Ikalawang Bahagi: Kabanata 14

2247 Words
"Maghanda na kayo!" bulalas ni Ebraheem sa mga kasamang manananggal na ang iba ngay nasa himpapawid hawak ang mga pana at ang ilan ay kasama niya ngayon sa lupa habang hawak-hawak ang kani-kanilang mga espada. Diretso ang tingin ni Ebraheem sa harapan at sa hindi nga kalayuan makikita ang napakalaking tarangkahan na siyang bungad sa kampo kung saan ikinulong ang ilan sa mga manananggal na nahuli ng mga ravena. "Pagbilang ko ng tatlo ay uumpisahan na ang pag-atake," ani Ebraheem na siyang buntong-hiningang hinawakang mahigpit ang kaniyang espada. "Isa!" bulalas nito na siyang dahilan upang mapahigpit na rin ang hawak ng mga manananggal sa kanilang mga armas. "Dalawa!" Sa ikalawang bilang ay sabay-sabay na nagpakawala ng pana ang mga manananggal sa himpapawid hudyat hindi lamang para sa pangkat nila Ebraheem kundi maging sa pangkat nila Mahalia, Afiya, at Shakir. "Tatlo!" Sa ikatlong hudyat ay halos sabay-sabay na sumugod sina Ebraheem ngunit halos sabay-sabay ring natigilan ang mga ito nang sunod-sunod na sumabog ang mga itim na bilog na ilaw sa kanilang mga harapan dahilan upang ilan sa mga manananggal ang matumba. Nanlalaking mga matang ibinaling ni Ebraheem ang tingin sa ulap kung saan sunod-sunod na nagliparan patungo sa kanila ang mga ravena. Ilan sa mga manananggal sa himpapawid ang siyang nahulog sa lupa nang dahil sa mga pag-atake nito. "Ebraheem, anong nangyayari?" nanlalaking mga matang tanong ni Ondayo na siyang napahigpit nga ang hawak sa kaniyang espada at katulad ni Ebraheem ay nabaling din ang tingin sa harapan kung saan parating ngayon ang dating magigiting na mandirigma ng mga babaylan. "Ebraheem," tawag ngang muli ni Ondayo dito dahilan upang mapabuntong siya ng hininga at mapakagat ng ibabang parte ng kaniyang labi. Tila baga tumigil ang mundo ng binata nang makita ang sunod-sunod na pagbagsak ng ilang manananggal sa lupa hindi lang sa kaniyang pangkat kundi maging sa pangkat nila Mahalia sa likurang parte ng kampo. "A--atras," sambitla ni Ebraheem na siyang hinarap ang mga natitirang manananggal. "Atras!" bulalas na muli ni Ebraheem na siyang umalingawngaw sa buong paligid. _________________________ "Paano nila nalaman na susugod tayo?" kunot-noong tanong ni Afiya kasama sina Ebraheem, Mahalia, at ang Maginoong Ahmad. Ngayon ay nagtipon ang mga ito sa itaas ng kastilyo habang ang ibang natitirang manananggal ngay ginagamot ni Shakir ng kaniyang mga inihandang kabal. "Yaon din ang aking ipinagtataka," saad ni Ebraheem na ngayon ay tumayo sa kaniyang kinauupuan. "Hindi alam ni Helios ang bawat hakbang natin at kung magkasama ba tayong lahat kaya imposible--" "Alam na niya," pakli ni Mahalia dahilan upang mabaling ang tingin sa kaniya ng mga ito. "Nakahanda na siya bago pa man tayo susugod kaya't sigurado akong alam na niya ang plano nating pagsugod at alam na rin niya ang patungkol sa grupo natin." "Tama si Mahalia, " saad ni Maginoong Ahmad na siyang tumayo na rin sa pagkakaupo. "Nakaabang na ang mga ito bago pa man tayo sumugod." "Ngunit paano maginoo?" kunot-noong tanong ni Afiya. "May traydor," ani Ebraheem. "May traydor ngayong nagbabalat-kayo at sumisipsip ng impormasyong idinadala sa amatista ng Aeras na si Helios." _________________________ "Maraming salamat," ani manananggal na inabutan ni Shakir ng isang bote ng kabal niyang kuat. "Iyo lamang itong inumin at kalaunan ay unti-unti nang maghihilom ang sugat mo sa paa," paliwanag ni Shakir na siyang marahang tinanguan ng manananggal. "Ang sabi niyo ay ililigtas niyo ang aming mga kalahi kaya kami sumama sa inyo!" Ang sigaw ni Ondayo mula sa kalayuan ang siyang pumukaw ngayon sa atensyon ni Shakir. "Ngunit mas ipinahamak niyo pa ang aming mga kalahi! Halos kalahati ang nawala sa amin--" "Hindi namin ibig na mangyari ito Ondayo," ani Afiya na siyang kausap nito. Marahan ngang napabuntong-hininga si Shakir na ngayon ay naglakad palapit sa mga ito. "Ikaw," sambitla ni Ondayo na siyang nabaling nga ang tingin kay Shakir. "Nilinlang mo ako at binilog mo ang ulo ko! Dapat ay nanatili na lamang akong hindi sang-ayon sa inyong mga plano." "Ondayo, ikaw ay uminahon, wala ni isa sa atin ang nakakaalam na may mga nakaabang ng mga kawal doon--" "Dapat una pa lamang ay naisip niyo na 'yon," pakli ni Ondayo. "Pinaasa niyo lamang kami sa isang bagay na una pa lamang ay malabo ng mangyari." "Nang dahil sa inyo ay mas nawalan kami ng pag-asa na makikita pa naming muli ang mga mahal namin sa buhay!" patuloy ni Ondayo na hindi na nga napigilan ang sarili at kinwelyuhan ngayon si Shakir. "Nang dahil sa'yo!" bulalas nito na akmang susuntukin na sa mukha si Shakir ngunit agad ngang nahawakan ni Afiya ang kamay nito. "Sinabi nang uminahon ka," ani Afiya na siyang pwersahan ngang inilayo ang manananggal mula kay Shakir. "Huwag kang mangingialam dito Binibining Afiya," ani Ondayo na siyang kinuha nga ang hawak-hawak na espada ng kaniyang kasamang manananggal at itinutok ito kay Afiya na siyang pumagitna ngayon sa kanila ni Shakir. "Ondayo!" Natigilang husto ang manananggal at ibinaling nga ang tingin kay Amadeo na may hawak ngayong pana na siyang nakatutok sa kaniya. "Bitawan mo 'yan Ondayo," ani Amadeo na siyang diretsong tinignan sa mata ang kapwa manananggal. "Isa ka pang uto-uto ka, ipinahamak mo lamang--" Hindi na nga naituloy pa ni Ondayo ang kaniyang sasabihin nang lumitaw sa harapan niya si Mahalia at sinipa ang kamay nitong may hawak ng espada. "Dakpin ang manananggal na iyan," ani Mahalia dahilan upang mapakunot ng noo ngayon si Ondayo at tuluyang nanlaki ang mga mata nang may humawak sa magkabilaan niyang kamay patungo sa likuran. "Ako na ang magdadala sa kaniya sa itaas Mahalia," ani Ebraheem na siyang may hawak sa mga kamay ng manananggal. _________________________ "Ano ang iyong ginagawa Punong Lakambini Aisha?" kunot-noong tanong ni Tunku dito habang kasalukuyan siya ngayong naghahalo ng kabal sa isang malaking palayok. "Isang kuat," tugon ng lakambini na ngayon ay itinapat ang palad sa palayok. "Indayo Bundilayo," sambitla ng Punong lakambini kasunod nang paglabas ng puting ilaw mula sa kaniyang palad patungo sa palayok. Ngayon ay kinuha ng lakambini ang pasiking (traditional na lagayan na karaniwang ginagamit sa dakong hilaga ng Luzon) na kaniyang dala-dala mula sa pagtakas. Dito ay inilabas ang isang itim na balahibo na nakabalot sa tela. "Balahibo ng ravena?" kunot-noong tanong ni Tunku na siyang marahang tinanguan ni Aisha. Ngunit natigilan nga at nanlaki ang mga mata ni Tunku nang bigla na lamang sinugatan ni Aisha ang kamay nito gamit ang dulo ng balahibo. "Lakambini, bakit mo sinugatan ang iyong sarili?" "Kailangan kong subukan kung ang ginawa ko bang kabal ay epektibo," sagot ng lakambini na ngayon ay isinawsaw ang hintuturo at palasingsingan sa kabal na kaniyang ginawa at marahan nga itong idinampi sa sugat na natamo. "Paano kung hindi gumana? Edi, nagkasugat ka pa binibini?" nag-aalalang sambit ng kibaan. "Parte iyon ng pag-aaral at paggawa ng gamot Tunku. Kung kinakailangang masugatan upang subukan ang epektibo ng isang gamot na kabal ay gagawin namin," sagot ni Aisha na siyang natigilan nga at unti-unting ngumiti nang makita ang unti-unting paghihilom ng kaniyang sugat. "Bakit mo ba pinag-aaralan ang kabal na iyan?" kunot-noong tanong ni Tunku dahilan upang matigilan si Aisha at ngayon ngay buntong-hiningang tinignan ang kibaan. "Teka, huwag mong sabihin na may balak kang makipaglaban sa mga ravena o baka naman ginagawa mo lamang iyan kung nagkataong may sumalakay na mga ravena?" "Hindi ako mananatili dito at mag-aantay na lamang na may magligtas sa atin Tunku." "Ano ang iyong ibig sabihin lakambini?" "Nais kong iligtas ang aking mga kalahi mula sa mga ravena, at magagawa ko lamang iyon kung lalapit ako sa kampong pinaglagyan nila kila ama. Nais kong mag-imbestiga muna kung sino at ilan ang mga nagbabantay sa kampong iyon. At sa oras na makagawa na ako ng plano ay hahanapin ko ang mga bampira upang gawin silang kakampi sa magaganap na pagliligtas." _________________________ "Bitawan niyo ako at pakawalan niyo ako dito!" bulalas ni Ondayo na hindi maawat sa pagpupumilit na alisin ang pagkakatali niya sa paa at kamay. "Hindi ka namin papakawalan hangga't hindi mo inaamin ang ginawa mong pagtataksil," ani Mahalia. "Ano bang pinagsasasabi ninyo?!" "Anong pagtataksil?" kunot-noong tanong naman ngayon ni Shakir kay Ebraheem. "Hinihinala naming lahat na may kakampi dito si Helios na siyang nagsabi ng plano nating pagsalakay sa kampong kinalalagyan ng mga nahuling manananggal," sagot ni Ebraheem dahilan upang matigilan si Shakir at mabaling ngayon ang tingin kay Ondayo. Unti-unting lumapit ngayon si Mahalia kay Ondayo at walang pasubaling hinablot ang suot nitong kwintas na siyang pumuprotekta sa kaniyang isipan upang hindi makontrol o mabasa ng sino man. "Sabihin mo sa akin ang iyong nagawang pagtataksil," ani Mahalia habang diretsong nakatingin ngayon ang kaniyang mga berdeng mata sa mata ni Ondayo. Unti-unting natigilan si Ondayo ngunit kalaunan ay tuwiran itong umiling. "Hindi ko sasabihin sa iyo Mahalia!" bulalas ni Ondayo dahilan upang matigilang husto ang dalaga na ngayon ngay napaatras at kunot noong napatingin kina Shakir. "Shakir, inuutusan kitang lumapit dito ngayon din," ani Mahalia habang diretsong nakatingin sa mga mata ng binata ngunit kunot-noo lamang siyang tinignan ni Shakir. "A--anong nangyayari?" gulong-gulong ani Mahalia na ngayon ay nagpakawala ng berdeng ilaw mula sa kaniyang palad at tila nabunutan nga ng tinik nang magawa pa niyang maglaho at mapunta sa ibang lugar. "Marahil ay ang kapangyarihan mong kontrolin ang isipan ng iba ang nawala sa iyo bunga ng digmaan," paliwanag ni Afiya nang makabalik nang muli si Mahalia sa kaniyang kinatatayuan kanina. "Anong ibig mong sabihin Afiya?" _________________________ "Nang dahil sa huling digmaan--" "Teka nga, ano ba talagang digmaan ang nangyari sa taon na iyon?" pakli ni Mahalia. Ngayon ay nagtipon silang apat sa isang kwarto sa kastilyo upang pag-usapan ang mga katanungan ni Mahalia. "Ang digmaan ng mag-amang si Bathala at Apolaki," sagot ni Ebraheem dahilan upang matigilang husto si Mahalia. "Pagkatapos ng digmaan ay nawala ang Bathala kasama ang ibang tagapangalaga na sina Anagolay, Dumakulem, at ang iyong inang si Mayari," patuloy ni Afiya sa sinambit ni Ebraheem. "At anong kinalaman nito sa pagkawala ng kapangyarihan kong makapagbasa ng isip?' "Si Bathala ang may gawa ng amatista Mahalia, nang oras na madaplisan siya ng dahil sa digmaan ay humina rin maging ang ating kapangyarihan," paliwanag ni Ebraheem. "Kaya ako, tulad mo ay may nawalan din ako ng kapangyarihan, at yaon nga ay ang abilidad kong magbasa ng isipan ng sino man." "At ako naman, nawala ang kapangyarihan kong makipagpalit ng isipan sa sino man," ani Afiya. "At si Helios, nawala ang kakayahan niyang makapanghula ng susunod na mangyayari." "Kung gayon, ano ang natatanging paraan upang maibalik ang mga kapangyarihang ito?" "Ang mabuong muli ang apat na amatista at pagdikitin ang mga hawak niyong bato," ani Shakir na tinanguan nila Ebraheem at Afiya dahilan upang mawala ang kunot sa noo ni Mahalia at kalaunan ngay nagpakawala ng isang napakalalim na buntong-hininga. "Kung ganito ngang wala tayong anong kapangyarihan upang malaman kung sino ang taksil ay mahihirapan tayong tuwi-tuwina sa paghahanap nito," ani Mahalia. "At nasisiguro kong hindi si Ondayo ang taksil na inyong tinutukoy," ani Shakir dahilan upang mabaling ang mga tingin nila sa kaniya. "Paano mo naman nasabi iyan babaylan?" "Bakit niya gagawin iyon gayong nanduon tayo upang iligtas ang mga kalahi nila kasama ang kaniyang nakababatang kapatid at ina?" sagot ni Shakir kay Ebraheem na siyang kinunutan nga ng noo ang binata. "At paano mo naman nalaman ang bagay na iyon babaylan?" Ngayon ay naghahanda na ang hukbo sa kanilang gagawing pagsalakay sa isa sa mga kampo ng Aeras ngunit natigilan ngayon si Shakir sa kaniyang paglabas sa kastilyo nang makitang nakaupo ngayon sa sahig si Ondayo habang hawak-hawak ang kaniyang ulo. "Ano ang nakapagpabago sa iyong isipan?" tanong ni Shakir na siyang dahilan upang mabaling ang tingin sa kaniya ng manananggal. Buntong-hiningang umiwas ng tingin si Ondayo. "Akala ko ba ay ayaw mong sumali sa aming binubuong hukbo?" "Ang sabi mo"--ani Ondayo na saglitang natigilan at napabuntong ng malalim na hininga--"ay hindi lamang kapayapaan at kalayaan natin ang nakasalalay dito kundi lalong lalo na sa magiging kinabukasan ng susunod na henerasyon." Marahang tumango si Shakir bilang tugon. "May nakababata akong kapatid na lalaki at ina na kasama ngayon sa mga nahuli ng mga ravena," saad ni Ondayo dahilan upang matuong tuluyan ang atensyon dito ni Shakir. "Wala akong nagawa para iligtas sila nang araw na lusubin kami ng mga ravena. At ngayong may pagkakataon akong gawin iyon ay hindi ko na muling papalagpasin ito Shakir." "Mapaglinlang ang mga manananggal Shakir," pakli ni Ebraheem na ngayon ay nangisi nga at napailing. "Sinasabi ko na sa inyo, ang Ondayo na iyon ay kailanman hindi mapagkakatiwalaan." "Si Amadeo," ani Shakir dahilan upang matigilan ang tatlong amatista at kunutan siya ng noo. "Hindi niyo ba siya paghihinalaan gayong minsan na rin niya tayong niloko Afiya?" Natigilang husto si Ebraheem. "Sabagay, maaari ring si Amadeo ang taksil at nakipag-ugnayan sa mga ravena." "Ang sabi mo Ebraheem, mapaglinlang silang lahat hindi ba?" tanong ni Mahalia na siyang tinanguan ni Ebraheem. "Kung gayon, lahat sila ay dapat paghinalaan," patuloy ni Mahalia. "Kung lahat sila iimbestigahan natin ay aabutin tayo ng ilang araw o baka buwan sa paghahanap kung sino nga ang taksil," ani Afiya na siyang tinanguan ni Ebraheem at Shakir. "Kung kaya nilang makipaglaro sa atin, bakit hindi rin natin sila paglaruan?" tugon ni Mahalia na siyang kinunutan ng tatlo. "Anong ibig mong mangyari Mahalia?" tanong ni Ebraheem. "Dahil sa dami nilang suspect ay hahatiin muna natin sila sa grupo--" "Tapos?" pakli ni Ebraheem. "Papakainin natin sila ng pain tulad ng isang dagang gumagala at nagtatago sa kaniyang lungga sa oras na nandiyan na ang pusang huhuli sa kaniya."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD