunit sa aking nakikita ay tulad ka lamang ng mga ordinaryong babaylan, mahina at walang kalaban-laban."
"Amadeo!"
Natigilan ang dalawa na kapwa nga ngayong nabaling ang tingin sa likuran ni Shakir kung saan naroon ngayon si Afiya hawak-hawak ang kaniyang pinageensayuhang pana.
"Nariyan ka lang pala, kanina pa kita hinahanap upang turuan ako sa pag-eensayo," ani ng dalaga na siyang dahilan upang tumakbo si Amadeo papunta dito.
"Shakir, kanina ka pa din ba nandito? Hinahanap ka na rin nila Mahalia doon," ani Afiya na siyang marahan lamang na tinanguan ni Shakir.
"Susunod na lamang ako," tugon nito na siyang nagpakawala nga ng isang napakalalim na hininga.
_________________________
"Ikaw ay tunay ngang gumagaling na babaylan," ani Ebraheem nang mawalan ng balanse at matumba sa lupa nang kamuntikan na siyang masipa ni Shakir sa pisngi.
Marahang iniabot ni Shakir ang kaniyang kamay upang tulungan siyang makatayo.
"Kaonti na lamang at mukhang matatalo mo na ako," patuloy ni Ebraheem ngunit natigilan ito nang makitang wala sa kaniya ngayon ang atensyon nito bagkus tulad noong nakaraang araw ay nasa mga nag-eensayo ng pana naroon ang atensyon ni Shakir.
"Halatang-halata na talaga ang iyong pagkagusto sa aking kaibigan Shakir," saad ni Ebraheem dahilan upang matigilan at mailing si Shakir.
"Ano na naman ang iyong sinasabi Ebraheem?"
"Eh, kanina ka pa nakatingin kay Afiya--"
"Hindi ako kay Afiya nakatingin bagkus ay kay Amadeo," pakli ni Shakir dahilan upang matigilan at unti-unting manlaki ngayon ang mga mata ni Ebraheem.
"Teka," sambitla ni Ebraheem dahilan upang kunutan siya ng noo ni Shakir. "Huwag mong sabihin na si Amadeo talaga ang iyong gusto at hindi--"
"Hindi yaon ang ibig kong sabihin Ebraheem," pakling agad ni Shakir.
"Eh, ano?"
"Inoobserbahan ko siya."
"Teka, siya pa rin ba ang pinaghihinalaan mong taksil gayong malinaw pa sa sikat na araw na si Ondayo ang may nakaraan at kakayahang magtaksil?"
"Bakit ba siguradong-sigurado kang si Ondayo ang taksil Ebraheem?"
Natigilang husto si Ebraheem at marahan ngang napaiwas ng tingin.
"Kasi minsan na niya akong nilinlang--"
Hindi naituloy ni Ebraheem ang kaniyang sasabihin nang dumating ngayon ang isa sa mga manananggal na ipinadala nilang magbantay sa kagubatan.
Duguan ang braso nito at sira ang pakpak dahilan upang walang pasubali siyang bumagsak ngayon sa gitna ng mga nag-eensayo ng pana.
"Anong nangyari sa iyo?" nanlalaking mga matang katanungan ni Amadeo sa manananggal na siyang agad nga niyang nilapitan.
"U--umalis na kayo," ani manananggal na hirap nga kung magsalita.
Kunot-noong nagtinginan ngayon sina Ebraheem, Shakir, at Afiya na siyang lumapit na rin sa binagsakan ng manananggal.
"Anong nangyari dito?" tanong ni Mahalia na lumitaw sa tabi ni Shakir.
"Ang mga ravena," ani ng bumagsak na manananggal na siyang pilit ngang iminumulat ang kaniyang nagdidilim ng mga mata. "Parating na sila!"
Ang bulalas na iyon ng manananggal ang siyang nagpatigil sa mundo ng lahat kasabay nang biglang pag-iiba ng ihip ng hangin. Sabay-sabay na napatingin ang lahat sa nagdidilim ng kalangitan.
"Parating na nga sila," ani Mahalia.
"Kayo ay maghanda at tayo ay lilisan," patuloy nito ngunit natigilan siya maski ang dalawang amatista at si Shakir nang walang gumalaw o sumunod sa kanilang mga manananggal.
"Anong ginagawa niyo?!" bulalas ni Ebraheem na siyang ibinaling ang tingin kay Amadeo. "Amadeo--"
"Wala ni isang susunod sa inyo," ani Amadeo na marahang tumayo at diretso nga ngayong tinignan si Ebraheem kasabay nang kaniyang pagngisi.
"Sapagkat simula sa araw na ito, tanging ang mga ravena na lamang ang aming susundin at paglilingkuran," patuloy ng mananangggal kasabay nang pag-ihip ng hangin at ang pag-alingawngaw ng mga ravenang paparating.
_________________________
"Mga walanghiyang manananggal iyon," ani Ebraheem na siyang kasabay ngang lumitaw si Mahalia malayo sa kinaroroonan ng kastilyo.
Nakahawak nga si Shakir sa kamay ni Mahalia upang mabilisan silang makaalis sa kastilyo.
"Sinabi na sa inyo," ani Shakir. "Si Amadeo ang traydor at hindi si Ondayo."
Tuluyan ngang natigilan at napaiwas ng tingin si Ebraheem.
"Alam ko," ani Mahalia dahilan upang kapwa mapatingin sa kaniya ang dalawang binata.
"At ako pa mismo ang nagsadyang iwanan ang mapa upang puntahan tayo ng mga ravena ngayon," patuloy ni Mahalia dahilan upang kunutan siya ngayon ng noo ni Shakir.
"Ipinahamak--"
"Wala akong ipinahamak Shakir, gumawa lamang ako ng patibong upang mahuli ang taksil ngunit hindi ko naman inaasahan na magiging tama ang hinala ko na hindi lamang siya iisa kundi halos lahat sila ay may tinatagong motibo na pagtaksilan tayo," sagot ni Mahalia dito. "Mabuti na ito para mailayo tayo sa mga lahing katulad nila sapagkat una pa lamang talaga ay wala na akong tiwala sa Amadeo na iyon."
Dahilan nga ang paliwanag ni Mahalia upang kapwa mapabuntong ng hininga ang dalawang binata.
"Teka," sambitla ni Mahalia na siyang napatingin nga sa kastilyong kanilang tinakbuhan. "Nasaan si Afiya?"
Natigilang husto si Shakir na siyang nanlalaking mga matang ibinaling ang tingin sa kastilyo.
"Kailangan natin siyang balikan Mahalia," ani Shakir na siyang buntong-hiningang tinanguan ni Mahalia.
"Mabuti pa sigurong maiwan ka na dito Shakir at kami na lamang ni Ebraheem ang maghahanap kay Afiya--"
"Sasama ako Mahalia," pakli ni Shakir.
"Pero tama si Mahalia Shakir, mainam na maiwan ka nalang dito at hintayin mo na lamang kami," saad ni Ebraheem ngunit tuwirang umiling si Shakir bilang tugon.
"Sasama ako at hindi ako makakapayag na maiwan dito at makampante dahil ligtas ako," ani Shakir dahilan upang buntong-hiningang magtinginan si Ebraheem at Mahalia.
"Maginoo? Maginoong Ahmad?" sunod-sunod na tawag ni Afiya na siyang ginamit nga ang kapangyarihan upang hindi siya makita ng sino man.
Nasa loob ito ngayon ng kastilyo habang hinahanap ang matandang maginoo.
"Maginoong Ahmad--"
"Afiya."
Natigilang husto ang amatista nang maramdamang may humawak sa kaniyang kaliwang braso.
Nanlalaking mga mata niyang ibinaling ang tingin sa kaniyang likuran at natigilan ngang husto nang makita si Helios.
"Alam kong ikaw iyan Afiya," nakangising ani Helios nang pwersahan ngang inalis ni Afiya ang kamay nito.
Tuluyang nagpakita si Afiya na ngayon ay nagpalabas ng asul na ilaw mula sa kaniyang palad.
"Huwag mong susubukang lumapit Helios," ani Afiya na siyang unti-unti ngayong napaatras.
"Tunay ngang kaaway na at masamang nilalang ang turing mo sa akin ngayon Afiya gayong mahaba-haba rin ang ating pinagsamahang dalawa--"
"Tumahimik ka Helios! Hindi mo na muling mabibilog ang utak ko!" sunod-sunod na pakli ni Afiya dahilan upang matawa sa kawalan si Helios.
"Kung gayon ay wala ka nang magiging kwenta sa aking mga plinaplano kaya naman"--ani Helios na ngayon ay nagpakawala ng itim na ilaw mula sa kaniyang palad kasabay nang pangingitim ng kaniyang mga mata--"mainam na mabawasan na ang mga nilalang na maaaring makadagdag ng balakid sa aking mga plinaplano."
Ibinatong walang pasubali ni Helios ang itim na ilaw patungo kay Afiya na siya naman nitong agad na naiwasan.
"Sa tingin mo talaga Helios ay ganoon mo na lamang kadaling magagawa ang iyong mga plinaplano?" sarkastikong tanong ni Afiya na ngayon ay naging kulay asul na rin ang mga mata dahil sa tensyong dala-dala ng kaniyang kapangyarihan.
"Laganap man ang kasamaan sa panahon na ito ay marami at marami pa ring mabubuti at matatapang na pusong lalaban at ipaglalaban ang kalayaan," ani Afiya na siyang nagpakawala ng kulay asul na kapangyarihan mula sa kaniyang palad na siya namang agad na hinarangan ni Helios ng kaniyang itim na kapangyarihan.
Nanginginig na ang mga kamay ni Afiya at tila mabibiyak na ang kaniyang palad dahil sa pwersang dala-dala ni Helios.
At nang akmang bibitaw na siya ay natigilan ito nang unang bumitaw si Helios at tumilapon ito sa hindi kalayuan.
"Afiya," sambitla ni Shakir na agad nga siyang tinulungang makatayo ng maayos.
Kasama ni Shakir ay sina Mahalia at Ebraheem na siyang sabay na nagpakawala ng kanilang kapangyarihan upang malabanan ang lakas ni Helios.
"¡Espera!," bulalas ni Helios dahil sa inis na agad ngang tumayo mula sa pagkakabagsak.
Ngunit natigilan ito nang makita sina Ebraheem lalong-lalo na si Mahalia.
"Ebraheem at ikaw--"
"Mahalia," nakangiting pakli ni Mahalia na siyang unti-unti ngang ngumisi at nagpakawala ng berdeng ilaw mula sa kaniyang palad. "Sa wakas, nagkita na tayong muli Helios."
"Matagal ka ng patay, at dapat ay nanatili ka nalang na patay!" bulalas ni Helios na siyang mabilisang nagpakawala ng itim na ilaw mula sa kaniyang palad at ibinato ito kay Mahalia,
Unti-unting lumabas ang itim na pakpak Helios at mabilisan ngang lumipad palapit kay Mahalia ngunit natigilan ito nang maglahong bigla si Mahalia at lumitaw sa kaniyang likuran.
"Hanggang ngayon pala ay wala ka pa ring binatbat Helios," ani Mahalia na siyang agad ngang sinuntok sa mukha si Helios nang humarap ito sa kaniya.
"Anong sabi mo?" nanggigilaating ani Helios na siyang hinugot nga ang espada mula sa kaniyang tagiliran at inatakeng agad si Mahalia ngunit agad din naman itong naglaho upang makaiwas.
Nang akmang tatalikod na si Helios dahil sa pag-aakalang naroon ang amatista ng Geo ay natigilan ito nang may maramdamang kirot mula sa kaniyang tagiliran.
Unti-unting lumitaw si Mahalia sa gilid habang nakangisi at hawak-hawak ang isang maliit na kutsilyo na siyang nakabaon ngayon sa tagiliran ni Helios.
Ngunit natigilan si Mahalia nang maramdamang parating ang mga ravena maging ang ibang lahing kasama ngayon ni Helios sa paglusob. Agad niyang ibinaling ang tingin kay Ebraheem.
"Ebraheem, itakas mo na sina Shakir at Afiya mula dito," anya ngunit kinunutan lamang siya nito ng noo.
"Iiwan ka namin dito?" nag-aalinlangang tanong ni Ebraheem.
"Madaming kasama ang ibon na ito kaya mas mainam na umalis nalang kayo dito kaysa walang matira sa ating apat," ani Mahalia ngunit tuwiran itong inilingan ni Afiya.
"Mahalia, hindi ka namin iiwa--"
"Huwag ka nang magpumilit Afiya!" pakli ni Mahalia na siyang mas diniinan pa nga ang pagkakabaon ng kutsilyo sa tagiliran ni Helios dahilan upang sumigaw ito dahil sa sakit. "Kung maiiwan tayo dito lahat ay walang matitira sa ating apat kaya mabuti pang umalis na kayo!"
"Afiya, Shakir, tama si Mahalia," ani Ebraheem na walang pasubaling hinawakan ang dalawa at isinabay sa kaniyang mabilisang pagtakbo paalis ng kastilyo.
"Hindi ka pa rin nagbabago," ani Helios kay Mahalia na siyang pwersahan ngang inalis ang pagkakasaksak sa kaniya ni Mahalia. "Ikaw pa rin ang amatistang laging pinipiling magpakabayani gayong kabaliktaran nito ang tunay mong ugali."
"Katulad mo lang ako Helios, wala ka ring pinagbago," ani Mahalia na siyang diretsong tinignan sa mata ang ravena. "Isa ka pa ring nilalang na manggagamit dahil mahina at takot kang humarap sa kalaban. Oo, ikaw ang pinakamahina at duwag na amatista sa ating apat na walang ginawa kundi sundin ang ano mang iutos sa iyo ni Apolaki,"
_________________________
"Ebraheem, ibalik mo kami doon ni Shakir dahil kung hindi ay hindi ako magdadalawang isip na gawin kang likido," ani Afiya nang lumitaw sila ngayon sa parte ng kagubatan malayo sa kastilyo na kanilang pinanggalingan.
"Hahayaan mo na lamang na si Mahalia ang mag-isang lumaban sa mga ravena?" Hindi makapaniwalang tanong ni Shakir ngunit buntong-hininga lamang silang inilingang ni Ebraheem.
"Sa tingin niyo ba ganoon na lamang ako kasamang nilalang?" tanong ni Ebraheem sa kanila dahilan upang kapwa sila matigilan ngayon.
"Nais ko lamang na ilayo kayong dalawa upang kahit papaano ay may matira pa ring mangunguna sa magaganap na rebolusyon," patuloy ni Ebraheem. "Kahit na anong mangyari Shakir at Afiya, nais kong gawin niyo ang lahat-lahat upang makamit ang kapayapaan sa buong Berbaza kahit pa na baka hindi na kami makalabas ni Mahalia ng buhay--
"Huwag mong sabihin iyan Ebraheem," pakli ni Afiya dahilan upang marahang mapangiti ito at mapabuntong-hininga.
"Wala kayong dapat ipag-alala dahil babalik ako doon at gagawin ko ang makakaya ko upang ilabas si Mahalia ng buhay."
Tuluyan na ngang naglaho si Ebraheem na siyang mabilisang tumakbo pabalik muli sa kastilyo.
Buntong-hininga namang nagtinginan ngayon sina Shakir at Afiya na kapwa nga hindi mawari ang gagawin.
"At sa tingin talaga ni Ebraheem ay may matitira pa sa inyong apat."
Kapwa ngayon natigilan sina Shakir at Afiya na siyang halos sabay na lumingon sa kanilang likuran.
"Amadeo," sambitla ni Shakir na siyang marahan ngang napatikom ng kaniyang kamao.
"Sa wakas at magkakaroon na rin ng pangalawang kabanata ang labanan nating tatlo," nakangising ani Amadeo na ngayon ay itinaas ang hawak na pana at itinutok ito kay Shakir. "At ikaw, babaylang pakialamero, ang uunahin ko."